ARALIN 34
Nakapagpapatibay at Positibo
ANG mensaheng iniatas sa atin upang ipangaral ay mabuting balita. Sinabi ni Jesus: “Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.” (Mar. 13:10) Si Jesus mismo ang nagbigay ng halimbawa sa pagtatampok ng “mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Luc. 4:43) Ang ipinangaral ng mga apostol ay inilarawan din bilang “ang mabuting balita ng Diyos” at “ang mabuting balita tungkol sa Kristo.” (1 Tes. 2:2; 2 Cor. 2:12) Ang gayong mensahe ay nakapagpapatibay at positibo.
Kasuwato ng kapahayagan ng “walang-hanggang mabuting balita” ng “anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit,” hinihimok natin ang mga tao: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.” (Apoc. 14:6, 7) Sinasabi natin sa mga tao saanmang dako ang tungkol sa tunay na Diyos, ang kaniyang pangalan, ang kaniyang mga kagila-gilalas na katangian, ang kaniyang mga kamangha-manghang gawa, ang kaniyang maibiging layunin, ang ating pananagutan sa kaniya, at kung ano ang hinihiling niya sa atin. Kalakip ng mabuting balita ang katotohanan na pupuksain ng Diyos na Jehova ang mga balakyot, na lumalapastangan sa kaniya at pumipinsala sa buhay ng ibang mga tao. Subalit hindi para sa atin na humatol sa mga indibiduwal na pinangangaralan natin. Marubdob ang ating pagnanais na hangga’t maaari ay marami ang tumugon nang may pagsang-ayon sa mensahe ng Bibliya upang ito’y tunay na maging mabuting balita para sa kanila.—Kaw. 2:20-22; Juan 5:22.
Limitahan ang Negatibong Materyal. Sabihin pa, may mga negatibong aspekto ang buhay. Hindi natin ipinipikit ang ating mga mata sa mga ito. Upang pasimulan ang isang pag-uusap, maaaring magbangon ka ng isang suliraning nasa isip ng mga nakatira sa inyong teritoryo at talakayin iyon sa maikli. Subalit karaniwan nang kaunti lamang ang pakinabang kapag pinahaba ito. Laging naririnig ng mga tao ang nakalulungkot na mga balita, kaya sa pagsasabi ng di-mabubuting bagay baka isara nila ang kanilang pintuan o ang kanilang mga tainga. Sa umpisa pa lamang ng inyong pag-uusap, sikaping akayin ang pansin sa nakagiginhawang mga katotohanan sa Salita ng Diyos. (Apoc. 22:17) Pagkatapos, kahit ayaw na ng tao na ipagpatuloy pa ang pag-uusap, may maiiwan ka sa kaniya na nakapagpapatibay na bagay na pag-iisipan. Ito ay maaaring magbukas ng daan upang makinig na siya sa ibang pagkakataon.
Sa katulad na paraan, kung ikaw ay inanyayahang magpahayag, huwag paulanan ang tagapakinig ng negatibong impormasyon dahilan lamang sa marami kang makukuha nito. Kung mahaba ang pagtalakay ng tagapagsalita sa kabiguan ng mga taong tagapamahala, mga ulat ng krimen at karahasan, at nakasusuklam na paglaganap ng imoralidad, ang epekto nito ay nakapanlulumo. Iharap ang negatibong aspekto ng isang paksa kung ito ay makatutulong lamang. Ang limitadong dami ng gayong materyal ay maaaring magdiin sa pagiging napapanahon ng iyong pahayag. Maaaring ipakilala rin nito ang pangunahing mga salik na nagpapalubha sa situwasyon anupat maaaring gamitin upang ipakita kung bakit ang solusyon sa Bibliya ay praktikal. Hangga’t posible, maging espesipiko nang hindi gumugugol ng mahabang panahon sa mga suliranin.
Kadalasan ay hindi posible ni kanais-nais man na alisin ang lahat ng negatibong materyal sa isang pahayag. Ang hamon ay ang maiharap ang pinagsamang positibo at negatibo upang maging positibo ang pangkalahatang epekto nito. Upang matamo ito, dapat mong tiyakin kung ano ang isasama, kung ano ang aalisin, at kung saan ilalagay ang pagdiriin. Sa Sermon sa Bundok, pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na iwasan ang makasariling paraan ng mga eskriba at mga Pariseo, at siya ay bumanggit ng ilang halimbawa upang ilarawan ang punto. (Mat. 6:1, 2, 5, 16) Gayunman, sa halip na gumugol ng panahon sa negatibong mga halimbawa ng mga pinunong relihiyosong iyon, idiniin ni Jesus ang pag-unawa sa tunay na mga daan ng Diyos at ang pamumuhay ayon sa mga ito. (Mat. 6:3, 4, 6-15, 17-34) Ang epekto sa kabuuan ay positibo.
Panatilihing Positibo ang Presentasyon. Kung ikaw ay inatasang magpahayag sa inyong kongregasyon hinggil sa ilang aspekto ng gawaing Kristiyano, pagsikapan mong maging nakapagpapatibay sa halip na maging mapamuna. Tiyaking ginagawa mo kung ano ang ipinapayo mong gawin ng iba. (Roma 2:21, 22; Heb. 13:7) Hayaang ang pag-ibig, hindi ang pagkainis, ang pumatnubay sa iyong sinasabi. (2 Cor. 2:4) Kung may pagtitiwala ka na ang iyong mga kapananampalataya ay nagnanais na paluguran si Jehova, mahihiwatigan sa iyong sinasabi ang pagtitiwalang iyon, at ito ay magkakaroon ng kapaki-pakinabang na epekto. Pansinin kung paano ipinahayag ni apostol Pablo ang gayong pagtitiwala, gaya ng nakaulat sa 1 Tesalonica 4:1-12; 2 Tesalonica 3:4, 5; at Filemon 4, 8-14, 21.
Kung minsan ay kailangang magbigay ng babala ang matatanda laban sa di-matalinong paggawi. Subalit ang pagpapakumbaba ay tutulong sa kanila na pakitunguhan ang kanilang mga kapatid sa espiritu ng kahinahunan. (Gal. 6:1) Ang paraan ng pagsasabi ng mga bagay-bagay ay dapat magpakita na ang mga nasa kongregasyon ay pinag-uukulan ng paggalang. (1 Ped. 5:2, 3) Ang Bibliya ay nagpapayo sa mga kabataang lalaki na lalo nang maging alisto sa bagay na ito. (1 Tim. 4:12; 5:1, 2; 1 Ped. 5:5) Kung kinakailangang sumaway, dumisiplina, magtuwid ng mga bagay-bagay, ito ay dapat gawin salig sa sinasabi mismo ng Bibliya. (2 Tim. 3:16) Ang pagkakapit ng Kasulatan ay hindi kailanman dapat na ipilit o pilipitin upang suhayan ang isang ideya na gustong palabasin ng tagapagsalita. Kahit na kapag kailangan ang payo ukol sa pagtutuwid, ang presentasyon ng pahayag ay maaaring panatilihing positibo kung ang pagdiriin ay pangunahing ilalagay sa kung paano iiwasang mapasangkot sa paggawa ng masama, kung paano lulutasin ang mga suliranin, kung paano mapagtatagumpayan ang mga kahirapan, kung paano itutuwid ang isang maling landasin, at kung paanong ang mga kahilingan ni Jehova ay nagsasanggalang sa atin.—Awit 119:1, 9-16.
Kapag naghahanda ng iyong pahayag, bigyan ng pantanging pansin kung paano mo tatapusin ang bawat pangunahing punto at ang pahayag sa kabuuan. Ang huling sinabi mo ang siyang kadalasa’y natatandaan nang matagal. Ito ba ay magiging positibo?
Kapag Nakikipag-usap sa mga Kapananampalataya. Pinagyayaman ng mga lingkod ni Jehova ang mga pagkakataon para sa pagsasamahan sa Kristiyanong mga pagpupulong. Ang mga ito ay panahon para sa espirituwal na kaginhawahan. Hinihimok tayo ng Bibliya na isaisip ang ‘pagpapatibayang-loob sa isa’t isa’ kapag tayo ay nagtitipon sa mga dako ng ating pagsamba. (Heb. 10:25) Isinasagawa iyon hindi lamang sa pamamagitan ng mga pahayag at mga komento sa panahon ng mga pulong kundi gayundin sa pag-uusap bago at pagkatapos ng mga pulong.
Bagaman normal na pag-usapan ang ating pang-araw-araw na buhay, ang pinakamalaking pampatibay-loob ay nagmumula sa pagtalakay sa espirituwal na mga bagay. Kalakip dito ang mga karanasan na tinatamasa natin sa sagradong paglilingkod. Ang pagpapakita ng tunay na interes sa isa’t isa ay nakapagpapatibay rin.
Dahil sa impluwensiya ng sanlibutang nakapaligid sa atin, kailangan ang pag-iingat. Nang sumusulat sa mga Kristiyano sa Efeso, sinabi ni Pablo: “Ngayong inalis na ninyo ang kabulaanan, magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.” (Efe. 4:25) Kasali sa pagsasalita ng katotohanan sa halip na kasinungalingan ang hindi pagluwalhati sa mga bagay at mga tao na iniidolo ng sanlibutan. Sa katulad na paraan, si Jesus ay nagbabala laban sa “mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan.” (Mat. 13:22) Kaya kapag nakikipag-usap sa isa’t isa, kailangan nating pag-ingatang huwag maitaguyod ang gayong panlilinlang sa paggawang para bang kahali-halina ang pagtataglay ng materyal na mga bagay.—1 Tim. 6:9, 10.
Kapag nagpapayo sa pangangailangang maging nakapagpapatibay, hinihimok tayo ni apostol Pablo na huwag hatulan o maliitin ang isang kapatid na maaaring umiiwas sa ilang bagay dahil sa “kahinaan sa kaniyang pananampalataya,” alalaong baga, dahil sa hindi niya nauunawaang lubos ang buong saklaw ng Kristiyanong kalayaan. Ang totoo, upang ang ating pakikipag-usap ay makapagpatibay sa iba, kailangan nating isaalang-alang ang kinalakhan nila at ang lawak ng kanilang espirituwal na paglaki. Anong lungkot nga na “maglagay ng katitisuran o ng sanhi ng pagkakatalisod sa harap ng isang kapatid [na lalaki o babae]”!—Roma 14:1-4, 13, 19.
Yaong mga nakikipagpunyagi sa malulubhang personal na suliranin—tulad halimbawa sa isang sakit na di-gumagaling—ay nagpapahalaga sa nakapagpapatibay na usapan. Ang gayong tao ay maaaring gumagawa ng malaking pagsisikap upang makadalo sa mga pulong. Yaong mga nakaaalam sa kaniyang kalagayan ay maaaring magtanong: “Kumusta ang pakiramdam mo?” Walang pagsalang pahahalagahan niya ang kanilang pagkabahala. Gayunman, marahil sa kaniya ang kalagayan ng kaniyang kalusugan ay isang paksang hindi nakapagpapatibay na pag-usapan. Marahil ang mga salita ng pagpapahalaga at papuri ay higit na magpapasigla sa kaniyang puso. Nakikita mo ba ang kaniyang patuloy na pag-ibig kay Jehova at ang kaniyang pagtitiis sa ilalim ng mahirap na kalagayan? Napatitibay ka ba kapag siya ay nagkokomento? Hindi kaya higit na nakapagpapatibay na magtuon ng pansin sa kaniyang mga positibong katangian at sa kaniyang naitutulong sa kongregasyon sa halip na sa kaniyang mga limitasyon?—1 Tes. 5:11.
Upang ang ating pag-uusap ay makapagpatibay, lalo nang mahalaga na isaalang-alang ang pangmalas ni Jehova sa pinag-uusapan. Sa sinaunang Israel, yaong mga nagsalita laban sa mga kinatawan ni Jehova at nagreklamo hinggil sa manna ay nakaranas ng matinding galit ng Diyos. (Bil. 12:1-16; 21:5, 6) Pinatutunayan natin na tayo ay nakinabang mula sa mga halimbawang iyon kapag nagpapakita tayo ng paggalang sa matatanda at nagpapahalaga sa espirituwal na pagkaing inilalaan sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin.—1 Tim. 5:17.
Ang paghanap ng kapaki-pakinabang na mga bagay upang pag-usapan kapag kasama natin ang ating mga kapatid na Kristiyano ay bihirang maging isang suliranin. Gayunman, kung ang sinasabi ng isa ay masyadong nagiging mapamuna, gumawa ng hakbang upang akayin ang pag-uusap sa nakapagpapatibay na direksiyon.
Tayo man ay nagpapatotoo sa iba, nagsasalita sa plataporma, o nakikipag-usap sa mga kapananampalataya, gumamit nawa tayo ng unawa upang mailabas mula sa kayamanan ng ating mga puso ang “anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.”—Efe. 4:29.