Ang Siyensiya, Relihiyon, at ang Paghahanap sa Katotohanan
“Ang bagay na maraming huwad na relihiyon ang lumalaganap . . . ay totoong nakaimpluwensiya sa akin.”—Charles Darwin
NOONG bandang pasimula ng ika-19 na siglo, ang siyensiya at relihiyon ay nagtamasa ng isang magkasuwatong ugnayan. “Kahit na sa mga kasulatang siyentipiko,” ang sabi ng aklat na Darwin: Before and After, “ang mga manunulat ay hindi nakadama ng pag-aatubili sa pagsasalita tungkol sa Diyos sa isang paraang maliwanag na natural at taimtim.”
Malaki ang nagawa ng Origin of Species ni Darwin upang baguhin iyan. Ang siyensiya at ebolusyon ay nakabuo ng isang malapit na kaugnayan na naglagay sa relihiyon—at sa Diyos—sa isang tabi. “Sa ebolusyonaryong pag-iisip,” sabi ni Sir Julian Huxley, “wala nang pangangailangan o dako para sa sobrenatural.”
Sa ngayon ang teoriya ng ebolusyon ay inaangkin na isang mahalagang pundasyon ng siyensiya. Ang isang susing dahilan para sa ugnayan ay ipinakilala ng pisikong si Fred Hoyle: “Mas ikinababahala ng tradisyunal na mga siyentipiko ang paghadlang sa pagbabalik ng mga kalabisan ng relihiyon noong una kaysa asam-asamin ang katotohanan.” Anong uri ng mga kalabisan ang nagpangyaring ang relihiyon ay maging kasuklam-suklam sa pangmalas ng siyensiya?
Binigyan ng Relihiyon ng Isang Masamang Pangalan ang Paglalang
Sa isang ipinagpapalagay na pagtatangkang ipagtanggol ang Bibliya, iginiit ng mga “creationist”—karamihan ay kaalyado ng mga Protestanteng pundamentalista—na umiiral ang lupa at ang sansinukob nang wala pang 10,000 taon. Ang matinding pananaw na ito ay nagbunga ng pagtuya ng mga heologo, astronomo, at mga pisiko, dahil sinasalungat nito ang kanilang mga natuklasan.
Subalit ano bang talaga ang sinasabi ng Bibliya? “Sa pasimula ay nilikha ng Diyos ang mga langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Hindi binanggit ang haba ng panahong nasasangkot. Ang “unang araw” ng paglalang ay hindi pa nga binanggit kundi sa Genesis 1:3-5. Umiiral na “ang mga langit at ang lupa” nang magsimula ang unang “araw” na ito. Samakatuwid, maaari kayang bilyung-bilyong taon nang umiiral ang mga langit at ang lupa, gaya ng sinasabi ng mga siyentipiko? Maaaring gayon nga. Hindi lamang tinutukoy ng Bibliya ang panahong nasasaklaw.
Isa pang kalabisan ng relihiyon ay ang paraan ng pagpapaliwanag ng ilan tungkol sa anim na ‘mga araw’ ng paglalang. Iginigiit ng ilang pundamentalista na ang mga araw na ito ay literal, na itinatakdang ang makalupang paglalang ay isang yugto ng 144 na oras. Ito’y nagbabangon ng pag-aalinlangan sa mga siyentipiko, sapagkat nadarama nila na ang pahayag na ito ay salungat sa malilinaw na obserbasyong makasiyensiya.
Gayunman, ang pagpapaliwanag ng mga pundamentalista sa Bibliya—hindi ang Bibliya mismo—ang salungat sa siyensiya. Hindi sinasabi ng Bibliya na ang bawat “araw” ng paglalang ay may habang 24 na oras; sa katunayan, kasali dito ang lahat ng ‘mga araw’ na ito sa lalong mahabang “araw na gawin ng Diyos na Jehova ang lupa at ang langit,” ipinakikita na hindi lahat ng Biblikal na ‘mga araw’ ay may habang 24 na oras lamang. (Genesis 2:4) Ang ilan ay maaaring may habang libu-libong taon.a
Sa gayon, ang idea ng paglalang ay binigyan ng masamang pangalan ng mga naniniwala sa paglalang at ng mga pundamentalista. Ang kanilang mga turo tungkol sa edad ng sansinukob at sa haba ng ‘mga araw’ ng paglalang ay hindi kasuwato ng makatuwirang siyensiya ni ng Bibliya. Gayunman, may iba pang mga kalabisan na nagpangyaring ang relihiyon ay maging di-kanais-nais sa mga siyentipiko.
Pag-aabuso sa Kapangyarihan
Sa buong kasaysayan, ang relihiyon ang may pananagutan sa malaking kaapihan. Halimbawa, noong mga Edad Medya, ang doktrina ng paglalang ay pinilipit upang bigyang-katuwiran ang pagtangkilik ng simbahan sa autokrasya sa Europa. Ipinahiwatig na ang mga tao ay itinakda ng Diyos sa kanilang kalagayan, na mayaman o mahirap. Ganito ang paliwanag ng The Intelligent Universe: “Sinasabihan ang nakababatang mga anak na lalaki ng mayayaman na ‘kaayusan ng Diyos’ na sila ay tumanggap ng kaunti o hindi tumanggap ng mga pag-aari ng pamilya, at ang taong nagtatrabaho ay palaging hinihimok na maging kontento na sa ‘kalagayang ikinalugod ng Diyos na tawagin siya.’”
Hindi nga nakapagtataka na marami ang natatakot na bumalik sa “mga kalabisan ng relihiyon noong una”! Sa halip na makatugon sa espirituwal na pangangailangan ng tao, kadalasang sinasamantala pa iyon ng relihiyon. (Ezekiel 34:2) Ganito ang komento ng isang pangulong-tudling sa magasing India Today: “Sa naitatag nitong rekord sa paglakad ng mga panahon, nakapagtatakang napanatili ng relihiyon ang kredibilidad nito. . . . Sa ngalan ng Kataas-taasang Maylikha, . . . isinagawa ng mga tao ang pinakakarumal-dumal na kalupitan laban sa kanilang kapuwa mga nilalang.”
Ang nakapangingilabot na rekord ng huwad na relihiyon sa kaisipan ni Darwin. “Unti-unti kong di-pinaniwalaan na ang Kristiyanismo ay isang pagsisiwalat ng Diyos,” ang isinulat niya. “Ang bagay na maraming huwad na relihiyon ang lumalaganap na gaya ng sunog sa gubat sa malalaking bahagi ng lupa ay totoong nakaimpluwensiya sa akin.”
Ang Tagumpay ng Tunay na Relihiyon
Ang relihiyosong pagpapaimbabaw ay hindi na bago sa sanlibutang ito. Ganito ang sinabi ni Jesus sa gutom-sa-kapangyarihang mga lider ng relihiyon noong kaniyang kaarawan: “Kayo ay waring mabubuting tao sa labas—subalit sa loob kayo ay isang bunton ng pagkukunwari at kasamaan.”—Mateo 23:28, Phillips.
Gayunman, ang tunay na Kristiyanismo ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Ang mga tagasunod nito ay hindi nakikibahagi sa likong relihiyon at pulitika; ni sila man ay naililigaw ng mga pilosopiya na nagtatatwa sa pag-iral ng isang Maylikha. “Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos,” ang isinulat ni apostol Pablo.—1 Corinto 3:19.
Subalit, hindi ito nangangahulugan na ang tunay na mga Kristiyano ay walang-muwang kung tungkol sa siyensiya. Sa kabaligtaran, ang mga tagasunod ng tunay na relihiyon ay interesado sa siyensiya. “Itingin ninyo sa itaas ang inyong mga mata at tingnan ninyo,” ang propetang si Isaias noong una ay sinabihan. “Sino ang lumikha ng mga bagay na ito?” (Isaias 40:26) Gayundin, upang higit na maunawaan ang Maylikha, si Job ay inanyayahang siyasatin ang mga kababalaghan ng kalikasan at ng sansinukob.—Job, kabanata 38-41.
Oo, ang paglalang ay minamalas niyaong mga naniniwala sa isang Maylikha taglay ang magalang na pagkatakot. (Awit 139:14) Bukod dito, nagtitiwala sila sa sinasabi ng Maylikha, ang Diyos na Jehova, tungkol sa isang kamangha-manghang pag-asa para sa hinaharap. (Apocalipsis 21:1-4) Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, milyun-milyon ang natututo na ang pinagmulan ng tao o ang kaniyang hinaharap ay hindi nagkataon lamang. Si Jehova ay may layunin sa paglikha sa tao, at matutupad ang layuning iyan—sa ikapagpapala ng lahat ng masunuring tao. Inaanyayahan namin kayong suriin ang bagay na ito.
[Talababa]
a Tingnan ang Gumising!, Marso 8, 1983, pahina 7-10, at ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 545, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. Para sa higit pang impormasyon tungkol sa paglalang at sa pagiging salungat nito sa siyensiya at sa Bibliya, tingnan ang Gumising! sa mga isyu ng Agosto 8, 1983, pahina 16-20, at Agosto 22, 1983, pahina 16-20.
[Kahon sa pahina 6]
WALANG-ALAM SA EBIDENSIYA?
“KAHIT ang mga Saksi ni Jehova ay maraming nalalaman tungkol sa biyolohiya,” ang isinulat ng abogadong si Norman Macbeth sa kaniyang aklat na Darwin Retried—An Appeal to Reason noong 1971. Sa pagkabasa ng isang artikulo sa Gumising! sa paksang ebolusyon, ganito ang sabi ni Macbeth: “Ako’y namanghang matuklasan na ito ay naglalaman ng ilang matalinong pagpuna sa Darwinismo.” Sa pagkapansin sa malawak na pagsasaliksik at makatuwirang mga pagsipi buhat sa mga awtoridad sa paksang iyon, ganito ang konklusyon ng awtor: “Hindi na wasto para kay Simpson na sabihing: ‘. . . yaong mga hindi naniniwala doon [sa ebolusyon] ay, halos bawat tao, maliwanag na walang-alam sa makasiyensiyang ebidensiya.’ ”
[Larawan sa pahina 7]
Ang hinaharap ng tao ay hindi nagkataon lamang