KABANATA 7
Mga Pulong na ‘Nagpapasiglang Magpakita ng Pag-ibig at Gumawa ng Mabuti’
SA LOOB ng maraming taon, ang bayan ni Jehova ay nagtitipon sa organisadong paraan. Sa sinaunang Israel, ang lahat ng lalaki ay pumupunta sa Jerusalem para sa tatlong pangunahing kapistahan. (Deut. 16:16) Noong unang siglo, regular na nagtitipon ang mga Kristiyano, kadalasan ay sa mga bahay. (Flm. 1, 2) Sa ngayon, nasisiyahan tayo sa mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Bakit nagtitipon ang mga lingkod ng Diyos? Pangunahin nang dahil mahalagang bahagi ito ng ating pagsamba.—Awit 95:6; Col. 3:16.
2 Nakikinabang din sa mga pulong ang mga dumadalo rito. Tungkol sa bawat ikapitong Kapistahan ng mga Kubol, ganito ang sinabi sa mga Israelita: “Tipunin ninyo ang bayan, ang mga lalaki, babae, bata, at dayuhang naninirahan sa mga lunsod ninyo, para makapakinig sila at matuto tungkol sa Diyos ninyong si Jehova at matakot sa kaniya at sa gayon ay sundin nilang mabuti ang lahat ng salita sa Kautusang ito.” (Deut. 31:12) Maliwanag, ang isang mahalagang dahilan ng ating pagtitipon ay para ‘maturuan tayo ni Jehova.’ (Isa. 54:13) Sa mga pulong, nagkakaroon din tayo ng pagkakataong makilala at mapatibay ang isa’t isa.
MGA PULONG NG KONGREGASYON
3 Ang natipong mga alagad pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E. ay nagbuhos ng pansin, o patuloy na nakinig, sa turo ng mga apostol at “araw-araw silang nagtitipon sa templo.” (Gawa 2:42, 46) Nang maglaon, kapag nagsasama-sama ang mga Kristiyano para sumamba, binabasa nila ang Kasulatan, pati na ang mga liham ng mga apostol at ng iba pang mga Kristiyanong alagad. (1 Cor. 1:1, 2; Col. 4:16; 1 Tes. 1:1; Sant. 1:1) Nananalangin din sila bilang isang kongregasyon. (Gawa 4:24-29; 20:36) Kung minsan, ibinabahagi sa kanila ang karanasan ng mga misyonero. (Gawa 11:5-18; 14:27, 28) Isinasaalang-alang nila ang mga turo ng Bibliya at ang katuparan ng mga hula. Tinuturuan sila tungkol sa paggawing Kristiyano at makadiyos na debosyon. Pinasisigla ang lahat na maging masigasig sa paghahayag ng mabuting balita.—Roma 10:9, 10; 1 Cor. 11:23-26; 15:58; Efe. 5:1-33.
Mahirap ang kalagayan sa mga huling araw na ito, kaya kailangan natin ang pampatibay mula sa regular na mga pagtitipon
4 Sa ngayon, ang mga Kristiyanong pagpupulong ay idinaraos ayon sa parisang iniwan ng mga apostol. Sinusunod natin ang payo sa Hebreo 10:24, 25: “Isipin natin ang isa’t isa . . . , at huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi patibayin natin ang isa’t isa, at gawin natin ito nang higit pa habang nakikita nating papalapit na ang araw.” Mahirap ang kalagayan sa mga huling araw na ito, kaya kailangan natin ang karagdagang pampatibay mula sa regular na mga pagtitipon para makapanatili tayong tapat at malakas sa espirituwal. (Roma 1:11, 12) Nabubuhay tayo sa isang masama at pilipit na henerasyon. Pero bilang mga Kristiyano, itinakwil na natin ang di-makadiyos na paggawi at makasanlibutang mga pagnanasa. (Fil. 2:15, 16; Tito 2:12-14) Kaya mas gusto nating makipagsamahan sa bayan ni Jehova. (Awit 84:10) Wala nang mas kapaki-pakinabang pa kaysa sa pag-aaral at pagtalakay sa Salita ng Diyos! Talakayin natin ang iba’t ibang pulong na isinasaayos para sa ating kapakinabangan.
PULONG SA DULONG SANLINGGO
5 Ang unang bahagi ng pulong sa dulong sanlinggo ay isang salig-Bibliyang pahayag na pangunahin nang para sa publiko, na ang ilan ay baka unang beses pa lang nakadalo. Mahalaga ang pahayag pangmadla para masapatan ang espirituwal na pangangailangan ng mga nagsisimula pa lang makisama sa kongregasyon at ng mga mamamahayag.—Gawa 18:4; 19:9, 10.
6 Si Kristo Jesus, ang mga apostol, at ang kanilang mga kasamahan ay nagbigay ng mga pahayag pangmadla na katulad ng ginagawa sa mga kongregasyon ng bayan ni Jehova sa ngayon. Si Jesus ang pinakamahusay na tagapagsalita sa madla na nabuhay sa lupa. Ganito ang sinabi tungkol sa kaniya: “Wala pang sinuman ang nakapagsalita nang tulad niya.” (Juan 7:46) Nagsalita siya nang may awtoridad kaya namangha ang mga tagapakinig niya. (Mat. 7:28, 29) Nakinabang nang husto ang mga tumanggap sa kaniyang mensahe. (Mat. 13:16, 17) Tinularan ng mga apostol ang kaniyang halimbawa. Sa Gawa 2:14-36, mababasa natin ang mapuwersang pahayag ni Pedro noong Pentecostes 33 C.E. Libo-libo ang napakilos dahil sa kanilang narinig. Nang maglaon, mayroon ding naging mga mananampalataya dahil sa pahayag ni Pablo sa Atenas.—Gawa 17:22-34.
7 Sa ngayon, milyon-milyon ang nakikinabang sa pahayag pangmadla na idinaraos linggo-linggo sa mga kongregasyon, pati na sa mga pahayag pangmadla sa mga asamblea at kombensiyon. Tinutulungan tayo ng mga pahayag na ito na mapanatili sa isip ang mga turong Kristiyano at patuloy na suportahan ang Kaharian. Kapag iniimbitahan natin ang mga interesado at ang iba pa, natutulungan natin ang marami na malaman ang pangunahing mga turo ng Bibliya.
8 Iba-iba ang paksa ng mga pahayag pangmadla. Itinatampok dito ang mga doktrina at hula sa Bibliya, prinsipyo at payo sa Kasulatan tungkol sa pamilya at pag-aasawa, hamong napapaharap sa mga kabataan, at Kristiyanong moralidad. Ang ilang pahayag ay tungkol sa kamangha-manghang mga nilalang ni Jehova. Ang iba naman ay tungkol sa pananampalataya, lakas ng loob, at katapatan ng mga tauhan sa Bibliya at ang mga aral nito para sa atin.
9 Para lubusang makinabang sa mga pahayag pangmadla, mahalagang makinig na mabuti, tingnan ang mga tekstong binabanggit ng tagapagsalita, at subaybayan ang kaniyang pagbabasa at pagpapaliwanag sa mga teksto. (Luc. 8:18) Habang natitiyak, o napatutunayan, natin ang mga bagay na tinatalakay, nagiging determinado tayong manghawakan sa ating natututuhan at isabuhay ang mga ito.—1 Tes. 5:21.
10 Kung may available na mga tagapagsalita, tiyak na may pahayag pangmadla ang kongregasyon linggo-linggo. Karaniwan nang magagawa ito kung mag-iimbita ng mga tagapagsalita mula sa kalapit na mga kongregasyon. Kung kakaunti ang tagapagsalita, idaraos ang mga pahayag na ito hangga’t posible.
11 Ang ikalawang bahagi ng pulong sa dulong sanlinggo ay ang Pag-aaral sa Bantayan, isang tanong-sagot na talakayan sa mga artikulo ng edisyon para sa pag-aaral ng Bantayan. Gamit ang Bantayan, nailalaan sa atin ni Jehova ang napapanahong espirituwal na pagkain.
12 Ang mga araling artikulo ay kadalasan nang tungkol sa pagsunod sa mga prinsipyo sa Bibliya sa pang-araw-araw na buhay. Napalalakas nito ang mga Kristiyano laban sa “espiritu ng sanlibutan” at maruming gawain. (1 Cor. 2:12) Nagiging mas malinaw ang mga doktrina at hula sa Bibliya dahil sa Bantayan, kaya lahat ay patuloy na nakaaalinsabay sa katotohanan at nakapananatili sa landas ng mga matuwid. (Awit 97:11; Kaw. 4:18) Kapag dumadalo tayo at nakikibahagi sa Pag-aaral sa Bantayan, nagsasaya tayo dahil sa pag-asa tungkol sa matuwid na bagong sanlibutan ni Jehova. (Roma 12:12; 2 Ped. 3:13) Tumutulong din ito sa atin na magkaroon ng mga katangian na bunga ng espiritu at mapasidhi ang pagnanais na maglingkod kay Jehova nang may kasigasigan. (Gal. 5:22, 23) Napapatibay tayo na magtiis kapag may pagsubok at magtayo ng “mahusay na pundasyon para sa hinaharap” nang sa gayon ay “makapanghawakan [tayong] mahigpit sa tunay na buhay.”—1 Tim. 6:19; 1 Ped. 1:6, 7.
13 Paano tayo lubos na makikinabang sa espirituwal na pagpapakaing ito? Patiunang pag-aralan ang mga aralin bilang pamilya o indibidwal; tingnan ang binanggit na mga teksto, at sa pulong, magkomento sa sariling pananalita. Tutulong ito para tumagos sa puso natin ang katotohanan, at makikinabang din ang iba kapag narinig nila ang ating kapahayagan ng pananampalataya. Kung pakikinggan nating mabuti ang komento ng iba, makikinabang tayo sa aralin bawat linggo.
PULONG SA GITNANG SANLINGGO
14 Bawat linggo, nagtitipon ang kongregasyon sa Kingdom Hall para sa programa na Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano. Ang pulong na ito ay may tatlong bahagi na dinisenyo para tulungan tayong maging ‘lubusang kuwalipikado’ bilang mga ministro ng Diyos. (2 Cor. 3:5, 6) Makikita ang iskedyul at gagamiting materyal sa Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong na lumalabas buwan-buwan. Ang Workbook sa Buhay at Ministeryo ay may mga sampol na pakikipag-usap na magagamit sa ministeryo.
15 Ang unang bahagi ng pulong na ito ay ang Kayamanan Mula sa Salita ng Diyos. Tutulong ito sa atin na maging pamilyar sa background at konteksto ng mga ulat ng Bibliya at matuto kung paano ito isasabuhay. Ang pulong na ito ay may pahayag, pagbabasa, at pagtalakay ayon sa lingguhang pagbabasa ng Bibliya. May mga visual aid at worksheet sa Workbook sa Buhay at Ministeryo na makatutulong sa pagtuturo ng mga ulat na ito. Ang malalim na pag-aaral na ito ng Bibliya ay kapaki-pakinabang sa ating buhay at sa pagtuturo sa iba, para tayo ay “maging lubos na may kakayahan, na handang-handa para sa bawat mabuting gawa.”—2 Tim. 3:16, 17.
16 Ang ikalawang bahagi ng pulong ay ang Maging Mahusay sa Ministeryo. Dinisenyo ito para sanayin tayo sa ministeryo at pasulungin ang ating pangangaral at pagtuturo. Bukod sa bahagi ng mga estudyante, may tinatalakay ring mga video ng sampol na pakikipag-usap. Makatutulong ang bahaging ito ng pulong para ang ating dila ay maging gaya ng “dila ng mga naturuan” at “malaman [natin] kung paano sasagutin ang taong pagod ng tamang salita.”—Isa. 50:4.
17 Sa ikatlong bahagi, ang Pamumuhay Bilang Kristiyano, tinatalakay kung paano isasabuhay ang mga prinsipyo sa Bibliya sa araw-araw. (Awit 119:105) Ang isang pangunahing bahagi nito ay ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya. Gaya ng Pag-aaral sa Bantayan, ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya ay isang tanong-sagot na talakayan.
18 Bawat buwan, kapag dumating na ang bagong Workbook sa Buhay at Ministeryo, pag-aaralan itong mabuti ng koordineytor ng lupon ng matatanda, o ng isang elder na tumutulong sa kaniya, bago gumawa ng iskedyul. Bawat linggo, gaganap bilang chairman ng pulong ang isang elder na kuwalipikadong magturo at inaprobahan ng lupon ng matatanda. Kasama sa atas niya ang tiyakin na magsisimula at matatapos ang pulong nang nasa oras. Magbibigay rin siya ng komendasyon at payo sa mga estudyanteng gumanap ng bahagi.
19 Kapag regular tayong naghahanda, dumadalo, at nakikibahagi sa Pulong Para sa Buhay at Ministeryo, lalalim ang ating kaalaman sa Kasulatan at kaunawaan sa mga prinsipyo nito, lalakas ang ating loob na mangaral, at magiging mahusay tayo sa paggawa ng mga alagad. Ang mga dumadalo na hindi pa bautisado ay nakikinabang din sa nakapagpapatibay na samahan at espirituwal na talakayan. Makatutulong sa ating paghahanda sa pulong na ito at sa iba pa ang Watchtower Library, JW Library®, Watchtower ONLINE LIBRARY™ (kung mayroon sa inyong wika), at library sa Kingdom Hall. Ang library sa Kingdom Hall ay naglalaman ng available na mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, ng Watch Tower Publications Index o ng Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova, pati na ng ibang mga salin ng Bibliya, konkordansiya, diksyunaryo, at iba pang reperensiya. Ang library sa Kingdom Hall ay puwedeng magamit ninuman bago o pagkatapos ng pulong.
MGA PAGTITIPON PARA SA PAGLILINGKOD SA LARANGAN
20 Sa iba’t ibang oras sa loob ng isang linggo, ang mga grupo ng mamamahayag ay sandaling nagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Karaniwan nang idinaraos ang mga ito sa mga bahay o iba pang kumbinyenteng lugar. Puwede rin itong idaos sa mga Kingdom Hall. Kapag ang maliliit na grupo ay nagtitipon sa iba’t ibang lokasyon sa teritoryo, mas madaling makakapunta ang mga mamamahayag sa lugar ng pagtitipon at sa teritoryo. Madaling maoorganisa ang mga mamamahayag at makakapunta agad sila sa teritoryo. Mas mabibigyan din ng atensiyon ng tagapangasiwa ng grupo ang kaniyang mga kagrupo. May bentaha ang hiwa-hiwalay na pagtitipon ng mga grupo, pero baka mas praktikal kung minsan na magtipong magkakasama ang ilang grupo. Halimbawa, kung kaunti lang ang lumalabas sa larangan sa gitnang sanlinggo, makakabuting magsama-sama ang ilang grupo o ang lahat sa Kingdom Hall o sa iba pang angkop na lugar. Sa ganitong paraan, tiyak na may makakapartner ang mga mamamahayag. Baka mas kumbinyente para sa kongregasyon na magtipon sa Kingdom Hall kapag holiday. Puwede ring magtipon para sa paglilingkod sa larangan pagkatapos ng Pag-aaral sa Bantayan.
21 Kapag nagtitipon nang hiwa-hiwalay ang mga grupo, ang tagapangasiwa ng grupo ang mangunguna sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Paminsan-minsan, puwede niyang atasan na manguna ang kaniyang assistant o iba pang kuwalipikadong brother. Ang mangunguna ay dapat maghanda ng puntong magagamit sa ministeryo. Matapos pag-usapan ang mga kaayusan sa pangangaral, isa sa grupo ang mananalangin. Pagkatapos, pupunta na agad ang grupo sa teritoryo. Lima hanggang pitong minuto lang ang gayong mga pagtitipon pero dapat na mas maikli pa kung gagawin ito pagkatapos ng pulong. Ang ganitong mga pagtitipon ay dapat na makapagpatibay at makapagbigay ng praktikal na mga mungkahi at tagubilin sa mga lalabas sa larangan. Ang mga baguhan o iba pang nangangailangan ng tulong ay maaaring sumama sa mga makaranasan para masanay sila.
KAAYUSAN SA PAGPUPULONG NG MGA BAGO O MALILIIT NA KONGREGASYON
22 Habang dumarami ang mga alagad, dumarami rin ang mga kongregasyon. Karaniwan nang ang tagapangasiwa ng sirkito ang nagpapadala ng aplikasyon para sa isang bagong kongregasyon. Pero sa ilang kaso, baka makita ng maliliit na grupo na mas praktikal na umugnay sa pinakamalapit na kongregasyon.
23 Kung minsan, ang maliliit na kongregasyon ay binubuo ng mga sister lang. Sa gayong kalagayan, dapat maglambong ang isang sister na nananalangin sa kongregasyon o nangangasiwa sa mga pulong, kaayon ng sinasabi sa Kasulatan. (1 Cor. 11:3-16) Kadalasan, nakaupo lang siya at nakaharap sa grupo. Ang mga sister ay hindi nagbibigay ng pahayag sa mga pulong. Sa halip, binabasa nila ang materyal na inilalaan ng organisasyon at kinokomentuhan ito, o puwede rin nila itong gawing pagtalakay o pagtatanghal. Hihilingan ng tanggapang pansangay ang isa sa mga sister na mag-asikaso sa pagtanggap at pagpapadala ng liham sa sangay at mangasiwa sa mga pulong. Kapag may kuwalipikadong mga brother na, ang mga ito na ang gaganap sa mga pananagutang ito.
MGA PANSIRKITONG ASAMBLEA
24 Taon-taon, gumagawa ng mga kaayusan para sa mga kongregasyong magkakasama sa isang sirkito na magtipon para sa dalawang tig-isang araw na pansirkitong asamblea. Sa masasayang okasyong ito, ang lahat ay nagkakaroon ng pagkakataong ‘buksang mabuti ang kanilang puso’ sa pakikipagsamahan sa mga kapatid. (2 Cor. 6:11-13) Kapag naghahanda ng mga temang batay sa Kasulatan at ng iba’t ibang bahagi ng programa, isinasaisip ng organisasyon ni Jehova ang pangangailangan ng mga kongregasyon. Ang impormasyon ay inihaharap sa pamamagitan ng mga pahayag, pagtatanghal, pagsasadula, pakikipag-usap sa sarili, at interbyu. Napapatibay ang lahat ng dumadalo sa gayong napapanahong tagubilin. Sa mga asambleang ito, maaaring magpabautismo ang mga bagong alagad bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova.
MGA PANREHIYONG KOMBENSIYON
25 May malalaking pagtitipong idinaraos minsan sa isang taon. Ang mga ito ay karaniwan nang tatlong-araw na mga panrehiyong kombensiyon, kung saan pinagsasama-sama ang mga kongregasyon mula sa ilang sirkito. Sa mas maliliit na sangay, baka mas praktikal para sa lahat ng kongregasyon sa teritoryo ng sangay na magtipon sa iisang lugar. Maaaring iba-iba ang kaayusan sa ilang lupain para sa mga pagtitipong ito, depende sa mga kalagayan o sa tagubilin ng organisasyon. Sa pana-panahon, may mga internasyonal o espesyal na kombensiyon na idinaraos sa ilang bansa na maaaring daluhan ng libo-libong Saksi mula sa iba’t ibang lupain. Sa loob ng maraming taon, marami ang nakaalam ng mabuting balita tungkol sa Kaharian dahil ang malalaking pagtitipong ito ng mga Saksi ni Jehova ay bukás sa publiko.
26 Para sa nakaalay na bayan ni Jehova, ang mga kombensiyon ay masasayang okasyon para sa nagkakaisang pagsamba. Isinisiwalat dito ang mas lumiliwanag na katotohanan. Sa ilang kombensiyon, may bagong mga publikasyong inilalabas para sa personal na pag-aaral at pag-aaral ng kongregasyon o para magamit sa ministeryo. May mga bautismo rin sa mga kombensiyon. Mahalaga ang mga kombensiyon para sumulong tayo sa espirituwal. Katibayan ito na ang bayan ni Jehova ay isang internasyonal na kapatiran ng nakaalay na mga Kristiyanong nagtataglay ng pagkakakilanlan ng mga alagad ni Jesu-Kristo.—Juan 13:35.
27 Sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon, pati na sa mga asamblea at kombensiyon, napapatibay tayong gawin ang kalooban ni Jehova. Napoprotektahan din tayo laban sa mga impluwensiya ng sanlibutan na makapagpapahina sa ating pananampalataya. Ang gayong mga pagtitipon ay nagbibigay ng kaluwalhatian at kapurihan kay Jehova. (Awit 35:18; Kaw. 14:28) Laking pasasalamat natin na inilaan ni Jehova ang mga okasyong ito para maginhawahan sa espirituwal ang kaniyang nakaalay na mga lingkod sa panahong ito ng kawakasan.
MEMORYAL NG KAMATAYAN NI KRISTO
28 Taon-taon, sa anibersaryo ng kamatayan ni Jesu-Kristo, inaalaala ng mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo, o ang Hapunan ng Panginoon. (1 Cor. 11:20, 23, 24) Ito ang pinakamahalagang pagtitipon para sa bayan ni Jehova. Inutusan tayong alalahanin ang Memoryal.—Luc. 22:19.
29 Ang petsa ng Memoryal ay katugma ng petsa ng Paskuwa, na makikita sa Bibliya. (Ex. 12:2, 6; Mat. 26:17, 20, 26) Ang Paskuwa ang taunang pag-alaala sa Pag-alis ng mga Israelita mula sa Ehipto noong 1513 B.C.E. Noong panahong iyon, itinakda ni Jehova ang ika-14 na araw ng kanilang unang buwang lunar bilang petsa ng kanilang pagkain ng kordero ng Paskuwa at paglaya mula sa pagkabihag sa Ehipto. (Ex. 12:1-51) Nalalaman nila ang petsa sa pamamagitan ng pagbilang ng 13 araw mula sa paglitaw ng bagong buwan (new moon) na pinakamalapit sa spring equinox at makikita sa Jerusalem. Karaniwan na, ang pagdiriwang ng Memoryal ay tumatapat sa unang kabilugan ng buwan (full moon) pagkatapos ng spring equinox.
30 Sa Mateo 26:26-28, si Jesus mismo ang nagsabi kung paano aalalahanin ang Memoryal. Hindi ito isang okasyon na may mahiwagang ritwal, kundi isang makasagisag na hapunan kung saan nakikibahagi ang mga pinili na magiging kasamang tagapagmana ni Jesu-Kristo sa kaniyang Kaharian sa langit. (Luc. 22:28-30) Ang lahat ng iba pang nakaalay na Kristiyano at mga interesado ay pinasisiglang dumalo sa Hapunan ng Panginoon bilang mga tagapagmasid. Sa kanilang pagdalo, naipapakita nila ang pagpapahalaga sa inilaang pantubos ng Diyos na Jehova para sa lahat ng tao sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Bago ang Memoryal, may espesyal na pahayag pangmadla na dinisenyo para manabik tayo sa okasyong ito at maging mas interesado ang mga bisita sa pag-aaral ng Bibliya.
31 Pinananabikan nating mga Saksi ni Jehova ang mga pagkakataong magkasama-sama sa mga pulong, kung saan ‘iniisip natin ang isa’t isa para mapasigla natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti.’ (Heb. 10:24) Isinasaayos ng tapat at matalinong alipin ang gayong mga pulong para masapatan ang ating espirituwal na pangangailangan. Ang lahat ng lingkod ni Jehova, pati na ang mga interesado, ay pinasisigla na lubusang samantalahin ang mga kaayusan para sa regular na pagtitipon. Kapag taos-puso nating pinahahalagahan ang mga paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, nagkakaisa tayo. At higit sa lahat, napupuri at naluluwalhati natin si Jehova.—Awit 111:1.