SEKSIYON 4
Sino ang Diyos?
MARAMING sinasambang diyos ang mga tao. Pero itinuturo ng Banal na Kasulatan na may iisang tunay na Diyos lamang. Siya ay kataas-taasan, walang katulad, at walang hanggan. Nilalang niya ang lahat ng nasa langit at lupa. Binigyan niya tayo ng buhay. Kaya siya lamang ang nararapat nating sambahin.
Ang Kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni propeta Moises bilang “salita na sinalita sa pamamagitan ng mga anghel”
Maraming titulo ang Diyos pero isa lang ang personal niyang pangalan—JEHOVA. Sinabi ng Diyos kay Moises: “Ito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Isinugo ako sa inyo ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Ito ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda, at ito ang pinakaalaala sa akin sa sali’t salinlahi.” (Exodo 3:15) Mga 7,000 ulit na lumilitaw ang pangalang Jehova sa Banal na Kasulatan. Gaya ng sinasabi sa Awit 83:18, ang Diyos lamang “na ang pangalan ay Jehova,” ang “Kataas-taasan sa buong lupa.”
Makikita ang pangalan ng Diyos sa sinaunang manuskrito ng Dead Sea Scroll
Walang taong nakakita sa Diyos kailanman. Sinabi ng Diyos kay Moises: “Hindi mo maaaring makita ang aking mukha, sapagkat walang tao ang makakakita sa akin at mabubuhay pa.” (Exodo 33:20) Nakatira ang Diyos sa langit. Hindi siya kayang makita ng mga tao. Mali na gumawa ng imahen, larawan, o simbolo ng Diyos, o manalangin sa mga ito. Ganito ang iniutos ng Diyos na Jehova sa pamamagitan ni propeta Moises: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na tulad ng anumang nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran ang mga iyon ni maganyak ka man na paglingkuran ang mga iyon, sapagkat akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Exodo 20:2-5) Nang maglaon, ganito naman ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian, ni ang aking kapurihan man sa mga nililok na imahen.”—Isaias 42:8.
Naniniwala ang ilan sa Diyos pero iniisip nilang mahirap siyang makilala o malapitan, at na siya ay dapat katakutan sa halip na ibigin. Ano sa tingin mo? Interesado ba sa iyo ang Diyos? Maaari mo ba talaga siyang makilala? Puwede ka rin kayang maging malapít sa kaniya? Tingnan natin kung ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa mga katangian ng Diyos.