Ebolusyon—Mga Maling Akala at Katotohanan
“Totoo ang ebolusyon kung paanong totoong mainit ang araw,” ang iginiit ni Propesor Richard Dawkins, isang prominenteng siyentipiko na naniniwala sa ebolusyon.16 Siyempre pa, pinatutunayan ng mga eksperimento at tuwirang obserbasyon na talagang mainit ang araw. Pero mayroon din bang di-matututulang mga ebidensiya mula sa mga eksperimento at tuwirang obserbasyon na sumusuporta sa turo ng ebolusyon?
Bago natin sagutin ang tanong na iyan, may isang bagay na kailangan munang linawin. Napansin ng maraming siyentipiko na sa paglipas ng panahon, ang supling ng mga nabubuhay na bagay ay posibleng magkaroon ng bahagyang pagbabago. Halimbawa, ang mga nagpapalahi ng aso ay maaaring pumili ng ibang lahi ng aso upang magkaroon ito ng mga supling na mas maiikli ang binti o mas mahahaba ang balahibo kaysa sa kanilang mga ninuno.a Tinawag ng ilang siyentipiko ang bahagyang mga pagbabagong ito na “microevolution.”
Gayunman, itinuturo ng mga ebolusyonista na ang maliliit na pagbabago ay unti-unting naipon sa loob ng bilyun-bilyong taon. Nauwi ito sa malalaking pagbabago na kailangan upang ang mga isda ay maging ampibyan at ang mga bakulaw naman ay maging tao. Ang diumano’y malalaking pagbabagong ito ay tinatawag na “macroevolution.”
Si Charles Darwin at ang kaniyang aklat na Origin of Species
Halimbawa, itinuro ni Charles Darwin na kung may naobserbahang bahagyang mga pagbabago, posible ring may naganap na malalaking pagbabago—hindi nga lang naobserbahan.17 Naniniwala siya na sa paglipas ng mahahabang yugto ng panahon—at dahil sa “bahagyang-bahagyang mga pagbabago”—ang ilang diumano’y simple o orihinal na anyo ng buhay ay unti-unting naging milyun-milyong anyo ng buhay sa lupa.18
Para sa marami, waring makatuwiran naman ang pag-aangking ito. Iniisip nila, ‘Kung nagaganap ang maliliit na pagbabago sa isang uri, bakit hindi makakagawa ang ebolusyon ng malalaking pagbabago sa paglipas ng mahahabang yugto ng panahon?’b Ang totoo, nakasalig sa tatlong maling akala ang turo ng ebolusyon. Suriin ang mga sumusunod.
Maling akala #1. Sa pamamagitan ng mutasyon, nagkakaroon ng mga bagong uri. Ang turo ng macroevolution ay nakasalig sa pag-aangkin na nakakabuo ang mutasyon—mga pagbabagong basta-bastang nangyayari sa genetic code ng halaman at hayop—hindi lang ng bagong uri kundi ng ganap na bagong pamilya ng halaman at hayop.19
Dahil sa mutasyon, puwedeng magkaroon ng pagbabago sa mga halaman—tulad ng malaking bulaklak na ito—pero may limitasyon
Katotohanan. Nakadepende ang maraming katangian ng isang halaman o hayop sa mga instruksiyong nasa genetic code nito, ang mga blueprint na nasa nukleo ng bawat selula.c Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mutasyon ay nagdudulot ng mga pagbabago sa mga supling ng mga halaman at hayop. Pero talaga nga bang may mga nabubuong bagong uri dahil sa mutasyon? Ano ang natuklasan sa 100-taóng pag-aaral sa larangan ng henetika?
Noong huling mga taon ng dekada ng 1930, sabik na sabik na tinanggap ng mga siyentipiko ang isang bagong ideya. Dati na silang naniniwala na ang proseso ng natural selection—kung saan ang organismong pinakaangkop sa kaniyang kapaligiran ang malamang na mabuhay at magparami—ay makagagawa ng bagong uri ng halaman sa pamamagitan ng mga mutasyong basta-basta lang nangyayari. Kaya ipinagpalagay nilang mas mahusay ang magagawa ng mutasyong artipisyal, o gawang-tao. “Tuwang-tuwa ang karamihan sa mga biyologo at lalo na ang mga dalubhasa sa henetika at ang mga nagpapalahi,” ang sabi ni Wolf-Ekkehard Lönnig, isang siyentipiko ng Max Planck Institute for Plant Breeding Research sa Alemanya.d Bakit sila tuwang-tuwa? Ganito ang sabi ni Lönnig, na mga 30 taóng nag-aral tungkol sa mutasyon sa henetika ng mga halaman: “Inakala ng mga mananaliksik na dumating na ang panahon para baguhin ang tradisyonal na paraan ng pagpapalahi ng mga halaman at hayop. Inakala nila na sa pamamagitan ng pagsisimula at pagpili ng kapaki-pakinabang na mutasyon, makagagawa sila ng panibago at mas magandang mga halaman at hayop.”20 Sa katunayan, umaasa pa nga ang ilan na makakabuo sila ng bagong uri.
Ang mga langaw na resulta ng mutasyon, bagaman naiba ang hitsura, ay mga langaw pa rin
Ang mga siyentipiko sa Estados Unidos, Asia, at Europa ay naglunsad ng mga pagsasaliksik na may malaking badyet at gumagamit ng mga pamamaraang inaasahang magpapabilis sa ebolusyon. Matapos ang mahigit 40 taon ng puspusang pagsasaliksik, ano ang naging resulta? Sinabi ng mananaliksik na si Peter von Sengbusch na nabigo “ang pagtatangkang magkaroon ng mas maiinam na uri sa pamamagitan ng iradyasyon,” bagaman napakalaki ng nagastos dito.21 Ang sabi naman ni Lönnig: “Pagsapit ng dekada ng 1980, naglaho ang pag-asa at pagsasaya ng mga siyentipiko sa buong daigdig. Ang pagpapalahi sa pamamagitan ng mutasyon bilang hiwalay na sangay ng pagsasaliksik ay kinalimutan na ng mga Kanluraning bansa. Halos lahat ng mutant . . . ay namatay lamang o mas mahinang klase kaysa sa mga uring nasa kalikasan.”e
Magkagayunman, dahil sa datos na naipon mula sa mga 100 taon ng pananaliksik tungkol sa mutasyon at 70 taon ng aktuwal na pagpapalahi sa pamamagitan ng mutasyon, nakabuo ng konklusyon ang mga siyentipiko tungkol sa diumano’y kakayahan nito na makalikha ng bagong uri. Matapos suriin ang katibayan, ito ang konklusyon ni Lönnig: “Walang kakayahan ang mutasyon na gumawa ng ganap na bagong uri mula sa orihinal na uri [ng halaman o hayop]. Ang konklusyong ito ay kaayon ng [mga batas ng probabilidad at ng] lahat ng naging karanasan at resulta ng pagsasaliksik sa mutasyon noong ika-20 siglo.”
Kaya talaga nga bang nakakalikha ang mutasyon ng ganap na bagong uri ng buhay? Ang sagot ng mga ebidensiya ay hindi! Natuklasan ni Lönnig sa kaniyang pananaliksik na may limitasyon ang naidudulot na pagbabago ng aksidenteng mutasyon sa isang uri na may espesipikong henetikong kayarian.22
Pag-isipan kung ano ang itinuturo ng nabanggit na mga ebidensiya. Kung walang kakayahan ang dalubhasang mga siyentipiko na makagawa ng bagong uri sa tulong ng artipisyal na pamamaraan ng mutasyon, magagawa kaya ito lalo na ng walang-isip na proseso? Kung ipinakikita ng pagsasaliksik na walang kakayahan ang mutasyon na gumawa ng ganap na bagong uri mula sa orihinal na uri, paano naganap ang sinasabi nilang macroevolution?
Maling akala #2. Dahil sa natural selection, may nabubuong mga bagong uri. Naniniwala si Darwin na nananatiling buháy ang mga marunong umangkop sa kanilang kapaligiran samantalang namamatay naman sa kalaunan ang mga hindi marunong umangkop. Tinawag ni Darwin ang prosesong ito na natural selection. Itinuturo ng mga modernong ebolusyonista na habang dumarami at napupunta sa iba’t ibang lugar ang mga miyembro ng isang uri, pinipili ng kalikasan ang mga miyembrong madaling nakakaangkop sa kanilang bagong kapaligiran dahil sa mutasyon ng kanilang genes. Bunga nito, ipinalalagay ng mga ebolusyonista na ang napahiwalay na mga grupong ito ay nagiging ganap na bagong uri sa kalaunan.
Katotohanan. Gaya ng nabanggit na, maliwanag na ipinakikita ng katibayan mula sa pagsasaliksik na walang kakayahan ang mutasyon na makalikha ng ganap na bagong uri ng halaman o hayop. Gayunman, ano ang katibayan ng mga ebolusyonista sa kanilang pag-aangkin na pinipili ng kalikasan ang mutasyon na makakatulong sa paglikha ng bagong uri? Itinuturong ebidensiya ng brosyur na inilathala noong 1999 ng National Academy of Sciences (NAS) sa Estados Unidos ang “13 uri ng mga finch na pinag-aralan ni Darwin sa Galápagos Islands.” Ang mga ibong ito ay kilala ngayon bilang “Darwin’s finches.”23
Noong dekada ng 1970, pinag-aralan ng isang grupo ng mga mananaliksik na pinangunahan nina Peter R. at B. Rosemary Grant ng Princeton University ang mga finch na ito at natuklasan nila na pagkatapos ng isang taóng tagtuyot sa mga isla, mas nakaligtas ang mga finch na mas mahaba nang bahagya ang tuka. Yamang ang sukat at hugis ng tuka ng finch ang isa sa pangunahing pagkakakilanlan ng 13 uri ng ibong ito, inisip nilang mahalaga ang kanilang natuklasan. “Tinantiya ng mag-asawang Grant na kung magkakaroon ng tagtuyot sa mga isla minsan sa bawat 10 taon, isang panibagong uri ng finch ang posibleng lumitaw sa loob lamang ng mga 200 taon,” ang sabi pa ng brosyur ng NAS.24
Gayunman, hindi binanggit ng brosyur ng NAS na sa sumunod na mga taon pagkatapos ng tagtuyot, dumami uli ang mga finch na mas maikli ang tuka. Natuklasan ng mga mananaliksik na may panahong mas marami ang mahaba ang tuka at may panahon namang mas marami ang maikli ang tuka depende sa klima ng islang iyon. Napansin din ng mga mananaliksik na may ilang “uri” ng finch na naglalahian at nagluluwal ng mga supling na mas matagal ang buhay kaysa sa mga magulang nito. Ang konklusyon nila? Kung magpapatuloy ang paglalahian, maghahalo ang dalawang “uri” at magiging isang “uri” na lang ang mga ito.25
Ang napatunayan lang ng Darwin’s finches ay na kayang umangkop ng isang uri sa nagbabagong klima
Kaya nakakabuo nga ba ng isang bagong uri ang natural selection? Mga ilang dekada na ang nakakalipas, kinuwestiyon ng biyologong ebolusyonista na si George Christopher Williams kung nagagawa talaga ito ng natural selection.26 Noong 1999, sinabi ng teoristang ebolusyonista na si Jeffrey H. Schwartz na ang natural selection ay posible ngang tumutulong sa mga uri na umangkop sa nagbabagong kalagayan para patuloy na umiral, pero hindi naman ito lumilikha ng panibagong bagay.27
Oo, hindi nagiging “panibagong bagay” ang Darwin’s finches. Finch pa rin ang mga ito. At dahil naglalahian ang mga ito, kuwestiyunable ang mga pamamaraang ginagamit ng ilang ebolusyonista sa pagklasipika ng isang uri. Bukod diyan, ipinakikita nito ang katotohanan na maging ang mga kilalang akademya sa siyensiya ay may kinikilingan sa kanilang pag-uulat ng katibayan.
Maling akala #3. Suportado ng rekord ng mga fosil ang macroevolution. Ang brosyur ng NAS na nabanggit kanina ay nag-iiwan ng impresyon sa mga mambabasa na may sapat na mga fosil na natuklasan ang mga siyentipiko para patunayan ang macroevolution. Ang sabi nito: “Napakaraming natuklasang mga anyo ng buhay sa pagitan ng isda at ampibyan, ampibyan at reptilya, reptilya at mamalya, at sa linya ng angkan ng mga primate anupat madalas na mahirap tiyakin kung kailan nagaganap ang pagbabago sa isang [uri] at nagiging ibang partikular na [uri].”28
Katotohanan. Nakakagulat ang sinabing iyan ng brosyur ng NAS. Bakit? Inamin ni Niles Eldredge, isang masugid na ebolusyonista, na ipinakikita ng rekord ng fosil na sa loob ng mahahabang yugto ng panahon, “halos wala o talagang walang nagaganap na ebolusyonaryong pagbabago sa karamihan ng [uri].”f29
Ipinakikita ng rekord ng mga fosil na ang lahat ng pangunahing grupo ng mga hayop ay biglang lumitaw at hindi halos nagbago
Sa kasalukuyan, ang mga siyentipiko sa buong daigdig ay nakahukay at nakapagtala na ng mga 200 milyong malalaking fosil at bilyun-bilyong maliliit na fosil. Sang-ayon ang maraming mananaliksik na ipinakikita ng napakarami at detalyadong rekord na ito na lahat ng pangunahing grupo ng mga hayop ay biglang lumitaw at hindi halos nagbago, at ang maraming uri naman na biglang lumitaw ay bigla ring naglaho.
“Pananampalataya” sa Ebolusyon
Bakit kaya iginigiit ng maraming prominenteng ebolusyonista na totoo ang macroevolution? Isinulat ng maimpluwensiyang ebolusyonista na si Richard Lewontin na handang tanggapin ng maraming siyentipiko ang di-mapatunayang mga pag-aangkin sa siyensiya ‘dahil may pinaniniwalaan na sila—naniniwala sila sa materyalismo.’g Hindi man lang iniisip ng maraming siyentipiko ang posibilidad na may isang matalinong Disenyador, dahil gaya ng isinulat ni Lewontin, “hindi namin matatanggap na may Diyos.”30
Hinggil dito, sinipi ng Scientific American ang sosyologong si Rodney Stark: “Sa loob ng 200 taon, pinalaganap ang ideya na kung gusto mong maging makasiyensiyang tao dapat na maging malaya ang iyong isip sa tanikala ng relihiyon.” Sinabi pa niya na sa mga unibersidad ng pananaliksik, “tikóm ang bibig ng mga relihiyosong tao.”31
Kung maniniwala kang totoo ang turo ng macroevolution, dapat mo ring paniwalaan na hindi pahihintulutan ng mga agnostiko ni ng mga ateistikong siyentipiko na maimpluwensiyahan ng kanilang personal na mga paniniwala ang kanilang interpretasyon sa mga natutuklasan ng siyensiya. Dapat mong paniwalaan na ang mutasyon at ang natural selection ang nagluwal ng lahat ng masalimuot na anyo ng buhay, sa kabila ng 100-taóng pagsasaliksik na nagpapakitang hindi nakagawa ang mutasyon ng kahit isang ganap na bagong uri mula sa isang partikular na uri. Dapat mo ring paniwalaan na lahat ng nilalang ay unti-unting nabuo mula sa iisang ninuno, sa kabila ng maliwanag na ipinakikita ng rekord ng fosil na biglang lumitaw ang mga pangunahing uri ng halaman at hayop at hindi unti-unting naging ibang uri, kahit lumipas pa ang napakahabang panahon. Masasabi bang ang ganiyang paniniwala ay salig sa katotohanan o salig sa maling akala? Tunay nga, ang paniniwala sa ebolusyon ay matatawag ding “pananampalataya.”
a Ang mga nangyayaring pagbabago sa pagpapalahi ng aso ay kadalasan nang resulta ng hindi paggana ng ilang genes. Halimbawa, bansot ang mga asong dachshund dahil hindi nahusto ang paglaki ng cartilage nito.
b Pansinin: Binabanggit sa Genesis kabanata 1 na ang mga halaman at hayop ay magpaparami “ayon sa uri nito.” (Genesis 1:12, 21, 24, 25) Gayunman, mas malawak ang pagkakagamit ng Bibliya sa terminong “uri” at naiiba sa pagkakagamit ng siyensiya sa terminong ito.
c Ipinakikita ng pananaliksik na ang cytoplasm, mga lamad, at iba pang bahagi ng selula ay may ginagampanang papel sa pagbuo ng isang organismo.
d Naniniwala si Lönnig na may lumalang sa buhay. Walang kinalaman ang Max Planck Institute for Plant Breeding Research sa kaniyang mga komento sa publikasyong ito.
e Paulit-ulit na natuklasan ng mga eksperimento sa mutasyon na paunti nang paunti ang bilang ng mga bagong mutant, samantalang iisang uri lang ng mga mutant ang patuloy na lumilitaw. Bukod dito, wala pang 1 porsiyento ng halaman na sumailalim sa mutasyon ang napili para sa higit pang pagsasaliksik, at wala pang 1 porsiyento sa grupong ito ang nakitang magagamit sa negosyo. Wala ni isa mang lumitaw na bagong uri. Ang resulta ng pagpapalahi sa mga hayop sa pamamagitan ng mutasyon ay mas malala kaysa yaong sa mga halaman, at nang maglaon ay kinalimutan na ang pamamaraang ito.
f Pinagtatalunan din maging ang ilang sampol ng fosil na sinasabi ng mga mananaliksik na katibayan ng ebolusyon. Tingnan ang pahina 22 hanggang 29 ng brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
g Ang “materyalismo,” sa diwang ito, ay tumutukoy sa teoriya na ang lahat ng nasa uniberso, pati na ang lahat ng uri ng buhay, ay umiral nang walang anumang tulong mula sa sinumang nakahihigit sa tao.