Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat ba Tayong Dumalo sa mga Kristiyanong Pagpupulong?
“DATI akong nagsisimba, ngunit hindi na ngayon.” “Sa tingin ko ay maaari mong sambahin ang Diyos kahit saan, hindi lamang sa simbahan.” “Naniniwala ako sa Diyos at sa Bibliya, ngunit hindi ako naniniwala sa pagsisimba.” Nakarinig ka na ba ng gayong nakakatulad na mga pananalita? Parami nang paraming tao sa ngayon ang nagsasabi ng gayong mga bagay, lalo na sa mga Kanluraning lupain. Ang mga tao na dating nagsisimba ay nag-iisip na hindi na ito mahalaga. Ano ba ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pagsisimba?
Ang mga salitang “simbahan” at “mga simbahan” ay lumilitaw nang mahigit 110 ulit sa King James Version. Ginagamit din ng ibang mga salin ang mga terminong ito. Ang Griegong salita na isinaling “simbahan” ay literal na nangangahulugang “isang panawagan,” o, sa ibang pananalita, isang pagtitipon ng mga tao. Halimbawa, sinasabi sa Gawa 7:38, sa King James Version, ang tungkol kay Moises na “nasa simbahan sa ilang,” na ang ibig sabihin ay, kasama ng tinipong bansang Israel. Sa isa pang pagkakataon, sinabi ng Kasulatan na “nagsimula ang isang malupit na pag-uusig laban sa simbahan,” na tumutukoy sa komunidad ng mga Kristiyano sa Jerusalem. (Gawa 8:1, The Jerusalem Bible) Sa isa sa kaniyang mga sulat, binati ni Pablo “ang simbahan sa bahay [ni Filemon],” ang lokal na kongregasyon na nagtitipon doon.—Filemon 2, Revised Standard Version.
Maliwanag, ang terminong “simbahan” gaya ng pagkagamit dito ng Bibliya ay tumutukoy, hindi sa isang lugar ng pagsamba, kundi sa halip ay sa isang grupo ng mga mananamba. Yamang kinikilala ito, sumulat si Clement ng Alexandria, isang relihiyosong guro noong ikalawang siglo: “Hindi ang lugar, kundi ang kongregasyon ng mga pinili, ang aking tinatawag na Simbahan.” Gayunman, dapat bang pumaroon ang mga Kristiyano sa isang espesipikong lugar o gusali upang maging kaayaaya ang pagsamba nila sa Diyos?
Ang Pagsamba sa Bansang Israel
Hiniling ng Kautusan ni Moises na ang lahat ng lalaking Judio ay pumaroon sa isang espesipikong lugar para sa tatlong taunang kapistahan. Marami ring babae at mga bata ang dumalo. (Deuteronomio 16:16; Lucas 2:41-44) Sa ilang okasyon, tinuruan ng mga saserdote at mga Levita ang mga nagkakatipong karamihan, habang nagbabasa mula sa Kautusan ng Diyos. Kanilang ‘ipinaliwanag iyon, binigyan iyon ng kahulugan, at nagbigay ng unawa sa pagbasa.’ (Nehemias 8:8) Kapag mga taon ng Sabbath, sinabi sa tagubilin ng Diyos: “Tipunin mo ang bayan, ang mga lalaki at ang mga babae at ang maliliit na bata at ang iyong naninirahang dayuhan na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan, upang makapakinig sila at upang matuto sila, upang matakot sila kay Jehova na inyong Diyos at maingat na tuparin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.”—Deuteronomio 31:12.
Sa templo lamang ng Jerusalem maaaring maghandog ang isang tao sa Diyos at tumanggap ng tagubilin mula sa mga saserdote. (Deuteronomio 12:5-7; 2 Cronica 7:12) Nang maglaon, itinayo ang ibang mga bahay ng pagsamba sa Israel—ang mga sinagoga. Ang mga lugar na ito ay para sa pagbabasa ng Kasulatan at para sa pananalangin. Gayunman, ang pangunahing lugar ng pagsamba ay ang templo sa Jerusalem. Inilalarawan ito sa isinalaysay ng manunulat ng Bibliya na si Lucas. Binanggit niya ang isang matandang babae na nagngangalang Ana, na “hindi kailanman lumiliban sa templo, na nag-uukol ng sagradong paglilingkod gabi at araw na may mga pag-aayuno at mga pagsusumamo.” (Lucas 2:36, 37) Ang tunay na pagsamba kasama ng iba pang mga naaalay ang siyang pinakasentro ng buhay ni Ana. Sinunod ng ibang mga Judio na may-takot sa Diyos ang gayunding landasin.
Ang Tunay na Pagsamba Pagkatapos ng Kamatayan ni Kristo
Pagkatapos ng kamatayan ni Jesus, wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang kaniyang mga tagasunod, ni hinihiling man sa kanila na sumamba sila sa templo. (Galacia 3:23-25) Gayunman, patuloy silang nagpulong nang sama-sama upang manalangin at mag-aral ng Salita ng Diyos. Wala silang magagarbong gusali at sa halip ay ginamit nila ang mga pribadong tahanan at pampublikong mga lugar. (Gawa 2:1, 2; 12:12; 19:9; Roma 16:4, 5) Yamang walang mga ritwal at mga seremonya, ang mga Kristiyanong pagpupulong na iyon noong unang-siglo ay simple ngunit kalugud-lugod.
Sa kabila ng kalunus-lunos na mga kalagayan sa moral ng Imperyong Romano, ang mga simulain ng Bibliya na itinuro sa mga pulong na iyon ay talagang namumukod-tangi tulad ng mga diamante. Ang masasabi lamang ng ilang di-mananampalataya na dumalo sa unang pagkakataon ay: “Ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ninyo.” (1 Corinto 14:24, 25) Oo, tunay ngang nasa gitna nila ang Diyos. “Dahil nga rito, ang mga kongregasyon [“mga simbahan,” RS, JB] ay patuloy na napatatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.”—Gawa 16:5.
Makakamit kaya ng isang Kristiyano noong panahong iyon ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagsamba sa paganong mga templo o sa ganang sarili niya? Nagbibigay ang Bibliya ng malinaw na tagubilin sa bagay na ito: Ang sinang-ayunang mga mananamba ay dapat na maging bahagi ng tanging tunay na simbahan, o kongregasyon, ang “isang katawan” ng tunay na mga mananamba. Ang mga ito ay ang mga alagad ni Jesus, na nakilala bilang mga Kristiyano.—Efeso 4:4, 5; Gawa 11:26.
Kumusta Naman sa Ngayon?
Sa halip na pasiglahin tayong sumamba sa isang simbahan, pinasisigla tayo ng Bibliya na sumamba kasama ng simbahan, ‘ang kongregasyon ng Diyos na buháy,’ ang mga taong ‘sumasamba sa espiritu at katotohanan.’ (1 Timoteo 3:15; Juan 4:24) Ang relihiyosong mga pagpupulong na sinang-ayunan ng Diyos ay dapat na magturo sa mga tao “sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (2 Pedro 3:11) Dapat nilang tulungan yaong mga naroroon na maging mga may-gulang na mga Kristiyano, na ‘makakakilala ng kapuwa tama at mali.’—Hebreo 5:14.
Pinagsisikapan ng mga Saksi ni Jehova na sundin ang halimbawa ng unang-siglong mga Kristiyano. Mahigit na 91,400 kongregasyon ang nagpupulong nang regular sa buong daigdig upang pag-aralan ang Bibliya at pasiglahin ang isa’t isa, anupat ginagawa ito sa mga Kingdom Hall, sa mga pribadong tahanan, at sa iba pang mga lugar. Kasuwato ito ng mga salita ni apostol Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon.”—Hebreo 10:24, 25.