Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • sh kab. 14 p. 329-343
  • Makabagong Pag-aalinlangan—Dapat Bang Ituloy ang Paghahanap?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makabagong Pag-aalinlangan—Dapat Bang Ituloy ang Paghahanap?
  • Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbalandra ng Repormasyon
  • Ang Pagsalakay ng Siyensiya at Pilosopiya
  • Ang Malaking Pakikipagkompromiso
  • Saligan ng Pananampalataya sa Diyos
  • Nagkataon Lamang o Sadyang Dinisenyo?
  • Saganang Patotoo sa Ating Paligid
  • Ang Bibliya​—Mapaniniwalaan Ba Ito?
  • Pagharap sa Hamon ng Pag-aalinlangan
  • Paano Nagsimula ang Uniberso at ang Buhay?
    Gumising!—2002
  • Saan Mo Masusumpungan ang mga Sagot?
    Gumising!—2004
  • Ang Siyensiya, Relihiyon, at ang Paghahanap sa Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Tanging Bukál ng Mataas na Karunungan
    Ano ang Layunin ng Buhay?—Paano Mo Masusumpungan?
Iba Pa
Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
sh kab. 14 p. 329-343

Kabanata 14

Makabagong Pag-aalinlangan​—Dapat Bang Ituloy ang Paghahanap?

“Ang Diyos ay hindi na nakasanayang alalahanin ng mga tao. Madalang na siyang isaalang-alang sa kanilang araw-araw na mga gawain at pagpapasiya. . . . Ang Diyos ay pinalitan na nila ng mga bagay na mas mahalaga: ng pagkakakitaan at pagtutubuan. Noong una siya ang dahilan ng pagiging-makahulugan ng lahat ng gawain ng tao, subalit ngayon ay ibinulid na siya sa lihim na mga bartolina ng kasaysayan. . . . Ang Diyos ay naglaho na sa isipan ng tao.”​—The Sources of Modern Atheism.

1. (Ilakip ang pambungad.) (a) Papaano inilalarawan ng aklat na The Sources of Modern Atheism ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos ngayon? (b) Papaanong ang makabagong pag-aalinlangan ay kabaligtaran ng mga kalagayan hindi pa natatagalan ngayon?

HINDI pa natatagalan, ang Diyos ay mahalagang bahagi pa ng buhay sa Kanluran. Upang ang isa ay maging tanyag sa lipunan, siya ay dapat kakitaan ng pananampalataya sa Diyos, kahit na hindi talaga ikinakapit ng bawat isa ang di-umano’y sinasampalatayanan nila. Sinasarili na lamang ang alinmang pag-aalinlangan o agam-agam. Kung ipapahayag ito sa madla ay marami ang mabibigla, at baka ang isa ay mapintasan pa.

2. (a) Bakit marami na ang huminto ng paghahanap sa Diyos? (b) Anong mga tanong ang dapat ibangon?

2 Ngunit ngayon ay baligtad na ang kalagayan. Ang mga taong may matatag na pananalig sa Diyos ay itinuturing na makitid-ang-isip, dogmatiko, at panatiko. Sa maraming lupain, ay laganap ang pagwawalang-bahala, o kawalan ng interes, sa Diyos at sa relihiyon. Karamihan ay hindi na naghahanap sa Diyos sapagkat hindi sila naniniwala na may Diyos o kaya ay may duda sila. Sa katunayan, may mga gumagamit na ng terminong “post-Christian” (pagkaraan ng Kristiyanismo) upang ilarawan ang ating panahon. Kaya dapat itanong: Papaano napahiwalay sa buhay ng tao ang paniwala sa Diyos? Anong mga puwersa ang umakay sa pagbabagong ito? May matitibay na dahilan ba upang ituloy ang paghahanap sa Diyos?

Pagbalandra ng Repormasyon

3. Ano ang isang resulta ng Repormasyong Protestante?

3 Gaya ng ipinakita sa Kabanata 13, ang Repormasyong Protestante noong ika-16 na siglo ay nagbunga ng malaking pagbabago sa pangmalas ng mga tao sa autoridad, relihiyoso man o hindi. Ang paggigiit-sa-sarili at ang kalayaan ay humalili sa pakikiayon at pagpapasakop. Bagaman karamihan ng tao ay nanatili sa ilalim ng balangkas ng tradisyonal na relihiyon, ang iba ay naging mas radikal, na kinukuwestiyon ang mga dogma at saligang turo ng tatag na mga iglesiya. At dahil sa nasaksihan nilang pagkasangkot ng relihiyon sa mga digmaan, pagdurusa at pang-aapi sa buong kasaysayan, ang iba ay lubusan nang nag-alinlangan sa relihiyon.

4. (a) Papaano inilarawan ang ateyismo sa Ingglatiyera at Pransiya noong ika-16 at ika-17 siglo? (b) Sino ang mga nahayag bunga ng pagsisikap ng Repormasyon na iwaksi ang pamatok ng papa?

4 Kasing-aga ng 1572, ay ganito ang sinabi ng isang ulat na pinamagatang Discourse on the Present State of England: “Ang imperyo ay nahahati sa tatlong partido, ang mga maka-Papa, ang mga Ateyista, at ang mga Protestante. Ang tatlo ay pawang pinagpapakundanganan: ang una at ikalawa, palibhasa marami ang bilang nila, ay hindi natin pangangahasang kalabanin.” Ayon sa isa pang tantiya, bagaman hindi gaanong mahigpit ang pagkakapit ng terminong ateyista, umabot sa 50,000 ang bilang nila sa Paris noong 1623. Anoman ang kalagayan, maliwanag na ang Repormasyon, sa pagsisikap na iwaksi ang autoridad ng papa, ay nagluwal din niyaong mga humahamon sa katayuan ng tatag na mga relihiyon. Gaya ng pagkakasaad nina Will at Ariel Durant sa The Story of Civilization: Part VII​—The Age of Reason Begins: “Ang mga palaisip sa Europa​—ang mga nangunguna sa kaisipang-Europeano​—ay hindi na nagdidiskusyon sa autoridad ng papa; pinagtatalunan na nila ang pag-iral ng Diyos.”

Ang Pagsalakay ng Siyensiya at Pilosopiya

5. Anong mga puwersa ang nagpabilis sa paglaganap ng pag-aalinlangan sa Diyos?

5 Bukod sa pagkakawatakwatak mismo ng Sangkakristiyanuhan, may iba pang mga puwersa na nagpahina sa katayuan nito. Ang siyensiya, pilosopiya, pagka-makasanlibutan, at materyalismo ay pawang gumanap ng papel sa paghahasik ng alinlangan at pagpapaunlad ng agam-agam hinggil sa Diyos at sa relihiyon.

6. (a) Papaano nakaapekto sa mga turo ng simbahan ang pagsulong ng makasiyentipikong kaalaman? (b) Ano ang ginawa niyaong mga nagsasabing sila’y sunod-sa-panahon?

6 Ang paglaganap ng makasiyentipikong kaalaman ay nagbangon ng agam-agam sa mga turo ng simbahan na nasasalig sa maling pagpapakahulugan sa Bibliya. Halimbawa, ang astronomikal na mga tuklas nina Copernico at Galileo ay nagharap ng tuwirang hamon sa geosentrikong doktrina ng simbahan, alalaong baga, na ang lupa ang siyang sentro ng sansinukob. Bukod dito, dahil sa pag-unawa sa mga batas ng kalikasan na nagpapakilos sa pisikal na daigdig, ang dati-rati’y mahiwagang mga kababalaghan na gaya ng kulog at kidlat o paglitaw ng ilang bituin o bulalakaw, ay hindi na itinuring na kalooban ng Diyos o Tadhana. Ang mga “himala” at “pakikialam ng Diyos” sa buhay-buhay ng tao ay pinagdudahan na rin. Walang anu-ano, ang Diyos at ang relihiyon ay naging laós na para sa marami, at ang ilan sa mga nag-aangking sunod-sa-panahon ay biglang tumalikod sa Diyos at bumaling sa pagsamba ng sagradong baka ng siyensiya.

7. (a) Tiyak, ano ang pinakamatinding dagok sa relihiyon? (b) Ano ang naging tugon ng mga iglesiya sa Darwinismo?

7 Walang alinlangan, ang pinakamatinding dagok sa relihiyon ay ang teoriya ng ebolusyon. Noong 1859 ang Origin of the Species ay inilathala ni Charles Darwin (1809-82), manunuri ng likas na kasaysayan, at ito’y tuwirang humamon sa turo ng Bibliya hinggil sa paglalang ng Diyos. Ano ang itinugon ng mga iglesiya? Sa pasimula ang teoriya ay tinuligsa ng mga klero sa Ingglatiyera at iba pang dako. Subalit madaling naglaho ang pagsalansang. Waring ang mga panghihinuha ni Darwin ang dahilan na hinahanap ng maraming klero na noo’y lihim nang nagkikimkim ng pag-aalinlangan. Kaya, buháy pa si Darwin, “ipinasiya na ng mga palaisip at artikulanteng klero na ang ebolusyon ay lubusang kasuwato ng naliwanagang unawa sa kasulatan,” sabi ng The Encyclopedia of Religion. Sa halip na ipagtanggol ang Bibliya, ang Sangkakristiyanuhan ay napadaig sa panggigipit ng makasiyentipikong opinyon at nakisayaw na lamang sa popular na paniwala. Kaya, pinahina nito ang pananampalataya sa Diyos.​—2 Timoteo 4:3, 4.

8. (a) Ano ang kinuwestiyon ng mga kritiko ng relihiyon noong ika-19 na siglo? (b) Ano ang ilang tanyag na teoriya na iniharap ng mga kritiko ng relihiyon? (c) Bakit marami ang agad yumakap sa mga ideyang laban-sa-relihiyon?

8 Sa pagpapatuloy ng ika-19 na siglo, lalong naging pangahas ang mga kritiko ng relihiyon. Hindi nasiyahan sa basta pagbubunyag ng mga kamalian ng simbahan, sinimulan nilang pag-alinlanganan ang mismong pundasyon ng relihiyon. Nagbangon sila ng mga tanong na gaya ng: Ano ang Diyos? Kailangan pa ba ang Diyos? Papaano nakaapekto sa lipunan ng tao ang pananampalataya sa Diyos? Sina Ludwig Feuerbach, Karl Marx, Sigmund Freud, at Friedrich Nietzsche ay nangatuwiran ayon sa mga terminolohiyang pilosopikal, sikolohikal, at sosyolohikal. Ang mga teoriyang tulad ng ‘Ang Diyos ay guni-guni lamang ng tao,’ ‘Ang relihiyon ay opiyo ng bayan,’ at ‘ang Diyos ay patay’ ay waring bago at mas kapanapanabik kung ihahambing sa malalabo at mahirap unawaing mga dogma at tradisyon ng mga iglesiya. Sa wakas ay waring natuklasan ng marami ang maliwanag na paraan ng pagpapahayag ng mga alinlangan at agam-agam na matagal nang umuukilkil sa kanilang isipan. Agad-agad at maluwag nilang niyakap ang mga ideyang ito na wari’y mga bagong katotohanan ng ebanghelyo.

Ang Malaking Pakikipagkompromiso

9. (a) Ano ang ginawa ng mga iglesiya sa harap ng pagsalakay ng siyensiya at pilosopiya? (b) Ano ang resulta ng pakikipagkompromiso ng mga iglesiya?

9 Ano ang ginawa ng mga iglesiya sa harap ng pagsalakay at pagsisiyasat ng siyensiya at pilosopiya? Sa halip na manindigan sa turo ng Bibliya, napadaig sila sa panggigipit at ikinompromiso pati na ang saligang mga artikulo ng pananampalataya na gaya ng paglalang at pagiging-totoo ng Bibliya. Ang resulta? Ang mga iglesiya ng Sangkakristiyanuhan ay nawalan ng kredibilidad, at maraming tao ang nawalan ng pananampalataya. Dahil sa kabiguan ng mga iglesiya na ipagtanggol ang sarili ay iniwan nilang bukas ang pintuan upang makalabas ang marami. Para sa marami, ang relihiyon ay naging isang sosyolohikal na relikya na lamang, na isinasangkot sa mahahalagang yugto sa buhay​—kapanganakan, kasalan, kamatayan. Marami ang halos huminto na ng paghahanap sa tunay na Diyos.

10. Anong mahahalagang tanong ang dapat isaalang-alang?

10 Sa harap ng lahat ng ito, lubhang makatuwiran na itanong: Talaga bang nilagdaan na ng siyensiya at ng pilosopiya ang hatol ng kamatayan ng pananampalataya sa Diyos? Ang kabiguan ba ng mga simbahan ay nangangahulugan ng kabiguan ng Bibliya, na di-umano’y itinuturo daw nila? Oo, dapat bang magpatuloy ang paghahanap sa Diyos? Suriin natin sa maikli ang mga suliraning ito.

Saligan ng Pananampalataya sa Diyos

11. (a) Aling dalawang aklat ang matagal nang saligan ng paniniwala sa Diyos? (b) Papaano nakaapekto sa tao ang mga aklat na ito?

11 Sinasabi na may dalawang aklat na nagpapatotoo sa pag-iral ng Diyos​—ang “aklat” ng paglalang, o kalikasan, at ang Bibliya. Naging saligan ito ng pananampalataya ng milyunmilyong tao sa nakaraan at kasalukuyan. Halimbawa, sa pagkamangha sa mabituing langit, isang hari noong ika-11 siglo B.C.E., ay napatulâ: “Ang langit ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay.” (Awit 19:1) Sa ika-20 siglo, habang minamasdan ang kahangahangang tanawin ng lupa mula sa kaniyang spacecraft na umiikot sa buwan, ay napabulalas ang isang astronaut: “Sa pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”​—Genesis 1:1, KJ.

12. Papaano tinuligsa ang aklat ng paglalang at ang Bibliya?

12 Gayumpaman, ang dalawang aklat na ito ay tinutuligsa niyaong mga walang paniwala sa Diyos. Sinasabi nila na napatunayan ng makasiyentipikong pagsusuri na ang buhay ay lumitaw hindi dahil sa matalinong paglalang kundi dahil sa bulag na pagkakataon at ng di-sinasadyang pamamaraan ng ebolusyon. Kaya nangangatuwiran sila na walang Maylikha at kalabisan ang magtalo pa hinggil sa Diyos. Bukod dito, marami ang naniniwala na ang Bibliya ay lipas-sa-panahon at di-makatuwiran, kaya hindi na dapat paniwalaan. Para sa kanila, wala nang saligan upang maniwala sa Diyos. Totoo bang lahat ito? Ano ang ipinakikita ng katotohanan?

Nagkataon Lamang o Sadyang Dinisenyo?

13. Ano ang dapat na naganap kung talagang ang buhay ay lumitaw nang di-sinasadya?

13 Kung walang Maylikha, tiyak na ang buhay ay kusang lumitaw nang di-sinasadya. Upang magkaroon ng buhay, ang tamang mga kemikal ay dapat magsamasama at sa wastong sukat, sa ilalim ng wastong temperatura at presyon at ng iba pang umuugit na salik, at lahat ay dapat mapanatili sa wastong lawig ng panahon. Bukod dito, upang ang buhay ay makapagpasimula at masustinehan sa lupang ito, ang mga di-sinasadyang pangyayaring ito ay dapat maulit nang libulibong beses. Subalit ano ang posibilidad na magaganap nga ang kahit isa lamang pangyayaring tulad nito?

14. (a) Gaano ang posibilidad na ang isang payak na molekula ng protina ay mabubuo nang di-sinasadya? (b) Ano ang epekto ng mga kalkulasyon ng matematika sa paniwala na ang buhay ay kusang lumitaw?

14 Inaamin ng mga ebolusyonista na ang kusang pagkabuo ng kahit iisang simpleng molekulang protina mula sa wastong mga atomo at molekula ay may posibilidad na 1 sa 10113, o 1 na sinusundan ng 113 zero. Ang bilang na ito ay mas mataas pa kaysa sa tinatayang kabuuang bilang ng mga atomo sa sansinukob! Para sa mga matematista hindi mangyayari ang anoman kahit na ang posibilidad nito ay wala pang 1 sa 1050. Subalit higit pa kaysa iisang simpleng molekulang protina lamang ang kailangan sa buhay. Upang makapagtrabaho ang isang selula, mga 2,000 iba’t-ibang protina ang kailangan, at ang posibilidad na lahat ng ito ay mabubuo nang pasumala ay 1 sa 1040,000! “Kung ang paninindigan ng isa hinggil sa [kusang] paglitaw ng buhay sa Lupa ay hindi salig sa popular na paniwala o siyentipikong pagsasanay, ang simpleng kalkulasyong ito ay lubusan nang papawi sa gayong paninindigan,” sabi ng astronomong si Fred Hoyle.

15. (a) Ano ang natuklasan ng mga siyentipiko sa pagsusuri nila sa pisikal na daigdig? (b) Ano ang sinabi ng isang propesor ng pisika tungkol sa mga batas ng kalikasan?

15 Sa kabilang dako, dahil sa pag-aaral ng pisikal na daigdig, mula sa pinakamumunting sub-atomikong bagay hanggang sa dambuhalang mga galaxy, ay natuklasan ng mga siyentipiko na ang mga likas na kababalaghan ay pawang sumusunod sa tiyak na mga saligang batas. Sa ibang salita, nakatuklas sila ng lohika at kaayusan sa lahat ng nagaganap sa sansinukob, at naipapahayag nila ang lohika at kaayusang ito sa payak na mga terminolohiya ng matematika. “Bihirang siyentista ang hindi mamamangha sa halos di-maipaliwanag na kapayakan at karilagan ng mga batas na ito,” sabi ng propesor ng pisika na si Paul Davies, sa magasing New Scientist.

16. (a) Ano ang ilang saligang bagay sa mga batas ng kalikasan na hindi kailanman nagbabago? (b) Ano ang mangyayari kung ang sukat ng di-nagbabagong mga batas na ito ay iibahin nang kahit bahagya lamang? (c) Ano ang naging konklusyon ng isang propesor ng pisika hinggil sa sansinukob at sa pag-iral ng tao?

16 Gayunman, ang lubhang katakataka sa mga batas na ito ay na ang mga ito’y may tiyak na mga salik na ekstaktong-eksakto ang sukat upang ang sansinukob ay makapanatiling umiiral. Kabilang sa saligan at di-nababagong mga katangiang ito ay ang lakas ng kuryente sa proton, ang pagiging-siksik ng mga saligang partikulo, at ang pansansinukob na batas ni Newton hinggil sa grabitasyon, na karaniwang tinutukoy sa pamamagitan ng letrang G. Hinggil dito ay nagpapatuloy si Propesor Davies: “Ang pinakamaliit na pagbabago sa mga sukat na ito ay lubhang aapekto sa anyo ng Sansinukob. Halimbawa, ipinakita ni Freeman Dyson na kung ang puwersa sa pagitan ng mga nucleon (mga proton at neutron) ay tataas ng ilang porsiyento lamang, ang Sansinukob ay mawawalan ng idrohena. Ang mga bituing gaya ng Araw, huwag nang sabihin pa ang tubig, ay hindi maaaring umiral. Ang buhay, gaya ng ating nakikilala, ay hindi makapagpapatuloy. Ipinakita ni Brandon Carter na sa mas maliliit na pagbabago sa G (grabitasyon) ang lahat ng bituin ay magiging kulay-bughaw na mga dambuhala o kulay-pulang mga duwende, at kakilakilabot ang ibubunga nito.” Kaya, nagtatapos si Davies: “Dahil dito, maaari nating isipin na posibleng iisa lamang ang Sansinukob. Kaya, kamanghamanghang isipin na ang mismong pag-iral natin bilang matalinong mga nilalang ay ang di-maiiwasang resulta ng lohika.”​—Amin ang italiko.

17. (a) Ano ang maliwanag na ipinahihiwatig ng disenyo at layunin ng sansinukob? (b) Papaano ito pinatutunayan ng Bibliya?

17 Ano ang ating maipapasiya mula sa lahat ng ito? Una sa lahat, kung ang sansinukob ay inuugitan ng mga batas, kinakailangan ang isang matalinong mambabatas na lumikha o nagtatag sa mga batas. Bukod dito, yamang ang mga batas na umuugit sa pagkilos ng sansinukob ay waring ginawa bilang paghahanda sa buhay at sa mga kalagayan na susustine rito, maliwanag na nasasangkot ang layunin. Disenyo at layunin​—hindi ito mga katangian ng bulag na pagkakataon; ito mismo ang dapat mabakas sa isang matalinong Maylikha. At ito mismo ang ipinahihiwatig ng Bibliya nang sabihin nito: “Ang nakikilala tungkol sa Diyos ay nahahayag sa kanila, sapagkat inihayag ito ng Diyos sa kanila. Sapagkat ang mga katangian niyang hindi nakikita ay maliwanag na naaaninaw mula nang lalangin ang daigdig, sapagkat ito’y natatanto sa mga bagay na ginawa, maging ang walang-hanggan niyang kapangyarihan at pagka-Diyos.”​—Roma 1:19, 20; Isaias 45:18; Jeremias 10:12.

Saganang Patotoo sa Ating Paligid

18. (a) Saan pa makikita ang disenyo at layunin? (b) Ano ang ilang pamilyar na mga halimbawa ng matalinong disenyo?

18 Totoo, ang disenyo at layunin ay makikita hindi lamang sa maayos na kilos ng sansinukob kundi sa araw-araw na gawain ng mga nabubuhay na nilikha, payak man o masalimuot, at pati na sa ugnayan nila sa isa’t-isa at sa sansinukob. Halimbawa, halos lahat ng bahagi ng katawan ng tao​—ang utak, mata, tainga, kamay​—ay nagpapakita ng napakasalimuot na disenyo na hindi lubusang maipaliwanag ng makabagong agham. Nariyan pa ang mga hayop at halaman. Ang taunang paglalakbay ng mga ibon na sumasaklaw ng libulibong milya ng lupa at dagat, ang paraan ng photosynthesis sa mga halaman, ang paglaki ng iisang pertilisadong itlog hanggang sa maging isang masalimuot na organismo na nagtataglay ng milyunmilyong iba’t-ibang selula na may kanikaniyang pantanging gawain​—iilang halimbawa lamang ito​—lahat ay namumukod-tanging patotoo ng matalinong disenyo.a

19. (a) Ang makasiyentipikong paliwanag sa pag-andar ng ilang bagay ay patotoo ba na walang matalinong disenyo o disenyador? (b) Ano ang matututuhan mula sa pag-aaral ng daigdig sa ating palibot?

19 Gayunman, ikakatuwiran ng iba na ang sumusulong na kaalaman sa siyensiya ay may paliwanag sa mga kababalaghang ito. Totoo, sa isang paraan ay naipaliwanag ng siyensiya ang maraming bagay na noong una ay itinuring na mahiwaga. Subalit ang pagkatuklas ng isang bata sa pag-andar ng isang relo ay hindi patotoo na ang relo ay walang nagdisenyo at gumawa. Kahawig nito, ang unawa natin sa kamanghamanghang pagkilos ng maraming bagay sa pisikal na daigdig ay hindi nagpapatotoo na walang matalinong taga-disenyo sa likuran ng mga ito. Sa kabaligtaran, mentras lumalaki ang alam natin tungkol sa daigdig, lalong dumarami ang patotoo na may matalinong Lumikha, ang Diyos. Kaya, taglay ang bukas na isipan, sasang-ayon tayo sa sinabi ng mang-aawit: “Pagkasarisari ang iyong mga gawa, O Jehova! Lahat ay ginawa mo sa karunungan. Ang lupa ay punô ng iyong mga paglikha.”​—Awit 104:24.

Ang Bibliya​—Mapaniniwalaan Ba Ito?

20. Ano ang nagpapakita na hindi sapat ang paniwala sa Diyos upang udyukan ang isa na humanap sa kaniya?

20 Gayumpaman, ang paniwala sa pag-iral ng Diyos ay hindi sapat upang pakilusan ang tao na maghanap sa kaniya. Sa ngayon milyunmilyong tao ang hindi pa lubusang nagtatakwil ng paniwala sa Diyos, subalit hindi ito nag-udyok sa kanila na hanapin Siya. Sinabi ni George Gallup, Jr., Amerikanong tagakuha ng sensus, na “dahil sa pandaraya, di pagbabayad ng buwis, at pangungulimbat, mahirap talagang makita ang pagkakaiba ng taong palasimba at ng di-nagsisimba, palibhasa ang relihiyon ay pangsosyal na lamang.” Sinabi pa niya na “marami ang lumilikha ng relihiyon na magiging maalwan at na kikiliti sa kanila at isa na hindi gaanong humahamon. May tumatawag dito na relihiyong à la carte (depende sa gusto). Ito ngayon ang pangunahing kahinaan ng Kristiyanismo sa bansang ito [E.U.A.]: Kulang ang katatagan sa pananampalataya.”

21, 22. (a) Ano ang gumagawa sa Bibliya bilang isang namumukod-tanging aklat? (b) Ano ang saligang ebidensiya hinggil sa pagiging-totoo ng Bibliya? Ipaliwanag.

21 Sa kalakhan, ang “pangunahing kahinaan” na ito ay bunga ng kakulangan ng kaalaman at pananampalataya sa Bibliya. Ngunit may saligan ba upang maniwala sa Bibliya? Una sa lahat, dapat pansinin na bukod sa Bibliya, malamang na wala nang ibang aklat ang tumanggap ng malabis na pamumuna, pang-aabuso, pagkapoot, at pagtuligsa sa nakalipas na panahon. Gayunman, sa kabila ng lahat ay nakaraos ito at hanggang sa ngayon ito ang pinakamalawak na naisalin at naipamahaging aklat. Dito lamang ay namumukod-tangi na ang Bibliya bilang isang aklat. Subalit sagana ang patotoo, kapanipaniwalang ebidensiya, na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos at karapatdapat paniwalaan.​—Tingnan ang kahon, pahina 340-1.

22 Bagaman marami ang nagsasabing ang Bibliya ay di-​makasiyentipiko, may salungatan, at lipas-sa-panahon, kabaligtaran ang ipinakikita ng mga katotohanan. Ang pantanging pagkaka-akda, pagiging-makasaysayan at maka-siyentipikong kawastuan, at ang di-sumasalang mga hula nito ay pawang umaakay sa isang tiyak na konklusyon: Ang Bibliya ay ang kinasihang Salita ng Diyos. Gaya ng pagkasabi ni apostol Pablo: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapakipakinabang.”​—2 Timoteo 3:16.

Pagharap sa Hamon ng Pag-aalinlangan

23. Ano ang maipapasiya hinggil sa Bibliya kapag sinusuri ang mga katotohanan?

23 Pagkatapos isaalang-alang ang ebidensiya mula sa aklat ng paglalang at sa Bibliya, ano ang ating pasiya? Ang mga aklat na ito ay mabisa pa rin na gaya ng dati. Kung makakaharap tayo sa suliranin nang walang pagkiling at hindi padadaig sa patiunang pagpapasiya, matutuklasan natin na ang alinmang pagtutol ay mapagtatagumpayan sa makatuwirang paraan. Nariyan ang mga sagot, kailangan lamang ang kusang paghahanap. Sinabi ni Jesus, “Patuloy na hanapin, at inyong masusumpungan.”​—Mateo 7:7; Gawa 17:11.

24. (a) Bakit marami na ang huminto ng paghahanap sa Diyos? (b) Saan tayo makakakuha ng kaaliwan? (c) Ano ang isasaalang-alang sa nalalabing bahagi ng aklat na ito?

24 Kung tutuusin, karamihan ng naghahanap sa Diyos ay huminto hindi dahil sa maingat nilang sinuri ang ebidensiya at napatunayang sala pala ang Bibliya. Sa halip, marami ang nagsawà dahil sa pagkabigo ng Sangkakristiyanuhan na ipakilala ang tunay na Diyos ng Bibliya. Sinabi ng manunulat na Pranses na si P. Valadier: “Ang tradisyong Kristiyano mismo ang nagluwal sa ateyismo; umakay ito sa pagkamatay ng Diyos sa budhi ng mga tao sapagkat iniharap nito ang isang Diyos na mahirap nilang paniwalaan.” Anoman ang sabihin nila, maaari tayong maaliw mula sa mga salita ni apostol Pablo: “Ano nga kung ang ilan ay hindi sumampalataya, ang kawalan ba nila ng pananampalataya ay magpapawalang-halaga sa pagiging-tapat ng Diyos? Huwag nawang mangyari! Bagkus pa nga hayaang maging tapat ang Diyos, bagaman ang bawat tao ay masumpungang sinungaling.” (Roma 3:3, 4) Oo, may sapat na dahilan upang ituloy ang paghahanap sa tunay na Diyos. Sa nalalabing mga kabanata ng aklat na ito, makikita natin kung papaanong ang paghahanap ay humantong sa tagumpay at kung anong kinabukasan ang naghihintay sa tao.

[Talababa]

a Para sa detalyadong paliwanag sa mga patotoo hinggil sa pag-iral ng Diyos, tingnan ang aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., 1985, pahina 142-78.

[Kahon sa pahina 340, 341]

Ebidensiya ng Pagiging-Totoo ng Bibliya

Natatanging Pagkakaakda: Mula sa unang aklat nito, ang Genesis, hanggang sa kahulihulihan, ang Apocalipsis, ang Bibliya ay binubuo ng 66 aklat na isinulat ng mga 40 manunulat mula sa iba’t-ibang kapaligiran sa lipunan, edukasyon, at hanapbuhay. Isinulat ito sa loob ng 16 na siglo, mula 1513 B.C.E. hanggang 98 C.E. Gayunman, ang resulta ay isang aklat na nagkakasuwato at magkakaugnay, na bumabalangkas sa pagkakabuo ng isang prominenteng tema​—ang pagbabangong-puri sa Diyos at sa kaniyang layunin sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian.​—Tingnan ang kahon, pahina 241.

Pagiging-Wasto sa Kasaysayan: Ang mga pangyayaring nakaulat sa Bibliya ay lubusang kasuwato ng napatunayang mga pangyayari sa kasaysayan. Sinasabi ng aklat na A Lawyer Examines the Bible: “Bagaman ang mga romansa, alamat at huwad na patotoo ay maingat na nag-uulat ng mga pangyayari kung kaya waring ang mga ito ay naganap sa isang napakalayong lugar at di-tiyak na panahon, . . . ang mga salaysay sa Bibliya ay buong-kawastuang nagsasaad ng petsa at dakong pinangyarihan.” (Ezekiel 1:1-3) Sinasabi din ng The New Bible Dictionary: “Ang salaysay ay inilalagay [ng manunulat ng Mga Gawa] sa balangkas ng kontemporaryong kasaysayan; ang mga pahina niya ay lipos ng pagtukoy sa mga mahistrado ng lungsod, mga gobernador ng lalawigan, mga haring nasasakupan, at mga tulad nito, at ang mga pagtukoy ay palaging tumatama sa lugar at panahon na pinag-uusapan.”​—Gawa 4:5, 6; 18:12; 23:26.

Siyentipikong Kawastuan: Ang mga batas sa kuwarantenas at kalinisan ay inilaan ng aklat ng Levitico para sa mga Israelita nang ang mga ito ay hindi pa nababatid ng mga bansa sa palibot. Ang siklo ng ulan at ebaporasyon mula sa dagat, bagay na hindi nababatid noong sinauna, ay inilalarawan sa Eclesiastes 1:7. Binabanggit sa Isaias 40:22 at Job 26:7 na ang lupa ay bilog at nakabitin sa kalawakan, bagaman ito ay natuklasan lamang ng siyensiya noong ika-16 siglo. Mahigit na 2,200 taon bago pa ilathala ni William Harvey ang kaniyang mga tuklas hinggil sa sirkulasyon ng dugo, ipinakita na ng Kawikaan 4:23 ang tungkulin ng puso ng tao. Kaya, bagaman ang Bibliya ay hindi aklat-aralin sa siyensiya, kapag bumabanggit ito ng mga bagay na may kaugnayan sa siyensiya, ito ay nagpapamalas ng malalim at adelantadong unawa.

Di-Nagmimintis na mga Hula: Ang pagkawasak ng sinaunang Tiro, ang pagbagsak ng Babilonya, ang pagtatayong-muli ng Jerusalem, at ang pagbangon at pagbagsak ng mga hari ng Medo-Persya at Gresya ay inihula nang detalyado anupat may-kabiguang ipinaratang ng mga kritiko na ang mga hula ay isinulat pagkatapos mangyari. (Isaias 13:17-19; 44:27–​45:1; Ezekiel 26:3-7; Daniel 8:1-7, 20-22) Natupad sa kaliitliitang detalye ang mga hula tungkol kay Jesus na ginawa maraming dantaon bago siya isilang. (Tingnan ang kahon, pahina 245.) Ang sariling mga hula ni Jesus hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem ay natupad din nang may kawastuan. (Lucas 19:41-44; 21:20, 21) Ang mga hula nina Jesus at apostol Pablo hinggil sa mga huling araw ay natutupad sa ating panahon mismo. (Mateo 24; Marcos 13; Lucas 21; 2 Timoteo 3:1-5) Gayunman, lahat ng hulang ito ay iniuukol ng Bibliya sa iisang Pinagmulan, ang Diyos na Jehova.​—2 Pedro 1:20, 21.

[Mga larawan sa pahina 333]

Sina Darwin, Marx, Freud, Nietzsche, at iba pa ay nagharap ng mga teoriya na umakay sa panghihina ng pananampalataya sa Diyos

[Mga larawan sa pahina 335]

Ang “aklat” ng paglalang at ang Bibliya ay naglaan ng saligan ukol sa pananampalataya sa Diyos

[Mga larawan sa pahina 338]

Mentras nauunawaan natin ang daigdig, lalong dumarami ang ebidensiya ng isang matalinong Maylikha

[Dayagram/Larawan sa pahina 337]

Ang buhay at ang sansinukob ay hindi maaaring umiral kung ang ilang salik ng disenyo ay mababago nang kahit bahagya lamang

[Dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MGA BAHAGI NG ATOMONG IDROHENA

Electron shell

Proton + Nucleus

ELECTRON −

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share