Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • jy kab. 6 p. 20-p. 21 par. 8
  • Ang Batang Ipinangako

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Batang Ipinangako
  • Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Ipinangakong Sanggol
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
  • Ang Ipinangakong Sanggol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Bumuo Siya ng “mga Palagay sa Kaniyang Puso”
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Kung Ano ang Matututuhan Natin sa Halimbawa ni Maria
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
jy kab. 6 p. 20-p. 21 par. 8
Karga ni Simeon ang sanggol na si Jesus habang nakatingin sina Jose, Maria, at ang propetisang si Ana

KABANATA 6

Ang Batang Ipinangako

LUCAS 2:21-39

  • TINULI SI JESUS AT DINALA SA TEMPLO

Sa halip na bumalik sa Nazaret, sina Jose at Maria ay nanatili muna sa Betlehem. Walong araw pagkasilang kay Jesus, siya ay tinuli, kaayon ng Kautusan ng Diyos sa Israel. (Levitico 12:2, 3) Kaugalian din na bigyan ng pangalan ang sanggol na lalaki sa araw na iyon. Jesus ang ipinangalan nila sa kaniya, gaya ng sinabi ni anghel Gabriel.

Lumipas ang mahigit isang buwan. Si Jesus ay 40 araw nang naisisilang. Saan siya ngayon dadalhin ng kaniyang mga magulang? Doon sa templo sa Jerusalem, di-kalayuan mula sa tinutuluyan nila. Ayon sa Kautusan, 40 araw pagkapanganak sa isang sanggol na lalaki, ang ina ay kailangang pumunta sa templo at maghandog para sa pagpapadalisay.—Levitico 12:4-8.

Ganiyan ang ginawa ni Maria. Nagdala siya ng dalawang maliit na ibon bilang handog. Ipinakikita nito ang kalagayan sa buhay nina Jose at Maria. Ayon sa Kautusan, isang batang barakong tupa at isang ibon ang dapat ihandog. Pero kung hindi kaya ng ina na maghandog ng barakong tupa, puwede na ang dalawang batubato o dalawang kalapati. Ganiyan ang kalagayan ni Maria kaya iyan ang inihandog niya.

“PANAHON NA PARA SA PAGPAPABANAL SA KANILA”

Dinala nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus sa templo para maghandog ukol sa pagpapadalisay

Kapag nanganak ang isang Israelita, ilang araw siyang itinuturing na marumi sa seremonyal na paraan. Makalipas ang mga araw na ito, maghahandog siya ng handog na sinusunog para sa pagpapadalisay. Paalaala ito sa lahat na ang kasalanan at di-kasakdalan ay naipamamana. Pero ang sanggol na si Jesus ay sakdal at banal. (Lucas 1:35) Pero nagpunta sina Jose at Maria sa templo “para sa pagpapabanal sa kanila,” gaya ng hinihiling ng Kautusan, at dinala nila si Jesus para “iharap kay Jehova.”—Lucas 2:22.

Sa templo, isang matandang lalaki ang lumapit kina Jose at Maria. Ang pangalan niya ay Simeon. Isiniwalat ng Diyos sa kaniya na bago siya mamatay, makikita niya ang Kristo, o Mesiyas, na ipinangako ni Jehova. Nang araw na ito, inakay si Simeon ng banal na espiritu papunta sa templo, kung saan niya nakita sina Jose at Maria kasama ang kanilang sanggol. Kinarga ni Simeon ang bata.

Habang karga si Jesus, pinasalamatan ni Simeon ang Diyos: “Ngayon, Kataas-taasang Panginoon, maaari nang mamatay nang payapa ang iyong alipin; natupad na ang sinabi mo, dahil nakita ko na ang isa na magdudulot ng kaligtasan na inihanda mo para makita ng lahat ng bansa, isang liwanag na mag-aalis ng talukbong mula sa mga bansa at isang kaluwalhatian sa iyong bayang Israel.”—Lucas 2:29-32.

Namangha sina Jose at Maria nang marinig iyon. Pinagpala sila ni Simeon at sinabi kay Maria na ang kaniyang anak ay “isinugo ng Diyos para sa pagbagsak at sa muling pagbangon ng marami sa Israel” at na daranas siya ng pagdadalamhating gaya ng saksak ng matalim na espada.—Lucas 2:34.

Naroon din noon si Ana, ang 84-anyos na propetisa. Ang totoo, lagi siyang nasa templo. Nang mismong oras na iyon, lumapit siya kina Jose, Maria, at sa sanggol na si Jesus. Pagkatapos, nagpasalamat si Ana sa Diyos at nagsalita tungkol kay Jesus sa lahat ng makikinig.

Tiyak na tuwang-tuwa sina Jose at Maria dahil sa mga pangyayaring ito sa templo! Oo, lahat ng ito ay patunay na ang kanilang anak ang Ipinangakong Isa ng Diyos.

  • Ayon sa kaugalian sa Israel, kailan binibigyan ng pangalan ang sanggol na lalaki?

  • Ano ang kailangang gawin ng isang ina kapag 40 araw na ang kaniyang sanggol na lalaki? Ano ang ipinakikita ng handog ni Maria tungkol sa kalagayan niya sa buhay?

  • Sa templo, sino ang mga nakakilala kay Jesus, at ano ang ginawa nila?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share