Isang Aklat na Gumulat sa Daigdig
Ang aklat: The Origin of Species. “Kasunod ng Bibliya,” sabi ng antropologong si Ashley Montagu, “wala nang aklat ang lubhang maimpluwensiya na gaya nito.”
Ang awtor: Si Charles Darwin, na nang panahong iyon ay tinawag ng ilan na “ang pinakamapanganib na tao sa Inglatera.”
Ang paksa: Ang teoriya ng ebolusyon. Ang mga salita at mga pariralang gaya ng “natural selection,” “matira ang matibay,” at “ebolusyon” ay kilalang-kilala na ngayon. Ngunit higit pa ba sa wika lamang ang naapektuhan ng teoriya?
SA PAGLABAS nito noong 1859, pinagdingas ng The Origin of Species, ni Charles Darwin, ang isang mainit na debate sa siyentipiko at relihiyosong mga grupo.a Naapektuhan pa nga ng debate ang larangan ng kabuhayan at lipunan at nagpapatuloy pa nga sa ngayon, mga 136 na taon na ang nakalipas.
Sa A Story Outline of Evolution, si C. W. Grimes ay sumulat tungkol sa Origin of Species ni Darwin: “Walang ibang aklat na nailimbag ang pumukaw ng labis na kontrobersiya sa gitna ng nag-iisip na mga tao. Walang ibang paksa sa kasaysayan ng tao ang lubhang humamon sa tradisyonal na mga paniniwala, bumago sa daigdig ng Kalikasan, at humubog at bumuo sa kaisipan ng tao na gaya ng Ebolusyon.”
Totoo, hindi kay Darwin nagmula ang teoriya ng ebolusyon; ang idea ay matutunton pabalik sa sinaunang Gresya. Mayroon ding ilang tagapagpauna kay Darwin noong ika-18 siglo na nagbukas ng daan para sa malawakang pagtanggap sa The Origin of Species.
Gayunman, ang aklat ni Darwin ang naging saligan ng modernong kaisipan tungkol sa ebolusyon. Ito’y nakagulat, talagang nakasindak, sa daigdig, sapagkat ang kaniyang teoriya ng ebolusyon ay higit pa ang nagawa kaysa bigla at ganap na baguhin ang biyolohiya. Ito’y tumama na parang bagyo sa mga pinaka-pundasyon ng lipunan—relihiyon, siyensiya, pulitika, ekonomiya, buhay panlipunan, kasaysayan, at pananaw sa hinaharap.
Paano naapektuhan ng teoriya ang daigdig sa loob ng mahigit na isang siglo na ngayon? Paano nito naapektuhan ang iyong buhay? Ano nga ba ang pamana nito? Susuriin ng sumusunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.
[Talababa]
a Ang kumpletong pamagat ng aklat ni Darwin ay On the Origin of Species by Means of Natural Selection, or the Preservation of Favoured Races in the Struggle for Life.