Natutuhan Ko ang Katotohanan ng Bibliya sa Romania
AYON SA PAGKALAHAD NI GOLDIE ROMOCEAN
Noong 1970, dumalaw ako sa mga kamag-anak sa Romania sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng halos 50 taon. Ang mga tao ay namumuhay sa ilalim ng mapaniil na Komunistang rehimen, at palagi akong pinaaalalahanan na mag-ingat sa aking pagsasalita. Pagkatapos, habang nakatayo ako sa tanggapan ng pamahalaan sa aming sinilangang nayon, hinimok ako ng opisyal na lisanin agad ang bansa. Bago ko ipaliwanag kung bakit, hayaan ninyong ikuwento ko kung paano ko natutuhan ang katotohanan ng Bibliya sa Romania.
ISINILANG ako noong Marso 3, 1903, sa nayon ng Ortelec sa hilagang-kanluran ng Romania malapit sa bayan ng Zalău. Nakatira kami sa magandang kapaligiran. Malinis ang tubig at ang hangin. Sa amin nanggagaling ang aming pagkain at hindi kami nagkukulang sa materyal. Sa mga taon ng aking kabataan, ang bansa ay payapa.
Napakarelihiyoso ng mga tao. Sa katunayan, ang aming pamilya ay kabilang sa tatlong iba’t ibang relihiyon. Ang isa sa aking mga lola ay Ortodoksong Katoliko, ang isa naman ay Adventista, at mga Baptist naman ang aking mga magulang. Dahil sa hindi ako sang-ayon sa alinman sa kanilang relihiyon, sinabi ng aking pamilya na magiging ateista ako. ‘Kung may isang Diyos,’ ang katuwiran ko, ‘dapat ay may isa lamang relihiyon—hindi tatlo sa iisang pamilya.’
Nakabalisa sa akin ang mga nakita ko sa relihiyon. Halimbawa, dumadalaw ang pari sa mga tahanan upang mangulekta ng mga buwis sa simbahan. Kapag walang perang maibibigay ang mga tao, kinukuha na lamang niya ang kanilang pinakamaiinam na lanang kumot. Sa simbahang Katoliko, nakita kong lumuluhod si lola upang manalangin sa harap ng larawan ni Maria. ‘Bakit mananalangin sa isang larawan?’ ang katuwiran ko.
Maligalig na Panahon
Nagtungo si Itay sa Estados Unidos noong 1912 upang mag-ipon ng salapi na ipambabayad sa utang. Di-nagtagal pagkatapos ay sumiklab ang digmaan, at ang mga lalaki sa aming nayon ay nagsiyaon upang makipagbaka—tanging mga babae, bata, at matatandang lalaki ang natira. Ang aming nayon ay pansamantalang napasailalim sa pamamahalang Hungaryo, subalit pagkatapos ay bumalik ang mga sundalong Romaniano at binawi ang nayon. Inutusan nila kami na lumisan kaagad. Subalit, dahil sa pagmamadali at kalituhan sa pagsasakay ng mga dala-dalahan at mga bata sa kariton, ako ay naiwan. Alam ninyo, ako ang pinakamatanda sa limang anak.
Tumakbo ako papunta sa isang kapitbahay, isang matanda nang lalaki na nagpaiwan, at sinabi niya: “Umuwi ka. Itrangka mo ang mga pintuan, at huwag mong papasukin ang sinuman.” Mabilis akong sumunod. Matapos kong kainin ang sopas na manok at repolyong may palaman na naiwan sa pagmamadali sa paglisan, lumuhod ako sa tabi ng aking kama at nanalangin. Di-nagtagal at nakatulog ako.
Nang idilat ko ang aking mga mata, umaga na, at sinabi ko: “O, salamat po, Diyos! Ako’y buhay!” Ang mga dingding ay puno ng mga butas ng bala, yamang magdamag na nagkabarilan. Nang mapansin ni Inay na hindi ako nakasama sa kanila sa kasunod na nayon, sinugo niya ang kabataang si George Romocean, na nasumpungan naman ako at inihatid ako pabalik. Di-nagtagal bago kami nakabalik sa aming sinilangang nayon at muling manirahan doon.
Ang Paghahangad Ko ng Katotohanan sa Bibliya
Nais ng aking ina na mabautismuhan ako bilang isang Baptist, subalit hindi ko gustong gawin iyon dahil hindi ako makapaniwala na ang isang maibiging Diyos ay walang-katapusang magsusunog ng mga tao sa impiyerno. Sa pagsisikap na magpaliwanag, sinabi ni Inay: “Buweno, kung sila’y masama.” Subalit sumagot ako: “Kung sila’y masama, lipulin sila, pero huwag silang pahirapan. Ni ang aso o pusa ay hindi ko pahihirapan.”
Natatandaan ko na sa isang maaliwalas na araw ng tagsibol, nang ako ay 14 na taóng gulang, inutusan ako ni Inay na magpastol ng mga baka. Habang nakahiga ako sa damuhan na nasa tabi ng ilog, na may kagubatan sa bandang likuran, tumingin ako sa langit at nagsabi: “Diyos ko, alam ko na nariyan kayo; ngunit hindi ko gusto ang alinman sa mga relihiyong ito. Tiyak na ikaw ay may isa na mabuti.”
Talagang naniniwala ako na dininig ng Diyos ang aking panalangin sapagkat nang mismong tag-araw na iyon ng 1917, dalawang Estudyante ng Bibliya (gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova) ang dumating sa aming nayon. Sila ay mga colporteur, o mga buong-panahong ministro, at nakarating sila sa simbahan ng Baptist samantalang ginaganap ang isang serbisyo.
Lumaganap ang Katotohanan ng Bibliya sa Romania
Mga ilang taon bago nito, noong 1911, sina Carol Szabo at Josif Kiss, na naging mga Estudyante ng Bibliya sa Estados Unidos, ay umuwi sa Romania upang ipakilala doon ang katotohanan sa Bibliya. Nanirahan sila sa Tîrgu-Mureş, wala pang sandaan at animnapung kilometro sa gawing timog-silangan ng aming nayon. Sa loob ng ilang taon, daan-daang tao sa literal ang tumugon sa mensahe ng Kaharian at nagtaguyod sa ministeryong Kristiyano.—Mateo 24:14.
Buweno, nang makarating ang dalawang kabataang Estudyante ng Bibliya sa simbahan ng Baptist sa aming nayon ng Ortelec, si George Romocean, bagaman 18 taóng gulang lamang, ang nangangasiwa sa serbisyo at nagsisikap na maipaliwanag ang kahulugan ng Roma 12:1. Sa wakas, isa sa mga kabataang colporteur ang tumayo at nagsabi: “Mga kapatid, mga kaibigan, ano ang nais sabihin sa atin dito ni apostol Pablo?”
Nang marinig ko iyon, sabik na sabik ako! Naisip ko, ‘Tiyak na alam ng mga lalaking ito kung paano ipaliliwanag ang Bibliya.’ Subalit karamihan sa mga naroroon ay sumigaw: “Mga bulaang propeta! Alam namin kung sino kayo!” Isang malaking kaguluhan ang sumunod. Subalit nang magkagayon ay tumayo ang ama ni George at nagsabi: “Magsitigil kayong lahat! Anong uring espiritu ito—ang uri na nanggagaling sa isang bote? Kung may sasabihin sa atin ang mga lalaking ito at ayaw ninyong makinig, inaanyayahan ko sila sa aming tahanan. Sinumang nagnanais sumama ay malugod na tinatanggap.”
Masayang-masaya, tumakbo akong pauwi at ikinuwento kay Inay ang nangyari. Isa ako sa mga tumanggap ng paanyaya sa tahanan ng mga Romocean. Tuwang-tuwa ako nang gabing iyon na malaman buhat sa Bibliya na walang maapoy na impiyerno at makita sa aking sariling Bibliyang Romaniano ang pangalan ng Diyos, ang Jehova! Isinaayos ng mga colporteur na isang Estudyante ng Bibliya ang dadalaw sa tahanan ng mga Romocean tuwing Linggo upang magturo sa amin. Nang sumunod na tag-araw, sa edad na 15, nabautismuhan ako bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova.
Nang maglaon, halos ang buong pamilyang Prodan at ang pamilyang Romocean ay tumanggap ng katotohanan sa Bibliya at nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova. Marami rin sa aming nayon ang gumawa ng gayon, kasali na ang kabataang mag-asawa na ang tahanan ay dating nagsilbi bilang simbahan ng Baptist. Pagkaraan ay binago nila ito upang maging isang dakong pulungan ng mga Estudyante ng Bibliya para sa pag-aaral. Mabilis na lumaganap ang maka-Kasulatang katotohanan sa karatig na mga nayon, at pagsapit ng 1920 ay mayroon nang mga 1,800 mamamahayag ng Kaharian sa Romania!
Pagtungo sa Estados Unidos
Sabik kami na ibahagi ang aming natutuhan sa aming ama, si Peter Prodan. Subalit, ang nakapagtataka, bago pa kami makasulat, nakatanggap kami ng liham buhat sa kaniya na nagsasabi sa amin na siya ay naging bautisadong lingkod ni Jehova. Nakipag-aral siya sa mga Estudyante ng Bibliya sa Akron, Ohio, at nais niyang makasama kaming lahat sa Estados Unidos. Subalit si Inay ay tumangging lumisan sa Romania. Kaya, noong 1921, ginagamit ang pera na ipinadala sa akin ni Itay, sinamahan ko siya sa Akron. Isang taon bago nito ay nandayuhan na sa Estados Unidos si George Romocean at ang kaniyang kapatid na lalaki.
Nang dumating ako na lulan ng barko sa Ellis Island, New York, hindi alam ng opisyal sa imigrasyon kung paano isasalin sa Ingles ang aking pangalan, na Aurelia, kaya sinabi niya: “Ikaw si Goldie.” Iyon na ang naging pangalan ko sapol noon. Di-nagtagal pagkatapos noon, noong Mayo 1, 1921, nagpakasal kami ni George Romocean. Pagkaraan ng mga isang taon, umuwi si Itay sa Romania at noong 1925 ay dinala niya pabalik sa Akron ang aking nakababatang kapatid, si Mary. Pagkatapos ay bumalik si Itay sa Romania upang makapiling si Inay at ang iba pa sa pamilya.
Ang Ministeryo Namin Noon sa Estados Unidos
Si George ay napakatapat, debotong lingkod ni Jehova. Sa pagitan ng 1922 at 1932, pinagpala kami ng apat na magagandang anak—sina Esther, Anne, Goldie Elizabeth, at Irene. Itinatag ang isang Romanianong kongregasyon sa Akron, at sa pasimula ay ginanap ang mga pulong sa aming tahanan. Nang dakong huli, ang isang kinatawan buhat sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Estudyante ng Bibliya sa Brooklyn, New York, ay dumadalaw sa aming kongregasyon at nakikisama sa amin tuwing ikaanim na buwan.
Maraming Linggo ang iniukol namin nang buong araw sa gawaing pangangaral. Kinakargahan namin ang aming mga bag na lalagyan ng aklat at nagbabalot ng tanghalian, isinasakay ang mga bata sa aming Model T Ford, at ginugugol ang araw sa pangangaral sa teritoryo sa lalawigan. Pagkatapos sa gabi, dumadalo kami sa Pag-aaral sa Bantayan. Natutuhang mahalin ng aming mga anak ang gawaing pangangaral. Noong 1931, naroon ako sa Columbus, Ohio, nang tanggapin ng mga Estudyante ng Bibliya ang kanilang pagkakakilanlang pangalan na mga Saksi ni Jehova.
Pagtutuwid na Kailangan Ko
Makalipas ang ilang taon, nagalit ako kay Joseph F. Rutherford, ang presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society. Nadama ng isang bagong Saksi na si Brother Rutherford ay hindi makatuwirang nakitungo sa kaniya, anupat hindi siya lubusang pinakinggan. Para sa akin ay mali si Brother Rutherford. Buweno, isang Linggo ay dumalaw sa amin ang aking kapatid na si Mary kasama ang kaniyang asawa, si Dan Pestrui. Pagkatapos ng hapunan ay sinabi ni Dan: “Maghanda na tayo sa pagdalo sa pulong.”
“Hindi na kami dumadalo sa mga pulong,” ang sabi ko. “Galit kami kay Brother Rutherford.”
Pinagdaop ni Dan ang kaniyang mga kamay sa likod niya at naglakad ng paroo’t parito, at pagkatapos ay sinabi niya: “Kilala mo na ba si Brother Rutherford nang mabautismuhan ka?”
“Siyempre hindi pa,” ang sagot ko. “Alam mong nabautismuhan ako sa Romania.”
“Bakit ka nagpabautismo?” ang tanong niya.
“Dahil nalaman ko na si Jehova ang tunay na Diyos, at gusto kong ialay ang aking buhay upang paglingkuran siya,” ang tugon ko.
“Huwag mong kalimutan iyan!” ang sagot niya. “Paano kung ang katotohanan ay iniwan ni Brother Rutherford, iiwan mo rin ba ito?”
“Hindi, hindi kailanman!” ang sabi ko. Doon ko napag-isip-isip ang lahat, at sinabi ko: “Magsihanda na ang lahat para sa pulong.” At hindi na kami pumalya mula noon. Laking pasalamat ko kay Jehova dahil sa maibiging pagtutuwid ng aking bayaw!
Pagharap sa Panahon ng Depression
Sa panahon ng Depression noong dekada ng 1930, mahirap ang buhay. Isang araw si George ay nanlulumong umuwi galing sa trabaho, anupat sinabi sa akin na siya ay tinanggal sa kaniyang trabaho sa pagawaan ng goma. “Huwag kang mag-alala,” ang sabi ko, “tayo ay may mayamang Ama sa langit, at hindi niya tayo pababayaan.”
Nang araw ding iyon ay nakita ni George ang isang kaibigan na may dala-dalang malaking basket ng kabute. Nang malaman ni George kung saan pinitas ang mga ito ng kaniyang kaibigan, umuwi siya na dala-dala ang isang panega ng kabute. Pagkatapos ay ibinili niya ng maliliit na basket ang aming natitirang tatlong dolyar. “Bakit ginawa mo iyon,” ang tanong ko, “samantalang tayo ay may maliliit na anak na nangangailangan ng gatas?”
“Huwag kang mag-alala,” ang sagot niya, “basta gawin mo ang sinasabi ko.” Sa sumunod na ilang sanlinggo, nagkaroon kami ng maliit na pabrika sa aming bahay, anupat naglilinis at nag-iimpake ng mga kabute. Ibinenta namin ang mga ito sa mas maiinam na mga restawran at nag-uwi ng mga 30 hanggang 40 dolyar sa isang araw, isang malaking pera para sa amin noon. Ang magsasaka na nagpahintulot sa amin na mag-ani ng kabute sa kaniyang damuhan ay nagsabi na naroon na siya nang mahigit sa 25 taon at hindi pa kailanman nakakita nang gayong karaming kabute. Di-nagtagal at muling tinawag si George sa pagawaan ng goma.
Pagpapanatili ng Aming Pananampalataya
Lumipat kami sa Los Angeles, California, noong 1943, at pagkaraan ng apat na taon ay nanirahan kami sa Elsinore. Nagbukas kami roon ng groseri, at naghali-halili ang aming pamilya sa pagtatrabaho rito. Nang panahong iyon, ang Elsinore ay isa lamang maliit na bayan na may mga 2,000 mamamayan at kailangang maglakbay kami ng 30 kilometro patungo sa isa pang bayan para sa aming mga pulong Kristiyano. Tuwang-tuwa ako na makitang naitatag ang isang maliit na kongregasyon sa Elsinore noong 1950! Ngayon ay may 13 kongregasyon sa lugar ding iyon.
Noong 1950 ang aming anak na si Goldie Elizabeth (na ngayo’y kilala ng marami bilang Beth) ay nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead sa South Lansing, New York, at inatasan sa Venezuela bilang isang misyonera. Noong 1955 ang aming bunsong anak, si Irene, ay natuwa na ang kaniyang asawa ay inanyayahang maglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa gawaing pansirkito. Pagkatapos noong 1961, pagkatapos dumalo sa Kingdom Ministry School sa South Lansing, New York, sila’y ipinadala sa Thailand. Kung minsan ay labis akong nangungulila sa aking mga anak anupat umiiyak ako, subalit pagkatapos ay naiisip ko, ‘Iyon ang gusto kong gawin nila.’ Kaya kinukuha ko ang aking bag na lalagyan ng aklat at humahayo sa gawaing pangangaral. Palagi akong umuuwi na masaya.
Noong 1966 ay inatake ang aking mahal na asawa, si George. Si Beth, na umuwi galing ng Venezuela dahil nagkasakit, ay tumulong sa pag-aalaga sa kaniya. Namatay si George nang sumunod na taon, at ako’y naaliw sa bagay na siya’y nakapanatiling tapat kay Jehova at natanggap ang kaniyang makalangit na gantimpala. Pagkatapos nito ay nagtungo si Beth sa Espanya upang maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan sa mga mangangaral. Ang panganay namin, si Esther, ay nagkasakit ng kanser at namatay noong 1977, at noong 1984, namatay si Anne dahil sa lukemya. Bawat isa ay naging tapat na lingkod ni Jehova sa buong buhay nila.
Nang mamatay si Anne, nakauwi na sina Beth at Irene mula sa kanilang atas na pangangaralang banyagang lupain. Tumulong sila sa pag-aalaga sa kanilang mga kapatid, at lahat kami ay labis na nagdalamhati. Paglipas ng panahon ay sinabi ko sa aking mga anak: “O siya, tama na! Inaliw natin ang iba taglay ang mahahalagang pangako sa Bibliya. Ngayon ay kailangang hayaan nating maaliw ang ating sarili. Gusto ni Satanas na nakawan tayo ng ating kagalakan sa paglilingkod kay Jehova, subalit hindi natin siya mapahihintulutan.”
Ang Aming Tapat na Pamilya sa Romania
Kami ng aking kapatid na si Mary ay gumawa ng gayong di-malilimutang paglalakbay upang madalaw ang aming pamilya sa Romania noong 1970. Patay na ang isa naming kapatid na babae, subalit nagawa naming madalaw ang aming kapatid na lalaking si John at ang aming kapatid na babaing si Lodovica, na naninirahan pa rin sa nayon ng Ortelec. Nang dumalaw kami, patay na sina Itay at Inay, anupat nakapanatiling tapat kay Jehova. Marami ang nagsabi sa amin na naging haligi ng kongregasyon si Itay. Maging ang kaniyang mga apo sa tuhod sa Romania ay mga Saksi na ngayon. Dinalaw din namin ang maraming kamag-anak ng aking asawa na nanindigang matatag sa katotohanan sa Bibliya.
Noong 1970, ang Romania ay nasa ilalim ng malupit na Komunistang rehimen ni Nicolae Ceauşescu, at ang mga Saksi ni Jehova ay labis na pinag-uusig. Si Flore, ang anak na lalaki ng aking kapatid na si John, gayundin ang iba ko pang kamag-anak, ay gumugol nang maraming taon sa mga kampong piitan dahil sa kanilang Kristiyanong pananampalataya, at gayundin si Gábor Romocean, ang pinsang-buo ng aking asawa. Hindi nga nakapagtataka na nang kami’y pagkatiwalaang magdala ng liham sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York, sinabi ng aming mga kapatid na Romaniano na sila’y hindi matatahimik hangga’t hindi nila nababalitaan na kami’y ligtas na nakalabas sa bansa!
Nang matanto namin na pasó na ang mga visa namin, nagtungo kami sa tanggapan ng pamahalaan sa Ortelec. Hapon noon ng Biyernes, at iisa lamang ang opisyal na nagtatrabaho. Nang malaman niya kung sino ang mga dinalaw namin at na ang aming pamangkin ay nasa kampong piitan, sinabi niya: “Mga ginang, magsialis kayo rito!”
“Ngunit walang tren na bibiyahe ngayon,” ang sagot ng aking kapatid.
“Kahit na,” ang nagmamadaling sinabi niya. “Sumakay kayo sa bus. Sumakay kayo sa tren. Sumakay kayo sa taksi. Maglakad kayo. Basta umalis kayo rito sa lalong madaling panahon!”
Nang paalis na kami, muli kaming tinawag at sinabihan na isang di-nakaiskedyul na tren na pangmilitar ang daraan sa ganap na 6:00 n.g. Tamang-tama ang paglalaang iyon! Sa isang regular na tren, paulit-ulit na susuriin ang aming mga dokumento, subalit yamang ang lulan ng tren na ito ay mga tauhan sa militar at dalawa lamang kaming sibilyan na nakasakay, walang sinuman na nagtanong tungkol sa aming pasaporte. Marahil ay inakala nila na kami’y mga lola ng ilan sa mga opisyal.
Kinaumagahan ay nakarating kami sa Timisoara, at sa tulong ng kaibigan ng isang kamag-anak, nakakuha kami ng mga visa. Nang sumunod na araw ay nasa labas na kami ng bansa. Dala namin sa pag-uwi ang maraming kawili-wili at di-malilimutang alaala ng ating tapat na mga Kristiyanong kapatid sa Romania.
Sa sumunod na mga taon pagkatapos ng aming pagdalaw sa Romania, nabalitaan namin ang ilang detalye tungkol sa gawaing pangangaral sa kabila ng Kurtinang Bakal. Gayunman, nagtitiwala kami na mananatiling matapat sa Diyos ang ating mga Kristiyanong kapatid—anuman ang mangyari. At tunay ngang gayon! Anong laking kagalakan na malaman na ang mga Saksi ni Jehova ay legal na kinilala bilang isang relihiyosong organisasyon sa Romania noong Abril 1990! Nang sumunod na tag-araw ay tuwang-tuwa kami sa mga ulat tungkol sa mga kombensiyon na ginanap sa Romania. Aba, mahigit na 34,000 ang dumalo sa walong lunsod, at 2,260 ang nabautismuhan! Ngayon ay mahigit sa 35,000 ang nakikibahagi sa pangangaral sa Romania, at noong nakaraang taon ay 86,034 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo.
Napakahalaga Pa Rin sa Akin ang Katotohanan
Sa ilang taon, huminto ako sa pakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal. Napansin ko ang napakakuwalipikadong mga kapatid na hindi nakikibahagi, at nangatuwiran ako: ‘Bakit pagkakalooban ako ni Jehova ng pribilehiyo na maging kasamang tagapagmana ng kaniyang Anak sa langit samantalang ang iba ay gayon na lamang katatas bilang mga tagapagsalita?’ Subalit kapag hindi ako nakikibahagi, labis akong nababalisa. Para bang tinatanggihan ko ang isang bagay. Pagkatapos ng maraming pag-aaral at may-pananalanging pagsusumamo, nakibahagi na naman ako. Nanumbalik ang aking kapayapaan at kagalakan, at namalagi na ito sa akin.
Bagaman hindi na ako makabasa, araw-araw akong nakikinig sa mga tape ng Bibliya at ng mga magasing Bantayan at Gumising! Nakikibahagi pa rin ako sa pangangaral. Karaniwan ay nakapagpapasakamay ako ng 60 hanggang 100 magasin bawat buwan, subalit nang tayo’y magkaroon ng kampanya sa magasing Gumising! noong nakaraang Abril, nakapagpasakamay ako ng 323. Sa tulong ng aking mga anak na babae, nagagampanan ko pa rin ang mga bahagi sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Maligaya ako na nakapagpapatuloy ako sa pagpapatibay-loob sa iba. Halos ang lahat sa Kingdom Hall ay tumatawag sa akin ng Lola.
Sa pagbabalik-tanaw sa halos 79 na taon ng nakaalay na paglilingkod kay Jehova, araw-araw akong nagpapasalamat sa kaniya na pinahintulutan niya ako na malaman ang kaniyang napakahalagang katotohanan at magamit ang aking buhay sa paglilingkod sa kaniya. Labis kong pinasasalamatan na nabuhay ako upang makita ang katuparan ng mga kahanga-hangang hula sa Bibliya na bumabanggit sa pagtitipon sa mga tulad-tupang tao ng Diyos sa mga huling araw na ito.—Isaias 60:22; Zacarias 8:23.
[Larawan sa pahina 23]
Nakatayo ang aking kapatid na si Mary at si Itay, at ako, si George, at ang aming dalawang anak na sina Esther at Anne
[Larawan sa pahina 24]
Kasama ang aking mga anak na sina Beth at Irene at ang asawa ni Irene at ang kanilang dalawang anak na lalaki, na pawang tapat na naglilingkod kay Jehova