Ang Pangmalas ng Bibliya
Kailangan Mo Bang Pumunta sa Isang Templo, Dambana, o Simbahan Para Manalangin?
NAKAUGALIAN na ng maraming tao na magpunta sa mga relihiyosong gusali para manalangin sa Diyos. Ang iba ay naglalakbay pa nga nang malayo para makarating sa gayong mga lugar. Sa palagay mo, kailangan pa bang pumunta sa isang templo, dambana, o simbahan para manalangin sa Diyos? O sa tingin mo’y puwede kang manalangin kahit saan at kahit kailan? Ano ba ang sinasabi ng Bibliya?
Sa pasimula ng kasaysayan ng tao, wala namang mga relihiyosong gusali. Isang magandang hardin ang tahanan ng ating unang mga magulang. (Genesis 2:8) Nakakausap nila mula roon ang kanilang Maylalang, ang Diyos na Jehova. Nang dumami na ang tao, ang matuwid na mga indibiduwal na gaya ni Noe ay “lumakad na kasama ng tunay na Diyos”—hindi nila kinailangang magpunta sa isang gusali para sumamba. (Genesis 6:9) Mahal nila si Jehova at lagi silang nananalangin sa kaniya, at sinang-ayunan naman sila ng Diyos.
Ang Diyos ay Hindi Tumatahan sa mga Gusaling Gawa ng Tao
Alam ng makadiyos na mga tao noon na ang Maylalang ng lupa at ng uniberso ay hindi tumatahan sa mga istrakturang gawa ng tao. “Totoo bang ang Diyos ay mananahanang kasama ng sangkatauhan sa ibabaw ng lupa?” ang tanong ng matalinong haring si Solomon. “Narito! Sa langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasya,” ang sabi niya. (2 Cronica 6:18) Totoo, ang sinaunang mga Israelita ay may tabernakulo, na hinalinhan ng templo, kung saan sila nagtitipon para sa taunang relihiyosong mga kapistahan na hinihiling sa Kautusan ng Diyos. (Exodo 23:14-17) Pero puwede silang manalangin sa Diyos kahit kailan—kapag nagpapastol ng kawan, nagtatrabaho sa bukid, nagsasama-sama bilang pamilya, o kapag nag-iisa.—Awit 65:2; Mateo 6:6.
Tayo rin ay maaaring manalangin sa Diyos kahit saan at kahit kailan. Ang ating huwaran, si Jesu-Kristo, ay madalas pumunta sa tahimik at pribadong lugar para manalangin. (Marcos 1:35) Noong minsan, “umalis siya patungo sa bundok upang manalangin, at nagpatuloy siya sa pananalangin sa Diyos nang buong gabi.”—Lucas 6:12.
Siyempre pa, dahil si Jesus ay isang Judio, regular siyang dumadalo sa relihiyosong mga kapistahan sa templo sa Jerusalem. (Juan 2:13, 14) Pero inihula niyang darating ang panahon na ang templo ay hindi na magsisilbing sentro ng tunay na pagsamba. Nang makipag-usap siya sa babaing Samaritana malapit sa isang bundok sa Samaria, kung saan may templo ang mga tagaroon, sinabi ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na kahit sa bundok na ito ni sa Jerusalem man ay hindi ninyo sasambahin ang Ama.” Sinabi rin niya na ang mga tunay na mananamba ay ‘sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.’—Juan 4:21, 23.
Oo, ang pokus ni Jesus dito ay hindi sa mga gusali kundi sa pagsambang kaayon ng katotohanan at mula sa puso. Pero nangangahulugan ba ito na ang mga tagasunod ni Jesus, na tinawag na mga Kristiyano nang maglaon, ay hindi na gagamit ng mga gusali para sa pagsamba sa Diyos? (Gawa 11:26) Hindi naman, at mayroon itong magagandang dahilan.
Isang Espirituwal na Pamilya ang Bayan ng Diyos
Ang tunay na mga lingkod ng Diyos ay isang pamilya—espirituwal na pamilya. (Lucas 8:21) Ang isang mahusay na pamilya ay madalas na magkakasama, halimbawa’y sa panahon ng pagkain, at napatitibay nito ang buklod ng pamilya. Ganiyan din ang bayan ng Diyos sa espirituwal na diwa. Ang mga Kristiyanong pagpupulong ay isang espirituwal na piging kung saan napalalakas ang espirituwalidad ng isa at napatitibay ang kaugnayan niya sa mga kapananampalataya. Sumulat si apostol Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa.”—Hebreo 10:24, 25.
Kaya naman kinikilala ng mga tunay na mananamba ang mahalagang papel ng kongregasyon, dahil natutulungan nito ang bawat miyembro na mapasulong ang mga katangiang Kristiyano na hindi nila lubusang malilinang kung sa ganang sarili lang. Kasama sa mga ito ang pagiging maibigin, mapagpatawad, mabait, mahinahon, at mapagpayapa.—2 Corinto 2:7; Galacia 5:19-23.
Saan nagtitipon ang unang mga Kristiyano para magpatibayan at sumamba? Karaniwan na, sa mga pribadong tahanan. (Roma 16:5; Colosas 4:15) Halimbawa, nang sumulat si apostol Pablo sa isang kapuwa Kristiyano, pinatungkol din niya ang kaniyang liham sa “kongregasyon na nasa iyong bahay.”—Filemon 1, 2.
Hindi rin kailangan ng bayan ng Diyos sa ngayon ang mararangyang gusali. Ang kailangan lang nila ay mga gusaling komportable para sa lahat ng dadalo. Ganiyan ang mga gusaling ginagamit ng mga Saksi ni Jehova, na tinatawag nilang Kingdom Hall. At malamang na may Kingdom Hall sa inyong lugar. Ang mga gusaling ito ay simple at praktikal, at ang pagpupulong doon ay simple lang din—may awit, panalangin, at pag-aaral sa Bibliya.
Napakahalaga sa mga Saksi ni Jehova ang panahong iniuukol nila sa Diyos. Kaya naman nananalangin sila araw-araw, bilang pamilya at bilang indibiduwal. “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo,” ang sabi ng Santiago 4:8.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Tumatahan ba ang Diyos sa mga gusaling gawa ng tao?—2 Cronica 6:18.
● Saan nanalangin si Jesus nang buong gabi?—Lucas 6:12.
● Bakit nagtitipon ang mga tunay na mananamba?—Hebreo 10:24, 25.
[Blurb sa pahina 15]
Mas malamang ba na pakinggan ang panalangin mo kung pupunta ka sa isang partikular na lugar?