Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 2/1 p. 4-7
  • Bakit Dapat Dibdibang Pag-isipan ang Relihiyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Dapat Dibdibang Pag-isipan ang Relihiyon?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Relihiyon na Dapat Dibdibang Pag-isipan
  • Ang “mga Bunga” ng Tunay na Relihiyon
  • Walang-Hanggang mga Pakinabang sa Pagsunod sa Tunay na Relihiyon
  • Natagpuan Mo Na ba ang Tamang Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Sapat na ba ang Anumang Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Paano Ko Makikilala ang Tunay na Relihiyon?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Pagsasagawa ng Dalisay na Relihiyon Para sa Kaligtasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 2/1 p. 4-7

Bakit Dapat Dibdibang Pag-isipan ang Relihiyon?

“ANG tao ay hindi maaaring mabuhay sa tinapay lamang.” (Mateo 4:4, The New English Bible) Sa malimit-sipiing mga salitang ito ay kasangkot ang isang pangangailangan ng tao na nakakaligtaan ng marami sa ngayon. Ito’y nagpapakita na tayo’y may sangkap na bahaging espirituwal na kailangang mabigyang-kasiyahan. Kaya naman ang nangusap ng mga salitang iyan, si Jesu-Kristo, ay nagsabi rin: “Totoong mapalad ang mga nakababatid na kailangan nila ang Diyos.”​—Mateo 5:3, NEB.

Ang relihiyon lamang ang makasasapat sa ating ‘pangangailangan sa Diyos.’ Ang relihiyon lamang ang makasasagot sa ating mahahalagang tanong tungkol sa pinanggalingan, layunin, at kahulugan ng buhay. At ang relihiyon lamang ang makapagbibigay ng tunay na kahulugan at diwa sa ating buhay. Subalit hindi kahit ano lamang relihiyon ay gagawa ng lahat na ito. Sinabi ni Jesus sa isang babaing Samaritana: “Ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23) Ang pagsamba ‘sa katotohanan’ ay higit pa ang kahulugan kaysa pagsunod lamang sa matagal nang kinikilalang mga sali’t saling-sabi at mga rituwal. Kadalasan ito’y nagbibigay lamang sa kanilang mga tagasunod ng pansamantalang pagkadama na sila’y gumagawa ng mabuti, samantalang naiiwan sila na gutóm sa espirituwal na pangangailangan.

Halimbawa, si Edwin O. Reischauer, dating embahador ng E.U. sa Hapón, ay may ganitong puna: “Para sa karamihan ng mga tao ang Shinto at Buddhismo ay isang kaugalian at nakagawian na lamang kaysa makabuluhang mga paniwala.” Ipagpalagay, na maraming mga Hapones ang kontento na sa ganito. Subalit isang pangkat ng “mga bagong relihiyon” sa Hapón ang makikitaan ng lumalagong pagkasuya sa tradisyunal na relihiyon.

Ang “mga bagong relihiyon” ay nakahilig magtutok ng pansin sa karismatikong mga lider​—hindi sa Diyos. Marami sa mga lider na ito sa relihiyon ang nagsasabing sila’y kinasihan ng Diyos. Subalit ang kanilang mga doktrina ay karaniwan nang wala kundi pinaghalu-halong Buddhista, Shinto, at iba pang mga paniwala​—may halong maraming pilosopya ng nagtatag niyaon. Ang kanilang malimit na inaantig ay tungkol sa pangako ng isang lalong mainam na buhay at ang inaangking mahiwaga o nagpapagaling na kapangyarihan. Subalit ang mga gayon bang relihiyon ay nagpapatunay na kanilang tinuturuan ang kanilang mga tagasunod na sumamba “sa espiritu at katotohanan”? Malayo. Unang-una, ang mga kultong relihiyoso ay naririto ngayon at kinabukasan ay naglalaho na rin. Ang kanilang mistulang pagiging isang kausuhan lamang ay walang gaanong naibibigay na dahilan upang sila’y dibdibang pag-isipan ng isang tao.

Isang Relihiyon na Dapat Dibdibang Pag-isipan

Subalit, may isang relihiyon na malaon nang umiiral kaysa ano pa mang ibang anyo ng pagsamba. Ito ay ang relihiyon na itinuturo ng Banal na Bibliya. Ang Bibliya ay nagsimulang isulat mga 35 siglo na ngayon ang lumipas, at ang iba sa ‘mga kasaysayan’ na naingatan sa mga unang kabanata nito ay noon pang mahigit na isang libong taon ang kaunahan.a Taglay nito ang pinakamatandang mga rekord tungkol sa pinagmulan ng relihiyon. Isa nang dahilan iyan upang dibdibang pag-isipan ang relihiyon na tinutukoy ng Bibliya.

Ang The Encyclopedia Americana ay nagsasabi tungkol sa Bibliya: “Ang liwanag nito ay ‘sumisikat sa buong daigdig.’ Ito’y itinuturing ngayon na isang etikal at relihiyosong kayamanan na ang walang-hanggang turo ay may pangako na maging lalo pang mahalaga samantalang yumayabong ang pag-asa tungkol sa isang pandaigdig na kabihasnan.” Ngunit kung ang isang aklat ay talagang isang kapani-paniwalang giya sa tunay na relihiyon, hindi mo ba aasahan na magkakaroon ito ng pinakamalawak na sirkulasyon, na babasahin ng lahat ng humahanap ng katotohanan?

Ganiyan nga ang Bibliya. Ito’y naisalin na sa 1,928 wika, ang lahat-lahat o ang isang bahagi man nito, at ito ang aklat na may pinakamalawak na sirkulasyon sa kasaysayan. Isa pa, ito’y napatunayan na naaayon sa kasaysayan at sa siyensiya. Ang arkeolohiya at ang kasaysayan ay nagpapatooo sa wastong katuparan ng mga hula sa Bibliya. Ito’y walang anumang anyo ng espiritismo at mistisismo at ng okulto. Ang lahat nito ay kasuwato ng sariling pag-aangkin ng Bibliya na ito ay kinasihan ng Diyos.b​—2 Timoteo 3:16.

Ang “mga Bunga” ng Tunay na Relihiyon

Subalit hindi ba totoo na maraming relihiyon ang nag-aangking sumusunod sa Bibliya? At hindi ba ang awayán, alitan, at pagpapaimbabaw ay mahahalata sa gitna ng maraming nag-aangking mga Kristiyano? Oo, ngunit ito’y hindi dahilan upang huwag sumunod sa Bibliya. Si Jesu-Kristo mismo ay nagsabing ang karamihan ng mga nag-aangkin ng pagka-Kristiyano ay hindi sasang-ayunan ng Diyos. (Tingnan ang Mateo 7:13, 14, 21-23.) Kung gayon, papaano makikilala yaong mga sumusunod sa tunay na relihiyon na itinuturo ng Bibliya? Si Jesus ay sumagot: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. Nakaaani ba ng mga ubas sa mga tinikan o ng mga igos sa mga dawagan? Gayundin naman na ang bawat mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti, datapuwat ang masamang punungkahoy ay nagbubunga ng masama. Kaya’t sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.”​—Mateo 7:16, 17, 20.

Oo, ang tunay na relihiyon ay dapat na isang mabisang lakas para sa mabuti, na nagbubunga ng mapapakinabangan sa gitna ng mga mananamba. Nariyan, halimbawa, si Akinori, isang lalaking Hapones na, sang-ayon na rin sa kaniyang sariling pananalita, “naging isang halimbawa ng isang taong may espiritu ng pakikipagkompitensiya.” Siya’y matagumpay na nakarating sa kaniyang tunguhin na pagtatapos sa isang pangunahing pamantasan at pagkakaroon ng trabaho sa isang kompanyang may pangalan na. Siya’y walang nadamang anumang dahilan na yumakap sa isang relihiyon sa kaniyang buhay. ‘Ang relihiyon ay para sa mahihina na nangangailangan ng isang saklay sa buhay,’ ang kaniyang sumaisip.

Lahat ay tumatakbo nang walang balakid hanggang, bunga ng kagitingan at ng pagkahapo, siya’y dinapuan ng isang malubhang sakit. Ang kaniyang leeg ay napilipit, at ang kaniyang baba ay “nanigas” sa kaniyang kaliwang balikat. Maraming “kaibigan” sa kompanya ni Akinori ang bahagyang kaaliwan ang naidulot sa kaniya sa panahon ng kaniyang kagipitan. (Ihambing ang Kawikaan 17:17.) Kaya’t siya’y napahilig sa alkoholismo at sumiksik pa man sa kaniyang isip ang magpatiwakal.

Datapuwat, dumating ang panahon na ang maybahay ni Akinori ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Isang araw sa kanilang pag-uusap, binanggit sa kaniya ng asawang babae ang teksto sa Galacia 6:7, na nagsasabi: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.” Palibhasa’y naantig ng mga salitang ito, si Akinori ay sumama sa kaniya sa pag-aaral, at ang kaniyang natutuhan ay bumago ng kaniyang pangmalas sa kahulugan ng buhay. Habang lumiliwanag ang pangmalas ni Akinori, ang kaniyang pagdurusang nadarama na likha ng kaigtingan ay unti-unting nawala! Gaya ng sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang tiwasay na puso ang buhay ng katawan.” (Kawikaan 14:30) Oo, ang tunay na relihiyon ay nagbubunga ng mabuti!

Si Toshiro ay isa pang lalaking Hapones na nakapagpatunay rin kung papaanong ang tunay na relihiyon ay maaaring maging isang lakas na nagdudulot ng mabuti. Bagaman siya’y may paniwala na mahalaga na sundin ang relihiyon, siya’y nagwalang-bahala. Ang kaniyang interes ay nakatutok sa pagkakaroon ng sariling bahay. Gayunman, ang pagkatamo ng kaniyang minimithi ay hindi nagdulot ng kasiyahan gaya ng kaniyang inaasam-asam. Isa pa, sa kaniyang pagmamasid sa dakong kaniyang pinagtatrabahuhan, napansin niya na karaniwan doon ang mga pandaraya at masamang personal na mga ugnayan ang resulta. Si Toshiro ay nasuya sa kaniyang nakita.

Isang araw inanyayahan ng kaniyang maybahay ang isang elder buhat sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova upang dumalaw sa kaniya. Agad nahalata ni Toshiro na ang elder ay iba sa kaniyang mga kasamahan. Ang dahilan? Taimtim na ikinakapit ng elder sa kaniyang buhay ang mga simulain ng Bibliya. Palibhasa’y humanga siya sa ganitong nakita niya, tinanggap ni Toshiro ang paanyaya na makipag-aral ng Bibliya at siya’y nagsimulang gawing kaniyang paraan ng pamumuhay ang relihiyon ng Bibliya.

Ikaw ay inaanyayahan din namin na makipagkilala sa mga Saksi ni Jehova. Ang kanilang “mga bunga” ay nagpapatunay na sila’y sumasamba “sa espiritu at katotohanan.” Sila’y nagsisikap na ang mga turo ng Bibliya ang masunod nila sa kanilang buhay at bagaman bilang indibiduwal sila ay malayo sa pagiging sakdal, bilang isang grupo kanilang ipinakikita kung gaano kalakas na puwersa ukol sa ikabubuti ang tunay na relihiyon.

Libu-libo sa mga Saksi ang dati ay di-maligaya sa kanilang paraan ng pamumuhay. Subalit sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, marami sa kanila ang nakagawa ng kahanga-hangang mga pagbabago. Sa pamamagitan ng pagpapasulong ng tinatawag ng Bibliya na “ang bunga ng espiritu,” samakatuwid baga, ang mga katangian ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili, kanilang natuklasan ang susi sa sariling kaligayahan.​—Galacia 5:22, 23.

Walang-Hanggang mga Pakinabang sa Pagsunod sa Tunay na Relihiyon

Gayunman, kailangang higit pa ang magawa ng tunay na relihiyon kaysa pagbabago lamang ng mga pagkatao o paglutas sa mga pansariling suliranin. Pambuong-daigdig na mga suliranin tulad halimbawa ng polusyon, ang banta ng isang digmaang nuklear, at pagpapariwara sa kapaligiran ang nagbabantang magpapahamak sa ating magandang planeta. Ang mga suliranin sa kabuhayan ang sumusupil sa kaligayahan at ikapapanuto ng angaw-angaw. Walang relihiyon ang mapag-iisipan nang husto malibang mag-alok ito ng kaunting pag-asa para sa kalutasan ng mga suliraning ito ng daigdig.

Ang relihiyon ng Bibliya ang naghahandog ng ganiyang pag-asa. Ang Diyos ay nangangako na siya’y magpapasok ng isang matuwid na bagong sanlibutan sa ilalim ng isang makalangit na pamahalaan, o “kaharian.” (Mateo 6:9, 10; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Ang Kahariang ito ang lunas para sa lahat ng suliranin ng sangkatauhan. At tungkol sa pamamalagi ng gayong pambuong-lupang mga kapakinabangan, sa atin ay tinitiyak ng Bibliya: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pita nito, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.” Oo, ang buhay na walang-hanggan sa kaligayahan ang pag-asa ng bawat tunay na Kristiyano! (1 Juan 2:17) Subalit yaon lamang dibdibang sumusunod sa tunay na relihiyon ang makikinabang sa dumarating na Kahariang ito. Kung gayon ay hinihimok ka namin na magsimula ng isang dibdibang pag-aaral ng Bibliya.c (Juan 17:3) Habang sinisimulan mong hayaang ang liwanag ng Salita ng Diyos ay tumagos sa iyong buhay, ikaw ay makadaranas ng kagalakan samantalang ang iyong ‘pangangailangan sa Diyos’ ay nasasapatan, baytang-baytang. Oo, kakamtin mo ang walang-hanggang mga pagpapala sapagkat ang relihiyon​—ang tunay na relihiyon​—ay dibdibang pinag-isipan mo.

[Mga talababa]

a Tingnan, halimbawa, ang Genesis 2:4; 5:1; 6:9.

b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aklat na Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao?, na maaaring makuha buhat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.

c Ang mga Saksi ni Jehova ay malulugod na tulungan ka sa bagay na ito. Isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang maaaring isaayos sa pamamagitan ng pakikipag-alam sa mga tagapaglathala ng magasing ito o sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa inyong pamayanan.

[Larawan sa pahina 5]

Ang Bibliya ay nasa mahigit na 1,900 wika at kasuwato ng pag-aangkin nito na ito’y kinasihan ng Diyos

[Larawan sa pahina 7]

Ang relihiyon ng Bibliya ay nagbibigay ng pag-asa ng pag-iral ng mapayapang mga kalagayan sa buong daigdig sa ilalim ng isang makalangit na pamahalaan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share