ARALIN 4
Matatas na Pagpapahayag
KAPAG bumabasa nang malakas, napapatigil ka ba sa ilang mga pananalita? O kapag tumatayo ka sa harapan ng tagapakinig upang magbigay ng isang pahayag, nasusumpungan mo bang madalas kang nangangapa para sa tamang mga salita? Kung gayon, maaaring may suliranin ka sa katatasan. Ang isang matatas na tao ay nagbabasa at nagsasalita sa paraang ang mga salita at mga kaisipan ay dumadaloy nang maayos, na may kaalwanan. Hindi ito nangangahulugan na siya’y lagi na lamang nagsasalita, na siya’y nagsasalita nang mabilis, o na siya’y nagsasalita nang hindi nag-iisip. Ang kaniyang pagsasalita ay kawili-wili at maganda. Ang katatasan ay binibigyan ng pantanging pansin sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.
Iba’t ibang salik ang maaaring maging dahilan ng kawalan ng katatasan. Kailangan mo bang magbigay ng pantanging konsiderasyon sa alinman sa mga sumusunod? (1) Kapag bumabasa sa iba, ang pagiging di-pamilyar sa ilang salita ay maaaring maging sanhi ng pag-aatubli. (2) Ang bahagyang mga pagtigil sa napakaraming lugar ay maaaring magdulot ng putul-putol na paraan ng pagpapahayag. (3) Ang kawalan ng paghahanda ay maaaring maging sanhi ng suliranin. (4) Kapag nagsasalita sa harap ng isang grupo, ang isang karaniwang salik sa kawalan ng katatasan ay ang hindi pag-oorganisa ng materyal sa isang lohikal na paraan. (5) Ang isang limitadong bokabularyo ay maaaring magpangyari sa isang tao na mag-atubili habang siya’y nangangapa para sa tamang mga salita. (6) Kung masyadong maraming salita ang idiniriin, maaaring masira ang katatasan. (7) Ang kakulangan ng kaalaman sa mga alituntunin ng balarila ay maaaring maging sanhi ng suliranin.
Kung kulang ka sa katatasan, ang mga tagapakinig sa Kingdom Hall ay maaaring hindi literal na lumabas, subalit ang kanilang isipan ay maaaring gumala-gala. Bilang resulta, ang karamihan sa iyong sinasabi ay maaaring mawala.
Sa kabilang panig, kailangang mag-ingat ka upang ang nilayon na maging mapuwersang pagsasalita at katatasan ay hindi maging dominante, marahil ay maging kahiya-hiya pa nga sa tagapakinig. Kung dahil sa pagkakaiba ng pinagmulang kultura, minamalas ng mga tao na ang iyong paraan ng pagsasalita ay hindi mataktika o kulang sa kataimtiman, bibiguin nito ang iyong layunin. Kapansin-pansin na si apostol Pablo, bagaman isang makaranasang tagapagsalita, ay humarap sa mga taga-Corinto “sa kahinaan at sa takot at may matinding panginginig” upang hindi siya makakuha ng di-kinakailangang atensiyon para sa kaniyang sarili.—1 Cor. 2:3.
Mga Ugaling Dapat na Iwasan. Maraming tao ang nahirati na sa pagsisingit ng mga katagang “at-ah” kapag sila ay nagsasalita. Kadalasan namang pinasisimulan ng iba ang isang punto sa pagsasabi ng “ngayon,” o may pabuntot na parirala, gaya ng “alam mo” o “kuwan,” sa anumang sinasabi nila. Marahil ay hindi mo namamalayan kung gaano kadalas na ginagamit mo ang mga katagang ito. Maaari mong subukin ang isang sesyon ng pagsasanay na may isang makikinig sa iyo at uulit sa mga katagang ito sa tuwing babanggitin mo ang mga ito. Marahil ay magugulat ka.
Ang ilang tao ay nagbabasa at nagsasalita nang pabalik-balik nang maraming beses. Alalaong baga, pinasisimulan nila ang isang pangungusap at saka humihinto sa kalagitnaan at pagkatapos ay uulitin na naman ang isang bahagi ng kanilang nasabi na.
Ang iba naman ay nagsasalita nang may sapat na bilis, subalit sila’y nagsisimula sa isang ideya at pagkatapos, sa kalagitnaan ng pangungusap, ay lumilipat sa iba namang ideya. Kahit na maayos ang daloy ng mga salita, ang biglang mga pagbabago ng mga ideya ay sumisira ng katatasan.
Kung Paano Susulong. Kung ang iyong suliranin ay ang madalas na pangangapa ng tamang salita, kailangan mong gumawa ng pagsisikap na mapasulong ang iyong bokabularyo. Pansining mabuti ang mga salita na hindi pamilyar sa iyo sa Ang Bantayan, Gumising!, at sa iba pang mga publikasyong maaaring binabasa mo. Tingnan ang mga ito sa isang diksiyunaryo, alamin ang bigkas ng mga ito at ang kahulugan ng mga ito, at idagdag ang ilan sa mga salitang ito sa iyong bokabularyo. Kung wala kang diksiyunaryo, humingi ng tulong sa isa na nakapagsasalitang mabuti ng wikang ito.
Ang pag-iinsayo nang regular sa pagbabasa nang malakas ay makatutulong sa pagsulong. Bigyang pansin ang mahihirap na salita, at bigkasin ang mga ito nang malakas nang ilang ulit.
Upang makabasa nang matatas, kailangang maunawaan kung paano nagiging magkakaugnay ang mga salita sa isang pangungusap. Kadalasang ang mga salita ay dapat na basahin nang grupu-grupo upang maitawid ang ideyang inilalahad ng manunulat. Pansining mabuti ang paggugrupo ng mga salitang ito. Kung makatutulong ito sa iyo, markahan ang mga ito. Ang iyong tunguhin ay hindi lamang basta basahin nang tama ang mga salita kundi upang maitawid din nang maliwanag ang mga punto. Pagkatapos mong suriin ang isang pangungusap, magtungo sa susunod hanggang sa mapag-aralan mo ang buong parapo. Maging pamilyar sa daloy ng ideya. Pagkatapos ay mag-insayo sa pagbasa nang malakas. Paulit-ulit na basahin ang parapo hanggang sa magawa mo ito nang hindi ka nagkakamali at hindi humihinto sa maling mga lugar. Pagkatapos ay magtungo sa iba pang mga parapo.
Pagkatapos, pasulungin ang iyong bilis. Kung nauunawaan mo na kung paanong nagkakaugnay-ugnay ang mga salita sa isang pangungusap, makikita mo ang mahigit pa sa isang salita sa bawat tingin anupat alam mo na agad kung ano ang dapat na sumunod. Malaki ang maitutulong nito sa pagiging mabisa ng iyong pagbabasa.
Ang regular na pag-iinsayo ng pagbasa sa isang sulyap lamang ay maaaring maging isang mahalagang pagsasanay. Halimbawa, bagaman walang patiunang paghahanda, basahin nang malakas ang teksto at mga komento sa araw na ito; gawin ito sa regular na paraan. Hayaang masanay ang iyong mata sa pagtingin sa mga grupo ng salita na nagpapahayag ng kumpletong mga ideya sa halip na sa pagtingin sa bawat salita nang isa-isa.
Sa pakikipag-usap, upang maging matatas ay kailangang mag-isip ka muna bago magsalita. Gawing kaugalian iyon sa iyong pang-araw-araw na gawain. Pagpasiyahan kung anong mga ideya ang nais mong itawid at ang magiging pagkakasunud-sunod ng paglalahad mo ng mga ito; pagkatapos ay magsimula sa pagsasalita. Huwag magmadali. Pagsikapang ipahayag ang isang buong diwa nang hindi humihinto o binabago ang mga ideya sa kalagitnaan. Makikita mong makatutulong na gumamit nang maikli at simpleng mga pangungusap.
Ang mga salita ay lumalabas nang natural kung alam mo kung ano talaga ang nais mong sabihin. Sa pangkalahatan, hindi na kailangan pang piliin ang mga salitang gagamitin mo. Sa katunayan, bilang pagsasanay, makabubuting tiyakin lamang na maliwanag ang ideya sa iyong isipan at pagkatapos ay saka umisip ng mga salita habang nagsasalita ka. Kung gayon ang iyong gagawin at kung ipapako mo ang iyong isip sa ideya sa halip na sa mga salitang binibigkas mo, ang mga salita ay halos kusang darating, at ang iyong mga ideya ay maipapahayag mo mula sa iyong puso. Subalit kapag nagsimula kang mag-isip ng mga salita sa halip na mga ideya, ang iyong pagsasalita ay magiging patigil-tigil. Sa pamamagitan ng pag-iinsayo, maaari kang magtagumpay sa pagkakaroon ng katatasan, isang mahalagang katangian sa mabisang pagsasalita at pagbabasa.
Nang atasang kumatawan kay Jehova sa bansang Israel at sa harapan ni Paraon ng Ehipto, nadama ni Moises na siya’y walang kakayahan. Bakit? Hindi siya isang matatas na tagapagsalita; maaaring mayroon siyang kapansanan sa pagsasalita. (Ex. 4:10; 6:12) Si Moises ay nagdahilan, subalit wala sa mga ito ang tinanggap ng Diyos. Ipinadala ni Jehova si Aaron bilang isang tagapagsalita, subalit tinulungan din Niya si Moises na magsalita. Sa paulit-ulit at sa mabisang paraan, si Moises ay nagsalita hindi lamang sa mga indibiduwal at sa maliliit na grupo kundi sa buong bansa. (Deut. 1:1-3; 5:1; 29:2; 31:1, 2, 30; 33:1) Kung taimtim mong ginagawa ang iyong bahagi habang nagtitiwala kay Jehova, magagamit mo rin ang iyong pagsasalita upang parangalan ang Diyos.