Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 2/12 p. 26-28
  • Arabic—Kung Paano Ito Naging Wika ng mga Intelektuwal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Arabic—Kung Paano Ito Naging Wika ng mga Intelektuwal
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagkasama-sama ang Iba’t Ibang Kaalaman
  • Kontribusyon ng mga Arabe
  • Mga Bagong Sentro Para sa Pag-aaral
  • Siyensiya—Ang Patuloy na Paghahanap ng Tao sa Katotohanan
    Gumising!—1993
  • Sinaunang mga Iskolar sa Astronomiya
    Gumising!—2012
  • Sinaunang mga Eksperto sa Medisina
    Gumising!—2012
  • Moriskong Espanya—Isang Pambihirang Pamana
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—2012
g 2/12 p. 26-28

Arabic​—Kung Paano Ito Naging Wika ng mga Intelektuwal

SA LOOB ng maraming siglo, ang pangunahing wika ng mga intelektuwal ay Arabic. Pasimula noong ikawalong siglo C.E., isinalin at iwinasto ng mga Arabeng iskolar sa iba’t ibang lunsod sa Gitnang Silangan ang mga akda sa siyensiya at pilosopiya mula pa sa panahon nina Ptolemy at Aristotle. Sa gayon, naingatan at napagyaman nila ang mga akda ng sinaunang mga iskolar.

Nagkasama-sama ang Iba’t Ibang Kaalaman

Pagsapit ng ikapito at ikawalong siglo C.E., bumangon ang bagong mga pulitikal na kapangyarihan sa Gitnang Silangan​—ang dinastiyang Umayyad na sinundan ng dinastiyang Abbasid. Dahil naimpluwensiyahan ng Gresya at India ang kanilang mga sakop sa Arabia, Asia Minor, Ehipto, Palestina, Persia, at Iraq, ang mga bagong tagapamahala ay nagkaroon ng maraming mapagkukunan ng kaalaman. Ang mga Abbasid ay nagtatag ng bagong kabisera, ang Baghdad, kung saan nagkasama-sama ang iba’t ibang kaalaman. Doon, nakahalubilo ng mga Arabe ang mga Armeniano, Berber, Copt, Griego, Indian, Judio, Persiano, Turko, Tsino, at Sogdian, na nasa ibayo pa ng Oxus River, tinatawag ngayon na Amu Dar’ya, sa Gitnang Asia. Magkakasama nilang pinag-aralan at pinagdebatihan ang iba’t ibang larangan ng siyensiya anupat lumawak ang kanilang kaalaman.

Hinimok ng mga tagapamahalang Abbasid sa Baghdad ang likas na matatalino, anuman ang kanilang pinagmulan, na itaguyod ang intelektuwal na pagsulong ng imperyo. Sistematikong tinipon at isinalin sa Arabic ang libu-libong aklat tungkol sa iba’t ibang paksa, kabilang na rito ang alchemy, arithmetic, geometry, medisina, musika, pilosopiya, at pisika.

Si Caliph al-Manṣūr, na namahala mula 754 hanggang 775 C.E., ay nagpadala ng mga kinatawan sa korte ng Byzantium para kumuha ng mga akdang Griego tungkol sa matematika. Sinundan ni Caliph al-Ma’mūn (813-833 C.E.) ang kaniyang yapak sa gayo’y napaunlad ang pagsasalin sa Arabic mula sa wikang Griego, isang gawain na nagpatuloy sa loob ng mahigit dalawang siglo. Kaya sa dulo ng ikasampung siglo, naisalin sa Arabic ang halos lahat ng akdang Griego sa pilosopiya at siyensiya. Pero higit pa sa pagsasalin ang ginawa ng mga iskolar na Arabe. Sumulat din sila ng sarili nilang mga akda.

Kontribusyon ng mga Arabe

Napakahusay at napakabilis magsalin ng maraming tagapagsaling Arabe. Kaya naman ayon sa ilang istoryador, malamang na pamilyar ang mga tagapagsaling iyon sa paksang isinalin nila. Bukod diyan, ginamit ng maraming iskolar ang mga isinaling materyal bilang basehan ng sarili nilang pagsasaliksik.

Halimbawa, ang doktor at tagapagsaling si Ḥunayn ibn Isḥāq (808-873 C.E.), isang Kristiyanong nagsasalita ng Syriac, ay nakatulong nang malaki sa larangan ng optalmolohiya. Ang kaniyang akda, na may tumpak na dayagram ng anatomiya ng mata, ay naging saligang reperensiya sa optalmolohiya sa mga lupaing Arabe at sa Europa. Ang pilosopo at doktor na si Ibn Sīnā, kilala sa Kanluran bilang si Avicenna (980-1037 C.E.), ay sumulat ng maraming aklat tungkol iba’t ibang paksa gaya ng etika, lohika, medisina, at metapisika. Ang kaniyang malaking koleksiyon, ang Canon of Medicine, ay batay sa kaalaman sa medisina noon, kasama na ang mga ideya ng bantog na mga pilosopong Griego na sina Galen at Aristotle. Sa loob ng mga 400 taon, ginamit ang Canon bilang saligang aklat sa medisina.

Nagsagawa ang mga mananaliksik na Arabe ng pag-eeksperimento, na napakahalaga sa pagsulong ng siyensiya. Kaya naman muli nilang kinalkula ang sirkumperensiya ng lupa at itinama ang impormasyon hinggil sa heograpiya na nasa akda ni Ptolemy. “Kinuwestiyon nila maging ang kaalaman ni Aristotle,” ang sabi ng istoryador na si Paul Lunde.

Ang pagsulong sa kaalaman noon ay napakinabangan sa mga proyektong gaya ng pagtatayo ng mga imbakan ng tubig, paagusan, at waterwheel, na ang ilan ay makikita pa rin hanggang ngayon. Ang mga bagong akda sa agrikultura, botanika, at agronomiya ay nakatulong sa mga magsasaka sa pagpili ng pinakamabuting pananim para sa isang partikular na lugar, sa gayo’y naging mas masagana ang ani.

Noong 805 C.E., si Caliph Hārūn ar-Rashīd ay nagtayo ng isang ospital, ang kauna-unahan sa kaniyang napakalawak na imperyo. Di-nagtagal, nagkaroon na rin nito ang bawat pangunahing lunsod na sakop niya.

Mga Bagong Sentro Para sa Pag-aaral

Ang ilang lunsod sa mga lupaing Arabe ay may mga aklatan at mga sentro kung saan ang isa’y maaaring magpakadalubhasa sa isang partikular na larangan. Sa Baghdad, itinatag ni Caliph al-Ma’mūn ang isang institusyon sa pagsasalin at pananaliksik na tinawag na Bait al-Hikma, na nangangahulugang “Bahay ng Karunungan.” Ang ilan sa mga kawani roon ay mga suwelduhang iskolar. Sinasabing ang pangunahing aklatan sa Cairo ay may mahigit sa isang milyong aklat. Sa Córdoba naman, na kabisera ng dinastiyang Umayyad sa Espanya, ay may 70 aklatan na dinarayo ng mga iskolar at estudyante mula sa iba’t ibang lupaing Arabe. Sa loob ng mahigit dalawang siglo, ang Córdoba ay isang pangunahing sentro ng kaalaman.

Sa Persia, ang kaalaman ng mga Griego sa matematika ay humalo sa kaalaman ng India, kung saan nadebelop ng mga matematiko ang sistema ng paggamit ng numerong zero at ang positional notation. Sa sistemang ito ng pagsulat ng mga numero, ang value ng bawat numero ay depende sa posisyon nito at sa puwesto ng simbolo para sa zero. Halimbawa, ang numerong isa ay maaaring mangahulugang isa, sampu, sandaan, at iba pa. Isinulat ni Lunde na dahil sa sistemang ito, “naging simple ang pagkukuwenta at nadebelop ang algebra.” Malaki rin ang naging kontribusyon ng mga Arabeng iskolar sa geometry, trigonometry, at nabigasyon.

Ang malaking pagsulong sa siyensiya at matematika sa mga lupaing Arabe ay kabaligtaran ng sitwasyon sa ibang dako. May pagsulong din sa kaalaman sa Europa noong Edad Medya, pangunahin na sa mga monasteryo, para ingatan ang akda ng mga sinaunang iskolar. Pero kakaunti lang ang nagawa nila kumpara sa mga Arabe. Gayunman, noong ikasampung siglo, nagbago ang sitwasyon nang makarating sa Kanluran ang mga salin ng mga akdang Arabe. Nang maglaon, dumagsa na ito at umakay sa muling pagsigla ng siyensiya sa Europa.

Oo, ipinakikita ng kasaysayan na hindi lang isang bansa o lahi ang nasa likod ng kasalukuyang pagsulong sa siyensiya at iba pang mga larangan. Malaki ang utang na loob ng mas mauunlad na kultura ngayon sa mga kultura noon na sumuporta sa pananaliksik, kumuwestiyon sa kaalaman ng naunang mga iskolar, at nagpasigla sa mga intelektuwal.

[Mapa sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

◼Sakop ng mga Umayyad

◻Sakop ng mga Abbasid

ESPANYA

Córdoba

BYZANTIUM

Rome

Constantinople

Oxus River

PERSIA

Baghdad

Jerusalem

Cairo

ARABIA

[Larawan sa pahina 27]

Dayagram ng mata na ginawa ni Ḥunayn ibn Isḥāq

[Larawan sa pahina 27]

Isang pahina ng “Canon of Medicine” ni Avicenna

[Larawan sa pahina 28]

Mga Arabeng iskolar sa isang aklatan sa Basra, noong 1237 C.E.

[Credit Line]

© Scala/​White Images/​Art Resource, NY

[Picture Credit Lines sa pahina 27]

Eye diagram: © SSPL/​Science Museum/​Art Resource, NY; Canon of Medicine: © The Art Gallery Collection/​Alamy

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share