Relihiyon—Bakit Kakaunti ang Interesado?
“ANG tao na walang relihiyon ay mistulang isang bahay na walang mga bintana.” Ganiyan ipinahayag ng isang lalaking Hapones ang pangangailangan ng relihiyosong kaliwanagan sa kaniyang anak na lalaki, si Mitsuo. Gayumpaman, hindi gaanong pinag-isipan ni Mitsuo ang salita ng kaniyang ama. At parami nang paraming mga tao sa Hapón, gaya rin saanman, ang waring may ganiyang saloobin. Sila’y kontentong maging ‘mga bahay na walang mga bintana’ na bahagya lamang ang interes upang hayaang ang liwanag ng relihiyon ay tumagos ng pagsikat sa kanilang mga buhay.
Kung gayon, nang magkaroon ang Hapón ng isang Pambansang Pag-aaral ng Karakter, 69 porsiyento ng kaniyang mamamayan ang nagsabing hindi itinuturing na sila’y relihiyoso. Sa mga kabataan, ang katumbasan ay lalong mataas. Gayundin, sa dati’y relihiyosong Buddhistang bansa ng Thailand, 75 porsiyento ng mga naninirahan sa mga munisipalidad ay hindi na nagpupunta sa mga templong Buddhista. Sa Inglatera halos isang kawalo ng mga simbahang Anglikano ang nangagsara noong nakalipas na 30 taon dahilan sa hindi na ito ginagamit.
Gayunman, sa Hapón ang mga kagayakang relihiyoso ay kitang-kita pa rin. Subalit katulad ng mamahaling mga pirasong porselana, ang mga ito ay inilalabas lamang kung pambihirang mga okasyon—tulad ng mga kasalan at mga libing. Ang relihiyon ay higit na minamahalaga dahilan sa bahagi nito sa pagpapanatili ng lokal na kultura at sa pagpapatuloy ng mana buhat sa pamilya kaysa dahil sa espirituwal na kaliwanagan. Marami ang may pangmalas sa relihiyon bilang isang placebo para sa mahihina at sa mga naliligalig; hindi nila nakikita ang anumang mapapakinabang na matatamo mula rito. ‘Tama naman ang relihiyon kung mayroon kang panahon para rito o inaakala mong kailangan mo ito,’ ang sabi ng iba, ‘subalit kailangang magtiwala ka sa iyong sarili upang may ikabuhay at may maibayad sa mga utang.’
Ano kaya ang dahilan ng ganitong kawalan ng interes? Tayo’y makapagbibigay ng ilang dahilan. Una, nariyan ang sosyal na kapaligiran. Maraming kabataan ang hindi gaanong naturuan sa relihiyon o tuluyang wala nito. Hindi nga katakataka na marami sa mga naninirahan sa isang lipunan na lubhang nagpapahalaga sa materyal na mga bagay ang nagsilaki upang maging materyalistikong mga adulto.
Sa ilang bansa ang iskandalong nalikha ng sakim at imoral na mga predikador sa TV at ng iba pang prominenteng mga lider relihiyoso ang isa pa ring nagtaboy sa mga tao upang lumayo sa relihiyon, at gayundin ang pagsangkot ng relihiyon sa pulitika at sa digmaan. Ito’y makikita sa nangyari may kaugnayan sa relihiyong Shinto sa Hapón. “Nang ang digmaan [Digmaang Pandaigdig II] ay natapos sa pagkatalo noong Agosto 1945, ang mga bahay-sambahang Shinto ay napaharap sa isang matinding krisis,” ang puna ng Encyclopædia of the Japanese Religions. Ang Shinto, na nagpatindi sa init ng digmaan at nangako ng tagumpay, ay nagdulot ng kabiguan sa mga mamamayan. Ang pilosopya na walang Diyos o Buddha ay mabilis na lumaganap.
Subalit, tayo ba’y dapat makuntento sa mapag-imbot, makitid na mga punto-de-vista—ang naririto at ang ngayon? Karamihan ng tao ay may isip na mapag-usisa. Ibig nilang malaman kung saan sila nagmula, saan sila patungo, kung bakit sila nabubuhay, at kung papaano mabubuhay. Sila’y nabubuhay sa pag-asa. Ang pagsasa-isantabi ng mga katanungan tungkol sa buhay, o pagsupil sa mga ito dahil sa ideya na “ang mga bagay na ito ay hindi maaaring maalaman,” ay hindi nakasisiya. Maging ang ateistang si Bertrand Russell ay bumanggit ng tungkol sa pagkakaroon ng “isang mausisang matinding kirot—ang paghanap sa isang bagay na wala rito sa sanlibutan.” Ang tunay na relihiyon ang maaaring makapagbigay ng wakas sa paghahanap na iyan. Subalit papaano? Ano ang patotoo na may relihiyon na karapat-dapat pag-isipan ng dibdiban?