Kabanata 8
Shinto—Ang Paghahanap ng Hapón sa Diyos
“Palibhasa ang aking ama ay paring Shinto, sinanay kami na maghandog ng isang basong tubig at isang mangkok ng bagong saing na kanin sa kamidana [altar ng Shinto sa bahay] tuwing umaga bago mag-agahan. Pagkatapos ng rituwal, kukunin namin ang mangkok at kakainin ang laman nito. Kaya, nagtiwala ako na kami ay ipagsasanggalang ng mga diyos.
“Nang bumili kami ng bahay, tiniyak namin na magiging masuwerte ang lokasyon nito sa pamamagitan ng pagkonsulta sa isang shaman, o espiritista. Nagbabala siya laban sa tatlong tarangkahan ng demonyo at sinabi sa amin na sundin ang paraan ng pagdalisay na iminungkahi ng aking ama. Kaya ang bahay ay dinalisay namin sa pamamagitan ng asin minsan sa bawat buwan.”—Mayumi T.
1. (Ilakip ang pambungad.) Saan pangunahin nang isinasagawa ang relihiyong Shinto, at ano ang hinihiling sa mga tagasunod nito?
PANGUNAHIN na, ang Shinto ay isang relihiyong Hapon. Ayon sa Nihon Shukyo Jiten (Encyclopedia of Japanese Religions), “Ang pagkabuo ng Shintoismo ay halos kasabay ng kulturang etniko ng Hapon, isang relihiyosong kultura na hindi kailanman napabukod sa etnikong lipunang ito.” Dahil sa laganap na impluwensiya ng kalakal at kulturang Hapon interesado tayo na alamin ang relihiyosong mga salik na humubog sa kasaysayan ng Hapon at sa personalidad ng mga Hapones.
2. Hanggang saan ang saklaw ng impluwensiyang Shinto sa buhay ng mga Hapones?
2 Bagaman nag-aangkin ang Shinto ng mahigit na 91,000,000 miyembro sa Hapon, o tatlong-kapat na bahagi ng populasyon, ayon sa isang survey 2,000,000 lamang, o 3 porsiyento ng mga nasa hustong gulang, ang talagang sumasampalataya sa Shinto. Gayunman, sinabi ni Sugata Masaaki, tagasaliksik sa Shinto: “Masinsin ang pagkakahabi ng Shinto sa araw-araw na buhay ng mga Hapon kung kaya halos hindi nila ito namamalayan. Hindi talaga relihiyon ang turing nila dito kundi isang di-kapansinpansing bahagi ng kapaligiran, gaya ng hangin na kanilang nilalanghap.” Maging yaong mga hindi gaanong masigla sa relihiyon ay bumibili rin ng mga anting-anting na Shinto na pananggalang sa sakuna, nagpapakasal ayon sa tradisyong Shinto, at naglulustay ng salapi sa mga taunang kapistahang Shinto.
Papaano Nagsimula?
3, 4. Papaano unang nakilala bilang Shinto ang relihiyon ng Hapon?
3 Ang taguring “Shinto” ay lumitaw noong ikaanim na siglo C.E. upang ang lokal na relihiyon ay mapatangi sa Budhismo, na noo’y nagsisimula nang makilala sa Hapon. “Ang totoo, ‘ang Relihiyon ng mga Hapones’ . . . ay umiiral na bago pa ipakilala ang Budhismo,” sabi ni Sachiya Hiro, tagasaliksik ng mga relihiyong Hapon, “ngunit iyon ay isang di-namamalayang relihiyon na binubuo ng mga kaugalian at ‘kostumbre.’ Subalit nang pumasok ang Budhismo natalos ng mga tao na ang mga kaugalian nila ay bumubuo ng isang relihiyong Hapon na naiiba sa Budhismo, na para sa kanila’y isang relihiyong banyaga.” Papaano nagsimula ang relihiyong Hapon?
4 Mahirap tiyakin ang petsa ng paglitaw ng orihinal na Shinto, o “Relihiyon ng mga Hapones.” Nang simulan ang pagtatanim ng palay sa mga tubigan, “kinailangan ng ganitong agrikultura ang pagtatayo ng organisado at matatag na mga pamayanan,” ayon sa Kodansha Encyclopedia of Japan, “at nabuo ang mga rituwal ng agrikultura—na nang maglaon ay gumanap ng napakahalagang papel sa Shinto.” Sarisaring diyos ng kalikasan ang kinatha at sinamba ng mga sinauna.
5. (a) Ano ang paniwala ng Shinto hinggil sa patay? (b) Papaano ihahambing sa Bibliya ang paniwala ng Shinto sa patay?
5 Bukod sa ganitong pagsamba, ang takot sa kaluluwa ng mga yumao ay umakay sa mga rituwal ng pakikipagpayapaan. Nang maglaon ito ay humantong sa pagsamba sa espiritu ng mga ninuno. Ayon sa paniwalang Shinto, ang “yumaong” kaluluwa ay mayroon pa ring pagkatao at may bahid ng kamatayan karakarakang mamatay. Kapag ang mga naulila ay nagsagawa ng rituwal ng paglilibing, ang kaluluwa ay nadadalisay at inaalisan ng masamang hangarin, at nahahalinhan ito ng mapayapa at mapagkawanggawang saloobin. Sa kalaunan, ang espiritu ng ninuno ay nagiging diyos o tagapagbantay ng angkan. Kaya makikita natin na ang kaluluwang walang-kamatayan ay naging saligan ng isa pang relihiyon at humubog sa saloobin at paggawi ng mga mananampalataya nito.—Awit 146:4; Eclesiastes 9:5, 6, 10.
6, 7. (a) Papaano minalas ng mga Shintoista ang kanilang mga diyos? (b) Ano ang isang shintai, at bakit mahalaga ito sa Shinto? (Ihambing ang Exodo 20:4, 5; Levitico 26:1; 1 Corinto 8:5, 6.)
6 Ang mga diyos ng kalikasan at diyos-ng-angkan ay mga espiritu daw na “lumulutang” sa hangin. Kapag may kapistahan, sila ay tinatawagan upang manaog sa ispesipikong mga dako na pinaging-banal para sa okasyon. Di-umano ang mga diyos ay pansamantalang naninirahan sa shintai, mga bagay na sinasamba na gaya ng mga puno, bato, salamin, at mga tabak. Mga shaman, o espiritista, ang nangangasiwa sa mga rituwal na nananawagan sa mga diyos.
7 Habang lumalaon, ang mga dakong nilalapagan” ng mga diyos, na dinalasay pansamantala para sa kapistahan, ay naging permanenteng mga dambana. Ang mga tao ay nagtayo ng altar ukol sa mababait na diyos, sa mga inaakalang nagpalà sa kanila. Sa pasimula hindi pa sila gumawa ng mga imahen kundi sumamba lamang sa shintai, na tinatahanan di-umano ng espiritu ng mga diyos. Kahit buong bundok, gaya ng Fuji, ay nagsisilbing shintai. Di nagtagal lubhang dumami ang mga diyos kung kaya binuo ng mga Hapones ang kapahayagang yaoyorozu-no-kami, na sa literal ay “walong milyong diyos” (ang “kami” ay nangangahulugang “mga diyos”). Ngayon ang kapahayagang ito ay tumutukoy sa “di-mabilang na mga diyos,” palibhasa ang mga diyos ng Shinto ay patuloy na dumarami.
8. (a) Ayon sa mitolohiyang Shinto, papaano nabuo si Amaterasu Omikami at papaano siya napiliting magbigay ng liwanag? (b) Papaano naging pambansang diyos si Amaterasu Omikami, at papaano napasangkot sa kaniya ang mga emperador?
8 Habang ang mga rituwal ng Shinto ay napipisan sa palibot ng mga dambana, bawat angkan ay gumawa ng dambana sa kanikaniyang tagapagbantay na diyos. Subalit nang ang bansa ay papag-isahin ng imperyal na sambahayan noong ikapitong siglo C.E., itinanghal nila ang kanilang diyosa-ng-araw, si Amaterasu Omikami, upang maging pambansang diyos at pangunahing tauhan sa mga diyos na Shinto. (Tingnan ang kahon, pahina 191.) Nang maglaon ay pinalaganap ang alamat na ang emperador ay tuwirang inapo ng diyosa-ng-araw. Upang idiin ang paniwalang ito, dalawang pangunahing kasulatang Shinto, ang Kojiki at ang Nihon shoki, ay tinipon noong ikawalong siglo C.E. Sa pamamagitan ng mga alamat na nagtanghal sa imperyal na sambahayan bilang inapo ng mga diyos, ang mga aklat na ito ay tumulong sa pagtatag ng kapangyarihan ng mga emperador.
Relihiyon ng mga Kapistahan at Rituwal
9. (a) Bakit sinabi ng isang iskolar na ang Shinto ay relihiyon ng mga “wala”? (b) Gaano kahigpit ang Shinto sa mga turo nito? (Ihambing ang Juan 4:22-24.)
9 Gayunman, ang dalawang aklat na ito ng mitolohiyang Shinto ay hindi itinuring na mga kinasihang kasulatan. Kapansinpansin, ang Shinto ay walang kinikilalang tagapagtatag at sariling Bibliya. “Ang Shinto ay isang relihiyon ng sunudsunod na ‘wala,’” paliwanag ni Shouichi Saeki, iskolar na Shinto. “Wala itong tiyak na doktrina at walang detalyadong teolohiya. Halos wala itong mga panuntunan na dapat sundin. . . Bagaman lumaki ako sa isang pamilya na nanghawakang mahigpit sa tradisyong Shinto, hindi ko maaalaala na ako’y binigyan ng seryosong edukasyon sa relihiyon.” (Amin ang italiko.) Para sa mga Shintoista, hindi mahalaga ang mga doktrina, panuntunan, at, kung minsan, pati na ang kanilang sinasamba. “Kahit na sa iisang dambana,” sinabi ng isang tagasaliksik na Shinto, “ang nakaluklok na diyos ay malimit palitan ng iba, at madalas ang pagbabago ay hindi nahahalata ng mga sumasamba at nananalangin sa mga diyos na iyon.”
10. Ano ang lubhang mahalaga para sa mga Shintoista?
10 Kung gayon, ano ang may pangunahing halaga sa mga Shinto? “Sa pasimula,” ayon sa isang aklat ng kulturang Hapones, “ang mga gawang nagtataguyod sa pagkakaisa at kabuhayan ng isang maliit na pamayanan ay itinuring na ‘mabuti’ at ang mga humahadlang naman dito ay ‘masama’.” Ang pakikipagkasundo sa mga diyos, sa kalikasan, at sa pamayanan ay pinakamahalaga para sa Shinto. Anomang gagambala sa mapayapang pagkakasundo ng pamayanan ay masama gaano man karangal ang layunin nito.
11. Anong papel ang ginampanan ng mga kapistahan sa pagsambang Shinto at sa araw-araw na buhay?
11 Yamang ang Shinto ay walang pormal na doktrina o turo, ang paraan nito ng pagtataguyod sa pagkakasuwato ng pamayanan ay sa pamamagitan ng mga rituwal at kapistahan. “Ang pinakamahalaga sa Shintoismo,” paliwanag ng encyclopedia na Nihon Shukyo Jiten, “ay ang pagdiriwang ng mga kapistahan.” (Tingnan ang kahon, pahina 193.) Ang pagsasalusalo sa palibot ng mga diyos-ng-angkan ay nagbunga ng espiritu ng bayanihan sa mga naninirahan sa mga pamayanang agrikultural. Hanggang ngayon ang mga pangunahing kapistahan ay nauugnay pa rin sa pagtatanim ng palay. Kung tagsibol, tinatawagan nila ang “diyos ng mga linang” upang manaog sa kanilang nayon, at idinadalangin nila ang mabuting ani. Kapag taglagas, pinasasalamatan nila ang mga diyos dahil sa ani. Sa panahon ng mga kapistahan, pinapasan nila ang kanilang mga diyos sa isang mikoshi, o dambanang nabibitbit, at nakikipagtalamitam sa mga diyos sa pamamagitan ng pagkain at alak mula sa kanin (sake).
12. Anong mga rituwal ng paglilinis ang ginaganap sa Shinto, at sa anong layunin?
12 Gayunman, upang makaisa ng kanilang mga diyos, naniniwala ang mga Shintoista na sila ay dapat na maging malinis at dalisay sa moral. Dito pumapasok ang mga rituwal. May dalawang paraan ng pagdalisay sa tao o bagay. Ang una ay ang oharai at ang pangalawa ay ang misogi. Sa oharai, iwinawagayway ng paring Shinto ang sanga ng punong sakaki na may nakataling papel o lino sa dulo upang linisin ang isang kagamitan o tao, samantalang sa misogi, tubig naman ang ginagamit. Napakahalaga sa relihiyong Shinto ang ganitong mga rituwal ng kalinisan kaya sinabi ng isang autoridad na Hapon: “Buong tiwalang masasabi na kung wala ang mga rituwal na ito, ang Shinto ay hindi makatatayo [bilang relihiyon].”
Ang Pagiging-Hunyango ng Shinto
13, 14. Papaano tinanggap ng Shinto ang ibang relihiyon?
13 Namalagi ang mga kapistahan at rituwal sa kabila ng pagbabago na dinanas ng Shinto sa paglipas ng mga taon. Anong pagbabago? Itinulad ito ng isang mananaliksik na Shinto sa manyikang binibihisan. Nang ipakilala ang Budhismo, nagbihis ang Shinto ng turong Budhista. Nang mangailangan ang bayan ng mga pamantayang moral, nagsuot ito ng Confucianismo. Ang Shinto ay naging hunyango.
14 Ang syncretismo, o pagsasanib ng mga elemento ng isang relihiyon tungo sa iba, ay nagsimula nang maaga sa kasaysayan ng Shinto. Bagaman nakasalingit sa relihiyong Shinto ang Confucianismo at Taoismo, na nakilala sa Hapon bilang ang “Daan ng yin at yang,” Budhismo ang pangunahing sangkap na napalahok sa Shinto.
15, 16. (a) Ano ang naging reaksiyon ng Shinto sa Budhismo? (b) Papaano naganap ang pagsasanib ng Shinto at Budhismo?
15 Nang pumasok ang Budhismo mula sa Tsina at Korea, ang itinawag ng mga Hapon sa kanilang tradisyonal na mga relihiyosong kaugalian ay Shinto, o “daan ng mga diyos.” Subalit nang dumating ang Budhismo, nagdalawang-isip ang mga Hapon sa pagtanggap o di-pagtanggap sa bagong relihiyon. Iginiit ng mga pabor-sa-Budhismo, ‘Lahat ng kalapit na bansa ay sumasamba nang gayon. Bakit dapat maiba ang Hapon?’ Nakipagtalo ang mga laban-sa-Budhismo, ‘Kung sasambahin natin ang mga diyos ng ibang bayan, magagalit ang sarili nating mga diyos.’ Pagkaraan ng maraming taon ng alitan, nagwagi rin ang mga pabor-sa-Budhismo. Sa katapusan ng ikaanim na siglo C.E., nang yakapin ni Prinsipe Shōtoku ang Budhismo, ay nag-ugat na ang bagong relihiyon.
16 Habang lumalaganap ang Budhismo sa lalawigan, napaharap ito sa lokal na mga diyos ng Shinto na napaugat na nang malalim sa araw-araw na buhay ng mga tao. Upang kapuwa makapanatili, dapat makipagkompromiso ang dalawang relihiyon sa isa’t-isa. Ang mga mongheng Budhista na nagsasagawa ng pagdidisiplina-sa-sarili sa mga kabundukan ay tumulong sa pagsasanib ng dalawang relihiyon. Palibhasa ang mga bundok ay itinuring na tahanan ng mga diyos na Shinto, ang pag-eermitanyo ng mga monghe sa bundok ay nagluwal ng ideya ng paglalahok ng Budhismo at Shinto, na umakay din sa pagtatayo ng jinguji, o “mga dambanang-templo.”a Unti-unting nagsanib ang dalawang relihiyon habang pinangungunahan ng Budhismo ang pagbuo ng relihiyosong mga teoriya.
17. (a) Ano ang kahulugan ng kamikaze? (b) Papaano nauugnay ang kamikaze sa paniwala na ang Hapon ay bansang banal?
17 Samantala, nagsisimula nang mag-ugat ang paniwala na ang Hapon ay isang bansang banal. Nang ang Hapon ay salakayin ng mga Mongol noong ika-13 siglo, bumangon ang paniwala sa kamikaze, o “banal na hangin.” Makalawang sinalakay ng mga Mongol ang pulo ng Kyushu sa pamamagitan ng malalakas na mga plota, at makalawa rin silang nahadlangan ng bagyo. Naniwala ang mga Hapon na ang mga bagyong ito, o hangin (kaze), ay kagagawan ng kanilang mga diyos (kami) na Shinto, kaya lubhang napabantog ang kanilang mga diyos.
18. Papaano nakipagpaligsahan ang Shinto sa ibang relihiyon?
18 Habang sumisidhi ang pagtitiwala sa mga diyos na Shinto, ang mga ito ay minalas bilang orihinal na mga diyos, samantalang ang mga Budha (“mga naliwanagan”) at bodhisattva (mga magiging-Budha na tumutulong sa iba na magkamit ng kaliwanagan; tingnan ang mga pahina 136-8, 145-6) ay itinuring na pansamantalang lokal na kapahayagan lamang ng mga diyos. Dahil sa alitang Shinto-Budhismo, nabuo ang sarisaring kaisipang Shinto. May nagdidiin sa Budhismo, may nagtatanghal naman sa pantheon ng Shinto, at may iba pa ring gumagamit ng isang bagong anyo ng Confucianismo bilang palamuti sa kanilang turo.
Pagsamba sa Emperador at Shintong Estado
19. (a) Ano ang layunin ng Shinto ng Panunumbalik? (b) Saan umakay ang mga turo ni Norinaga Motoori? (c) Inaanyayahan tayo ng Diyos na gawin ang ano?
19 Pagkaraan ng maraming taon ng pakikipagkompromiso, ipinasiya ng mga teologong Shinto na ang kanilang relihiyon ay pinasamâ ng relihiyosong kaisipan ng mga Intsik. Kaya iginiit nila ang panunumbalik sa sinaunang paraang Hapon. Bumangon ang isang bagong kaisipang Shinto, na nakilala bilang Shinto ng Panunumbalik, at ang isa sa pangunahing teologo ay si Norinaga Motoori (binibigkas na Motoʹori), iskolar noong ika-18 siglo. Bilang pagsasaliksik sa ugat ng kulturang Hapon, pinag-aralan ni Motoori ang mga klasika, lalo na ang mga kasulatang Shinto na tinawag na Kojiki. Itinuro niya ang kahigitan ng diyosa-ng-araw na si Amaterasu Omikami subalit iniukol sa mga diyos ang sanhi ng likas na mga kababalaghan. Bukod dito, hindi raw matitiyak ang kalooban ng mga diyos, at tanda ng kawalang-galang ang pagsisikap ng tao na unawain ito. Ayon sa kaniya hindi na dapat magtanong kundi magpasakop na lamang sa kalooban ng mga diyos.—Isaias 1:18.
20, 21. (a) Papaano sinikap ng isang teologong Shinto na alisin sa Shinto ang impluwensiyang “Intsik”? (b) Ang pilosopiya ni Hirata ay umakay sa pagtatatag ng anong kilusan?
20 Ang ideya ni Norinaga ay pinalawak ni Atsutane Hirata, isang alagad, at sinikap nitong dalisayin ang Shinto upang alisin ang lahat ng impluwensiyang “Intsik”. Ano ang ginawa ni Hirata? Isinanib niya sa Shinto ang apostatang teolohiyang “Kristiyano”! Si Amenominakanushi-no-kami, isang diyos na binabanggit sa Kojiki, ay inihalintulad niya sa Diyos ng “Kristiyanismo” at ang diyos na ito na nangangasiwa sa sansinukob ay inilarawan niya na may dalawang nakabababang diyos, “ang Mataas na Tagapagluwal (Takami-musubi) at ang Banal na Tagapagluwal (Kami-musubi), na sa malas ay kumakatawan sa prinsipyo ng lalaki at babae.” (Religions in Japan) Oo, ginaya niya ang trinitaryong diyos ng Romano Katolisismo, bagaman hindi ito naging pangunahing turong Shinto. Gayunman, sa dakong huli ang paglalahok ni Hirata ng Shinto at ng tiwaling Kristiyanismo ay naghugpong ng monoteyismo ng Sangkakristiyanuhan sa kaisipang Shinto.—Isaias 40:25, 26.
21 Ang teolohiya ni Hirata ay naging saligan ng kilusang ‘Sambahin ang Emperador,’ na umakay naman sa pagpapatalsik ng mga hasenderong diktador na militar, ang mga shogun, at sa pagsasauli ng pagpupuno ng mga emperador noong 1868. Nang maitatag ang pamahalaang imperyal, hinirang ang mga alagad ni Hirata upang maging mga komisiyonado ng pagsambang Shinto sa gobyerno, at itinaguyod nila ang isang kilusan na nagtakda sa Shinto bilang relihiyon ng Estado. Sa ilalim ng bagong saligang batas, ang emperador, na di-umano’y tuwirang inapo ng diyosa-ng-araw na si Amaterasu Omikami, ay itinuring na “banal at hindi maaaring labagin.” Kaya siya ang naging kataastaasang diyos ng Shintong Estado.—Awit 146:3-5.
“Santong Sulat” ng Shinto
22, 23. (a) Anong dalawang orden ang ipinalabas ng emperador? (b) Bakit itinuring na sagrado ang mga ordeng ito?
22 Bagaman ang Shinto ay may matatandang ulat, rituwal, at panalangin sa mga kasulatang Kojiki, Nihongi, at Yengishiki, ang Shintong Estado ay nangangailangan ng isang banal na aklat. Noong 1882, inilabas ni Emperador Meiji ang Imperial Rescript to Soldiers and Sailors. Palibhasa galing sa emperador, ito ay minalas ng mga Hapon bilang santong sulat at naging saligan ng araw-araw na pagbubulay ng mga kaanib sa sandatahang lakas. Ang pagbabayad ng utang at obligasyon sa emperador-na-diyos ay ginawang mas mahalaga kaysa alinmang pagkakautang o obligasyon.
23 Naragdagan ang santong sulat ng Shinto nang ilabas ng emperador ang Imperial Rescript on Education noong Oktubre 30, 1890. Ito “ay hindi lamang naglagay ng saligan sa edukasyong pampaaralan kundi ito na halos ang naging banal na kasulatan ng Shintong Estado,” paliwanag ni Shigeyoshi Murakami, tagasaliksik ng Shintong Estado. Niliwanag ng orden na ang magiging saligan ng edukasyon ay ang “makasaysayang” relasyon sa pagitan ng maalamat na mga ninunong emperador at ng kanilang sakop. Papaano minalas ng mga Hapon ang mga panukalang ito?
24. (a) Magbigay ng halimbawa kung papaano minalas ng mga tao ang mga orden ng emperador. (b) Papaano umakay ang Shintong Estado sa pagsamba sa emperador?
24 “Noong ako’y bata dinadala ng pangalawang punong-guro [sa paaralan] ang isang kahong kahoy na binubuhat niya na kapantay ng mata at buong-pagpipitagang iniaakyat ito sa plataporma,” naalaala ni Asano Koshino. “Kinukuha ng punong-guro ang kahon at inilalabas ang balumbon na kinasusulatan ng Imperial Rescript on Education. Habang binabasa ang orden, iniyuyuko namin nang husto ang aming mga ulo hanggang marinig namin ang pantapos na mga salitang, ‘Ang Pangalan ng Kaniyang Kamahalan at ang Kaniyang tatak.’ Maraming beses na naming narinig ito kaya kabisado na namin ang mga salita.” Hanggang noong 1945, at sa tulong ng isang edukasyonal na sistemang salig sa alamat, ang buong bansa ay kinondisyon upang ialay ang sarili sa emperador. Ang Shintong Estado ay naging pangunahing relihiyon, at ang 13 sektang Shinto na nagtuturo ng iba’t-ibang doktrina ay itinuring na lamang na Shintong Sekta.
Ang Relihiyosong Misyon ng Hapón —Pagsakop sa Daigdig
25. Papaano minalas ng mga tao ang emperador ng Hapon?
25 Ang Shintong Estado ay may sarili ring idolo. “Tuwing umaga, pumapalakpak ako sa direksiyon ng araw, sagisag ng diyosang si Amaterasu Omikami, at pagkatapos ay humaharap nang pa-silangan sa Palasyo ng Emperador at sumasamba sa emperador,” naalaala rin ni Masato, isang matandang lalaking Hapon. Ang emperador ay diniyos ng kaniyang mga sakop. Siya ay itinuring na kataastaasan sa politika at relihiyon dahil sa pagiging inapo ng diyosa-ng-araw. Sinabi ng isang propesor na Hapon: “Ang Emperador ay diyos na nahahayag sa mga tao. Siya ay hayag na Diyos.”
26. Anong turo ang ibinunga ng pagsamba sa emperador?
26 Kaya, nabuo ang turo na di-umano “ang sentro ng kahangahangang daigdig na ito ay ang lupain ng Mikado [Emperador]. Mula dito ay dapat palawakin ang Dakilang Espiritu sa buong daigdig. . . . Ang apurahang gawain sa ngayon ay ang pagpapalawak ng Dakilang Hapon sa buong daigdig at ang pagtatanghal ng buong daigdig tungo sa lupain ng mga Diyos, at ito ang ating walang-hanggan at walang-pagbabagong tunguhin.” (The Political Philosophy of Modern Shinto, ni D. C. Holtom) Wala ritong paghihiwalay ng Simbahan at Estado!
27. Papaano ginamit ng militar ang pagsamba sa emperador ng Hapon?
27 Si John B. Noss ay nagkomento sa kaniyang aklat na Man’s Religions: “Hindi nag-atubili ang Hapong militar sa pagtanggap ng punto-de-bistang ito. Ang pananakop bilang banal na misyon ng Hapon ay naging paksa ng kanilang usap-usapang pandigma. Tiyak na maaaninaw natin dito ang inaasahang resulta ng nasyonalismo na ginagatungan ng mga simulain ng relihiyon.” Napakalaking trahedya ang naihasik para sa mga Hapones at iba pang tao, dahil lamang sa alamat ng Shinto hinggil sa pagka-diyos ng emperador at dahil sa paglalahok ng relihiyon at nasyonalismo!
28. Anong papel ang ginampanan ng Shinto sa paghahanda ng mga Hapon sa digmaan?
28 Sa pangkalahatan ang mga Hapon ay napilitang sumamba sa emperador sa ilalim ng Shintong Estado at ng sistemang imperyal nito. Ang kaisipang Hapon ay naimpluwensiyahan at nasupil ng turo ni Norinaga Motoori na ‘Huwag nang magtanong, kundi magpasakop na lamang sa banal na kalooban.’ Nuong 1941 ang buong bansa ay pinakilos ukol sa Digmaang Pandaigdig II sa ilalim ng watawat ng Shintong Estado at bilang pag-aalay sa “nabubuhay na diyos-tao.” ‘Ang Hapon ay isang bansang banal,’ inakala nila, ‘at ang kamikaze, banal na hangin, ay hihihip kapag nagkaroon ng krisis.’ Ang mga kawal at ang kanilang pamilya ay nagsumamo sa kanikanilang tagapagbantay na diyos upang magtagumpay sa digmaan.
29. Ano ang nagpahina sa pananampalataya ng marami pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II?
29 Nang matalo ang “banal” na bansa noong 1945, dahil sa magkakambal na dagok ng bomba atomikang lumipol sa Hiroshima at kalakhang bahagi ng Nagasaki, ang Shinto ay napaharap sa malubhang krisis. Sa isang iglap, ang di-nagagaping banal na tagapamahalang si Hirohito ay naging isa na lamang talunang emperador na tao. Nawasak ang pananampalatayang Hapones. Ang bansa ay binigo ng kamikaze. Sinasabi ng Nihon Shukyo Jiten: “Ang isang sanhi ay ang hinanakit ng bansa dahil sa pagkalinlang sa kanila. . . . Mas masahol pa, ang Shinto ay walang naibigay na angkop at makarelihiyosong paliwanag sa mga agam-agam na ibinunga ng [pagkatalo]. Kaya ang naging pangkalahatang katuwiran ay na ‘Walang diyos o Budha.’ ”
Ang Daan ng Tunay na Pagkakasundo
30. (a) Anong aral ang matututuhan mula sa karanasan ng Shinto noong Digmaang Pandaigdig II? (b) Bakit mahalaga ang paggamit ng kapangyarihan ng unawa sa ating pagsamba?
30 Idinidiin ng landas na tinahak ng Shintong Estado na ang tradisyonal na mga paniwala ay dapat suriin ng bawat mananampalataya. Maaaring itinaguyod ng mga Shintoista ang daan ng pakikipagkasundo sa mga kapuwa-Hapon nang tangkilikin nila ang militarismo. Ngunit ito ay hindi umakay sa pagkakasundo ng buong daigdig, at dahil sa ang kanilang mga ulo-ng-pamilya at kabinataan ay namatay sa digmaan, hindi rin ito nagdulot ng kapayapaan sa sambahayan. Bago ialay ang sarili sa iba, dapat munang tiyakin kung kanino at sa anong simulain tayo nag-aalay. “Ipinamamanhik ko sa inyo,” sabi ng isang gurong Kristiyano sa mga Romano na dating sumasamba sa emperador, “na iharap ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaaya-aya sa Diyos, isang banal na paglilingkod salig sa inyong mga kapangyarihan ng unawa.” Kung papaanong ang mga Kristiyanong Romano ay nangailangang gumamit ng kapangyarihan ng unawa upang piliin kung kanino nila iaalay ang sarili, mahalaga rin sa atin na gamitin ang kapangyarihan ng unawa upang ipasiya kung sino ang dapat sambahin.—Roma 12:1, 2.
31. (a) Karamihan ng mananampalataya sa Shinto ay nasisiyahan na sa ano? (b) Anong tanong ang dapat sagutin?
31 Para sa mga Shintoista sa pangkalahatan, hindi mahalagang salik sa relihiyon ang tiyak na pagkilala sa isang diyos. “Para sa karaniwang tao,” sabi ni Hidenori Tsuji, guro ng relihiyosong kasaysayan ng Hapon, “hindi mahalaga kung sino man siyang diyos o Budha. Sila man ay diyos o Budha, basta dinidinig nila ang mga pagsusumamo ukol sa mabuting ani, pagpawi ng sakit, at kaligtasan ng pamilya, sapat na ito.” Subalit inakay ba sila nito sa tunay na Diyos at sa kaniyang pagpapala? Maliwanag ang sagot ng kasaysayan.
32. Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
32 Sa paghahanap nila ng isang diyos, at salig sa kanilang paniwala sa mitolohiya, ay itinaas ng mga Shintoista ang isang karaniwang tao, ang kanilang emperador, upang maging isang diyos, ang di-umano’y inapo ng diyosa-ng-araw na si Amaterasu Omikami. Subalit, libulibong taon bago nagsimula ang Shinto, nagpakilala ang tunay na Diyos sa isang sumasampalatayang lalaking Semitiko sa Mesopotamya. Tatalakayin ng susunod na kabanata ang mahalagang pangyayaring ito at ang naging kinalabasan.
[Talababa]
a Sa Hapon ang relihiyosong gusali ng mga Shinto ay itinuturing na mga dambana at yaon namang sa mga Budhista ay mga templo.
[Kahon sa pahina 191]
Ang Diyosa ng Araw sa Mitolohiyang Shinto
Ayon sa mitolohiyang Shinto, noong unang panahon, ang diyos na si Izanagi ay “naghugas ng kaliwang mata, kaya isinilang ang dakilang diyosang si Amaterasu, diyosa ng Araw.” Nang maglaon, si Amaterasu ay lubhang nasindak kay Susanoo, diyos ng karagatan, kaya siya ay “nagtago sa isang mabatong kuweba sa Langit, at hinarangan ang bukana ng isang malaking bato. Ang daigdig ay nabulid sa kadiliman.” Kaya ang mga diyos ay umisip ng paraan kung papaano mailalabas si Amaterasu sa kuweba. Nag-ipon sila ng mga manok na tumitilaok kung madaling-araw at gumawa sila ng isang malaking salamin. Sa mga punong sakaki ay nagsabit sila ng mga alahas at banderetang tela. Pagkatapos ang diyosang si Ama no Uzume ay nagsimulang sumayaw sa ibabaw ng isang batya na tinatambol ng kaniyang mga paa. Sa malabis na pagsasayaw ay naghubad siya, at ang mga diyos ay naghalakhakan sa tuwa. Lahat ng ito ay nakatawag-pansin kay Amaterasu, na dumungaw at nakita ang sarili sa salamin. Mula sa kuweba ay hinila siyang papalabas ng kaniyang larawan, sabay sunggab ng diyos ng Puwersa sa kaniyang kamay hanggang sa siya ay makalabas. “Minsan pa’y nagliwanag ang daigdig mula sa mga sinag ng diyosa ng Araw.”—New Larousse Encyclopedia of Mythology.—Ihambing ang Genesis 1:3-5, 14-19; Awit 74:16, 17; 104:19-23.
[Kahon sa pahina 193]
Shinto—Relihiyon ng mga Kapistahan
Sa Hapon ang buong taon ay puno ng mga relihiyosong kapistahan, o matsuri. Narito ang ilan sa mga pangunahin:
▪ Sho-gatsu, o Kapistahan ng Bagong Taon, Enero 1-3.
▪ Setsubun, paghahagis ng balatong sa loob at labas ng bahay, samantalang sumisigaw ng, “Labas ang mga diyablo, pasok ang suwerte”; Pebrero 3.
▪ Hina Matsuri, o Kapistahan ng mga Manyika para sa mga batang babae, idinadaos tuwing Marso 3. Itinatanghal ang isang plataporma ng mga manyika, bilang paglalarawan sa sinaunang sambahayan ng emperador.
▪ Kapistahan ng mga Batang Lalaki, kapag Mayo 5; ang mga Koi-nobori (banderetang hugis-karpa na sumasagisag sa lakas) ay iwinawagayway mula sa mga tulos.
▪ Tsukimi, paghanga sa kabilugan ng buwan kung kalagitnaan ng taglagas, samantalang naghahandog ng maliliit na bibingkang malagkit at unang bunga ng ani.
▪ Kanname-sai, o unang aning palay na inihahandog ng emperador, dakong Oktubre.
▪ Ang Niiname-sai ay ipinagdiriwang ng sambahayan ng emperador tuwing Nobyembre, kapag ang bagong aning palay ay tinitikman ng emperador, na nangangasiwa bilang punong saserdote ng Imperyal na Shinto.
▪ Sichi-go-san, nangangahulugang “pito-lima-tatlo,” ipinagdiriwang ng mga pamilyang Shinto kapag Nobyembre 15. Ang pito, lima at tatlo ay itinuturing na mahahalagang taon ng pagbabago; ang dambana ng pamilya ay dinadalaw ng mga batang nakasuot ng makukulay na kimono.
▪ Marami ring kapistahang Budhista ang ipinagdiriwang, pati na ang kaarawan ni Budha, kapag Abril 8, at ang Kapistahan ng Obon, Hulyo 15, na nagtatapos sa pagpapalutang ng mga parol sa dagat o batis “upang akayin ang espiritu ng mga ninuno pabalik sa kabilang daigdig.”
[Larawan sa pahina 188]
Debotong Shinto na humihingi ng pabor sa mga diyos
[Larawan sa pahina 189]
Shinto, ‘Daan ng mga Diyos’
[Larawan sa pahina 190]
Ang isang buong bundok, gaya ng Fuji, ay itinuturing na isang shintai, o bagay na sinasamba
[Mga larawan sa pahina 195]
Mga Shintoista na may dalang mikoshi, o dambanang bitbitin, at sa itaas, pagsusuot ng mga dahon ng hollyhock (aoi) sa Kapistahan ng Aoi sa Kyoto
[Larawan sa pahina 196]
Ang pagwagayway ng papel o lino na nakatali sa sanga ng evergreen ay inaakalang nakakalinis at nagsasanggalang sa tao at mga bagay
[Mga larawan sa pahina 197]
Para sa isang Hapón hindi salungat ang manalangin kapuwa sa harapan ng dambanang Shinto, kaliwa, at ng altar ng Budhismo
[Larawan sa pahina 198]
Si Emperador Hirohito (sa entablado) ay sinamba bilang inapo ng diyosa ng araw
[Larawan sa pahina 203]
Ikinakabit ng babae sa dambana ang nabili niyang ema, o panalangin na nasa kuwadrong kahoy