Mga Sanhi ng Karahasan
HINDI madaling matukoy ang ugat ng karahasan. At madalas, hindi masasabing isang bagay lang ang sanhi nito, gaya ng mga kasama, libangan, o kalagayan ng lipunan. Posibleng maraming bagay ang nasasangkot, gaya ng mga sumusunod.
Kawalang-pag-asa at pagkasira ng loob. Kung minsan, nagiging marahas ang mga tao dahil sila ay biktima ng pang-aapi at diskriminasyon, walang kaibigan, naghihikahos sa buhay, o dahil pakiramdam nila’y hindi nila kontrolado ang kanilang buhay.
Impluwensiya ng karamihan. Gaya ng madalas na makikita sa mga palaro, waring mas malakas ang loob ng mga tao na makipag-away kapag kasama ng malaking grupo. Bakit? Ayon sa aklat na Social Psychology, nalilimutan nila ang kanilang sariling moral na pamantayan kaya mas madali silang gumanti sa bayolente o agresibong pagkilos. Ang gayong mga tao, ang sabi ng isa pang akda, ay parang sunud-sunurang mga papet, anupat “hindi na iniisip ang magiging epekto sa iba ng kanilang ginagawa.”
Galit at inggit. Sa ulat ng kasaysayan, si Cain ang unang mamamatay-tao. (Genesis 4:1-8) Dahil sa inggit at galit, pinatay niya ang kaniyang kapatid—kahit binabalaan na siya ng Diyos na kontrolin ang kaniyang emosyon at pinangakuang pagpapalain kung susunod siya. Tama ang sabi ng Bibliya: “Kung saan may paninibugho at hilig na makipagtalo, naroon ang kaguluhan at bawat buktot na bagay.”—Santiago 3:16.
Paglalasing at pag-abuso sa droga. Ang pag-abuso sa alak, droga, o iba pang substansiya ay hindi lang pumipinsala sa katawan at isip kundi pinahihina rin nito ang mga sentro ng kontrol sa utak. Kaya ang isang taong lasing o lulong sa droga ay mas may tendensiyang gumawa ng karahasan at malamang na maging mas bayolente kapag ginalit.
Maluwag na sistema ng hustisya. “Dahil ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi kaagad inilalapat, kung kaya ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubusang nakatalaga sa mga iyon upang gumawa ng masama,” ang sabi sa Eclesiastes 8:11. Kapag ang sistema ng hustisya ay mahina, tiwali, o walang kakayahan, naitataguyod nito ang karahasan.
Huwad na relihiyon. Ang relihiyon ay madalas na sangkot sa karahasan, kasali na rito ang labanan ng mga sekta at ang terorismo. Pero hindi lang mga ekstremista at panatiko ang masisisi. Noong panahon ng dalawang digmaang pandaigdig, ang mga miyembro ng pangunahing mga relihiyon—“Kristiyano” at di-Kristiyano—ay nagpatayan sa isa’t isa, na kadalasa’y may basbas ng mga lider ng kanilang relihiyon. Kinapopootan ng Diyos ang gayong paggawi.—Tito 1:16; Apocalipsis 17:5, 6; 18:24.
Sa kabila ng maraming bagay na nagtataguyod o nagtatampok ng karahasan sa ngayon, posible pa ba talagang maging mapagpayapa ang isang tao? Oo, gaya ng ipakikita sa susunod na artikulo.
[Kahon sa pahina 6]
KARAHASAN—NAGSISIMULA SA PUSO
Bagaman maaaring iba’t iba ang sanhi ng karahasan, ang pinakaugat nito ay nasa ating puso. Bakit? Si Jesu-Kristo, na lubos na nakauunawa sa puso ng tao, ay nagsabi: “Mula sa puso ng mga tao, ay mga nakapipinsalang pangangatuwiran ang lumalabas: mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pag-iimbot, mga gawa ng kabalakyutan, panlilinlang, mahalay na paggawi, matang mainggitin, pamumusong, kapalaluan, kawalang-katuwiran.” (Marcos 7:21, 22) Ginagatungan natin ang maling mga tendensiya kapag paulit-ulit tayong tumitingin, nakikinig, o nag-iisip ng masasamang bagay.—Santiago 1:14, 15.
Kapag pinupuno naman natin ang ating isip ng mabubuting bagay, gaya ng binabanggit sa artikulo sa pahina 8, pinahihina at ‘pinapatay’ natin ang masasamang pagnanasa at nililinang ang mabubuting hangarin. (Colosas 3:5; Filipos 4:8) Kung gagawin natin iyan, tutulungan tayo ng Diyos na “mapalakas ang pagkatao [natin] sa loob.”—Efeso 3:16.
[Kahon sa pahina 7]
KARAHASAN—PALAISIPAN SA MGA EKSPERTO
Bakit may mga bansang 60 beses na mas marami ang bilang ng pagpatay kaysa sa ibang bansa? Bakit lagi na lang may digmaan at iba pang uri ng karahasan? Maraming nakalilitong tanong pero kakaunti ang malinaw na sagot.
Naniniwala ang ilang mananaliksik na ang kahirapan at di-pagkakapantay-pantay ay nagiging dahilan ng karahasan. Ayon sa ilang estadistika, noong taóng 2000, mga 90 porsiyento ng lahat ng kamatayang nauugnay sa karahasan, kasama na ang pagpapatiwakal, ay nangyari sa di-gaanong mauunlad na bansa at kadalasan, sa mas mahihirap na komunidad ng lunsod nagaganap ang mga krimen. Pero talaga bang mas bayolente ang mga taong mahihirap? O mas maraming krimen sa kanilang komunidad dahil walang mahusay na serbisyo ng pulisya roon? May mga lugar, gaya ng Calcutta, India, kung saan milyun-milyon ang napakadukha. Pero ang Calcutta ang isa sa may pinakamababang bilang ng pagpatay sa buong daigdig.
Ayon naman sa iba, mas palasak ang karahasan sa isang lugar kung saan madaling makakuha ng baril. Totoo, ang bayolenteng mga tao, kapag may baril, ay mas nakakatakot. Pero bakit mas maraming karahasan sa ibang mga lipunan? Muli, iba-iba ang opinyon ng mga eksperto.