Apat na Mahahalagang Tanong Tungkol sa Social Networking
Ang social networking, gaya ng iba pang feature ng Internet, ay may mga panganib.a Dahil diyan, isaalang-alang ang sumusunod na mga tanong.
1 Ano ang Epekto ng Social Networking sa Privacy Ko?
“Dahil sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang, ngunit ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan.”—Kawikaan 10:19.
Ang dapat mong malaman. Kung hindi ka maingat, maraming makukuhang impormasyon mula sa iyong profile, mga picture, status update (maiikling message para sa lahat ng nasa ‘friends list’ mo), at comment (sagot mo sa mga message ng iba). Halimbawa, puwedeng malaman kung saan ka nakatira, kung kailan ka nasa bahay, at kung saan ka nagtatrabaho o nag-aaral. Kapag nabasa ng magnanakaw ang iyong adres at post gaya ng “Magbabakasyon kami bukas!,” alam na niya kung saan at kailan siya manloloob.
Ang ibang detalye—gaya ng iyong e-mail address, petsa ng kapanganakan, o numero ng telepono—ay puwedeng gamitin ng iba para mang-harass sa iyo, manakot, o magnakaw ng identity. Pero karaniwan lang na inilalagay ng mga tao ang gayong impormasyon sa kanilang page sa social network.
Hindi naiisip ng marami na kapag may ipinost sila sa Internet, posibleng mabasa iyon ng kahit sino. Kahit i-set nila sa “Friends Only” ang kanilang mga status update, hindi nila kontrolado ang gagawin ng mga kaibigang iyon sa impormasyon. Ang totoo, anumang naka-post sa social network ay dapat isipin na makikita ng publiko o madaling ikalat.
Ang puwede mong gawin. Maging pamilyar sa mga privacy setting ng iyong social network, at gamitin iyon. Ipa-access lamang ang iyong mga status update at picture sa mga taong kilala mo at pinagkakatiwalaan.
Gayunman, tandaan na ang ipinost mo ay puwede pa ring kumalat. Kaya regular na i-check ang iyong page, at pag-isipan kung mayroon kang nailagay na impormasyon na puwedeng magamit ng masasamang tao para matunton ka o nakawin ang identity mo. Kahit sa mga kaibigan mo, huwag mag-post ng impormasyon na magsasapanganib ng privacy mo o ng iba. (Kawikaan 11:13) Kung kompidensiyal ang impormasyong sasabihin mo, gumamit ng ibang paraan ng komunikasyon. “Ang pakikipag-usap sa telepono ay mas personal at mas may privacy,” ang sabi ng kabataang babae na si Cameron.
Tandaan. Ganito ang sinabi ni Kim: “Kung palagi kang maingat, puwede ka pa ring magkaroon ng privacy sa social network. Makakaiwas ka sa problema kung hindi mo iyon hahayaang mangyari.”
2 Ano ang Epekto ng Social Networking sa Panahon Ko?
‘Tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga.’—Filipos 1:10.
Ang dapat mong malaman. Maaaring maubos sa social networking ang oras mo at mapabayaan mo ang mas mahahalagang gawain. Ang sabi nga ni Kay, “kapag mas marami kang kaibigan sa list, mas marami kang oras na mauubos sa social networking at malamang na maadik ka na rito.” Pag-isipan ang komento ng ilan na nagsabing naadik sila rito.
“Mahirap mag-sign out sa isang social network, kahit hindi ka naman talaga nag-e-enjoy. Parang nakakaadik.”—Elise.
“Napakaraming puwedeng gawin—mga laro, test, music fan page—bukod pa sa pagtingin sa page ng mga kaibigan mo.”—Blaine.
“Para kang minamagnet, at wala kang kamalay-malay na naubos na ang oras mo hanggang sa dumating ang nanay mo at itanong kung bakit hindi pa nahuhugasan ang mga plato.”—Analise.
“Kung minsan habang nasa iskul pa, gustung-gusto ko nang umuwi ng bahay para tingnan kung sinu-sino ang sumagot sa mga post ko. Pagkatapos, sasagot naman ako sa kanila at titingnan ang lahat ng bagong picture nila. Umiinit din ang ulo ko habang online ako, at ayaw na ayaw kong naiistorbo. Y’ong ibang kakilala ko, halos laging online—kahit nasa ibang bahay sila kasama ng mga kaibigan at kahit dis-oras na ng gabi!”—Megan.
Ang puwede mong gawin. Napakahalaga ng panahon at hindi ito dapat aksayahin. Kaya bakit hindi mo ito badyetin gaya ng ginagawa mo sa iyong pera? Una, isulat kung ilang oras ang sa tingin mo ay makatuwirang gamitin sa social networking. Pagkatapos, imonitor ang iyong sarili sa loob ng isang buwan at tingnan kung nasusunod mo ang iyong ipinasiya. Kung kailangan, bawasan ang oras na ginugugol mo rito.
Kung isa kang magulang at napakaraming oras ang nauubos ng mga anak mong tin-edyer sa social networking, alamin kung ano talaga ang dahilan. Halimbawa, sa kaniyang aklat na Cyber-Safe Kids, Cyber-Savvy Teens, sinabi ni Nancy E. Willard na ang labis na paggamit ng social network ay maaaring kaugnay ng pagkabalisa, stress, at mababang pagtingin sa sarili. “Maraming tin-edyer ang labis na nababahala sa kanilang katayuan sa lipunan,” ang isinulat niya. “Kung sinusukat ng mga tin-edyer ang kanilang katayuan batay sa dami ng friends nila online at sa dalas ng pakikipag-ugnayan nila sa mga ito, puwede silang maadik sa social networking.”
Huwag hayaan ang social networking—o anumang aktibidad sa Internet—na makasira sa malapít na kaugnayan mo sa iyong pamilya. “Ang isang kakatwa sa Internet,” ang sabi ni Don Tapscott sa kaniyang aklat na Grown Up Digital, “nakakatulong ito para mas madaling magkaroon ng komunikasyon ang magkakapamilya kapag hindi sila magkakasama, pero maaari din silang paglayuin nito kapag magkakasama lang sa bahay.”
Tandaan. Ganito ang sinabi ng kabataang si Emily: “Sa tingin ko, tamang-tama ang social networking para lagi kang connected sa mga tao. Pero gaya ng iba pang bagay, dapat na alam mo kung kailan ka magsa-sign out.”
3 Ano ang Epekto ng Social Networking sa Reputasyon Ko?
“Ang mabuting pangalan ay higit na kanais-nais kaysa malaking kayamanan.”—Kawikaan 22:1, “Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.”
Ang dapat mong malaman. Ang inilalagay mo sa social network ay nagiging bahagi ng reputasyon mo na maaaring mahirap nang mabura. (Kawikaan 20:11; Mateo 7:17) Waring hindi naiisip ng marami ang posibleng panganib. “Kapag nagso-social network ang mga tao, parang hindi sila nakapag-iisip nang matino,” ang sabi ng kabataang si Raquel. “Nagsasabi sila ng mga bagay na hindi nila karaniwang sinasabi. Hindi naiisip ng ilan na isang post lang na hindi maganda, sira na ang reputasyon nila.”
Kapag nasira ang reputasyon mo sa isang social network, maaari itong magdulot ng pangmatagalang pinsala. Ang Grown Up Digital ay nagsabi: “Napakaraming kuwento tungkol sa mga gumagamit ng social network na tinanggal sa trabaho o hindi tinanggap sa trabaho dahil sa mga ipinost nila online.”
Ang puwede mong gawin. Tingnan ang page mo sa social network, at subukang tingnan iyon ayon sa pananaw ng iba. Tanungin ang sarili: ‘Ganito ba ang gusto kong maging tingin sa akin ng mga tao? Kung titingnan ng iba ang mga ipinost kong picture, ano kaya ang sasabihin nila tungkol sa akin? “Flirt”? “Sexy”? “Laman ng party”? Kung oo, ganiyan ba ang gusto kong maging impresyon sa akin kapag nag-aaplay ako ng trabaho, halimbawa, kung titingnan ng potensiyal na employer ang page ko? Ipinakikita ba ng mga picture na ito ang pamantayang moral na sinusunod ko?’
Kung isa kang kabataan, tanungin ang sarili: ‘Paano kung tingnan ng aking mga magulang, titser, o nirerespetong adulto ang page ko? Mahihiya ba ako sa makikita at mababasa nila?’
Tandaan. Pagdating sa reputasyon mo, alalahanin ang sinabi ni apostol Pablo: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”—Galacia 6:7.
4 Ano ang Epekto ng Social Networking sa Pakikipagkaibigan Ko?
“Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”—Kawikaan 13:20.
Ang dapat mong malaman. Ang mga kaibigan mo ay nakaiimpluwensiya sa iyong pag-iisip at pagkilos. (1 Corinto 15:33) Kaya makatuwiran lang na piliin kung sino ang magiging kaibigan mo sa isang social network. Tinatanggap ng ilan ang dose-dosena o daan-daan pa ngang ‘friend request’ ng mga hindi nila gaanong kilala—o hindi talaga nila kilala. Nadidiskubre ng iba na hindi lahat ng nasa ‘friends list’ nila ay mabuting kaibigan. Pag-isipan ang sinabi ng ilan.
“Kung ia-accept ng isa ang ‘friend request’ ng kahit sino, siguradong magkakaproblema siya.”—Analise.
“Marami akong kakilala na nag-a-add ng ‘friend’ na hindi talaga nila gusto. Ayaw daw kasi nilang sumamâ ang loob nito kung babale-walain nila ang request.”—Lianne.
“Para mo na ring aktuwal na kasama ang mga taong iyon. Kailangan mong mag-ingat sa pagpili ng kaibigan.”—Alexis.
Ang puwede mong gawin. Magkaroon ng ‘patakaran sa pakikipagkaibigan.’ Halimbawa, ang ilan ay nagtakda ng mga limitasyon pagdating sa pakikipagkaibigan:
“Y’ong kilala ko lang ang ina-accept kong ‘friend’—hindi lang y’ong parang pamilyar sa akin—kundi talagang kilala ko.”—Jean.
“Y’on lang matatagal ko nang kilala ang tinatanggap kong ‘friend.’ Hindi ko ina-add ang hindi ko kilala.”—Monique.
“Ina-add ko lang y’ong kilalang-kilala ko at alam kong kapareho ko ng prinsipyo.”—Rae.
“Kung makatanggap ako ng ‘friend request’ at hindi ko siya kilala, hindi ko iyon ina-accept. Ganoon lang kasimple. Lahat ng ‘friend’ ko ay kilala ko at dati ko nang mga kaibigan.”—Marie.
“Kung may ‘friend’ na nag-post ng mga picture o status update na hindi ko gusto, hindi ako nanghihinayang na i-delete siya. Kahit tinitingnan mo lang ang post nila, masamang impluwensiya na rin iyon.”—Kim.
“No’ng may account pa ako sa social network, napakaistrikto ng privacy setting ko. Y’ong nasa ‘friends list’ ko lang ang puwedeng makakita ng mga post o picture ko, at hindi na y’ong mga ‘friend’ nila. Hindi kasi ako nakakatiyak kung okey silang kaibigan. Hindi ko sila kilala—at hindi ko alam ang reputasyon nila.”—Heather.
Tandaan. Ganito ang isinulat ni Dr. Gwenn Schurgin O’Keeffe sa aklat niyang CyberSafe: “Ang pinakamagandang tuntunin ay tanggapin lang na ‘friend’ ang mga kilala mo na at dati mo nang mga kaibigan.”b
[Mga talababa]
a Hindi inirerekomenda ni kinokondena ng Gumising! ang alinmang social networking site. Dapat tiyakin ng mga Kristiyano na ang paggamit nila ng Internet ay hindi lumalabag sa mga simulain ng Bibliya.—1 Timoteo 1:5, 19.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa social networking, tingnan ang Gumising! ng Hulyo 2011, pahina 24-27, at Agosto 2011, pahina 10-13.
[Kahon sa pahina 8]
MAG-SIGN OUT!
Kung hindi ka magsa-sign out, posibleng may ibang mag-post sa page mo. Sinabi ng abogadong si Robert Wilson na iyan ay “parang pag-iiwan ng iyong pitaka o cellphone sa mesa sa isang pampublikong lugar. Kahit sino ay maaaring mag-post sa Wall mo.” Ang payo niya? “Tiyaking mag-sign out.”
[Kahon sa pahina 8]
NAGHAHANAP NG SAKIT NG ULO?
Ayon sa surbey ng Consumer Reports, marami sa mga gumagamit ng social network ang “hindi nag-iingat anupat puwede silang manakawan sa bahay, manakawan ng identity, at maging biktima ng pangha-harass. Ang 15 porsiyento ay nag-post ng kanilang kinaroroonan o mga planong bakasyon, 34 na porsiyento ang naglagay ng kumpletong petsa ng kapanganakan nila, at 21 porsiyento ng mga may kasamang bata sa bahay ang nag-post ng pangalan at picture ng mga batang iyon.”