Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 8/12 p. 16-17
  • Pinakamalaking Bulaklak sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pinakamalaking Bulaklak sa Daigdig
  • Gumising!—2012
  • Kaparehong Materyal
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1996
  • Maganda Na, Masarap Pa!
    Gumising!—2004
  • Nabuhay ang “Bangkay”
    Gumising!—2000
  • Sinabi Nila Ito sa Pamamagitan ng Bulaklak sa Hapón
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—2012
g 8/12 p. 16-17

Pinakamalaking Bulaklak sa Daigdig

“HALIKAYO, Sir, dali, may bulaklak, ang laki-laki, ang ganda-ganda, kakaiba,” ang sabi ng sabik na guide ni Joseph Arnold noong nangongolekta sila ng mga halaman sa isla ng Sumatra sa Indonesia. Nang sundan niya ang guide, nakita ni Arnold, isang botanikong taga-Britanya, ang isang bagay na tinawag niyang “talagang kamangha-mangha.” Ito ay isang kakaibang bulaklak. Makaraan ang halos 200 taon, ang bulaklak na nakita niya sa ekspedisyong iyon noong 1818​—ang pambihirang rafflesia​—ang siya pa ring kinikilalang pinakamalaking bulaklak sa daigdig.

Maraming klase ng rafflesia, at matatagpuan lang ang mga ito sa mga kagubatan ng Timog-Silangang Asia. Pero may natutuklasan pa ring mga bagong uri nito. Ang pinakamalaki ay ang Rafflesia arnoldii, na isinunod sa pangalan ni Joseph Arnold at ng kaniyang kasama sa ekspedisyon na si Sir Thomas Stamford Raffles, na nagtatag ng Singapore at naging gobernador nito. Pero gaano man kaganda ang bulaklak na ito, hinding-hindi mo ito gagawing bouquet. Bakit?

Una, dahil sa laki nito. Ang rafflesia ay maaaring lumaki nang hanggang isang metro ang diyametro​—sinlaki ng gulong ng bus​—at tumimbang nang mga 11 kilo.a Ito ay may limang makakapal na talulot na kulay mamula-mulang kayumanggi at tadtad ng parang mga puting kulugo. Ang pinakagitna ng bulaklak ay parang palayok na makapaglalaman ng hanggang anim na litrong tubig.

Ikalawa, dahil sa amoy nito. Ayon sa isang paglalarawan, ang rafflesia ay amoy “bulok na bangkay ng bupalo,” kaya naman tinatawag din itong bulaklak na bangkay at umaalingasaw na liryong bangkay.b Ang mga langaw na kumakain ng nabubulok na mga bagay ang pangunahing tagapagdala ng polen nito dahil gustung-gusto nila ang mabahong amoy nito.

Ang rafflesia ay walang tangkay, dahon, o ugat. Isa itong parasito ng ilang uri ng halamang baging sa sahig ng kagubatan. Kapag sumibol na ang bukó ng rafflesia, aabutin ng mga sampung buwan bago ito lumaki nang husto, kadalasa’y sinlaki ng malaking repolyo. Pagkatapos, sa loob ng ilang oras, unti-unting mamumukadkad ang makakapal na talulot hanggang sa lumitaw ang buong kagandahan nito. Sa pinakaloob ng bulaklak ay may tulis-tulis na tinatawag na process. Hindi pa matiyak kung ano ang silbi nito, pero ipinapalagay ng ilang mananaliksik na nagkakalat ito ng init na lalong nagpapaalingasaw sa amoy ng bulaklak.

Pero ang kakaibang ganda ng bulaklak na ito ay hindi nagtatagal. Pagkaraan lang ng ilang araw, malalanta na ito at magsisimula nang mabulok, at ang naiiwan na lang ay isang malagkit at maitim na kimpal.

Ang Rafflesia arnoldii ay hindi pangkaraniwan at nanganganib pang maubos. Bakit? Ang lalaki at babaing bulaklak ay dapat na magkalapit para mailipat ang polen sa babaing bulaklak. Kaya lang, ang maraming bukó ng rafflesia ay hindi na nakapamumukadkad dahil kinukuha na ang mga ito para gawing pagkain o tradisyonal na gamot. Lalo tuloy umunti ang halamang ito sa kagubatan. Nanganganib din ang halamang ito dahil sa patuloy na pagsira sa maulang kagubatan na pinakatahanan nito.

Isang pambihirang karanasan ang makakita ng rafflesia. Nakakagulat ang laki nito. Hindi malilimutan ang amoy nito. At kakaiba ang ganda ng hitsura at kulay nito. Siyempre pa, ang pinakamalaking bulaklak sa daigdig ay isa lang sa di-mabilang na kamangha-manghang mga gawa ng ating Maylalang. Sinasabi ng Awit 104:24: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.”

[Mga talababa]

a Ang bulaklak ng ilang uri ng rafflesia ay sampung sentimetro lang ang diyametro.

b Ang bulaklak na titan arum (Amorphophallus titanum) ay binansagan ding bulaklak na bangkay at napagkakamalang rafflesia kung minsan.​—Tingnan ang Gumising! ng Hunyo 22, 2000, pahina 31.

[Mapa sa pahina 17]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MALAYSIA

SUMATRA

[Larawan sa pahina 17]

Bukó ng rafflesia na malapit nang bumuka

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share