Mula sa Aming mga Mambabasa
Halloween May kaugnayan sa inyong artikulong “Popular na mga Pagdiriwang—Di-Nakapipinsalang Katuwaan?” (Oktubre 8, 2001), mayroon akong nais na linawin. Binanggit ninyo ang “Guy Fawkes Night,” na kilala rin bilang gabi ng pagsisigâ sa Britanya. Ang Guy Fawkes Night ay tiyak na isang kapistahang dapat iwasan ng mga Kristiyano. Isa itong pulitikal na kapistahan, na lumuluwalhati sa pagbitay sa isang tao. Subalit bagaman ang petsa ng kapistahang ito (Nobyembre 5) ay malapit sa Halloween at may pagkakahawig ang gabi ng pagsisigâ at Halloween, ang gabi ng pagsisigâ ay hindi bahagi ng espiritistikong kapistahan ng Halloween.
P. B., Britanya
Sagot ng “Gumising!”: Ang Halloween ay pinili bilang isang halimbawa ng isang popular na kaugalian na may hindi kaayaayang pinagmulan. Ang Kapistahan ng mga Parol sa Taiwan at ang Guy Fawkes Night ay binanggit na mga pagdiriwang na “nahahawig” sa Halloween sa ilang bagay. Gayunman, hindi namin nais na ipahiwatig na ang alinman sa mga pagdiriwang na ito ay aktuwal na bahagi ng Halloween o na may iisa silang pinagmulan. Gayunman, dahil sa kanilang pagkakahawig sa Halloween—isang pagdiriwang na maliwanag na may espiritistikong pahiwatig—makabubuting isaalang-alang ng mga mambabasa ang mga pinagmulan ng mga kapistahang ito kapag nagpapasiya kung sila ay makikibahagi o hindi sa mga ito.
Salamat sa pagpapakita ninyo kung paano nauugnay ang Halloween sa okulto. Minamalas ito ng mga tao na di-nakapipinsala at nakatutuwa, subalit ang ilan ay nasangkot sa malubhang problema dahil dito. Maaaring pinsalain ng mga batang gumagala sa gabi ang kanilang sarili o mabigyan sila ng sirang kendi. Isang batang babae sa aming lugar ang isinugod sa ospital. Inaakala naman ng ilang tin-edyer na ang Halloween ay isang okasyon upang gumala sa mga lansangan at sirain ang tahanan ng mga tao. Isang nagmagandang-loob na may-bahay na bukas-palad ang nagbigay ng mga kendi ay napasamâ; isang bata ang nagsinungaling at may kamaliang nagparatang sa kaniya na siya ang nagbigay ng sirang kendi. Sa kabila ng lahat ng ito, ang Halloween ay isa pa ring malaking pagdiriwang sa aming lugar. Inaasahan kong babasahin ng lahat ng aking mga kapitbahay ang inyong ekselenteng artikulo.
G. H., Estados Unidos
Mga Laruan Salamat sa balita sa tudling na “Pagmamasid sa Daigdig” na pinamagatang “Napakaraming Laruan.” (Oktubre 8, 2001) Mayroon akong anak na babaing 15 buwang gulang na may apat na kahon ng mga laruan sa kaniyang kuwarto. Kapag nakakalat ang lahat ng kaniyang laruan, hindi siya makapagpasiya kung alin ang paglalaruan niya. Nang banggitin ng aking tatay ang balitang ito sa Gumising! agad ko itong binasa at binawasan ang kaniyang mga laruan anupat nag-iwan na lamang ako ng kalahating kahon. Ang aking anak ngayon ay muling nasisiyahan sa paglalaro sa kaniyang mga laruan.
P. G., Alemanya
Leif Eriksson Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Leif Eriksson—Ang Nakatuklas sa Amerika?” (Setyembre 22, 2001) Pinag-aaralan namin ang tungkol kay Columbus sa aming mga aralin sa kasaysayan. Nang sabihin sa amin ng aking guro na si Columbus ang nakatuklas sa Amerika, nagtaas ako ng kamay at sinabi ko na nabasa kong maaaring natuklasan ni Leif Eriksson ang Amerika nang mas maaga nang 500 taon. Higit pa akong nagsaliksik at inilabas ang print out ng iba pang mga artikulo sa Gumising! tungkol kay Columbus. Binasa ito ng aking guro at humanga siya sa lahat ng natuklasan ko.
M. D., Alemanya
Pagbabasa ng Bibliya Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Magagawang Higit na Kasiya-siya ang Pagbabasa ng Bibliya?” (Agosto 22, 2001) Sa tuwina ang akala ko ay nakababagot ang pagbabasa ng Bibliya at na hinding-hindi ko mababasa ang gayong kakapal na aklat. Subalit nang subukin kong basahin ang Bibliya dahil sa artikulong ito, nasumpungan ko na lubha itong kawili-wili. Ako ngayon ay regular na nagbabasa ng Bibliya.
M. S., Alemanya