Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • be p. 71-p. 73 par. 3
  • Pakikipagtalastasan sa Pamamagitan ng mga Liham

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pakikipagtalastasan sa Pamamagitan ng mga Liham
  • Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapatotoo sa Pamamagitan ng Liham
  • Isang Paalaala Tungkol sa Porma ng Sulat
  • Ang Tamang Himig ng Pagsulat
  • Sampol na Liham
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2019
  • Pasulungin ang Kakayahan sa Ministeryo—Maging Mahusay sa Letter Writing
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2019
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1996
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2002
Iba Pa
Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
be p. 71-p. 73 par. 3

Pakikipagtalastasan sa Pamamagitan ng mga Liham

NAPASULONG ng mga liham ang buhay at asal ng milyun-milyong tao. Ang karamihan sa mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay dating mga liham. Tayo sa ngayon ay makasusulat ng mga liham upang mapatibay ang mga bagong mananampalataya, makipag-ugnayan sa mga kaibigan, mapasigla ang mga kapatid na lalaki at babae na tumanggap ng pantanging mga pananagutan, mapalakas ang mga napapaharap sa kagipitan, at maghatid ng kinakailangang impormasyon upang mapangalagaan ang mga gawain sa kongregasyon.​—1 Tes. 1:1-7; 5:27; 2 Ped. 3:​1, 2.

Ang pagliham ay isa ring mabisang paraan upang makapagpatotoo. Sa ilang lugar, maraming tao ang nakatira sa apartment sa mga gusali na may mahigpit na seguridad o sa mga otel bilang residensiya na hindi madaling pasukin. Ang ilan ay kalimitang wala sa tahanan, kaya hindi natin sila nasusumpungan kapag tayo ay nagpapatotoo sa bahay-bahay. Ang iba ay nakatira sa liblib na mga lugar.

Ang sakit, masamang kalagayan ng panahon, o curfew kung minsan ay maaaring maging dahilan upang hindi ka makalabas ng bahay. Maaari ka bang sumulat ng liham upang magbigay ng karagdagang patotoo sa isang kamag-anak o sa isa na nakausap mo nang di-pormal? Lumipat ba ng lugar ang isa sa iyong mga tinuturuan sa Bibliya? Ang isang liham mula sa iyo ang marahil ay kailangan niya upang mapanatiling buháy ang kaniyang espirituwal na interes. O marahil ay maibabahagi mo ang angkop na maka-Kasulatang impormasyon sa mga nag-asawa kamakailan, naging mga magulang, o namatayan ng mga mahal sa buhay.

Pagpapatotoo sa Pamamagitan ng Liham

Kapag sumusulat upang magpatotoo sa isa na hindi mo pa nakakausap, ipakilala muna ang iyong sarili. Maaari mong ipaliwanag na ikaw ay nakikibahagi sa isang boluntaryong gawain na pang-internasyonal. Kung waring angkop, banggitin na ikaw ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Ipabatid sa tao kung bakit ka sumulat sa halip na dumalaw nang personal. Sumulat na parang nakikipag-usap ka sa tao nang mukhaan. Subalit, kasuwato ng tagubiling “maging maingat kayong gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati,” pag-isipang mabuti kung gaano karaming impormasyon ang dapat mong isiwalat tungkol sa iyong sarili.​—Mat. 10:16.

Ilakip sa liham kung ano ang sasabihin mo sa tao kung nagkaroon ka ng pagkakataong dalawin siya. Maaaring gamitin mo ang isang pambungad mula sa aklat na Nangangatuwiran o gumamit ng isang maka-Kasulatang presentasyon mula sa isang bagong labas ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Maaari kang magharap ng tanong at pasiglahin ang tao na pag-isipan iyon. Ang ilang mamamahayag ay nagpapaliwanag lamang na tayo ay may libreng programa para sa pagsagot sa mga katanungan sa Bibliya at saka bumabanggit ng ilang pamagat ng mga kabanata mula sa isa sa ating mga pantulong sa pag-aaral. Isang sampol na liham na isinulat upang magbigay ng patotoo ay lumilitaw sa pahina 73. Ito ay maaaring magbigay sa iyo ng ilang ideya, subalit makabubuting iba-ibahin ang nilalaman. Kung hindi, pagsapit ng panahon, ang mga tao ay paulit-ulit na makatatanggap ng gayunding liham.

Ang ilang tao ay nag-aatubili sa pagbasa ng isang mahabang liham mula sa isang estranghero. Kaya landas ng karunungan na panatilihing maikli ang iyong liham. Kung napakahaba ng iyong liham, ang tatanggap nito ay maaaring magsawa sa pagbabasa nito. Magiging angkop na maglakip ng isang inilimbag na paanyaya para sa mga pulong sa Kingdom Hall. Maaaring ilakip mo ang isang tract, isang brosyur, o isang labas ng Ang Bantayan o Gumising! at ipaliwanag na ang mga ito ay maaaring ipagkaloob sa regular na paraan kung gugustuhin niya. O maaari mong itanong kung maaaring dumalaw sa kaniyang tahanan upang ipakipag-usap sa kaniya nang higit pa ang tinalakay na paksa.

Isang Paalaala Tungkol sa Porma ng Sulat

Larawan sa pahina 73

Tingnan ngayon ang sampol na liham. Pansinin ang sumusunod: (1) Ito’y mukhang maayos, hindi magulo. (2) Kahit na mawala pa ang sobre, ang tatanggap ng liham ay mayroon pa ring pangalan at direksiyon ng nagpadala nito. (3) Ang layunin ng liham ay binanggit nang simple at tuwiran sa unang parapo. (4) Ang bawat pangunahing punto ay tinalakay sa magkakahiwalay na parapo. (5) Kasuwato ng layunin nito, ang liham ay hindi masyadong pamilyar ni masyadong pormal.

Sa isang mas pormal na liham, gaya ng ipinadadala ng kalihim ng kongregasyon sa tanggapang pansangay, ang pangalan ng kongregasyon ay dapat na ilakip, kasama ang sariling pangalan ng kalihim, ang kaniyang direksiyon, at ang petsa. Ang pangalan at direksiyon ng tao o organisasyon na pinadadalhan ng liham ay dapat na ilagay rin. Ito ay sinusundan ng isang angkop na pagbati. Upang wakasan ang liham, sa ilang wika ang pananalitang gaya ng “Lubos na gumagalang” o “Gumagalang” ay inilalagay sa ibabaw ng pirma. Ang pirma mismo ay dapat na sulat-kamay.

Sa anumang liham, bigyang-pansin ang wastong baybay, balarila, bantas at, mangyari pa, ang kalinisan. Ang paggawa nito ay magbibigay ng dignidad sa iyong liham at sa mensaheng taglay nito.

Sa labas ng sobre, laging ilagay ang pamuhatan​—kung maaari ay ang iyong sariling direksiyon. Kung sa palagay mo ay hindi katalinuhan na ibigay ang iyong direksiyon kapag nagpapatotoo sa pamamagitan ng liham sa mga estranghero, tanungin ang matatanda kung sasang-ayon silang gamitin mo ang pamuhatan ng lokal na Kingdom Hall. Ang direksiyon ng Samahang Watch Tower ay hindi dapat gamitin kailanman sa layuning ito, sapagkat magbibigay ito ng maling impresyon na ang iyong sulat ay nagbuhat sa mga tanggapan ng Samahan anupat ito’y lilikha ng kalituhan. Kung walang ibinigay na pamuhatan at may inilakip na literatura, ito man ay magbibigay ng maling impresyon na ang nagpadala ay ang Samahan.

Tiyaking maglagay ng sapat na selyo, lalo na kung naglakip ka ng literatura. Tandaan na sa maraming bansa kapag naglakip ng isang brosyur o isang magasin, ang halaga ng selyo ay mas mataas pa kaysa sa hinihiling para sa isang sulat lamang.

Ang Tamang Himig ng Pagsulat

Minsang natapos mo ang iyong sulat, basahin ito upang suriin ang nilalaman. Ano ba ang himig nito? Ito ba’y palakaibigan at mataktika? Ang pag-ibig at kabaitan ay kabilang sa mga katangian na sinisikap nating ipamalas sa ating mga pakikitungo sa iba. (Gal. 5:​22, 23) Kung may napansin kang negatibong himig o bahagyang pesimismo, baguhin ang pananalita.

Ang isang sulat ay makararating sa mga lugar na hindi mo maaabot. Ang bagay na ito lamang ay nagpapangyari na upang maging isang mahalagang kasangkapan ito sa ministeryo. Yamang ang iyong liham ay kumakatawan sa iyo at sa mga paniniwala mo, pag-isipan kung ano ang sinasabi nito, kung ano ang ayos nito, at ang himig nito. Maaaring ito lamang ang kinakailangan upang mapasimulan, mapalakas, o mapasigla ang isang mahalagang kaluluwa sa daan ng buhay.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share