Magpakita ng Empatiya
Ang Problema
Kung magpopokus tayo sa pagkakaiba ng mga tao sa atin, baka maisip natin na may mali sa kanila. Kaya ituturing natin silang mas mababa sa atin. Kapag nangyari iyan, mahihirapan tayong magpakita ng empatiya. Ang totoo, kapag nahihirapan tayong magpakita ng empatiya, baka dahil iyan sa diskriminasyon.
Prinsipyo sa Bibliya
“Makipagsaya sa mga nagsasaya; makiiyak sa mga umiiyak.”—ROMA 12:15.
Ang ibig sabihin: Pinapayuhan tayo nito na magpakita ng empatiya. Ang empatiya ay ang kakayahang ilagay ang sarili sa sitwasyon ng iba at maramdaman ang nararamdaman niya.
Bakit Mahalagang Magpakita ng Empatiya?
Kapag nakikiempatiya tayo sa isang tao, nakikita natin ang pagkakatulad natin sa kaniya. Nalalaman natin na posibleng magkatulad tayo ng mga nararamdaman at reaksiyon. Dahil sa empatiya, nakikita natin na ang lahat ng tao, anuman ang pinagmulan nila, ay mga kapamilya natin. Kung magpopokus tayo sa pagkakatulad nila sa atin, malamang na hindi natin sila huhusgahan.
Irerespeto natin ang iba kapag may empatiya tayo sa kanila. Mababa ang tingin noon ni Anne-Marie, taga-Senegal, sa mga taong galing sa lower caste, o mga hinahamak sa lipunan. Ikinuwento niya kung paano nakatulong sa kaniya ang empatiya: “Nang makita ko ang paghihirap ng mga taong iyon, naisip ko, ‘Paano kaya kung ako ang nasa sitwasyon nila?’ Dahil dito, naisip ko na hindi ako nakakataas sa kanila, kasi wala naman talaga akong ginawa para mapunta sa katayuang ito.” Kapag sinisikap nating unawain ang mga pinagdaraanan ng iba, mas malamang na makiempatiya tayo sa kanila kaysa punahin sila.
Ang Puwede Mong Gawin
Kung negatibo ang tingin mo sa isang grupo, subukan mong magpokus sa pagkakatulad ninyo imbes na sa pagkakaiba ninyo. Halimbawa, isipin mo ang nararamdaman nila kapag
Dahil sa empatiya, nakikita natin na ang lahat ng tao ay mga kapamilya natin
kumakain sila kasama ng kanilang pamilya
natapos na ang buong araw nilang trabaho
kasama nila ang kanilang mga kaibigan
nakikinig sila ng paborito nilang musika
Ngayon naman, ilagay mo ang sarili mo sa sitwasyon nila. Tanungin ang sarili:
‘Ano ang mararamdaman ko kapag minamaliit ako ng iba?’
‘Ano ang mararamdaman ko kapag hinuhusgahan ako ng iba kahit hindi pa nila ako kilala?’
‘Kung kasama ako sa grupong iyon, ano ang gusto kong maging pagtrato sa akin ng iba?’