Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 3/13 p. 14-15
  • Robert Boyle

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Robert Boyle
  • Gumising!—2013
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ISANG SIYENTIPIKO
  • ISANG TAONG NANINIWALA SA DIYOS
  • TAMPOK NA PAKSA: Kung Paano Magiging Isang Mabuting Ama 4-7
    Gumising!—2013
  • Bibliya ni Bedell—Isang Maliit na Hakbang Para Mas Maunawaan ang Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Kilalanin ang Irish Wolfhound
    Gumising!—1999
  • Ang Siyensiya ang Aking Relihiyon
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—2013
g 3/13 p. 14-15

SULYAP SA NAKARAAN

Robert Boyle

Para sa mga mahilig sa kasaysayan, ang pangalang Robert Boyle ay maiuugnay nila sa pormulang Boyle’s law​—isang batas ng kalikasan tungkol sa kaugnayan ng pressure at volume ng gas. Ang napakahalagang tuklas na ito ni Boyle ay naging basehan ng maraming pagsulong sa siyensiya. Pero hindi lang siya basta isang kilaláng siyentipiko. Kilala rin siya bilang isang tao na may malaking pananampalataya sa Diyos at sa Kaniyang Salita, ang Bibliya.

ISINILANG si Boyle sa isang mayamang pamilya sa Lismore Castle, sa Ireland, noong 1627. Halos magsisimula noon ang tinatawag ng mga istoryador na panahon ng katuwiran, kung saan sinisikap ng palaisip na mga tao na mapalaya ang marami sa pagkapanatiko na ilang siglo nang nagpapahirap sa lipunan. Iyan din ang adhikain ni Boyle. Sa isinulat niyang talambuhay ng kaniyang kabataan, tinawag niya ang sarili na Philaretus, ibig sabihin, “Umiibig sa Katuwiran.”

Kung paanong gusto ni Boyle na malaman ang katotohanan, gustung-gusto rin niyang ibahagi sa iba ang mga natutuhan niya. Siya ay naging isang mahusay na manunulat, anupat ang kaniyang mga isinulat ay nakaapekto nang malaki sa kaniyang mga kapanahon, kabilang na ang kilaláng siyentipiko na si Sir Isaac Newton. Noong 1660, si Boyle ay isa sa mga naging tagapagtatag ng Royal Society, isang institusyon para sa siyensiya na matatagpuan pa rin sa London, England.

ISANG SIYENTIPIKO

Si Boyle ay itinuturing na ama ng kemistri. Ibang-iba ang pananaw niya kumpara sa pananaw ng mga alchemist noong panahon niya. Inililihim nila ang kanilang mga tuklas o kaya’y isinusulat nila ito gamit ang mga salitang hindi maiintindihan ng publiko. Samantalang si Boyle, inilathala niya ang lahat ng detalye ng kaniyang mga tuklas. At sa halip na basta tanggapin ang matatagal-nang-pinaniniwalaang mga teoriya, isinulong niya ang paggamit ng mga kontroladong eksperimento para mapatunayan ang mga bagay-bagay.

Sinuportahan ng mga eksperimento ni Boyle ang ideya na ang materya ay binubuo ng tinatawag niyang mga korpuskulo, mga partikula na nagsasama sa iba’t ibang paraan para makabuo ng sari-saring substansiya.

Ang pananaw ni Boyle tungkol sa makasiyentipikong pananaliksik ay makikita sa kaniyang kilaláng aklat na The Sceptical Chymist. Doon, iminumungkahi niya sa mga siyentipiko na huwag maging arogante o dogmatiko kundi maging handang tumanggap ng pagkakamali. Naniniwala si Boyle na yaong mga naggigiit ng sariling opinyon ay dapat na nakatitiyak sa pagkakaiba ng mga bagay na alam nilang totoo at ng mga bagay na inaakala nilang totoo.

Naniniwala si Boyle na yaong mga naggigiit ng sariling opinyon ay dapat na nakatitiyak sa pagkakaiba ng mga bagay na alam nilang totoo at ng mga bagay na inaakala nilang totoo

ISANG TAONG NANINIWALA SA DIYOS

Ganiyan din ang prinsipyo ni Boyle pagdating sa espirituwal na mga bagay. Ang natuklasan niya tungkol sa uniberso at sa kamangha-manghang kayarian ng mga nabubuhay na nilalang ay nakakumbinsi sa kaniya na talagang mayroong isang Disenyador at Maylalang. Kaya hindi siya sang-ayon sa ateismo, na nagiging popular sa mga intelektuwal noong panahon niya. Kung gagamitin lang ng sinuman ang kaniyang kakayahang mangatuwiran, ang sabi ni Boyle, tiyak na maniniwala siyang may Diyos.

Pero hindi inisip ni Boyle na sapat na ang pangangatuwiran ng tao para malaman ang tunay na kaliwanagan. Nakita niya na kailangan ang pagsisiwalat mula sa Diyos. Ang pagsisiwalat na iyan, ang sabi niya, ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Ikinabahala ni Boyle na marami ang hindi pamilyar sa turo ng Bibliya at tila walang matibay na pundasyon para sa kanilang relihiyosong paniniwala. Naitanong niya kung tama bang ang relihiyosong paniniwala ng isang tao ay nakabase lang sa paniniwala ng mga magulang niya o sa nakagisnan niya. Gustung-gusto ni Boyle na matulungan ang mga tao na magkaroon ng mas malalim na kaalaman sa Bibliya.

Sa layuning ito, nagbigay si Boyle ng pera para sa paglalathala ng Bibliya sa maraming wika. Kabilang dito ang ilang wika ng mga katutubo sa Hilagang Amerika, pati wikang Arabic, Irish, Malay, at Turkish. Pinatunayan ni Robert Boyle na hindi lang siya matalino kundi mapagpakumbaba rin, na hindi tumitigil sa pag-alam ng katotohanan sa lahat ng bagay at sa pagtulong sa iba na gayon din ang gawin.

MAIKLING IMPORMASYON:

  • Isinilang sa Ireland noong 1627.

  • Tinatawag na ama ng kemistri.

  • Unang kilaláng siyentipiko na naglathala ng detalyadong paglalarawan ng mga kontroladong eksperimento na ginawa niya.

  • Ang mga isinulat niya ay nakaimpluwensiya nang malaki kay Sir Isaac Newton, isang nakababatang kontemporaryo.

  • Sinuportahan ang pagsasalin ng Bibliya sa maraming wika.

  • Namatay sa England noong 1691 sa edad na 64.

ANG BIBLIYA SA WIKANG IRISH

Alam ni Robert Boyle na noon pa mang 1573, isang grupo ng mga iskolar ang nagsimula nang magsalin ng mga bahagi ng Bibliya sa wikang Irish. Noong 1602, inilathala nila sa Irish ang bahagi na karaniwang tinatawag na Bagong Tipan. Noong 1640 naman, natapos ang pagsasalin sa Irish ng Hebreong Kasulatan, na karaniwang tinatawag na Matandang Tipan. Pero naimprenta lang ito noong 1685 nang magbigay si Boyle ng pinansiyal na suporta para sa proyektong ito. Kapansin-pansin, ang mga aklat ng Apokripa ay isinalin din sa Irish. Ang Apokripa ay koleksiyon ng di-Biblikal na mga akda na madalas na idinaragdag sa Bibliya at inilalathalang kasama nito. Pero dahil si Boyle ay umiibig sa katotohanan, hindi siya pumayag na mailathala ang huwad na mga aklat na ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share