Popular na mga Pagdiriwang—Di-nakapipinsalang Katuwaan?
KAPAG kalagitnaan ng Oktubre, isang kakaibang pagbabago ang nagaganap sa ilang lunsod ng Pransiya. Ang mga iskaparate ng mga tindahan ay punô ng mga kalabasa, kalansay, at mga sapot ng gagamba. Sa lokal na mga supermarket, nagsusuot ang mga kahera ng maiitim at matutulis na sumbrero. Kahuli-hulihan, pumupunta ang maliliit na bata sa mga kalye, kumakatok sa mga pintuan, at nagbabanta ng pinsala kung hindi sila bibigyan ng kendi na kanilang hinihingi.
Ang lahat ng kakaibang kaugaliang ito ay bahagi ng pagdiriwang na kilalá bilang Halloween. Dating minamalas pangunahin na bilang isang kapistahan sa Amerika, lumaganap ang Halloween sa buong daigdig, anupat nagiging popular kapuwa sa mga bata at sa mga adulto. Waring malugod na tinanggap ng Pransiya ang Halloween. Ayon sa isang pagtantiya, halos sangkatlo ng mga sambahayang Pranses ang nagdiwang nito noong nakalipas na taon. Sinasabi ng pahayagan sa Italya na La Repubblica ang kasalukuyang kausuhan bilang isang “bugso” na madaling lumaganap sa peninsula ng Italya. Sinasabi ng pahayagang Nordkurier na “higit kailanman, parami nang paraming mamamayan[g Aleman] ang ayaw lumiban sa nakapanghihilakbot na katuwaan.”
Hindi lamang Europa ang nahuhumaling sa Halloween. Mula sa Bahamas hanggang sa Hong Kong, ipinagdiriwang ang Halloween nang may kasiglahan. Iniuulat ng International Herald Tribune na noong nakaraang taon, isang istasyon ng radyo sa Sri Lanka ang nagdaos ng isang kompetisyon para sa “pinakakakaibang resipi ng Halloween at sa pinakanakatatakot at pinakanakatitindig-balahibong mga tilî.” Nagiging popular na rin ang Halloween sa Hapon, kung saan idinaraos sa Tokyo ang ‘mga parada ng kalabasa’ na may libu-libong kalahok.
Maging sa mga bahagi ng daigdig kung saan ang Halloween ay hindi popular, madalas na may mga pagdiriwang na kahawig nito. Kapag Guy Fawkes Night sa Britanya, makikita mo ang naglalakad-lakad na mga grupo ng mga bata na humihingi ng pera at nananakot katulad ng sa Halloween. Sa Taiwan, nariyan ang makulay na Kapistahan ng mga Parol. Gumagala-gala ang maliliit na bata sa mga kalye, na may dala-dalang mga parol, na mukhang mga ibon at mababangis na hayop. Ang Mexico ay may Dia de los Muertos, o Araw ng mga Patay, isang pagdiriwang na umabot sa hangganan ng E.U. at Mexico. Ayon sa manunulat na si Carlos Miller, ang ilang Mexicanong-Amerikano ay “nagsusuot [pa rin] ng maskarang bungo na gawa sa kahoy na tinatawag na calacas at nagsasayaw bilang parangal sa kanilang namatay na mga kamag-anak.”
Maaaring malasin ng karamihan sa mga tao ang gayong mga pagdiriwang bilang di-nakapipinsalang katuwaan lamang—isang pagdadahilan upang makapagsuot ng pantanging mga kostiyum at mawalan ng pagpipigil ang mga bata at mga adulto. Gayunman, hindi pinapansin ng gayong di-nababahalang pangmalas ang katotohanan na ang mga pagdiriwang na ito ay di-maipagkakailang nagmula sa pagano. Halimbawa, nagsimula ang Kapistahan ng mga Parol sa Taiwan nang inilawan ng mga tao ang mga parol sa pagsisikap na makita ang mga espiritu sa langit na pinaniniwalaan nilang lumulutang sa himpapawid. Ang Araw ng mga Patay sa Mexico ay nagmula sa isang ritwal ng Aztec na nagpaparangal sa patay.
Maaaring mangatuwiran ang ilan na hindi naman mahalaga kung saan nanggaling ang mga pagdiriwang na gaya nito. Ngunit tanungin mo ang iyong sarili, ‘Ang mga pagdiriwang ba na may gayong masasamang pinagmulan ay talagang masasabing di-nakapipinsala?’ Tiyak na hindi nababahala ang mga negosyanteng nagtataguyod ng mga pagdiriwang na ito. Hinggil sa Halloween, sinabi ng isang kinatawan ng Cultural Institute of Barcelona sa Espanya: “Ito’y isang kapistahan na naitanim sa isang komersiyal na pangmalas.” Aba, ang kinita sa Halloween noong nakaraang taon ay tinataya na $6.8 bilyon sa Estados Unidos pa lamang. Sa Pransiya, lumago ang negosyo ng isang kompanyang gumagawa ng mga kostiyum para sa Halloween nang mahigit sa isang daang beses sa loob lamang ng tatlong taon.
Ngunit dapat ka bang sumali sa gayong mga pagdiriwang dahil lamang sa popular o mapagkakakitaan ang mga ito? Bilang sagot, muli nating susuriin ang pagdiriwang ng Halloween.
[Larawan sa pahina 3]
Mga bungo na gawa sa asukal na ginagamit sa Araw ng mga Patay sa Mexico
[Credit Line]
SuperStock, Inc.
[Larawan sa pahina 4]
Sa Britanya, ipinagdiriwang ang Guy Fawkes Night na may kasamang mga sigâ
[Credit Line]
© Hulton Getty Archive/gettyimages