Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • jy kab. 29 p. 72-p. 73 par. 8
  • Puwede Bang Gumawa ng Mabuti Kapag Sabbath?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Puwede Bang Gumawa ng Mabuti Kapag Sabbath?
  • Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
  • Kaparehong Materyal
  • Paggawa ng Mabuti Kung Sabbath
    Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
  • Paggawa ng Mabuti Kung Sabbath
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Imbakan ng Tubig ng Siloam
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Mahal Niya ang mga Tao
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
Iba Pa
Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
jy kab. 29 p. 72-p. 73 par. 8
Nakikipag-usap si Jesus sa may-sakit na lalaki sa paliguan ng Betzata

KABANATA 29

Puwede Bang Gumawa ng Mabuti Kapag Sabbath?

JUAN 5:1-16

  • NANGARAL SI JESUS SA JUDEA

  • PINAGALING NIYA ANG LALAKING MAY SAKIT SA ISANG PALIGUAN

Marami nang naisasagawa si Jesus sa kaniyang ministeryo sa Galilea. Pero hindi lang Galilea ang nasa isip niya nang sabihin niyang, “Dapat ko ring ihayag sa ibang mga lunsod ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.” Kaya naman “nangaral [din] siya sa mga sinagoga ng Judea.” (Lucas 4:43, 44) Magandang pagkakataon ito dahil tagsibol na at malapit na ang kapistahan sa Jerusalem.

Kumpara sa ministeryo ni Jesus sa Galilea, kakaunti lang ang ulat ng mga Ebanghelyo tungkol sa gawain niya sa Judea. Kahit hindi nakinig kay Jesus ang karamihan sa mga taga-Judea, nangaral pa rin siya at gumawa ng mabuti saanman siya magpunta.

Di-nagtagal, patungo na si Jesus sa pangunahing lunsod ng Judea, ang Jerusalem, para sa Paskuwa ng 31 C.E. Sa mataong lugar malapit sa Pintuang-Daan ng mga Tupa, may isang malaking paliguan na may mga kolonada—ang Betzata. Maraming bulag, pilay, at may sakit ang pumupunta rito. Bakit? Naniniwala kasi sila na puwedeng gumaling ang mga tao kung lulusong sila sa paliguan kapag gumalaw na ang tubig.

Araw ngayon ng Sabbath, at nakita ni Jesus sa paliguang ito ang isang lalaki na 38 taon nang may sakit. Tinanong siya ni Jesus: “Gusto mo bang gumaling?” Sumagot ang lalaki: “Ginoo, walang tumutulong sa akin na pumunta sa paliguan kapag gumalaw na ang tubig; tuwing pupunta ako, laging may nauuna sa akin.”—Juan 5:6, 7.

Tiyak na nagulat ang lalaki at ang sinumang nakarinig sa sinabi ni Jesus: “Tumayo ka! Buhatin mo ang hinihigaan mo at lumakad ka.” (Juan 5:8) Agad na gumaling ang lalaki, at binuhat ang kaniyang hinihigaan at naglakad!

Kausap ng mga Judio ang lalaki na pinagaling ni Jesus

Sa halip na matuwa sa nangyari, hinusgahan ng mga Judio ang lalaki: “Sabbath ngayon, kaya hindi mo puwedeng buhatin ang hinihigaan mo.” Sumagot siya: “Ang mismong nagpagaling sa akin ang nagsabi, ‘Buhatin mo ang hinihigaan mo at lumakad ka.’” (Juan 5:10, 11) Pinupuna ng mga Judiong ito ang sinumang nagpapagaling sa panahon ng Sabbath.

“Sino ang nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo iyan at lumakad ka’?” ang tanong nila. Bakit ganoon ang tanong nila sa lalaki? Dahil “umalis agad si Jesus at napahalo sa karamihan,” at hindi nalaman ng lalaki ang pangalan ni Jesus. (Juan 5:12, 13) Pero muling makikita ng lalaking ito si Jesus. Nang maglaon, nagkita sila ni Jesus sa templo at doon niya nalaman kung sino ang nagpagaling sa kaniya.

Hinanap ng lalaki ang mga Judio na nagtanong sa kaniya at sinabing si Jesus ang nagpagaling sa kaniya. Nang malaman ito ng mga Judio, pinuntahan nila si Jesus. Nagpunta ba sila para alamin kung paano nagagawa ni Jesus ang gayong kamangha-manghang bagay? Hindi. Pumunta sila para hanapan ng mali si Jesus dahil gumagawa siya ng mabuti sa araw ng Sabbath. Inusig pa nga nila si Jesus!

  • Bakit papunta sa Judea si Jesus, at ano ang patuloy niyang ginagawa?

  • Bakit pumupunta ang marami sa paliguan na tinatawag na Betzata?

  • Anong himala ang ginawa ni Jesus sa may paliguan, at ano ang reaksiyon ng ilang Judio?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share