Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 3/12 p. 21-23
  • Gusto Mo ba ng Fungus?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Gusto Mo ba ng Fungus?
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pag-aalaga ng Mushroom
  • Masarap at Naihahain sa Iba’t Ibang Paraan
  • Manguha Tayo ng Kabute!
    Gumising!—2005
  • Mga Batik na Pula sa Niyebe—Malibang Ito’y Maagang Tagsibol
    Gumising!—1993
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1994
  • Natutuhan Ko ang Katotohanan ng Bibliya sa Romania
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
Iba Pa
Gumising!—2012
g 3/12 p. 21-23

Gusto Mo ba ng Fungus?

SA SINAUNANG Ehipto, gustung-gusto ng mga Paraon ang mushroom at para lang ito sa pamilya ng hari. Tinawag naman ito ng mga Romano na pagkain ng mga diyos at inihahain lang nila ito sa espesyal na mga okasyon. Ang mga Griego noon ay may mga piging kung saan mushroom ang pangunahing inihahain at naniniwala rin sila na nagbibigay ito ng lakas sa kanilang mga mandirigma.

Sa ngayon, ang mushroom ay hindi lang para sa mga pilíng tao. Kumakain nito ang maraming tao sa buong mundo! Kumakain ka rin ba ng mushroom? Kung gusto mo ito, alam mo ba kung ano ang kinakain mo? Ito ba ay hayop, gulay, o iba pa? Paano ito pinatutubo? Masustansiya ba ito? At kapag nakakita ka ng ligáw na mushroom, ano ang dapat mong gawin?

Para masagot iyan, kaming mag-asawa ay nagbiyahe mula sa Sydney, Australia, patungong Mittagong, isang napakagandang bayan sa bulubunduking lugar sa timog ng New South Wales. Ang pinuntahan namin? Ang taniman ng mushroom ni Noel Arrold.

Pag-aalaga ng Mushroom

Si Noel, isang matipunong Australiano, ay isang microbiologist at eksperto sa mushroom. Nag-aral siya sa iba’t ibang bansa tungkol sa pag-aalaga ng mushroom saka siya bumalik sa Australia para mag-alaga ng mushroom na ibebenta. “Ang mga mushroom ay mga fungus, isang pamilya ng mga organismo na kinabibilangan ng amag,” ang paliwanag niya. “Ang alam noon ng mga biyologo, ang mga fungus ay halaman, pero alam na natin ngayon na ibang-iba ito sa halaman.

“Halimbawa, hindi kailangan ng fungus ang potosintesis, na karaniwan sa mga halaman. Puwede itong tumubo sa dilim. Naglalabas ito ng matatapang na enzyme na tumutunaw sa mga organikong bagay para maging mahahalagang nutriyente, na nagsisilbing pagkain nito. Ang naiibang prosesong ito ay isang dahilan kung bakit hindi rin maituturing na hayop ang fungus. Dahil hindi ito halaman o hayop, iginawa sila ng mga biyologo ng sariling klasipikasyon​—ang fungi kingdom.”

“Ang mga mushroom na ligáw na magugulang na ay naglalabas ng milyun-milyong maliliit na espora na humahalo sa espora ng ibang mushroom at nagiging pertilisado,” ang sabi ni Noel. “Kapag ang . . . mga espora ay napunta sa malamig at mahalumigmig na lugar na punô ng organikong bagay, nagiging mushroom ang mga ito. Ginagaya ng mga nag-aalaga ng mushroom ang prosesong ito sa artipisyal na kalagayan para mas maganda at marami ang ani.”

Sinabi pa ni Noel na hindi pare-pareho ang pag-aalaga sa iba’t ibang uri ng mushroom. Halimbawa, ang puting mushroom, o button mushroom, na pinakapopular na uri sa buong daigdig, ay hiyang sa pastyurisadong pataba. Ang ibang uri naman ay tumutubo sa mga troso, boteng may binutil, tablang gawa sa siniksik na kusot, o sako na punô ng nabubulok na halaman. Sa libu-libong kilalang uri ng mushroom, mga 60 lang ang inaalagaan para ibenta.

Inaalagaan ni Noel ang kaniyang mga mushroom sa isang abandonadong tunel ng tren malapit sa Mittagong. “Tamang-tamang magparami ng mushroom dito dahil malamig at mahalumigmig ang lugar na ito,” ang sabi niya. Nakakita kami ng mga hilera ng supot, pasô, at bote kung saan pinatutubo ang libu-libong mushroom na may iba’t ibang hugis at laki. Ang ilan ay kamukha ng nakabukang rosas; ang iba’y parang mga calla lily o tila mga pumpon ng bulaklak o kaya’y maiiksi at matatabang payong. Tuwang-tuwa kaming pagmasdan ang makukulay na mushroom na iyon!

Masarap at Naihahain sa Iba’t Ibang Paraan

“Natutuwa ang marami sa kakaibang hitsura ng mga mushroom pero hindi nila alam kung paano ito ihahanda bilang pagkain,” ang sabi ni Noel. “Ang totoo, madali lang itong iluto. Ginagayat ito ng ilan at bahagyang iginigisa, ginagamit sa sopas at salad, o iniihaw nang buo. Gustung-gusto ko ang oyster mushroom na pinagulong sa breadcrumbs at pinirito. Ang shiitake mushroom ay malinamnam na parang karne at masarap sa omelet.”

Ang mga nakakaing mushroom ay masustansiya at sagana sa fiber, protina, mineral, at bitamina. Mga 2,000 uri nito ang sinasabing nakapagpapagaling ng sakit. Ayon sa isang pagsusuri, ang katas ng mushroom ay may mahigit 100 gamit sa medisina anupat sinasabing panlaban sa kanser, hepatitis, AIDS, Alzheimer’s disease, mataas na kolesterol, at iba pa.

Pero napakadelikadong manguha ng mushroom na ligáw. Halimbawa, ang death cap mushroom (Amanita phalloides) ay kahawig ng ilang nakakaing mushroom pero nakalalason. Kaya tandaan: Huwag na huwag kakain ng mushroom na ligáw malibang sabihin ng isang eksperto sa mushroom na puwede itong kainin! Siyempre pa, ang mga mushroom na ibinebenta ay ligtas kainin. Sa katunayan, ang mga ito ay masarap at noo’y para lang sa mga maharlika!

[Kahon sa pahina 22]

MGA MUSHROOM NA LIGÁW

Ang mga mushroom na ligáw ay karaniwan nang tumutubo sa malamig, mahalumigmig, at madilim na kagubatan, anupat ang mga patay na puno, halaman, at dumi ng hayop ay nagagawa nilang pataba sa lupa. Ang ilan ay may simbiyotikong ugnayan sa mga puno. Ang mga mushroom na ito ay kumukuha ng sustansiya sa mga organikong elemento sa ugat ng mga puno, at ang mga puno naman ay tumatanggap ng nutriyenteng ina-absorb ng mga mushroom.

[Kahon sa pahina 23]

MGA TIP TUNGKOL SA MUSHROOM

• Ilagay ang sariwang mushroom sa isang supot na papel o tela, saka ipasok sa refrigerator. Huwag itong itabi sa mga bagay na matapang ang amoy dahil nakaka-absorb ito ng gayong amoy.

• Kung kakain ka ng mushroom na hindi luto, puwede itong punasan lang o kaya’y banlawan sandali at punasan. Huwag ibabad sa tubig.

• Kung iluluto ang mushroom, gumamit ng malambot na brush para alisin ang anumang dumi.

• Huwag tatalupan ang mushroom​—masarap at masustansiya ang pinakabalat nito!

[Larawan sa pahina 21]

Pinatutubo ang mga mushroom sa isang lugar na kontrolado ang temperatura

[Larawan sa pahina 22]

May mga mushroom na kahawig ng magagandang bulaklak

[Larawan sa pahina 23]

Inihaw na mushroom na may hummus (paste na garbansos), dahon ng spinach, bawang, at ginayat na dahon ng murang sibuyas

[Picture Credit Line sa pahina 21]

Courtesy of the Mushroom Information Center

[Picture Credit Lines sa pahina 23]

Top: Courtesy of the Mushroom Information Center; bottom: Courtesy of the Australian Mushroom Growers Association

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share