Lahat Tayo ay Apektado ng Karahasan
SINO sa atin ang hindi apektado ng karahasan? Lagi itong laman ng mga balita. Kinatatakutan natin ito sa mga lansangan at sa trabaho. Nararanasan naman ito ng mga bata sa mga siga sa iskul. Kahit sa loob ng bahay, kung saan karaniwan nang nadarama ng mga tao na ligtas sila, milyun-milyon—lalo na ang mga babae—ang natatakot. Sa katunayan, depende sa bansa, hanggang 70 porsiyento ng mga babae ang nagsasabing biktima sila ng mapang-abusong asawa o kinakasama.
Sa maraming bansa, natatakot ang mga tao sa mararahas na kaguluhan sa pulitika o lipunan, pati na sa terorismo. Kaya naman dumarami ang mga electronic surveillance sa ilang lupain, lalo na sa mga bansang puntirya ng mga terorista.
Dahil diyan, umuunlad ang industriya ng video surveillance—kahit bagsak ang ekonomiya ng daigdig. Sino ang nagbabayad para sa mga ito? Tayo rin, dahil kasama ito sa mga buwis at iba pang binabayaran natin. At malamang na lumaki pa ang mga binabayaran natin habang mas dumarami, mas hinihigpitan, at nagiging mas magastos ang mga hakbang na panseguridad.
Ang nakababahalang epekto ng karahasan ay dapat mag-udyok sa atin na pag-isipan ang ating mga prinsipyo at paniniwala. Tatalakayin sa kasunod na mga artikulo ang mga tanong na ito: Ano ang papel ng mass media sa paglaganap ng karahasan? Anu-ano ang puwedeng makaimpluwensiya sa saloobin natin sa karahasan? Paano natin mapoprotektahan ang ating sarili laban sa masasamang impluwensiya?