Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 9/13 p. 6-9
  • Ang Katotohanan Tungkol sa Halloween

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Katotohanan Tungkol sa Halloween
  • Gumising!—2013
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Pinagmulan ng Halloween?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Ang Katotohanan Hinggil sa Popular na mga Pagdiriwang
    Gumising!—2001
  • Popular na mga Pagdiriwang—Di-nakapipinsalang Katuwaan?
    Gumising!—2001
  • “Ayaw Naming Magdiwang ng Halloween!”
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—2013
g 9/13 p. 6-9

TAMPOK NA PAKSA

Ang Katotohanan Tungkol sa Halloween

Ipinagdiriwang ba ang Halloween sa lugar ninyo? Sa Estados Unidos at sa Canada, ang Halloween ay kilalang-kilala at ipinagdiriwang taun-taon tuwing Oktubre 31. Pero makikita rin sa iba pang bahagi ng mundo ang mga kaugaliang may kinalaman sa Halloween. Sa ilang lugar, may mga kapistahan na iba ang tawag pero katulad ng Halloween ang tema: pakikipag-ugnayan sa daigdig ng mga espiritu sa pamamagitan ng espiritu ng mga patay, mga engkantada, mangkukulam, at maging ang diyablo at demonyong mga anghel.​—⁠Tingnan ang kahong “Mga Selebrasyong Tulad ng Halloween sa Buong Daigdig.”

BAKA hindi ka naman naniniwala sa mga espiritu. Marahil iniisip mong ang pagsali sa Halloween at sa katulad na mga selebrasyon ay katuwaan lang at isang paraan para turuan ang iyong mga anak na paganahin ang kanilang imahinasyon. Pero para sa marami, ang mga selebrasyong ito ay mapanganib dahil sa mga sumusunod:

  1. Ang “Halloween,” ayon sa Encyclopedia of American Folklore, “ay pangunahin nang may kinalaman sa posibilidad ng pakikipag-ugnayan sa mga puwersang espiritu, na karamihan ay nagbabanta o nananakot.” (Tingnan ang kahong “Kasaysayan ng Halloween.”) Gayundin, maraming selebrasyong gaya ng Halloween ang nagmula sa mga pagano at sa pagsamba sa mga ninuno. At hanggang sa ngayon, ang mga araw na ito ay ginagamit pa rin ng mga tao sa buong daigdig para makipag-ugnayan sa diumano’y mga espiritu ng mga patay.

  2. Bagaman ang Halloween ay pangunahing itinuturing na kapistahan ng mga Amerikano, parami nang parami ang nagdiriwang nito taun-taon sa iba’t ibang bansa. Pero marami sa kanila ang walang kaalam-alam sa paganong pinagmulan ng mga simbolo, dekorasyon, at kaugalian ng Halloween, na karamihan ay may kaugnayan sa mahihiwagang puwersa at espiritu.​—⁠Tingnan ang kahong “Saan Ito Nanggaling?”

  3. Tinatawag pa rin ng libu-libong Wiccan, na sumusunod sa sinaunang mga ritwal ng mga Celt, ang Halloween sa sinaunang pangalan nito na Samhain. At para sa kanila, ito ang pinakasagradong gabi sa buong taon. “‘Walang kamalay-malay [ang mga Kristiyano] na kasama namin silang nagdiriwang ng aming kapistahan. . . . Gusto namin iyon,’” ang sabi ng pahayagang USA Today bilang pagsipi sa sinabi ng isang nagpakilalang mangkukulam.

  4. Ang mga selebrasyong gaya ng Halloween ay salungat sa mga turo ng Bibliya. Nagbababala ang Bibliya: “Huwag makasusumpong sa inyo ng sinumang . . . nanghuhula o nanggagaway, gumagamit ng mga anting-anting, sumasangguni sa multo o espiritu, o sa mga patay.”​—⁠Deuteronomio 18:10, 11, The Jerusalem Bible; tingnan din ang Levitico 19:31; Galacia 5:19-21.

Puwedeng mag-enjoy ang pamilya kahit hindi sumali sa nakatatakot na mga selebrasyon

Dahil sa mga nabanggit, makabubuting alamin mo ang madilim na pinagmulan ng Halloween at iba pang katulad na selebrasyon. Kapag lubusan mo itong naunawaan, baka hindi ka na rin magdiwang ng mga kapistahang ito gaya ng maraming iba pa.

“‘Walang kamalay-malay [ang mga Kristiyano] na kasama namin silang nagdiriwang ng aming kapistahan. . . . Gusto namin iyon.’”​—⁠Ang pahayagang USA Today, bilang pagsipi sa sinabi ng isang nagpakilalang mangkukulam

MGA SELEBRASYONG TULAD NG HALLOWEEN SA BUONG DAIGDIG

Ang Halloween ay karaniwang itinuturing na kapistahan ng mga Amerikano. Pero naging popular na rin ang selebrasyong ito sa maraming bahagi ng mundo. Bukod diyan, may mga kapistahang tulad ng Halloween na nagdiriwang ng pag-iral at gawain ng mga espiritung nilalang. Makikita rito ang ilang halimbawa ng popular na selebrasyong tulad ng Halloween sa buong daigdig.

  • Hilagang Amerika - Araw ng mga Patay

  • Timog Amerika - Kawsasqanchis

  • Europa - Araw ng mga Patay at iba pang bersiyon ng Halloween

  • Aprika - Dance of the Hooded Egunguns

  • Asia - Bon Festival

SAAN ITO NANGGALING?

Ang Pinagmulan ng Ilang Kaugalian at Simbolo ng Halloween

BAMPIRA, WEREWOLF, MANGKUKULAM, ZOMBIE: Ang mga ito ay matagal nang iniuugnay sa daigdig ng masasamang espiritu.

KENDI: Sinikap payapain ng sinaunang mga Celt ang masasamang espiritu sa pamamagitan ng matatamis na pagkain. Pagkaraan, pinasigla ng simbahan ang mga nagdiriwang ng All Hallows’ Eve na magbahay-bahay sa gabing iyon para manghingi ng pagkain kapalit ng dasal para sa mga patay. Nang maglaon, ang kostumbreng ito ay naging trick or treat ng Halloween.

KOSTIYUM: Nagsusuot ng nakatatakot na mga maskara ang mga Celt para isipin ng masasamang espiritu na sila ay mga espiritu rin at para hindi sila galawin ng mga ito. Unti-unting pinagsama ng simbahan ang mga paganong kaugalian at ang mga kapistahan ng Araw ng mga Kaluluwa at Todos Los Santos. Nang maglaon, ang mga nagdiriwang nito ay nagbahay-bahay suot ang mga kostiyum ng mga santo, anghel, at mga diyablo.

KALABASA: Ang malalaking singkamas na inukit at may kandila sa loob ay idinidispley noon bilang pantaboy sa masasamang espiritu. Para sa ilan, ang kandila sa loob ng singkamas ay sagisag ng kaluluwang nakakulong sa purgatoryo. Nang maglaon, mas ginagamit na ang mga inukit na kalabasa.

KASAYSAYAN NG HALLOWEEN

IKALIMANG SIGLO B.C.E.

Ipinagdiriwang ng mga Celt ang kapistahan ng Samhain sa dulo ng Oktubre dahil naniniwala sila na sa panahong iyon, mas madalas gumala sa lupa ang mga multo at demonyo kaysa sa ibang panahon.

UNANG SIGLO C.E.

Sinakop ng mga Romano ang mga Celt at sinunod nila ang mga espiritistikong ritwal ng Samhain.

IKAPITONG SIGLO C.E.

Sinasabing si Pope Boniface IV ang nagtatag ng taunang pagdiriwang ng Todos Los Santos bilang parangal sa mga martir.a

IKALABING-ISANG SIGLO C.E.

Ang Nobyembre 2 ay itinalaga bilang Araw ng mga Kaluluwa para gunitain ang mga patay. Ang mga pagdiriwang na kaugnay ng Todos Los Santos at Araw ng mga Kaluluwa ay tinatawag na Hallowtide.

IKALABINGWALONG SIGLO C.E.

Ang pangalan ng kapistahang Hallowe’en (Hallow Evening) ay inilathala bilang Halloween.

IKALABINSIYAM NA SIGLO C.E.

Dinala ng libu-libo kataong lumipat sa Estados Unidos mula sa Ireland ang mga kaugalian nila sa Halloween. Nang maglaon, ang mga ito ay isinama sa katulad na mga kaugalian ng mga nandayuhan mula sa Britanya at Alemanya, gayundin sa Aprika at iba pang bahagi ng mundo.

IKADALAWAMPUNG SIGLO C.E.

Ang Halloween ay naging popular na pambansang kapistahan sa Estados Unidos.

IKADALAWAMPU’T ISANG SIGLO C.E.

Ang Halloween ay naging pandaigdig na negosyong nagkakahalaga nang bilyun-bilyong dolyar.

a Ang “hallow” ay matandang salitang Ingles na nangangahulugang “santo.” Ang All Hallows’ Day (tinatawag ding Todos Los Santos) ay isang kapistahan na nagpaparangal sa mga santong namatay. Ang gabi bago ang All Hallows’ Day ay tinawag na All Hallow Even, na nang maglaon ay pinaikli bilang Halloween.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share