Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • yp2 kab. 17 p. 142-146
  • Bakit Dapat Akong Mag-ingat sa Pakikipagkaibigan sa mga Kaeskuwela Ko?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit Dapat Akong Mag-ingat sa Pakikipagkaibigan sa mga Kaeskuwela Ko?
  • Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bakit Dapat Mag-ingat?
  • Kung Ano’ng Magagawa Mo
  • Pagkakaibigan sa Paaralan—Hanggang Saan ang Limitasyon?
    Gumising!—2006
  • Paano Ako Magkakaroon ng Mabubuting Kaibigan?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Kailangan Ko ba ng Mas Mabubuting Kaibigan?
    Gumising!—2009
  • Piliing Mabuti ang mga Kaibigan Mo
    Masayang Buhay Magpakailanman—Isang Pag-aaral sa Bibliya
Iba Pa
Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
yp2 kab. 17 p. 142-146

KABANATA 17

Bakit Dapat Akong Mag-ingat sa Pakikipagkaibigan sa mga Kaeskuwela Ko?

“Kung minsan, makakakita ako ng mga magkakabarkada at maiisip ko, ‘Nakakatuwa naman sila, ang ganda ng samahan nila. Sana magkaroon din ako ng ganoong mga kaibigan.’”​—Joe.

“Napakadali kong makipagkaibigan sa mga kaeskuwela ko. Wala akong kahirap-hirap. At dahil diyan, nagkaproblema ako.”​—Maria.

KAILANGAN nating lahat ng mga kaibigan​—mga taong makakasama natin kapag gusto nating mag-enjoy at masasandalan naman natin kapag may problema tayo. Nagkaroon din si Jesus ng mga kaibigan, at nasiyahan siya sa pakikisama sa kanila. (Juan 15:15) At noong naghihingalo na siya sa pahirapang tulos, hindi siya iniwan ng malapít niyang kaibigan na si Juan, ang “alagad na minamahal niya.” (Juan 19:25-27; 21:20) Kailangan mo rin ng gayong mga kaibigan​—mga taong makakasama mo sa lungkot at ligaya, sa hirap at ginhawa!

Siguro iniisip mong nakahanap ka na ng gayong kaibigan sa paaralan​—isa o dalawa sa mga kaeskuwela mo na kasundung-kasundo mo. Pareho ang mga gusto ninyo at masarap kayong magkuwentuhan. Sa tingin mo, hindi naman sila “masasamang kasama.” (1 Corinto 15:33) “Halos araw-araw mong nakikita ang mga kaeskuwela mo,” ang sabi ni Anne. “Kaya puwede kang magpakatotoo kapag kasama mo sila. Pero kapag mga kapananampalataya mo na ang kasama mo, ingat na ingat kang kumilos. Mas relaks ka talaga kapag nasa iskul.” Baka pareho rin kayo ng pananaw ni Lois. Ganito ang sabi niya: “Gusto kong makita ng mga kaeskuwela ko na mali ang iniisip ng marami na kakaiba raw ang mga Saksi ni Jehova. Gusto kong makita nila na normal din tayo.” Makatuwirang dahilan ba iyan para maging malapít na mga kaibigan mo ang iyong mga kaeskuwela?

Bakit Dapat Mag-ingat?

Pansinin ang nangyari kay Maria na binanggit sa simula. Dahil magaling siyang makisama, madali siyang makipagkaibigan. Pero hindi niya alam kung hanggang saan ang dapat na maging limitasyon sa pakikipagkaibigan sa mga di-kapananampalataya. “Tuwang-tuwa ako kapag nagugustuhan ako ng mga tao,” ang pag-amin niya. “Kaya hindi ko namamalayan na unti-unti na pala akong lumulubog sa kumunoy ng sanlibutang ito.” Ganiyan din ang nangyari kay Lois. “Nahawa na ako sa mga kaibigan ko,” ang sabi niya, “kuhang-kuha ko na ang kilos at ugali nila.”

Hindi kataka-taka iyan. Kasi, para maging malapít na kaibigan mo ang isa, kailangang pareho kayo ng gusto at prinsipyo. Kung nakikipagkaibigan ka sa mga taong hindi sumusunod sa mga pamantayan ng Bibliya, maaapektuhan ang paggawi at pag-uugali mo. (Kawikaan 13:20) Kaya naman nagpayo si apostol Pablo: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.”​—2 Corinto 6:14.

Kung Ano’ng Magagawa Mo

Ibig bang sabihin ni Pablo ay dapat mong layuan ang mga kaklase mo at ibukod ang iyong sarili? Hindi naman! Para masunod ng mga Kristiyano ang atas na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,” kailangang marunong silang makitungo sa lahat ng tao, anuman ang lahi, relihiyon, at kultura ng mga ito.​—Mateo 28:19.

Nagpakita ng magandang halimbawa si apostol Pablo hinggil sa bagay na ito. Marunong siyang makipag-usap sa “lahat ng uri ng tao,” kahit pa nga sa mga taong hindi niya kapareho ng paniniwala. (1 Corinto 9:22, 23) Matutularan mo rin si Pablo. Maging palakaibigan sa iyong mga kaeskuwela. Maging mahusay sa pakikipag-usap. Pero huwag mong hayaan na mahawa ka sa kanilang pagsasalita at paggawi. Sa umpisa pa lang, magalang mo nang ipaliwanag sa kanila kung bakit pinili mong sundin ang mga pamantayan ng Bibliya.​—2 Timoteo 2:25.

Oo, talagang mapapaiba ka at hindi madali ito. (Juan 15:19) Pero ganito kaya ang isipin mo: Nakasakay ka sa isang lifeboat. Maraming tao ang nasa tubig at nangangailangan ng tulong. Paano mo sila sasagipin? Tatalon ka ba sa tubig at iiwan ang lifeboat? Siyempre, hindi!

Sa paaralan, napalilibutan ka ng mga taong hindi kaibigan ni Jehova, na posibleng mapahamak dahil hindi sila sumusunod sa kaniyang mga pamantayan. (Awit 121:2-8) Kung iiwan mo ang mga pamantayan ni Jehova para lamang mapalapít sa iyong mga kaeskuwela, maaaring masira ang kaugnayan mo sa Diyos. (Efeso 4:14, 15; Santiago 4:4) Hindi ba mas mabuti kung tutulungan mo silang makasakay sa lifeboat na sinasakyan mo, wika nga? Magagawa mo ito kung ipapakita mo sa kanila kung paano paglilingkuran si Jehova. Ito ang pinakamabuting paraan para mapatunayan mong isa kang tunay na kaibigan.

TEMANG TEKSTO

“Ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maging tagapamahagi ako nito sa iba.”​—1 Corinto 9:23.

TIP

Kung nakikinig ang mga kaklase mo kapag nagpapaliwanag ka tungkol sa iyong paniniwala, hayaan mo ring ipahayag nila ang kanilang opinyon. Makinig nang mabuti. Magsalita nang may “mahinahong kalooban at matinding paggalang.”​—1 Pedro 3:15.

ALAM MO BA . . . ?

Marami sa mga lingkod ng Diyos ngayon ang natuto ng Bibliya mula sa kaklase nilang naglakas-loob na magpatotoo sa kanila.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung sa tingin ko’y masyado na akong nagiging malapít sa kaklase ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Kung kinakantiyawan ako ng kaklase ko dahil sa aking paniniwala, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit kaya parang mas madaling makipagkaibigan sa mga kaeskuwela kaysa sa mga kapananampalataya?

● Anu-ano ang panganib ng paglilibang kasama ng isang kaklase na hindi naman sumusunod sa mga pamantayan ng Bibliya?

● Anu-ano ang kabutihan kung magpapakilala ka sa mga kaklase mo na isa kang Saksi ni Jehova?

[Blurb sa pahina 143]

“Ginagaya ko ang mga kaeskuwela ko, kaya madali akong magkaroon ng kaibigan. Pero natauhan ako. Ngayon, mga kapatid na sa loob ng kongregasyon ang mga kaibigan ko​—mga kaibigan na mapagkakatiwalaan ko.”​—Daniel

[Larawan sa pahina 146]

Ano ang pinakamabuting paraan para matulungan mo ang isang taong nalulunod​—tumalon sa tubig o hagisan siya ng salbabida?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share