Papaano Ipinaliliwanag ang Trinidad?
SINASABI ng Iglesiya Katolika Romana: “Ang Trinidad ay katagang nagpapakilala sa pinakamahalagang doktrina ng relihiyong Kristiyano . . . Kaya, ayon sa Kredong Atanacio: ‘ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Banal na Espiritu ay Diyos, ngunit hindi tatlo ang Diyos kundi iisang Diyos.’ Sa Trinidad . . . ang mga Persona ay magkakasabay at magkakasing-pantay: lahat ay hindi nilikha at pawang makapangyarihan-sa-lahat.”—The Catholic Encyclopedia.
Halos lahat ng ibang iglesiya sa Sangkakristiyanuhan ay sang-ayon. Halimbawa, ang Trinidad ay tinatawag din ng Iglesiya Griyego Ortodokso na “saligang doktrina ng Kristiyanismo,” at sinasabi pa: “Ang mga Kristiyano ay yaong tumatanggap na si Kristo ay Diyos.” Sa aklat na Our Orthodox Christian Faith, isinasaad ng iglesiyang ito: “Ang Diyos ay tatlo-sa-isa. . . . Ang Ama ay Diyos na totoo. Ang Anak ay Diyos na totoo. Ang Banal na Espiritu ay Diyos na totoo.”
Kaya, ang Trinidad ay itinuturing na “isang Diyos sa tatlong Persona.” Inaangkin na bawat isa ay walang pasimula, palagian nang umiiral. Bawat isa ay makapangyarihan-sa-lahat, walang sinoman ang nakahihigit o nakabababa sa iba.
Mahirap bang masakyan ang katuwirang ito? Natutuklasan ng maraming taimtim na mananampalataya na ito ay nakalilito, salungat sa normal na katuwiran, ibang-iba sa naranasan na nila. Itinatanong nila, Papaano magiging Diyos ang Ama, Diyos si Jesus at Diyos ang banal na espiritu, gayunma’y hindi tatlo ang Diyos kundi iisang Diyos?
“Hindi Saklaw ng Unawa ng Tao”
LAGANAP ang pagkalitong ito. Sinasabi ng The Encyclopedia Americana na ang doktrina ng Trinidad ay itinuturing na “hindi saklaw ng unawa ng tao.”
Ganito rin ang pangmalas ng maraming naniniwala sa Trinidad. Sinasabi ni Monsenyor Eugene Clark: “Ang Diyos ay isa, at ang Diyos ay tatlo. Yamang wala itong katulad sa paglalang, hindi natin ito mauunawaan, basta maniwala na lamang tayo.” Sinabi ni Cardinal John O’Connor: “Alam natin na ito’y napakalaking misteryo, na hindi masusubukang unawain.” At si Papa Juan Pablo II ay nagsalita rin tungkol sa “di-malirip na hiwaga ng Diyos na Trinidad.”
Kaya sinasabi ng A Dictionary of Religious Knowledge: “Ang mga Trinitaryo mismo ay hindi magkasundusundo hinggil sa kung ano nga ba ang doktrina, at kung papaano ito wastong ipaliliwanag.”
Dahil dito, mauunawaan natin kung bakit ang New Catholic Encyclopedia ay gumawa ng ganitong obserbasyon: “Madalang ang guro ng teolohiyang Trinitaryo sa Romano Katolikong mga seminaryo na kahit minsan ay hindi binagabag ng tanong na, ‘Papaano ipapangaral ang Trinidad?’ At kung ang tanong ay tanda ng pagkalito ng mga estudyante, marahil ay lalo itong palatandaan ng pagkalito ng kanila ring mga propesor.”
Matitiyak ang katotohanan ng obserbasyong ito kung dadalaw sa isang aklatan at susuriin ang mga aklat na umaalalay sa Trinidad. Di mabilang na pahina ang naisulat sa pagpapaliwanag nito. Subalit, pagkatapos makipagpunyagi sa nakalilito at masalimuot na mga termino at paliwanag sa teolohiya, ang nagsusuri ay aalis na hindi pa rin nasisiyahan.
Kasuwato nito, nagkomento ang Jesuitang si Joseph Bracken sa kaniyang aklat na What Are They Saying About the Trinity?: “Ang mga pari na nahirapang matuto . . . ng Trinidad sa mga seminaryo ay likas lamang na mag-atubiling magharap nito sa kanilang pulpito, kahit na kapag Linggo ng Trinidad. . . . Ano’t papagurin pa ang mga tao sa isang bagay na sa dakong huli ay hindi rin naman nila gaanong mauunawaan?” Sinasabi din niya: “Ang Trinidad ay isang pormal na paniwala, at kung mayroon man, ay kakaunti ang [epekto] nito sa araw-araw na Kristiyanong pamumuhay at pagsamba.” Gayumpaman, ito ang “pinakamahalagang doktrina” ng mga iglesiya!
Binanggit ng Katolikong teologo na si Hans Küng sa kaniyang aklat na Christianity and the World Religions na ang Trinidad ay isang sanhi ng pagkabigo ng simbahan na akitin ang mga di-Kristiyano. Sinabi niya: “Ang may-kabatirang mga Muslim ay nahihirapang umintindi, gaya din ng mga Judio na hindi makaunawa, sa ideya ng Trinidad . . . Ang mga pagtatangi na ginagawa ng Trinidad sa pagitan ng isang Diyos at ng tatlong persona ay hindi kasiyasiya sa mga Muslim at, sa halip na maliwanagan, ay nalilito sa mga teolohikal na terminong hango sa Siryako, Griyego, at Latin. Para sa mga Muslim ito’y paglalaro lamang sa salita. . . . Bakit pa gugustuhin ng sinoman na lahukan ang paniwala sa pagiging-iisa at pagiging-tangi ng Diyos kung palalabuin o wawaling-kabuluhan lamang ang pagiging-iisa at pagiging-tanging ito?”
“Hindi Diyos ng Kaguluhan”
PAPAANO nagsimula ang nakalilitong doktrinang ito? Inaangkin ng The Catholic Encyclopedia: “Ang napakahiwagang turong ito ay tanda lamang ng Banal na kapahayagan.” Sinasabi ng mga Katolikong iskolar na sina Karl Rahner at Herbert Vorgrimler sa kanilang Theological Dictionary na: “Ang Trinidad ay isang misteryo . . . sa mahigpit na kahulugan . . . , na hindi nalaman kung ito ay hindi ipinahayag, at bagaman naipahayag na ay hindi pa rin lubusang mawatasan.”
Gayunman, lumilikha ng isa pang malaking problema ang pag-aangkin na ito ay tiyak na isang banal na kapahayagan yamang ang Trinidad ay isang nakalilitong hiwaga. Bakit? Sapagka’t ang banal na kapahayagan ay hindi nagpapahintulot ng ganitong pangmalas sa Diyos: “Ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan.”—1 Corinto 14:33, Revised Standard Version (RS).
Sa liwanag ng pangungusap na ito, kakatha ba ang Diyos ng isang lubhang nakalilitong doktrina hinggil sa sarili anupa’t hindi ito maipaliwanag maging ng mga iskolar na Hebreo, Griyego, at Latin?
Bukod dito, kailangan bang maging teologo ang isa ‘upang makilala ang tanging tunay na Diyos at si Jesu-Kristo na kaniyang isinugo’? (Juan 17:3, JB) Kung oo, bakit iilan lamang sa edukadong mga Judio na pinuno ng relihiyon ang tumanggap kay Jesus bilang Mesiyas? Sa halip, ang kaniyang tapat na mga alagad ay mga maaamong magsasaka, mangingisda, maniningil ng buwis, ina-ng-tahanan. Ganoon na lamang ang pagtitiwala ng mga karaniwang taong ito sa turo ni Jesus tungkol sa Diyos kung kaya ito ay naituro din nila sa iba at naging handa pa silang mamatay alang-alang sa kanilang paniwala.—Mateo 15:1-9; 21:23-32, 43; 23:13-36; Juan 7:45-49; Gawa 4:13.
[Larawan sa pahina 4]
Ang mga alagad ni Jesus ay ang mapagpakumbaba, karaniwang mga tao, hindi ang mga pinuno ng relihiyon