Hindi Pa Huli ang Lahat Para Maging Kaibigan ng Diyos
Ayon sa salaysay ni Olavi J. Mattila
“Alam n’yo po ba na puwede kayong magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa Maylalang?” Pinag-isipan ko ang tanong na iyan nang itanong sa akin ng isang Saksi ni Jehova. Mahigit 80 anyos na ako noon at maraming kakilalang prominenteng tao, mga pinuno pa nga ng bansa. Pero sa edad kong iyon, posible pa ba talagang makilala ko ang Diyos at maging kaibigan niya?
ISINILANG ako sa Hyvinkää, Finland, noong Oktubre 1918. Bata pa lang ako, tumutulong na ako sa iba’t ibang gawain sa farm. Ang aming pamilya ay nag-aalaga ng mga baka, kabayo, manok, at gansa. Natuto akong magtrabaho nang husto at masiyahan sa nagagawa ko.
Noong kabataan pa ako, lagi akong sinasabihan ng mga magulang ko na magtapos sa pag-aaral. Kaya pagkatapos ng haiskul, umalis ako sa amin para mag-aral sa kolehiyo. Sumali rin ako sa mga isport at nakilala ko ang chairman ng Finnish Athletic Association, si Urho Kekkonen. Hindi ko sukat-akalain na si Mr. Kekkonen ay magiging prime minister ng Finland at sa kalaunan ay presidente ng bansa, mga posisyong hinawakan niya sa loob ng mga 30 taon. Hindi ko rin inaasahan na napakalaki pala ng magiging impluwensiya niya sa buhay ko.
Naging Tanyag at Makapangyarihan
Noong 1939, nagkaroon ng labanan sa pagitan ng Finland at Unyong Sobyet. Nobyembre ng taóng iyon nang tawagan ako para maglingkod sa hukbong sandatahan. Naging trainer muna ako sa army reserve at pagkatapos ay naging kumandante ng isang machine-gun platoon. Ipinadala kami sa labanan sa Karelia, isang rehiyon sa pagitan ng Finland at Unyong Sobyet. Noong tag-araw ng 1941, habang nakikipaglaban malapit sa bayan ng Vyborg, nasugatan ako nang malubha dahil sa tama ng shrapnel at dinala ako sa ospital ng militar. Dahil sa mga sugat ko, hindi na ako nakasama uli sa labanan.
Noong Setyembre 1944, pinayagan akong umalis sa hukbo. Bumalik ako sa kolehiyo at naging aktibo uli sa mga isport. Tatlong beses akong naging pambansang kampeon, dalawang beses bilang relay runner at isang beses bilang hurdle runner. Nakapagtapos din ako ng mga kurso sa technology at economics.
Samantala, si Urho Kekkonen ay naging isang mataas na opisyal ng gobyerno. Noong 1952, habang naglilingkod siya bilang prime minister, hinilingan niya ako na maging isang diplomat sa China. Nakilala ko roon ang ilang opisyal ng gobyerno, pati na si Mao Tse-tung, na lider noon ng China. Pero ang pinakaimportanteng tao na nakilala ko roon ay isang magandang dalaga, si Annikki, na nagtatrabaho para sa Ministry of Foreign Affairs ng Finland. Ikinasal kami noong Nobyembre 1956.
Nang sumunod na taon, inilipat ako sa embahada ng Finland sa Argentina. Doon isinilang ang aming kambal na anak na parehong lalaki. Noong Enero 1960, bumalik kami sa Finland. Di-nagtagal, isinilang naman ang pangatlo naming anak, isang babae.
Napabilang sa Pinakamatataas na Tao sa Gobyerno
Hindi ako kailanman naging miyembro ng isang partido. Gayunman, noong Nobyembre 1963, inanyayahan ako ni Presidente Kekkonen na maging kalihim ng foreign trade. Sa sumunod na 12 taon, anim na beses akong naging miyembro ng gabinete, dalawang beses bilang kalihim ng foreign affairs. Noong panahong iyon, talagang naniniwala ako na kayang lutasin ng tao ang mga problema sa daigdig. Pero di-nagtagal, nakita ko ang pagkauhaw ng mga tao sa kapangyarihan. Nasaksihan ko mismo ang masamang epekto ng pagsususpetsa at inggit.—Eclesiastes 8:9.
Siyempre pa, nakita ko rin na maraming tao ang taimtim na nagsisikap na pagandahin ang mga kalagayan sa daigdig. Pero sa bandang huli, kahit napakabuti ng intensiyon ng mga lider, hindi pa rin nila naaabot ang kanilang mga tunguhin.
Noong tag-araw ng 1975, ang mga pinuno ng 35 estado ay nagpunta sa Helsinki para daluhan ang Conference on Security and Cooperation in Europe. Ako noon ang minister ng foreign affairs at isang malapít na adviser ni Presidente Kekkonen. Ako ang inatasang mag-organisa ng komperensiya kaya nakilala ko ang lahat ng mataas na opisyal ng iba’t ibang bansa na dumalo.
Sa iilang araw na iyon, nasubok nang husto ang kakayahan ko sa diplomasya. Sa paggawa pa lang ng kaayusan kung saan pauupuin ang bawat miyembro, nahirapan na ako! Pero sa tingin ko, ang komperensiya, pati ang kasunod na mga miting, ay nakatulong sa ikasusulong ng karapatang pantao at para mas gumanda ang relasyon ng mga superpower na bansa.
Naging Palaisip sa Espirituwal na Pangangailangan
Noong 1983, nagretiro ako at lumipat sa France, kung saan nakatira ang anak kong babae. Pero nakalulungkot, noong Nobyembre 1994, si Annikki ay na-diagnose na may breast cancer. Noong taon ding iyon, nasangkot ako sa isang investment plan na isa palang pandaraya. Buong-buhay kong iningatan ang mabuti kong pangalan. Pero nadungisan ang reputasyon ko dahil sa isang pagkakamali.
Matagal ko nang kilala ang mga Saksi ni Jehova. Bagaman pinatutuloy ko sila at kumukuha ako ng kanilang mga magasin kapag dumadalaw sila, masyado akong abala at walang panahon sa espirituwal na mga bagay. Pero noong taóng 2000, inaalagaan ko na lang si Annikki, na nakikipaglaban pa rin sa cancer. Isang araw noong Setyembre 2002, isang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa amin. Itinanong niya ang tanong na nabanggit sa pasimula. Naisip ko: ‘Posible ba talagang malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos? Posible bang maging kaibigan niya?’ Inilabas ko ang Bibliya ko, na makapal na sa alikabok, at nagsimulang makipag-usap nang regular sa mga Saksi tungkol sa Bibliya.
Noong Hunyo 2004, namatay ang mahal kong asawa, at naiwan akong nag-iisa. Siyempre pa, inalalayan ako ng mga anak ko. Pero naiisip ko pa rin kung ano ang nangyayari kapag namatay tayo. Itinanong ko iyan sa dalawang paring Luterano. Ang sabi lang nila, “Mahihirap na tanong iyan.” Hindi ako kontento sa sagot nila. Mas lalo kong naisip ang aking espirituwal na pangangailangan.
Sa pakikipag-aral ko ng Bibliya sa mga Saksi, natutuhan ko ang tumpak na kaalaman na matagal ko nang hinahanap. Halimbawa, ipinaliliwanag sa Bibliya na ang patay ay walang malay, parang natutulog lang, at may pag-asang muling mabuhay sa lupa. (Juan 11:25) Nagbigay ito sa akin ng pag-asa at kaginhawahan.
Di-nagtagal, nabasa ko ang buong Bibliya. Ang isang talatang nagustuhan ko ay ang Mikas 6:8, na nagsasabi: “Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova kundi ang magsagawa ng katarungan at ibigin ang kabaitan at maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos?” Naantig ako sa karunungan at pagiging simple ng pananalitang ito. Ipinakikita rin nito na talagang maibigin at makatarungan ang Diyos na Jehova.
Isang Pag-asa Para sa Hinaharap
Habang natututo ako ng katotohanan tungkol sa Diyos, tumitibay ang pananampalataya at pagtitiwala ko sa kaniya. Nagiging tunay kong kaibigan ang aking Maylalang! Hangang-hanga ako sa sinabi niya sa Isaias 55:11: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.” Oo, laging tinutupad ng Diyos ang kaniyang mga pangako, at hindi magbabago iyan maging sa hinaharap. Pangyayarihin niya ang hindi magawa ng mga gobyerno ng tao at ng kanilang mga komperensiya. Halimbawa, sinasabi sa Awit 46:9: “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.”
Malaki ang naitulong sa akin ng pagdalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Nakita ko roon ang tunay na pag-ibig Kristiyano na siyang pagkakakilanlan ng mga tunay na tagasunod ni Jesus. (Juan 13:35) Nakahihigit ito sa nasyonalismo at wala nito sa daigdig ng pulitika at komersiyo.
Ang Pinakamahalagang Pribilehiyo
Mahigit 90 anyos na ako ngayon, at para sa akin, ang pinakamalaking pribilehiyong natamo ko ay ang maging isang Saksi ni Jehova. Nasapatan na ang aking espirituwal na pangangailangan. Natutuhan ko ang layunin ng buhay at ang katotohanan tungkol sa Diyos.
Natutuwa rin ako na kahit sa edad kong ito, nagagawa ko pa ring makibahagi sa mga Kristiyanong gawain. Bagaman marami na akong nakilalang makapangyarihang tao at nakahawak na ako ng mabibigat na responsibilidad, hindi ito maikukumpara sa pribilehiyong makilala ang Maylalang, ang Diyos na Jehova, at maging kaibigan niya. Kaylaki ng pasasalamat ko sa kaniya, at gusto ko siyang purihin dahil sa pagkakataong maging isa sa kaniyang “mga kamanggagawa.” (1 Corinto 3:9) Hindi pa huli ang lahat para maging kaibigan ng Maylalang, ang Diyos na Jehova!
[Larawan sa pahina 25]
Kasama si Presidente Kekkonen at si Presidente Ford ng Estados Unidos sa komperensiya sa Helsinki noong 1975
[Larawan sa pahina 25]
Kasama si Presidente Kekkonen at ang lider ng Sobyet na si Brezhnev
[Larawan sa pahina 26]
Regular akong nakikibahagi sa mga Kristiyanong gawain
[Picture Credit Lines sa pahina 25]
Lower left: Ensio Ilmonen/Lehtikuva; lower right: Esa Pyysalo/Lehtikuva