Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Empatiya
1 ‘Maibigin sa kanilang sarili, mayayabang, mga mapagmalaki, at mga palalo.’ (2 Tim. 3:1-5) Ganito inilalarawan ng Bibliya ang lahi na ating kinabubuhayan. Dahilan sa materyalistikong paraan ng pamumuhay at pilosopiyang ako-muna, ang mga tao ay hindi nababahala sa kapakanan ng kanilang kapuwa. Ang empatiya ay ang kakayahang ilagay ang sarili ng isa sa dako ng iba, na hindi nakikita sa mga tao sa sanlibutan.
2 Ang pagpapakita ng empatiya ay mahalaga kung nais nating maging matagumpay sa ating ministeryo. Hindi ito madaling gawin, yamang tayo ay may mga suliranin din at mga kabalisahan na humahadlang sa atin upang isipin pa ang iba. Ano ang maaari nating gawin upang matiyak na hindi tayo nagpapabaya sa bagay na ito.
PAGLINANG SA EMPATIYA
3 Dapat nating isaalang-alang ang mga pangangailangan ng ating kapuwa. Sa paggawa nito ating tinutularan si Jehova. Iniibig niya ang mga tao at pinahahalagahan ang kanilang mga pangangailangan. Kaya siya ay nagdalang-habag upang maglaan sa sangkatauhan ng isang pantubos.—Juan 3:16.
4 Ang sanlibutan ay nasa mahigpit na pangangailangan ukol sa Kaharian ng Diyos. Ang pagkatuto ng hinggil sa Kahariang ito ay nakatulong sa atin na mapagtagumpayan ang ating mga suliranin at nagpalaya sa atin mula sa huwad na relihiyon. Sa pamamagitan ng paglalagay ng ating mga sarili sa kalagayan ng mga maybahay, mapakikilos tayo ng habag na ibahagi sa kanila ang katotohanan at ang kagalakan na nasumpungan natin.—Juan 8:32, 36.
5 Si Jesus ay nagpakita ng malalim na pagkabahala sa mga tao. Yaong mga nakinig sa kaniya ay nakatalos na siya’y nagmamalasakit sa kanila at nakikiramay sa kanilang kalagayan. (Luk. 5:12, 13; Mar. 6:32-34) Dapat din nating ipamalas ang empatiya gaya ng ginawa niya.
PAPAANO MAIPAMAMALAS
6 Papaano natin maipamamalas ang gayong pagkabahala sa ating ministeryo? Kailangan nating maging maunawain, isaalang-alang ang kalagayan at mga komento ng maybahay, at ilagay ang ating sarili sa kaniyang dako. Tanungin ang sarili: Kung ako ang nasa kalagayan niya, anong mga salita ang makakaaliw o magbibigay sa akin ng interes? Kung gayon, magpatuloy sa inaakala ninyong magbibigay sa kaniya ng interes. Kung makita ninyo na wala siya sa kalagayang makipag-usap, kung gayon iklian ang pakikipag-usap at mangako na bumalik sa isang higit na angkop na pagkakataon.
7 Ang makaranasang mga mamamahayag ay higit na dapat na magpakita ng empatiya kapag tumutulong sa mga baguhan sa paglilingkod sa larangan. Ang paggunita na tayo’y ninerbiyos noong unang magbahay-bahay tayo, o marahil ay noong magbigay tayo ng unang pahayag ay makatutulong sa atin na mapanatili ang tamang kaisipan. Ang pagsasaalang-alang kung papaano tayo tinulungan ng iba ay makatutulong sa atin na malaman kung ano ang gagawin at sasabihin kapag nagbibigay ng payo at tagubilin sa mga baguhan. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagtitiyaga, pag-ibig at tunay na pagnanais na makatulong, maaari nating matulungan silang gumawa ng espirituwal na pagsulong.
8 Ang pagpapakita ng empatiya doon sa nasa larangan at sa ating mga kapatid ay nagpapakita ng Kristiyanong personalidad. Lagi nating hanapin ang pagkakataon na ipamalas ito bilang pagtulad sa halimbawa ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus.—Efe. 5:1, 2.