Mula sa Aming mga Mambabasa
Kung Bakit Ko Iniwan ang Kasikatan (Hunyo 2010) Maraming-maraming salamat sa artikulong ito! Ako’y 39 anyos at mag-isang nagpapalaki ng tatlong anak. Napakahirap makakita ng trabaho sa lugar na tinitirhan namin sa Russia. Pero nagkaideya ako nang mabasa ko ang kuwento ni Martha Teresa Márquez. Binanggit doon na para masuportahan ang kaniyang buong-panahong ministeryo, nagluluto si Martha ng tamales at saka niya inilalako sa kalsada. Ginaya ko siya. Gumawa ako ng maliliit na empanada na tinatawag sa Russia na piroshki. Nagklik ito! Ngayon, ito na ang hanapbuhay namin. Dahil dito, natututo ang mga anak ko ng praktikal na mga kasanayan at nagiging mas responsable rin sila.
G. M., Russia
Kung Paano Mapagtatagumpayan ang Pagkautal (Mayo 2010) Salamat sa pagbibigay ng tumpak na impormasyon tungkol sa pagkautal. Sinisikap naming ipaliwanag sa mga taong may ganitong problema na marami silang puwedeng gawin na makatutulong sa kanila.
Jane Fraser, presidente ng The Stuttering Foundation, Estados Unidos
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Ipaliliwanag ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Homoseksuwalidad? (Disyembre 2010) Sampung taon na akong kasal at may isang anak. Araw-araw kong pinaglalabanan ang aking “tinik sa laman”—ang homoseksuwal na pagnanasa. Nadarama ko pa rin ito kahit may asawa na ako. Lumung-lumo ako dahil parang hindi ko ito makontrol. Pero matapos mabasa ang artikulong ito, nabuhayan ako ng loob. Naaabot ko ang tunguhing huwag magpadala sa gayong pagnanasa.—2 Corinto 12:7.
Hindi ibinigay ang pangalan, Estados Unidos
Limang taon pa lang ako, nakadarama na ako ng homoseksuwal na pagnanasa. Nadarama ko pa rin ito ngayon kahit 61 anyos na ako. Gustung-gusto ko ang binanggit sa artikulo na kahit ang mga heteroseksuwal ay dapat tumakas mula sa pakikiapid at na “ang mga dalaga’t binata na maliit ang tsansang makapag-asawa at ang marami na ang asawa ay may kapansanan at hindi na puwedeng makipagtalik” ay puwede pa ring maging maligaya sa kabila ng gayong sitwasyon. Kaya posible pa ring maging malinis sa moral ang mga may tendensiyang maging homoseksuwal kung talagang gusto nilang paluguran ang Diyos. Salamat sa pagpapatibay sa amin na nasa ganitong kalagayan.
Hindi ibinigay ang pangalan, Estados Unidos