Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 6/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Sumisidhing Karahasan
  • Karagdagang Trabaho Para sa mga Babae
  • Relihiyon sa “Cyberspace”
  • Isang Ubod nang Laki, Ubod nang Baho na Bulaklak
  • Isang Lourdes sa Italya?
  • “Banal na Digmaan” ng Brazil
  • Mga Pagpatay ng mga Vigilante
  • Problema ng Lumalaking Condor
  • Mga Kuru-Kuro sa Misteryo ng Tunel
  • Ang Pinakamahabang Tunél sa Daigdig
    Gumising!—2002
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Pinakamalaking Bulaklak sa Daigdig
    Gumising!—2012
  • Ang Pakikipagpunyagi Para sa Isang Tunél
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 6/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Sumisidhing Karahasan

Para sa mga tao na nag-aakala na ang mga larong gaya ng boksing o mga paligsahan sa martial arts ay hindi pa gaanong marahas, ang mga tagapagtaguyod sa Estados Unidos ay nakaisip ng bagong mapagpipilian na tinaguriang “matinding labanan,” o “sukdulang labanan.” Ayon sa isang ulat ng The New York Times, ang idea ay simple lamang: “Dalawang tao ang magbubugbugan sa isa’t isa hanggang sa sumuko ang isa o bumulagta na walang malay.” Hindi sila gagamit ng mga glab upang maalalayan ang mga suntok; walang mga round o mga time-out; kakaunti ang alituntunin maliban sa mga pagbabawal laban sa pagkagat o pagdukit sa mata. Ginagamit ng mga magkalaban ang mga pamamaraan sa boksing, judo, karate, wrestling, o paglalabu-labo sa lansangan​—kalimitan ay may madugong kahihinatnan. Ginaganap ang mga paligsahan sa harap ng magugulong naghihiyawang tagahanga, na nagbabayad ng hanggang $200 para sa mga tiket; ang mga labanan ay popular din sa mga cable TV at gayundin sa inaarkilang mga videocassette. Gayunman, maraming estado ang nagbawal na sa mga larong ito.

Karagdagang Trabaho Para sa mga Babae

Magkasindami ba ang gawain ng lalaki at babae sa loob ng tahanan? Hindi ayon sa isang surbey na isinagawa ng German Federal Office of Statistics. Tinanong ng mga dalubhasa sa ekonomiya na sina Norbert Schwarz at Dieter Schäfer ang 7,200 maybahay upang maanalisa at maiulat ang dami ng oras na ginugol sa paggawa sa loob ng tahanan. Kasali sa surbey ang mga gawaing gaya ng paghuhugas ng pinggan, pamimili, pag-aalaga ng maysakit na mga kamag-anak, at pagkalikot sa kotse. “Sila man ay may trabaho o wala, doble ang kahigitan ng oras ng mga babae sa paggawa nang walang bayad kaysa mga lalaki,” ulat ng Süddeutsche Zeitung.

Relihiyon sa “Cyberspace”

Yaong mga gumagamit ng computer upang tuklasin ang “cyberspace,” ang kawing ng magkakaugnay na mga computer data base ay mas maraming mapagpipiliang relihiyosong bagay sa mga araw na ito. Ang “World Wide Web” sa ngayon ay may “The Mary Page,” kung saan ang mauusisa ay makasusumpong ng mga sagot sa sampung katanungan na laging itinatanong tungkol kay Birheng Maria, gaya ng kung bakit lagi siyang inilalarawan na nakasuot ng mapusyaw na bughaw na kulay. Ang Amish, na umiiwas sa teknolohiyang gaya ng elektrisidad, ay kinakatawanan ng isang bahagi na tinatawag na “Ask the Amish.” Isang printout ng mga katanungan ang inihahatid sa kanila, sumasagot ang mga ito sa sulat kamay, at ang mga kasagutan ay inihahatid ng computer​—sa pamamagitan ng isang tagapamagitan. Sinabi ng The Christian Century na sa ngayon ay may “site” sa Internet na tinaguriang “The Confession Booth,” kung saan ang paring digital ay nagtatanong, “At ano ang ibig mong ikumpisal?” Ang susunod na ipakikita ay ang maraming mapagpipiliang sagot. “Ginawa ko ang sumusunod na kasalanan: (Pagpatay) (Pangangalunya) (Katamaran) (Kahalayan) (Kasakiman) (Pandaraya) (Katakawan) (Pagmamataas) (Galit) (Pag-iimbot) (Maling mga Priyoridad).”

Isang Ubod nang Laki, Ubod nang Baho na Bulaklak

Ang pinakamalaking bulaklak sa mundo ay talagang kakaibang paglalang. Tinatawag na rafflesia, ito’y tinatayang kasinlaki ng gulong ng bus at upang mamukadkad ito’y gumugugol ng kasintagal ng paglaki ng tao mula sa panahon ng paglilihi hanggang sa panganganak. At hindi lamang ang laki nito ang tanging dahilan kung bakit ang bulaklak na ito ay hindi pinipili na maging bouquet. Ito’y mabaho. Upang maakit nito ang mga langaw na tutulong sa polinasyon nito, ang rafflesia ay nangangamoy na gaya ng nabubulok na laman. Tinagurian ito noon ng mga taganayon sa Malaysia na nakatira sa masusukal na kagubatan kung saan tumutubo ang rafflesia na mangkok ng diyablo at pinagtatataga ito kapag nakita ito. Gayunman, ayon sa South China Morning Post, ang parke ng estado ng Kinabalu sa Malaysia ay kumilos upang ingatan ang pambihirang bulaklak upang mapag-aralan pa ito ng mga siyentipiko. Ang lokal na mga taganayon ay may ekstrang kita ngayon sa pamamagitan ng paggigiya sa mga turista sa kagubatan upang kunan ng larawan ang mga rafflesia. Walang alinlangan, karamihan ay medyo lalayo mula rito.

Isang Lourdes sa Italya?

Sa lunsod ng Civitavecchia sa Italya, isang estatwa ng Madonna ang diumano’y lumuha ng dugo kamakailan, na nagbunga ng pagdagsa ng sampu-sampung libo ng mausisang miron at mga peregrino. Dahil dito ang alkalde, si Pietro Tidei, na itinuring ang kaniyang sarili na di-mananampalataya, ay nagtungo sa Pransiya kasama ang isang Katolikong prelado. Binisita nila ang bantog na bayan ng Lourdes, kilala dahil sa Katolikong santuwaryo kung saan ang “mga himala” ay ipinalalagay na naganap. Ang pagbisita ay hindi isang peregrinasyon. Sa halip, ang layunin nito ay upang suriin ang “pang-ekonomiyang himala” ng Lourdes, maliwanag upang kumuha ng mga idea kung paano maoorganisa at mapangangasiwaan ang Civitavecchia na katulad ng Mecca na malakas kumita para sa mga turista at mga peregrino.

“Banal na Digmaan” ng Brazil

Isang pastor ng Pentecostal sa Brazil ang nagpasimuno kamakailan sa tinawag ng pamahayagan ng bansa na banal na digmaan. Sa isang pambansang pagsasahimpapawid sa TV, binatikos ng pastor, si Sergio von Helde, ang pagsamba sa imahen ng Iglesya Katolika. Upang gawing maliwanag ang kaniyang punto, ipinakita niya ang isang seramik na imahen ng Our Lady of Aparecida, isang itim na bersiyon ng Birheng Maria, na nagsisilbing isang santong patron ng 110,000,000 Katoliko sa Brazil. Tinawag ni Von Helde ang imahen na “nakapanghihilakbot, kahiya-hiyang manika” habang pinagsasasampal at pinagsisisipa ito nang paulit-ulit. Nagprotesta ang libu-libong Katoliko, dala-dala ang mga imahen ng santong patron sa mga lansangan. Nagsisigawan, ang nagkakagulong mga tao na nambabato ay pumalibot sa mga templo ng sektang Pentecostal ni Von Helde, tinatawag na Universal Church of the Kingdom of God. Sinisisi ni Von Helde, na mula noo’y tinanggal sa kaniyang posisyon ng pinuno ng iglesyang ito, ang media dahil sa paulit-ulit na pagsasahimpapawid ng kaniyang pag-atake na naipalabas. “Ginawa ako ng TV Globo [ang pinakamalaking network ng telebisyon sa bansa] na isang halimaw,” sabi ng pastor.

Mga Pagpatay ng mga Vigilante

Sa Timog Aprika isang grupo ng pinaghihinalaan na mga nandarambong sa mga sasakyan ay dinukot sa kanilang mga tahanan ng galit na galit na nagkakagulong mga tao, tinaga hanggang sa mamatay, at pininturahan ang mga ito. Nagkomento ang pahayagang Saturday Star na ang pagdami ng gayong pangyayari ay “isang sintomas ng lipunan na nawalan na ng tiwala sa pulisya nito at na kapuwa pinangingibabawan at pinagsisiklab sa galit dahil sa krimen.” Bagaman hindi pinalalampas ang gayong pag-uugali, pinag-iisipan ng mga dalubhasa sa kriminalidad na ang pagpipinta sa mga biktima pagkatapos na paslangin ang mga ito ay mahalaga. Ito’y nangangahulugan bilang isang babala sa iba pang posibleng mga kriminal. Ganito ang sabi ng isang dalubhasa sa kriminalidad: “Ang lahat ay nagpapakita ng tanda na ang kalagayan ay lubusang hindi na masupil at nawalan na ng kontrol ang publiko sa kanila mismong kakayahan na umunawa na sila’y kinukubkob ng mga kriminal.”

Problema ng Lumalaking Condor

Ang California condor​—isang ubod nang laki na ibon na kumakain ng bulok na laman na totoong nalipol na sa dantaong ito​—ay nagbabanta ng pantanging mga hamon sa mga tagapangalaga ng kalikasan na sumusubok na pakawalan ang pinalaki sa kulungan na mga condor sa iláng. Ang mga ibon, na pinakawalan na tila ba mga lumalaking mga kabataan, ay nasa “mapagsiyasat, tin-edyer, mausisang yugto nito,” sabi ng isang tagapangalaga ng kalikasan na sinipi sa New Scientist. Dahil sa hindi takót sa tao o sa mga kable ng kuryente ang nagpangyari na maiwala nito ang buhay o ang kalayaan nito. Kaya ang mga tagapangalaga ng kalikasan ay gumawa ng bagong mga pamamaraan sa pagpapalaki ng sisiw na condor. Gumamit sila ng mahihinang kuryente upang turuan ang ibon na umiwas sa mga kable ng kuryente. Upang maturuan na matakot sa mga tao, hindi ipinakikita ang mga tao maliban kapag, paminsan-minsan, walang kaabug-abog na sinusunggaban ng ilang tao ang ibon, hinuhuli ito, at dinadakma sa likod. “Ayaw na ayaw ito ng mga condor,” sabi ng New Scientist, at sa gayo’y natututuhan ng mga ito na umiwas sa mga tao. Magpahanggang sa ngayon ang pamamaraan ay naging matagumpay.

Mga Kuru-Kuro sa Misteryo ng Tunel

Matagal nang palaisipan sa mga arkeologo kung bakit ang tunel na ginawa ni Hezekias, na nahukay noong ikawalong siglo B.C.E. upang matiyak ang tubig sa Jerusalem nang kubkubin ng hukbo ng Asirya, ay may napakahirap, paikut-ikot na daan. Ang deretso, mas mahusay na ruta ay nangangailangan lamang ng 320 metrong paghuhukay, sa halip na 533 metrong kinailangan sa tunel. Isang inskripsiyon, nakasulat sa sinaunang Hebreo, ang natuklasan sa pader ng tunel noong 1880. Ipinaliwanag nito kung paanong ang dalawang pangkat ng mga manggagawa ay nagpasimula sa magkabilang dulo ng tinabas na bato na tunel at nagtagpo sa gitna. Ito ang nagbangon ng karagdagang katanungan kung paano nila nagawa ang gayon, sa kabila ng paikut-ikot na daan ng tunel. Inaakala ngayon ng mga heologo na sila’y may sagot na. Ayon kay Dan Gill ng Geological Survey of Israel, sinundan ng mga manggagawa at pinalawak ang likas na mga kanal na inanyo ng tubig na nagdaraan sa batuhan kung saan nagkaroon ng mga bitak dahil sa seismikong puwersa o kung saan nagtagpo ang iba’t ibang suson ng bato. Sa loob ng isang yugto ng panahon, maaaring lumawak ito nang husto, na siyang nagpapaliwanag kung bakit nag-iiba-iba ang taas ng tunel mula sa taas na 1.7 metro hanggang sa kasintaas ng 5 metro at kung paanong ang mga manggagawa, na gumamit ng mga lamparang langis, ay nakakuha ng sapat na hangin. Ang mga manggagawa ay may kasanayan din naman, dahil sa ang tagumpay ng tunel ay nakasalig sa pagkakaroon ng bahagyang nakalihis na padausdos na dalisdis​—halos 31.75 centimetro lamang sa buong daanan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share