Gumamit ng Mabibisang Visual Aid sa Pagtuturo
1. Paano gumamit si Jehova ng mga visual aid upang turuan ang kaniyang sinaunang mga lingkod, at ano ang naging epekto nito?
1 Sa ilang pagkakataon, gumamit si Jehova ng mga pangitain at panaginip upang maghatid ng mahahalagang impormasyon sa kaniyang sinaunang mga lingkod. Gunigunihin ang pangitain ni Ezekiel hinggil sa makalangit na karo ni Jehova. (Ezek. 1:1-28) Isip-isipin ang nadama ni Daniel matapos matanggap ang makahulang panaginip na naglalarawan sa sunud-sunod na kapangyarihang pandaigdig. (Dan. 7:1-15, 28) At kumusta naman ang kapana-panabik na pagsisiwalat kay apostol Juan na iniharap sa pamamagitan ng “mga tanda” hinggil sa mga bagay na magaganap “sa araw ng Panginoon”? (Apoc. 1:1, 10) Tinuruan sila ni Jehova sa pamamagitan ng buháy na buháy na mga pangitain na may matitingkad na kulay, anupat mahirap nila itong makalimutan.
2. Anong mga visual aid ang magagamit natin upang ituro sa iba ang mga katotohanan sa Bibliya?
2 Kung gusto nating ipaliwanag ang mga katotohanan sa Bibliya sa paraang hindi basta-basta malilimutan, magagamit din natin ang ating mga video para magturo. Tinatalakay sa ating mga video ang napakaraming iba’t ibang paksa at pinatitibay nito ang ating pagtitiwala sa Bibliya, sa organisasyon ni Jehova, at sa mga simulain na tumutulong sa atin na maging mas mabubuting Kristiyano. Isaalang-alang ang ilang paraan na magagamit natin ang mga video para magturo. Ang sumusunod ay ilan sa mga video na maaaring gamitin.
3. Ano ang maaari mong gamitin upang akayin sa organisasyon ang isang estudyante sa Bibliya?
3 Sa Ministeryo: Binabanggit mo ba sa isang estudyante sa Bibliya ang tungkol sa ating pambuong-daigdig na Kristiyanong kapatiran? Ipakita ito sa kaniya gamit ang video na Our Whole Association of Brothers. Maaaring ipahiram mo ito sa kaniya para mapanood niya bago ang susunod ninyong pag-aaral o panoorin itong magkasama sa susunod ninyong sesyon ng pag-aaral. Saka talakayin ang mga tanong sa repaso na makikita sa Hunyo 2002 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
4. Anong pantulong sa pagtuturo ang magagamit ng isang kabataang Saksi sa paaralan?
4 Mga kabataan, baka maaari ninyong hilingin sa inyong guro na panoorin ng klase ang dokumentaryong mga video na Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault o Faithful Under Trials—Jehovah’s Witnesses in the Soviet Union. Sabihin na maghahanda ka ng question sheet, anupat iniaangkop sa klase ang mga tanong sa Hunyo 2001 o ang Pebrero 2003 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
5. Ano ang magagamit ng mga magulang sa pampamilyang pag-aaral?
5 Sa Pamilya at mga Kaibigan: Mga magulang, kailan huling napanood ng inyong mga anak ang video na Young People Ask—How Can I Make Real Friends? Bakit hindi ito panooring muli sa susunod ninyong pampamilyang pag-aaral? Ibinalangkas sa Abril 2002 ng Ating Ministeryo sa Kaharian ang mga tanong para sa masigla at prangkahang talakayan.
6. Paano ka makapagsasaayos ng nakapagpapatibay na pakikipagsamahan sa mga kaibigan?
6 May mga kaibigan ka ba sa kongregasyon na gusto mong anyayahan sa inyong bahay? Mapatitibay kayo kung sama-sama ninyong panonoorin ang video na Respect Jehovah’s Authority, lalo na kung rerepasuhin ninyo ang mga natutuhang aral pagkatapos manood, gamit ang mga tanong na nasa Setyembre 2004 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
7. Sa ano pang mga pagkakataon naiisip mong gamitin ang ating mga video?
7 Iba Pang Pagkakataon: Paano mo pa magagamit ang ating 20 iba’t ibang video? Makatutulong kaya upang sumulong sa espirituwal ang taong regular mong dinadalaw kung mapapanood niya ang isa o dalawa sa mga video na ito? Maaari mo kayang hilinging ipalabas ang mga video sa nursing home o sa pasilidad para sa mga may-edad na sa inyong lugar? Makapagbibigay kaya ng mabuting impresyon ang mga video sa di-Saksing mga kamag-anak, kapitbahay, at katrabaho? Ang ating mga video ay kahanga-hanga, nakapagtuturo, at mabisang mga visual aid. Gamitin ang mga ito para magturo.