Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Gagawing Kawili-wili ang Pagbabasa ng Bibliya? (Abril 2009) Isa akong 24-anyos na ina ng tahanan at hamon sa akin ang pagbabasa ng Bibliya. Sinunod ko ang mga mungkahi sa artikulo at ginagamit ko na ang ibinigay na iskedyul. Pinananabikan ko na ngayon ang pagbabasa ng Bibliya. Ang mga aklat ng Bibliya pala ay magkakasuwato at bumubuo ng isang magandang mensahe. Gustung-gusto ko na ang magbasa ng Bibliya. Maraming salamat!
K. T., Estados Unidos
Isang Aklat na Mapagkakatiwalaan Mo—Bahagi 6 (Abril 2011) Ang artikulong “Ulat ng Bibliya Tungkol sa Roma” ay nagsasabi: “Kumusta naman ang Jerusalem? Bumalik ang mga hukbong Romano na may bilang na 60,000 sa pangunguna ni Vespasian at ng anak niyang si Tito.” Ipinahihiwatig nito na sina Vespasian at Tito ang nanguna sa hukbo nang lusubin ang Jerusalem. Gayunman, ipinakikita ng mga ulat ng kasaysayan na si Vespasian ay nasa Roma noong panahong iyon.
J. O., Australia
Sagot ng “Gumising!”: Ayon sa aklat na “Josephus—The Essential Writings,” ni Paul L. Maier, “dumating agad si Tito mula sa Alejandria, kasama ang Ikalabinlimang hukbo, at sumama sa kaniyang ama sa Tolemaida, kung saan naghihintay si Vespasian kasama ang Ikalima at Ikasampung hukbo.” Bukod diyan, ang “Encyclopedia of the Roman Empire,” ni Matthew Bunson, ay nagsasabi tungkol kay Vespasian: “Kasama ang kaniyang anak na si Tito, nasugpo niya ang Paghihimagsik ng mga Judio at naghahanda na para kubkubin ang templo ng Jerusalem noong taóng 68 nang dumating ang balita na si Nero ay napatalsik na at hinalinhan ni Galba. . . . Noong taglagas ng 70, dumating siya sa Roma.” Kaya lumilitaw na sa pasimula, magkasama sina Vespasian at Tito sa pagsalakay sa Jerusalem. Pero nang maglaon, bumalik si Vespasian sa Roma at iniwan si Tito.
Makatotohanan ba ang Iyong mga Tunguhin? (Pebrero 2011) Ang artikulong ito ay nagbigay ng mga halimbawa ng mga tunguhing imposibleng maabot gaya ng “kasikatan, kayamanan, perpektong mapapangasawa, o perpektong kalusugan.” Bakit kasali rito ang “perpektong mapapangasawa”? Bakit ang tunguhing makapag-asawa ay “imposibleng maabot”?
S. K., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Hindi sinasabi ng artikulo na ang pag-aasawa mismo ay isang tunguhing imposibleng maabot. Sa halip, ang binanggit ay ang paghahanap ng “perpektong mapapangasawa.” Batay sa artikulo, ang “perpektong” asawa ay isa na walang kapintasan o negatibong katangian. Walang saysay ang paghahanap ng gayong kapareha sa dalawang dahilan: Una, walang gayong tao. (Roma 3:23) Ikalawa, ang paghahanap ng gayong mapapangasawa ay nakapokus sa makukuha ng isa sa pag-aasawa sa halip na sa maibibigay niya. Maging ang ilang may asawa ay nagiging di-makatuwiran sa inaasahan nila, anupat gusto nilang baguhin ang kanilang asawa para maging “perpekto.” Pero ang matibay na pag-aasawa ay pagsasama ng dalawang tao na nakikita ang kapintasan ng isa’t isa gayunma’y ‘patuloy na pinagtitiisan ang isa’t isa at lubusang pinatatawad ang isa’t isa.’—Colosas 3:13.