Mga Epekto ng Teoriya ng Ebolusyon
MAAGA noong ika-19 na siglo, ang relihiyon at siyensiya ay nagtatamasa ng isang mahusay na kaugnayan. Dalawang taon lamang bago ilathala ang The Origin of Species, ang biyologo at propesor sa Harvard na si Louis Agassiz ay sumulat na ang daigdig ng buháy na mga bagay ay nagpapakita ng “premeditasyon, karunungan, kadakilaan” at na ang pangunahing layunin ng kasaysayan ng kalikasan ay suriin “ang mga kaisipan ng Maylikha ng Sansinukob.”
Ang pangmalas ni Agassiz ay pangkaraniwan. Minamalas ng maraming tao ang siyensiya at ang relihiyon na magkasundo. Ang mga tuklas ng siyensiya ay karaniwang itinuturing bilang katibayan ng isang Dakilang Maylikha. Subalit nagkakaroon ng tusong hidwaan sa pagitan ng relihiyon at ng siyensiya.
Nag-uugat ang Pag-aalinlangan
Ang Principles of Geology ni Charles Lyell, na ang unang tomo ay lumitaw noong 1830, ay naghasik ng pag-aalinlangan sa ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang. Sinabi ni Lyell na ang paglalang ay imposibleng mangyari sa loob ng literal na anim na araw. Ang pisikong si Fred Hoyle ay sumulat: “Ang mga aklat ni Lyell ang may malaking pananagutan sa pagkumbinsi sa daigdig sa pangkalahatan na ang Bibliya ay maaaring mali, sa paano man sa ilang bagay, isang di-sukat-akalaing kaisipan hanggang sa ngayon.”a
Isang saligan sa pag-aalinlangan sa gayon ang nailatag. Sa kaisipan ng marami, ang siyensiya at ang Bibliya ay hindi na maaaring papagkasunduin. Kung papipiliin, pinipili ng marami ang siyensiya. “Nagawa ng mga aklat ni Lyell na pag-alinlanganan ang unang mga kabanata ng Matandang Tipan,” sulat ni Fred Hoyle, “at ang mga aklat ni Darwin ay naroon upang halinhan ito.”
Ang The Origin of Species ay dumating sa tamang-tamang panahon para sa mga ayaw tumanggap sa Bibliya bilang ang Salita ng Diyos. Nagkaroon ng pagkahalina sa pagitan ng tao at ng siyensiya. Ang nahalinang publiko ay naakit sa mga pangako at mga tagumpay ng siyensiya. Tulad ng isang magiting na manliligaw, pinaulanan ng siyensiya ang tao ng bagong mga regalo—ang teleskopyo, ang mikroskopyo, at ang makinang pinaaandar ng singaw (steam engine) at nang maglaon, ang kuryente, ang telepono, at ang kotse. Pinagyaman ng teknolohiya ang isang pagbabagong pang-industriya na nagbibigay sa karaniwang tao ng walang katulad na materyal na mga bentaha.
Sa kabaligtaran, ang relihiyon ay nakikita bilang isang hadlang sa pagsulong. Inaakala ng ilan na pinipigil nito ang mga tao sa pagkatuliro, hindi makaagapay sa mabilis na mga pagsulong ng siyensiya. Ang mga ateista ay nagsimulang magpahayag ng kanilang mga palagay nang may katatagan at buong tapang. Oo, gaya ng sulat ni Richard Dawkins, “ginawang posible ni Darwin ang isa na maging isang intelektuwal na nasisiyahang ateista.” Ang siyensiya ay nagiging bagong pag-asa ng tao para sa kaligtasan.
Sa pasimula, tinutulan ng mga lider ng relihiyon ang teoriya ng ebolusyon. Ngunit paglipas ng mga dekada, ang mga klero sa pangkalahatan ay sumuko sa popular na opinyon, tinatanggap ang pagsasama ng ebolusyon at paglalang. Isang ulong-balita noong 1938 ng New York Times ay nagpahayag: “Itinataguyod ng Report ng Church of England ang Ebolusyunaryong Idea ng Paglalang.” Ang report, ng isang komisyon sa ilalim ng Arsobispo ng York, ay nagsabi: “Walang pagtutol sa teoriya ng ebolusyon ang makukuha mula sa dalawang salaysay ng paglalang sa Genesis I at II, yamang ito ay karaniwang sinasang-ayunan sa gitna ng edukadong mga Kristiyano na ang mga ito ay may makaalamat na pinagmulan at na ang kanilang halaga para sa atin ay makasagisag sa halip na makasaysayan.” Ang komisyon ng arsobispo ay naghinuha: “Isipin ninyo ang nais ninyong isipin at mananatili pa rin kayong Kristiyano.”
Para sa marami, ang gayong pagsisikap na papagkasunduin ang Bibliya sa ebolusyon ay nagpahina lamang sa kredibilidad ng Bibliya. Nagbunga ito ng malawakang pag-aalinlangan sa Bibliya, at ito’y umiiral pa rin sa ngayon, kahit na sa gitna ng mga lider ng relihiyon. Karaniwan na ang mga komento ng isang obispong Episkopal sa Canada na nagsasabing ang Bibliya ay naisulat noong panahon bago ang siyentipikong panahon at samakatuwid ay nagpapabanaag ng maling opinyon at kawalang-alam. Sinabi niya na ang Bibliya ay naglalaman ng “makasaysayang mga pagkakamali” at “tahasang pagpapakalabis” tungkol sa kapanganakan at pagkabuhay-muli ni Jesus.
Kaya nga, ang marami, pati na ang mga miyembro ng klerigo, ay naging mabilis sa pagpapabulaan sa Bibliya. Subalit saan umakay ang gayong pag-aalinlangan? Anong kahaliling pag-asa ang inialok? Palibhasa’y nanghina ang pananampalataya sa Bibliya, ang ilan ay bumaling sa pilosopya at pulitika.
Mga Epekto sa Pilosopya at Pulitika
Ang The Origin of Species ay nag-alok ng isang bagong pangmalas tungkol sa paggawi ng tao. Bakit nagtatagumpay ang isang bansa sa paglupig sa isang bansa? Bakit nangingibabaw ang isang lahi sa ibang lahi? Ang The Origin of Species, taglay ang pagdiriin nito sa natural selection at matira ang matibay, ay nagbigay ng mga paliwanag na nagpakilos sa kilalang mga pilosopo ng ika-19 na siglo.
Sina Friedrich Nietzsche (1844-1900) at Karl Marx (1818-1883) ang mga pilosopong nagkaroon ng napakalaking epekto sa pulitika. Kapuwa sila nahalina sa ebolusyon. “Ang aklat ni Darwin ay mahalaga,” sabi ni Marx, “at nagsisilbi sa akin bilang isang natural na siyentipikong saligan para sa pagpupunyagi ng mataas na uri sa kasaysayan.” Tinawag ng mananalaysay na si Will Durant si Nietzsche na isang “anak ni Darwin.” Binubuod ng aklat na Philosophy—An Outline-History ang isa sa mga paniniwala ni Nietzsche: “Ang [mga tao na] malakas, matapang, dominante, mayabang, ang pinakamabuti sa hinaharap na lipunan.”
Si Darwin ay naniwala—at lumiham sa isang kaibigan—na sa hinaharap “isang walang katapusang bilang ng nakabababang mga lahi ang maaalis ng mas nakatataas na sibilisadong lahi sa buong daigdig.” Ginamit niya bilang isang pamarisan ang pananakop ng Europa sa iba at ipinalagay na ito’y bunga ng “pagpupunyagi upang mabuhay.”
Agad na ginamit ng mga makapangyarihan ang pananalitang iyon sa kanilang bentaha. Si H. G. Wells ay sumulat sa The Outline of History: “Ang karaniwang mga tao noong pagtatapos ng ikalabinsiyam na siglo ay naniwala na sila’y nanatili dahil sa kagalingan ng Pagpupunyagi Upang Mabuhay, na doo’y nadaraig ng malakas at tuso ang mahina at nagtitiwala. At naniniwala pa sila na kailangan nilang maging malakas, maliksi, walang-awa, ‘praktikal,’ maka-ako.”
Kaya nga, ang “matira ang matibay” ay nagkaroon ng pilosopikal, panlipunan, at pulitikal na kahulugan, kadalasa’y sa isang kakatwang lawak. “Sa ilang tao ang digmaan ay naging ‘isang biyolohikal na pangangailangan,’ ” sabi ng aklat na Milestones of History. At binanggit ng aklat na ito na sa susunod na siglo, “ang mga idea ni Darwin ay naging isang mahalagang bahagi ng doktrina ni Hitler tungkol sa kahigitang panlahi.”
Mangyari pa, hindi nakita nina Darwin, Marx, o ni Nietzsche kung paanong ang kanilang mga idea ay ikinapit—o maling ikinapit. Oo, inaasahan nila na pagbubutihin ng pagpupunyagi upang mabuhay ang pamumuhay ng tao. Si Darwin ay sumulat sa The Origin of Species na “lahat ng pisikal at mental na mga katangian ay susulong tungo sa kasakdalan.” Ang pari at biyologo ng ikadalawampung siglo na si Pierre Teilhard de Chardin ay sang-ayon dito, ipinalalagay na sa katapusan ay magkakaroon ng isang ‘ebolusyon ng mga isip sa lahat ng lahi ng tao; ang lahat ay magkakasuwatong gagawa tungo sa isang tunguhin.’
Pagsamâ, Hindi Pagsulong
Nakikita mo bang nangyayari ang gayong pagsulong? Ang aklat na Clinging to a Myth ay nagkomento sa optimismo ni De Chardin: “Malamang na nakalimutan ni De Chardin ang kasaysayan ng pagbububo ng dugo ng tao at ng mga sistema ng pagtatangi ng lahi na gaya ng apartheid sa Timog Aprika. Para siyang isang taong hindi namumuhay sa daigdig na ito.” Sa halip na sumulong tungo sa pagkakaisa, naranasan ng sangkatauhan sa siglong ito ang pagkakabaha-bahaging panlahi at pambansa sa walang katulad na lawak.
Ang pag-asa na iniaalok sa The Origin of Species, na ang tao ay susulong tungo sa kasakdalan, o sa paano man ay tungo sa pag-unlad, ay bigung-bigo. At ang pag-asang iyan ay patuloy na lumiliit sa paglipas ng panahon, sapagkat mula nang tanggapin ng karamihan ang ebolusyon, ang sambahayan ng tao ay kadalasang nahulog sa barbarismo. Isaalang-alang: Mahigit na 100 milyon katao ang nasawi sa mga digmaan ng dantaong ito, mga 50 milyon sa Digmaang Pandaigdig II lamang. At isaalang-alang din ang paglipol ng lahi kamakailan sa mga lugar na gaya ng Rwanda at ng dating Yugoslavia.
Ibig bang sabihin nito na walang mga digmaan at mga kalupitan noong nakalipas na mga dantaon? Hindi naman, tiyak na mayroon. Ngunit ang pagtanggap sa teoriya ng ebolusyon, ang malupit na kaisipan na kailangang may pagpupunyagi upang mabuhay, ang idea na matira-ang-matibay, ay hindi nagsilbi upang pagbutihin ang pamumuhay ng tao. Kaya bagaman hindi masisisi ang ebolusyon sa lahat ng suliranin ng tao, ito’y nakatulong upang isadlak ang tao sa mas matinding pagkapoot, krimen, karahasan, imoralidad, at pagsamâ. Yamang malawakang tinatanggap na ang tao ay nanggaling sa mga hayop, hindi kataka-taka na parami nang paraming tao ang kumikilos na parang mga hayop.
[Talababa]
a Sa katunayan, hindi itinuturo ng Bibliya na ang lupa ay nilalang sa loob ng literal na anim na araw (144 na oras). Para sa higit pang impormasyon tungkol sa maling pagkaunawang ito, tingnan ang Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, mga pahina 25-37, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 6]
‘Ang aklat ni Darwin ay nagsisilbi sa akin bilang isang siyentipikong saligan para sa pagpupunyagi ng mataas na uri sa kasaysayan.’—Karl Marx
[Blurb sa pahina 6]
‘Ang mas nakabababang lahi ay maaalis ng mas nakatataas na sibilisadong lahi.’—Charles Darwin
[Picture Credit Line sa pahina 6]
U.S. National Archives photo
[Picture Credit Line sa pahina 6]
Copyright British Museum