ARALIN 47
Mabisang Paggamit ng mga Visual Aid
BAKIT kailangang gumamit ng mga visual aid sa iyong pagtuturo? Sapagkat sa paggawa nito, magiging higit na mabisa ang iyong pagtuturo. Ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ay gumamit ng mga visual aid, at maaari tayong matuto mula sa kanila. Kapag ang mga visual aid ay kalakip ng binigkas na salita, ang impormasyon ay natatanggap kapuwa sa paningin at pandinig. Ito ay makatutulong upang mapanatili ang pansin ng iyong tagapakinig at mapalalim ang impresyon nito. Paano mo magagamit ang mga visual aid sa paghaharap mo ng mabuting balita? Paano ka makatitiyak na mabisa mong ginagamit ang mga ito?
Kung Paano Ginamit ng Pinakadakilang mga Guro ang mga Visual Aid. Si Jehova ay gumamit ng mga madaling tandaang visual aid upang magturo ng mahahalagang aral. Isang gabi dinala niya si Abraham sa labas at sinabi: “Pakisuyo, tumingala ka sa langit at bilangin mo ang mga bituin, kung talagang mabibilang mo ang mga iyon. . . . Magiging gayon ang iyong binhi.” (Gen. 15:5) Kahit na ang pangako ay waring imposible mula sa pangmalas ng tao, si Abraham ay lubhang nabighani anupat naglagak ng pananampalataya kay Jehova. Sa isa pang okasyon, isinugo ni Jehova si Jeremias sa bahay ng isang magpapalayok at siya’y pinapasok sa gawaan ng palayok upang mamasdan kung paano hinuhubog ng tao ang luwad. Ano ngang di-malilimutang aral hinggil sa awtoridad ng Diyos sa mga tao! (Jer. 18:1-6) At paano malilimutan ni Jonas ang aral hinggil sa kaawaan na itinuro sa kaniya ni Jehova sa pamamagitan ng halamang upo? (Jon. 4:6-11) Sinabi pa nga ni Jehova sa kaniyang mga propeta na isadula ang makahulang mga mensahe habang gumagamit ng ilang angkop na mga bagay. (1 Hari 11:29-32; Jer. 27:1-8; Ezek. 4:1-17) Ang tabernakulo at ang mga bagay sa templo sa ganang sarili ay mga larawan na tumutulong sa atin na maunawaan ang makalangit na mga bagay. (Heb. 9:9, 23, 24) Ang Diyos ay gumamit din ng maraming pangitain upang maghatid ng mahahalagang impormasyon.—Ezek. 1:4-28; 8:2-18; Gawa 10:9-16; 16:9, 10; Apoc. 1:1.
Paano gumamit si Jesus ng mga visual aid? Nang pagsikapan ng mga Pariseo at ng partido ng mga tagasunod ni Herodes na hulihin siya sa kaniyang pananalita, humingi si Jesus ng isang denario at itinawag-pansin ang larawan ni Cesar sa barya. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya na ang mga bagay ni Cesar ay dapat na ibayad kay Cesar subalit ang mga bagay na sa Diyos ay dapat na ibayad sa Diyos. (Mat. 22:19-21) Upang ituro ang isang aral ng pagpaparangal sa Diyos sa pamamagitan ng lahat ng ating tinataglay, tinukoy ni Jesus ang isang mahirap na babaing balo sa templo na ang kontribusyon—dalawang maliit na barya—ang siya niyang buong kabuhayan. (Luc. 21:1-4) Sa isa pang okasyon, gumamit siya ng isang munting bata bilang isang halimbawa ng pagiging mapagpakumbaba, na walang mapag-imbot na ambisyon. (Mat. 18:2-6) Personal din niyang ipinakita ang kahulugan ng pagpapakumbaba sa pamamagitan ng paghuhugas sa mga paa ng kaniyang mga alagad.—Juan 13:14.
Mga Paraan ng Paggamit ng mga Visual Aid. Di-tulad ni Jehova, hindi tayo maaaring makipagtalastasan sa pamamagitan ng mga pangitain. Subalit, maraming pumupukaw-kaisipang larawan na lumilitaw sa mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Gamitin ang mga ito upang tulungan ang mga taong interesado na mailarawan sa isip ang makalupang Paraiso na ipinangako sa Salita ng Diyos. Sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, maaari mong itawag-pansin sa isang estudyante ang isang larawan na may kaugnayan sa inyong pinag-aaralan at hilingin sa kaniya na sabihin sa iyo kung ano ang kaniyang nakikita. Kapansin-pansin na noong ibigay kay propeta Amos ang mga pangitain, si Jehova ay nagtanong: “Ano ang nakikita mo, Amos?” (Amos 7:7, 8; 8:1, 2) Maaaring magbangon ka rin ng nakakatulad na mga tanong habang inaakay mo ang pansin ng mga tao sa larawang dinisenyo bilang mga visual aid sa pagtuturo.
Kung gumagawa ka ng matematikal na kalkulasyon o gumagamit ng isang tsart ng kronolohiya upang ipakita ang pagkakasunud-sunod ng mahahalagang pangyayari, ito ay makatutulong sa mga tao upang mas madaling maunawaan ang mga hula gaya ng “pitong panahon” ng Daniel 4:16 at “pitumpong sanlinggo” ng Daniel 9:24. Ang gayong mga visual aid ay lumilitaw sa ilan sa ating mga pinag-aaralang publikasyon.
Sa iyong pampamilyang pag-aaral sa Bibliya, ang pagtalakay sa mga bagay gaya ng tabernakulo, templo sa Jerusalem, at templo sa pangitain ni Ezekiel ay maaaring gawing mas madaling maunawaan kung gagamit ka ng isang larawan o isang dayagram. Ang mga ito ay maaaring masumpungan sa Insight on the Scriptures, sa apendise ng New World Translation of the Holy Scriptures—With References, at iba’t ibang isyu ng Ang Bantayan.
Kapag nagbabasa ng Bibliya kasama ng iyong pamilya, gamiting mabuti ang mga mapa. Taluntunin ang paglalakbay ni Abraham mula sa Ur hanggang sa Haran at patungo sa Bethel. Suriin ang kinuhang ruta ng bansang Israel habang lumilisan sa Ehipto at naglalakbay patungo sa Lupang Pangako. Hanapin ang lugar na ibinigay bilang mana sa bawat tribo ng Israel. Pansinin ang lawak ng nasasakupan ni Solomon. Sundan ang ruta ni Elias habang siya’y tumatakas mula sa Jezreel tungo sa ilang sa ibayo pa roon ng Beer-sheba pagkatapos na pagbantaan ni Jezebel. (1 Hari 18:46–19:4) Hanapin ang mga lunsod at mga bayan na pinangaralan ni Jesus. Sundan ang mga paglalakbay ni Pablo, gaya ng paglalarawan sa aklat ng Mga Gawa.
Ang mga visual aid ay nakatutulong kapag itinuturo sa mga estudyante sa Bibliya ang mga gawain ng kongregasyon. Maipakikita mo sa iyong estudyante ang isang nakaimprentang programa at maipaliliwanag ang uri ng impormasyon na ating tinatalakay sa mga asamblea at mga kombensiyon. Marami ang nasiyahan sa isang personal na tour sa Kingdom Hall o ng tour sa isang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Ito ay maaaring maging isang mabisang paraan upang alisin ang maling paniniwala hinggil sa ating gawain at sa layunin nito. Kapag nagtu-tour sa Kingdom Hall, ipakita kung paano ito naiiba sa ibang mga dako ng pagsamba. Itampok ang simple at kaiga-igayang kapaligiran sa pag-aaral. Ipakita ang mga bagay na pantanging dinisenyo para sa ating pangmadlang ministeryo—mga lugar para sa pamamahagi ng literatura, mga mapa ng teritoryo, at mga kahon ng kontribusyon (bilang kabaligtaran sa mga plato ng koleksiyon).
Kung may makukuhang mga video na inihanda sa ilalim ng pamamatnugot ng Lupong Tagapamahala, gamitin ang mga ito upang magpatibay ng pagtitiwala sa Bibliya, upang higit na makilala ng mga estudyante ang aktibidad ng mga Saksi ni Jehova, at upang mapasigla ang mga nanonood na mamuhay na kasuwato ng mga simulain ng Bibliya.
Paggamit ng mga Visual Aid Para sa Mas Malalaking Grupo. Kapag naihandang mabuti at naiharap nang maayos, ang mga visual aid ay maaaring maging mabisang pantulong sa pagtuturo sa malalaking grupo. Ang gayong mga visual aid ay inilalaan sa iba’t ibang anyo ng uring tapat at maingat na alipin.
Ang materyal na pinag-aaralan sa Ang Bantayan ay kadalasang may mga iginuhit na larawan bilang visual aid na maaaring gamitin ng konduktor upang idiin ang mahahalagang punto. Ito ay totoo rin sa mga publikasyong ginagamit sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat.
Ang ilang balangkas para sa mga pahayag pangmadla ay maaaring gamitan ng mga visual aid upang mailarawan ang mga punto. Gayunman, mas malaking kabutihan ang naisasagawa sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa sinasabi ng Bibliya, na siyang personal na hawak ng karamihan sa tagapakinig. Kung may pagkakataon na kailangan ang isang larawan o isang maikling balangkas ng mga pangunahing punto upang maitawid ang isa o ilan sa mga pangunahing punto ng pahayag, patiunang tiyakin na ang visual aid ay malinaw na makikita (o mababasa) mula sa bandang hulihan ng dakong pulungan. Ang gayong mga pantulong ay hindi dapat gamitin nang madalas.
Ang ating layunin sa paggamit ng mga visual aid kapag nagsasalita at nagtuturo ay hindi upang mang-aliw. Kapag ang isang disenteng visual aid ay ginamit, dapat na mapatingkad nito sa nakikitang paraan ang mga ideya na nangangailangan ng pantanging pagdiriin. Ang gayong mga pantulong ay nagsisilbi ukol sa isang mabuting layunin kapag nililinaw ng mga ito ang binigkas na salita, anupat ginagawang mas madaling unawain ito, o kapag ang mga ito ay naglalaan ng matibay na ebidensiya hinggil sa pagiging totoo ng sinabi. Kapag wastong ginamit, ang isang angkop na visual aid ay maaaring lumikha ng malalim na impresyon anupat kapuwa ang visual aid at ang punto ng pagtuturo ay matatandaan sa loob ng maraming taon.
Ang kakayahan ng pandinig at ng paningin ay kapuwa gumaganap ng mahahalagang papel sa pagkatuto. Alalahanin kung paanong ginamit ng pinakadakilang mga Guro ang mga pandamdam na ito, at sikaping tularan ang mga ito sa iyong mga pagsisikap na makatulong sa iba.