Pagtataguyod ng Katotohanan sa Balakyot na Daigdig
“Ang salita mo ay katotohanan.”—JUAN 17:17.
1. (a) Kailan at paano naging isang usapin ang katotohanan? (b) Anong dakilang bagong katotohanan ang sinalita sa Eden?
ANG katotohanan ay malaon nang isang usapin! Ang usaping ito, na kasintanda ng kasaysayan ng tao, ay nagsimula doon pa sa Eden nang ang matandang Ahas ay magbangon ng pag-aalinlangan tungkol sa pagsasalita ng katotohanan ng Soberanong Panginoong si Jehova. Nang sila’y mapaharap sa tukso, ang ating unang mga magulang ay nagkaroon ng malasariling kaisipan at nagpasiyang lumakad ayon sa kanilang sariling mapag-imbot na paraan. Sila’y hindi nanatiling mga tapat na tagapagtaguyod ng katotohanan. Subalit doon ay inihayag ng Diyos ang pinakadakila sa mga bagong katotohanan, na isang “binhi” ng Kaharian ang isisibol upang wasakin ang mga gawa ng Diyablo.—Genesis 3:1-6, 14, 15.
2. (a) Paanong ang katotohanan ay sinalakay sa sanlibutan noong bago sumapit ang Baha? (b) Bakit si Jehova ay nalugod kay Noe at sa kaniyang sambahayan?
2 Ngayon ang katotohanan ay sinasalakay na. Ang pusakal na Magdaraya ay nanghikayat pa ng mga ibang mapaghimagsik na mga espiritung anak ng Diyos upang ipahamak ang lupa. Ang imoral na salinlahi ng mga tao bago sumapit ang Baha ay nahilig na totoo sa ‘paggawa ng kanilang sariling kagustuhan’ na anupa’t hindi sila nakinig sa babala ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Noe. Sila’y nangalipol. Subalit si Noe at ang kaniyang sambahayan ay nakaligtas dahilan sa kanilang katapatan na walang kapintasan. Habang ang mga tagapagtaguyod na ito ng katotohanan ay paalis sa daong ng kaligtasan, ang unang sumaisip nila ay maghandog ng mga hain ng pasasalamat—“isang masarap na amoy” kay Jehova.—Genesis 6:4-12; 8:18-21; Lucas 17:26, 27; 2 Pedro 2:5.
Ang Kapinsalaan na Likha ng Kasinungalingan
3. Ano ba ang Babilonyang Dakila, at paano nagsimula ito?
3 Gayunman, ang matandang Ahas, ang Diyablo, ay nagpatuloy sa kaniyang pagsisikap na mapalabo ang tubig ng katotohanan. Walang alinlangan na sa pamamanihala ni Satanas napatayô ang sinaunang Babilonya. Ang ‘mga misteryo ng Babilonya’ ang naging pundasyon ng isang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na tinutukoy sa Apocalipsis 17:5 bilang “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.” Ang sarisaring bahagi nito, pati na ang kani-kanilang nagkakasalungatang mga turo ng iba’t ibang sekta, ay patuloy na umiral hanggang sa araw na ito bilang isang malaganap na taguan ng walang katotohanang mga aral ng relihiyon.—Genesis 10:8-10; Jeremias 51:6.
4. Paano ipinagtanggol ni Jesus ang katotohanan, at ano ang resulta?
4 Nang si Jesu-Kristo ay narito sa lupa, buong tapang na ipinagtanggol niya ang katotohanan. Sa kaniyang pagsasalita sa mga mapagpaimbabaw na relihiyoso noong kaniyang kaarawan, sinabi niya: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo . . . Siya’y hindi nanatili sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kaniya.” At, ang inihulang “binhi” na ipinangako, si Jesus, ang nagdiin sa kahalagahan ng katotohanan nang kaniyang sabihin kay Poncio Pilato: “Ikaw na rin ang nagsasabi na ako’y isang hari. Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan.” Bilang isang tao ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay alang-alang sa katotohanan—ang katotohanan ng Kaharian.—Juan 8:44; 18:37; Genesis 3:2-5.
5, 6. (a) Paano ipinagpatuloy ni Satanas ang kaniyang pakikipagbaka sa katotohanan? (b) Ano ang dalawang turo na pinaghalo, at anong mga kasinungalingan ang napasali roon? (c) Bakit ibig nating maging masugid na mga tagapagtaguyod ng katotohanan?
5 Ang kasinungalingan ay may kasamang katampalasanan. Kaya naman hindi kataka-taka na sa patuloy na pakikipagbaka ni Satanas sa katotohanan, siya’y nagbangon ng isang apostatang uring klero, na tinutukoy sa 2 Tesalonica 2:3 bilang “ang taong tampalasan.” Pagkamatay ng mga apostol ni Jesu-Kristo, ang tampalasang mga apostatang ito ay nagtaas ng kanilang sarili sa kanilang mga tagasunod o lego at hinaluan nila ang dalisay na mga turong Kristiyano ng maka-Babilonyang “mga misteryo” at pilosopyang Griego, na ang pinakalitaw ay ang teoriya ni Plato na ang kaluluwa ng tao ay walang kamatayan.
6 Ang kasinungalingang ito ang naging saligan ng iba pang mga kasinungalingan, tulad halimbawa ng turo na ‘lahat ng mabubuting tao ay nagtutungo sa langit,’ ‘ang di-gaanong mabubuti ay nagtutungo sa purgatoryo,’ at ‘ang masasama ay pinahihirapan magpakailanman sa isang impierno na parusahan.’ Yamang pagkarami-raming mga maling turo sa maka-Babilonyang relihiyon, anong laki ng tuwa natin at si Jesus ay nangako: “Kung kayo’y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo ay aking mga alagad, at inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo”! Ating hahangarin na maging masusugid na tagapagtaguyod ng nagbibigay-kalayaang katotohanan.—Juan 8:31, 32.
Paglikha ng Isang Malaganap na Kasinungalingan
7. (a) Ano ang tunguhin ni Satanas, at paano niya sinisikap na makamit ito? (b) Anong maling turo ang bumangon noong ika-19 na siglo?
7 Subalit, ang Diyablo ay hindi naglulubay sa pagsalungat sa katotohanan. Siya’y galit na galit na ang sinuman ay maniniwala sa Salitang katotohanan ng Diyos, ang Banal na Bibliya. Ang kaniyang tunguhin ay ‘bulagin ang pag-iisip ng mga di sumasampalataya, upang huwag nilang maalaman ang maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo.’ Ang layunin ng Diyablo ay siraan ang katotohanan hindi lamang sa pamamagitan ng paggamit sa “taong tampalasan” ng Sangkakristiyanuhan upang isingit sa Bibliya ang mga maling turo ng relihiyon kundi gayundin sa pamamagitan ng pag-aangkin na ang Bibliya ay nakasalig sa alamat at katha-katha. Kaya, noong ika-19 na siglo, ang matandang Ahas na iyan ay lumikha na naman ng isa pang maling turo na pandaraya. Ito’y tinatawag na ang teoriya ng ebolusyon.—2 Corinto 4:4.
8. Ano ba ang teoriya ni Darwin?
8 Noong 1859, samantalang papalapit na ang “panahon ng kawakasan” na inihula ng Bibliya, inilathala ni Charles Darwin ang kaniyang aklat na pinamagatang On the Origin of Species by Means of Natural Selection, or the Preservation of Favoured Races in the Struggle for Life. (Daniel 12:4) Ayon sa teoriya ni Darwin ang mga bagay na may buhay ay hindi nilalang kundi, sa halip, ang mga ito’y unti-unting umunlad buhat sa dati nang umiiral na mga anyo ng buhay sa pamamagitan ng “natural selection na dahil sa pagpupunyagi para mabuhay.” Sa wakas, ang tao ay unti-unting umunlad galing sa isang uri ng bakulaw. Sang-ayon kay Darwin isang bagay iyon na nagpapatunay na “matitira ang pinakamatibay.”
9. (a) Anong mga katotohanan sa Bibliya, na itinuro ni Jesus, ang magiging walang kabuluhan kung ang ebolusyon ay totoo? (b) Paanong ang kuru-kurong “matira ang pinakamatibay” ay nagdala ng malaking pinsala sa tao?
9 Ang teoriyang ito ay halos isang lantarang pagtatakwil sa ulat ng Bibliya na paglalang at ng pagkahulog ng tao sa kasalanan. Dahilan dito ang hain ni Jesus na pantubos at ang mga turo ng Bibliya tungkol sa Kaharian, sa pagkabuhay na mag-uli, sa buhay na walang hanggan, at sa isang lupang paraiso ay mawawalang kabuluhan. Isa pa, ang teoriya ng ebolusyon, kung totoo, ay mag-aalis sa tao ng anumang moral na responsabilidad sa Maylikha.a Ang proposisyon na “matitira ang pinakamatibay,” ang teoriya na walang-alinlangang naghanda ng daan para sa Marxismo, Fascismo, at iba pang mga ideolohiya.b Ang mga tagapagtaguyod ng ebolusyon ang kailangang magpasan ng mabigat na pananagutan dahil sa napakaraming kasamaan at paghihirap sa daigdig ngayon.—Awit 14:1-4.
Mga Tagapagtaguyod ng Kasinungalingan
10. Kung tungkol kay Darwin, sa paano napatunayan na ang klero ay mga tagapagtaguyod ng kasinungalingan?
10 Ang klero ba noong panahon ni Darwin ay sumalansang sa lumalapastangan sa Diyos na teoriya niya? Kataka-taka man, isang propesor sa Cambridge University ang sumulat: “Sa pasimula ang karamihan ng sumasalungat sa teoriya ni Darwin ay mga siyentipiko at batay sa ebidensiya, hindi mga teologo batay sa kasulatan.” Isa pang marunong na doktor ang nagsabi: “Maliban sa mga ilang kataliwasan ang mga pangunahing marurunong na Kristiyano sa Gran Britaniya at Amerika ay nakiisa kaagad sa Darwinismo at ebolusyon.” Noong 1882, si Darwin ay inilibing na kasama ng mga hari sa Westminster Abbey, pagkatapos na gumawa ng isang pantanging pakikipag-ayos sa Anglicanong dekano ng kombentong iyon!—Ihambing ang Gawa 20:30; 2 Timoteo 4:3.
11. Ano ang ipinahayag ng mga klerigo tungkol sa ateyistikong teoriya ni Darwin?
11 Ang ateyistikong teoriya ni Darwin ay tinatanggap na ngayon bilang ‘katotohanan ng ebanghelyo’ ng marami sa klero ng Sangkakristiyanuhan. Ang Arsobispo ng York, ang panigunda na nasa ranggong klerigo sa Iglesya ng Inglatera, ay naniniwala na totoong matatag na ang teoriya ng biyolohikong ebolusyon kung kaya’t ito “ang tanging maiisip na saligan ng makabagong biyolohiya.” Kamakailan, sa isang pulong sa Vaticano, 12 iskolar na kumakatawan sa pinakamataas na lupong siyentipiko ng Iglesya Katolika ang nagpahayag: “Kami’y naniniwala na dahil sa napakaraming ebidensiya ang pagkakapit ng ideya ng ebolusyon sa tao at sa iba pang mga primates ay hindi gaanong matututulan.” At dito’y isinususog ng New Catholic Encyclopedia: “Ang pangkalahatang ebolusyon, maging sa katawan man ng tao, ang waring pinakaposibleng siyentipikong ulat ng pinagmulan.” Subalit ito kaya’y talagang naaayon sa siyensiya? Ang ebolusyon ba ay sinusuportahan ng mapanghahawakang patotoo ng siyensiya? Ang mismong buhay ninyo ay nakasalalay sa pagtiyak ng katotohanan ng bagay na ito.—Juan 14:6; 16:13; 17:17.
12. Bakit natin masasabi na ang creationism ay kapuwa salungat sa Kasulatan at di-kapani-paniwala?
12 Noong kalilipas na mga panahon, ang ilang pundamentalistang mga relihiyon ay nagbangon ng creationism bilang kasagutan sa ebolusyon. Subalit sa paggawa ng gayon, sila’y gumagawa ng pag-aangkin na kapuwa salungat sa Kasulatan at di-kapani-paniwala. Ito’y ang pag-aangkin na ang langit, ang lupa, at lahat ng narito sa lupa ay nilalang ng Diyos sa 6 na araw na 24 na oras bawat isa—oo, sa 144 na literal na mga oras lamang! Dahil sa turong ito marami ang nanlilibak sa Bibliya. Subalit ang isang “araw” ba sa Bibliya ay laging 24 na oras ang haba? Sa Genesis 2:4 ay tinutukoy “nang araw na gawin ni Jehovang Diyos ang lupa at langit.” Kasali sa isang araw na ito ang lahat ng anim na ‘mga araw’ ng paglalang na tinutukoy sa Genesis kabanata 1. Sang-ayon sa paggamit sa Bibliya, ang isang “araw” ay isa lamang sinukat na yugto ng panahon. Ang isang “araw” kay Jehova ay maaaring maging isang libong taon o libu-libong mga taon—gaya ng ‘mga araw’ ng paglalang. Samakatuwid, sa puntong ito, ang pag-uulat ng Bibliya ay makatuwiran at katugma ng tunay na siyensiya.—2 Pedro 3:8.
Ang Pinagmulan ng Buhay
13. (a) Paano ipinaliliwanag ng mga tagapagtaguyod ng ebolusyon ang pinagmulan ng buhay? (b) Bakit katawa-tawang sabihin na ang buháy na selula ang sa di-sinasadya’y lumalang sa kaniyang sarili?
13 Paano ipinaliliwanag ng mga tagapagtaguyod ng ebolusyon ang aktuwal na pinagmulan ng buhay? Kanilang sinasabi na mga bilyun-bilyong taon na ang lumipas ang dagat na nakapalibot sa lupa ay marahil naging isang “organic soup,” bagaman ito ay wala pang buhay noon. Pagkatapos, ayon sa kanilang paliwanag, ‘isang pambihirang molekula ang nabuo sa pamamagitan ng isang pangyayari na malamang na di nangyari.’ Parang isang himala, ito’y dumami sa ganang sarili at bumuo ng iba pang mga molekula na nagsama-sama upang bumuo ng isang selulang buháy. Di-kapani-paniwala, ano? Ang manunulat na gumawa ng ganitong paglalarawan ay nagsabi sa kaniyang isinulat na paunang salita: “Ang aklat na ito ay dapat basahin na ito’y halos para ngang isang bungang-isip sa siyensiya.” Oo, bungang-isip, ngunit malayong maging siyensiya! Sang-ayon sa National Geographic ang isinaayos na mga instruksiyon (DNA) sa isang napakaliit na selula “kung isusulat na lahat, ay isang libong 600-pahinang mga aklat ang pupunuin.” Anong laking katatawanang sabihin na ang buháy na selula ang sa di-sinasadya’y lumalang sa kaniyang sarili sa isang dagat noong bilyong mga taon na ang lumipas!
14. Bilang mga tagapagtaguyod ng katotohanan, anong saligang turo ng Bibliya ang kailangang itaguyod natin?
14 Higit na lalong makatuwiran at nauunawaan ang paliwanag ng sumulat ng Bibliya na si David, na ang sabi sa Awit 36, talatang 5 at 9: “Oh Jehova, . . . nasa iyo ang bukal ng buhay.” Bilang mga tagapagtaguyod ng katotohanan, kailangang itaguyod natin ang saligang turong iyan ng Bibliya.—Tingnan din ang Awit 100:3; Isaias 42:5, 8.
Unti-unting Pag-unlad—O Tuwirang Paglalang?
15. (a) Kung totoo ang ebolusyon, paano ngang susuportahan ito ng fossil record o rekord ng mga labí? (b) Ano ang ipinakikita ng rekord, na nagpapatibay sa anong inamin ni Darwin?
15 Gayunman, hindi kaya nangyari na, pagkatapos na umiral na ang buhay, baka ang iba’t ibang uri ng mga bagay na nabubuhay ay unti-unting umunlad at naging mga ibang uri? Bueno, kung ganiyan ang nangyari, ang fossil record o rekord ng mga labí noong nakalipas ay magpapakita nito. Ngunit gayon nga ba? Isaalang-alang ang tinatawag na Cambrian period. Dito ang mga labí ng mga pangunahing grupo ng invertebrates o mga hayop na walang gulugod ang unang lumitaw na sama-sama sa isang kagila-gilalas na “eksplosyon” ng mga bagay na may buhay na sabay-sabay. Kung ang totoong nagkakaiba-ibang grupong ito ay pawang sumipot nang sabay-sabay, paano ngang mangyayaring sila’y nag-ebolusyon o unti-unting nanggaling sa isa’t isa? Tahasang inamin ni Darwin mismo: “Kung ang maraming uri . . . ay talagang sabay-sabay na nagsimula sa buhay, ibabagsak ng bagay na iyan ang teoriya ng ebolusyon.” Babagsak nga!—1 Corinto 3:19, 20.
16. (a) Kung tungkol naman sa paglitaw ng mga anyo ng buhay, paano pinabubulaanan ng fossil record ang ebolusyon? (b) Paano sinasabi sa Genesis 1:25 ang talagang katotohanan?
16 Isinisiwalat ng fossil record na ang iba’t iba at totoong masalimuot na mga anyo ng buhay ay lumitaw na bigla at lubusang nakaunlad na. Isang propesor ng siyensiya ng kalikasan ang nagsabi: “Ang mga balyena, bayakan, kabayo, lahi ng mga tsonggo, elepante, koneho, ardilya, atb., ay pawang makikitaan ng pagkakaiba-iba nang unang lumitaw hanggang sa ngayon. Walang anumang bakas na sila’y nanggaling sa iisa, at lalong hindi sila makikitaan ng anumang kaugnayan sa anumang reptilya, ang ipinagpapalagay na pinagmulan.” Mayroon bang nakuhang anumang labí ng mga giraffe na ang mga leeg ay dalawang-katlo o higit pa ang haba kaysa talagang haba nito? Wala. Ang katotohanan ay yaong sinasabi sa Genesis 1:25: “Nilikha ng Diyos ang mabangis na hayop sa lupa ayon sa uri niyaon at ang domestikadong hayop ayon sa uri niyaon at bawat gumagalaw na hayop sa lupa ayon sa uri niyaon. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.” Oo, napakabuti!
17. Anong magandang pagkasarisari at disenyo ang makikita sa mga bagay na may buhay, at kanino lamang maaaring manggaling ito?
17 Pag-isipan din ang magandang pagkasarisari na makikita sa mga bagay na may buhay dito sa lupa! Ang rosas ba, ang paruparo, ang pipit, ang maria kapra, at ang libu-libo pang mga anyo ng buhay ay nagkaroon ng kani-kanilang namumukod-tanging kagandahan nang di-sinasadya, sa pagpupunyagi na matira ang pinakamatibay? O ito baga ay siyang obra maestra ng isang maibiging Diyos na may ibig na maligayahan ang sangkatauhan sa kaniyang mga gawa? Kung ating mamalasin ang namumukod-tanging kagandahan na makikita sa buong kahanga-hangang sangkalupaang ito, tiyak na ibubulalas natin: “Anong pagkasarisari ng iyong mga gawa, Oh Jehova! Ginawa mo itong lahat sa iyong karunungan. Ang lupa ay punô ng iyong kayamanan.”—Awit 104:24.
18. Bakit masasabing tiyakan na ang Diyos ang nagdisenyo sa platypus?
18 Ang disenyo ay laging nagpapahiwatig na ito’y may isang matalinong nagdisenyo. At mayroong kahanga-hangang disenyo ang mga bagay na may buhay. Nariyan ang platypus, na doon namumuhay sa Australia. Ito’y kasinlaki ng koneho, may balahibo na katulad ng sa otter, may tukâ na gaya ng sa bibi, tahid na gaya ng sa tandang, at sanga-sangang paa na may mahahabang kuko. Ito’y nangingitlog na tulad ng isang reptilya at nagpapasuso ng anak na gaya ng isang mammal. Ito’y nakapamumuhay sa lupa o kaya’y sa ilalim ng tubig. Buhat sa ano sumipot ang platypus? Yamang ito’y kung gabi lamang lumalabas, masasabing ang platypus ay isang masaklap na karanasan para sa ebolusyunista. Ayon sa pagkasabi ng isang biyologo sa Harvard University ito ay “isang totoong mahusay ang pagkadisenyo na nilikha para sa isang partikular, at di-karaniwan, na istilo ng buhay.” Sino ang napakahusay na Disenyador? Tiyak na walang iba kundi ang Diyos na nagsabi: “Bawat mailap na hayop sa gubat ay akin.”—Awit 50:10.
19. (a) Anong kababalaghan ang nagagawa ng isang napakaliit na warbler (katumbas ng ating pipit)? (b) Paano ito nagagawa niyaon?
19 Gayundin, ano ang masasabi tungkol sa katutubong gawi na bahagi na ng napakaraming mga bagay na may buhay? Halimbawa, nariyan ang isang napakaliit na ibon, ang blackpoll warbler (katumbas ng ating pipit), na ang bigat ay tatlong-kaapat lamang ng isang onsa (21 g). Ito’y nakapipili ng tamang lagay ng panahon kung taglagas para makapagbiyahe mula sa Alaska hanggang sa New England. Doon ay nagpapataba ito sa mahusay na pagkain at naghihintay ng taglamig. Pagkatapos ay saka ito maglalakbay, nakalilipad ito hanggang sa 20,000 piye (6,100 m) at higit pa ang taas upang maabutan niya ang pagkabilis-bilis na agos patungo sa direksiyon ng Aprika, hanggang sa ang warbler ay ipadpad ng hangin hanggang sa patutunguhan nito sa Timog Amerika. Ang gayong likas na kaalaman ng warbler ay isinaayos na maging bahagi ng utak na kasinlaki ng isang gisantes. Maipaliliwanag ba ng ebolusyunista kung paano nagkaroon ng gayong likas na katangian ang ibong iyon? Ito’y hindi niya maipaliliwanag. Subalit binabanggit ng Bibliya na si Jehova ang sakdal-dunong na “Maygawa ng langit at lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroon,” kasali na ang mga kinapal na “likas na matatalino.”—Awit 146:5, 6; Kawikaan 30:24-28.
Nagpapasalamat Ka Ba?
20. (a) Ano ang tiyak na paliwanag tungkol sa kagila-gilalas na mga bagay na nakapalibot sa atin? (b) Paano nga ipinahahayag sa atin ang kagandahang-loob ng ating Maylikha? (c) Bilang mga tagapagtaguyod ng katotohanan, paano tayo dapat tumugon?
20 Ang katotohanan ng bagay na iyan ay ito: Pagkarami-raming mga bagay na magaganda, praktikal, at kasindak-sindak sa kalangitan at sa lupa sa palibot natin kaya ang tanging masasabi natin ay na nilalang ito ng isang maibigin, sakdal-kapangyarihang Disenyador! Sa gitna ng karaniwang mga kalagayan, ang ating bigay-Diyos na mga pandamdam ay tugmang-tugma sa ating likas na kapaligiran upang tayo’y maligayahan sa buhay! Ang maningning na paglubog ng araw na natatanaw natin, ang mababangong bulaklak na nalalanghap natin, ang masasarap na prutas na nakakain natin, ang kaiga-igayang simoy ng hanging nadarama natin, ang musikang nanggagaling sa gubat—ito’y pawang nagpapahayag ng kagandahang-loob ng ating Maylikha at Diyos! (Awit 136:1-6, 25, 26) Anong taimtim ng ating hangarin na ipahayag ang ating pasasalamat sa pamamagitan ng pagtataguyod ng katotohanan sa walang Diyos na daigdig na ito! Oo, ang “salita [ng Diyos] ay katotohanan”!
[Mga talababa]
a Ihambing ang katotohanan ng Bibliya na itinuro ni Jesu-Kristo sa Apocalipsis 4:11; Mateo 19:4; Lucas 24:46, 47; Mateo 20:28; 6:10; Juan 5:28, 29; 17:3; Lucas 23:43.
b Sinabi ni Karl Marx: “Ang aklat ni Darwin ay totoong mahalaga at nagsisilbi sa akin bilang isang saligan para sa pagpupunyagi ng mga uri-uri sa kasaysayan.”
Sa Pagtataguyod ng Katotohanan, Paano Mo Sasagutin?
◻ Paano naging isang usapin ang katotohanan?
◻ Paano ibinubunyag ng katotohanan ng Bibliya ang maka-Babilonyang kasinungalingan?
◻ Sa paano lamang maipaliliwanag ang pinagmulan at ang mga sarisaring uri ng buhay?
◻ Ano ang ipinakikilala sa atin ng pagkadisenyo ng mga bagay na may buhay?
◻ Paano natin mapasasalamatan ang ating Maylikha?
[Larawan sa pahina 10]
Maliwanag na sinabi ni Jesus sa mga sumasalansang sa katotohanan, “Kayo’y sa inyong amang Diyablo”
[Larawan sa pahina 12]
Si Charles Darwin—tagapagtaguyod ng teoriya ng bakulaw-tao
[Larawan sa pahina 13]
Ang Iglesya ng Inglatera ang nagpalibing kay Darwin sa Westminster Abbey
[Picture Credit Line sa pahina 15]
U.S. Fish & Wildlife Service