Lubos na Makinabang sa mga Pagtitipon Para sa Paglilingkod sa Larangan
1. Paano tayo natutulungan ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
1 Ang mabisang pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay nagbibigay ng tunay na pampatibay-loob at praktikal na tagubilin bago tayo pumunta sa ministeryo. Natutulungan tayo nito na makibahagi sa pagpapatotoo bilang isang grupo nang sa gayon ay makasama ang iba para masuportahan at masanay natin ang isa’t isa. (Kaw. 27:17; Ecles. 4:9, 10) Ano ang puwede nating gawin upang lubos na makinabang sa mga pagtitipong ito?
2. Anu-ano ang ilang bagay na puwedeng talakayin ng konduktor?
2 Ang Konduktor: Karaniwan nang hindi binabalangkas nang patiuna ang espesipikong impormasyon na tatalakayin sa mga pagtitipong ito. Kung gayon, kailangan ang mahusay na paghahanda kung ikaw ang konduktor. Huwag agad itakda ang pang-araw-araw na teksto bilang paksa ng talakayan, bagaman maaari mo itong ilakip kung tuwiran itong may kaugnayan sa ministeryo. Isipin kung ano ang praktikal na makatutulong sa mga magpapatotoo sa araw na iyon. Halimbawa, baka gusto mong talakayin o itanghal ang isang presentasyon. Puwede mo ring repasuhin ang isang punto mula sa aklat na Nangangatuwiran, sa aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo, o sa isang kamakailang bahagi sa Pulong sa Paglilingkod. Sa ibang pagkakataon naman, puwede mong isaalang-alang kung paano haharapin ang isang problema na posibleng bumangon sa inyong teritoryo, o maaari mong talakayin kung paano lilinangin ang interes at pasisimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya, lalo na kung marami ang magsasagawa ng pagdalaw-muli. Anuman ang talakayin, maging masigla at positibo.
3. Gaano dapat kahaba ang pagtitipon, at ano ang dapat magawa sa panahong iyon?
3 Simulan ang pagtitipon sa takdang oras, kahit na alam mong may mga mahuhuli. Pagpasiyahang mabuti ang pag-oorganisa sa mga grupo, at bigyan ng teritoryo ang mga nangangailangan nito. Ang pagtitipon ay hindi dapat lumampas nang 10 hanggang 15 minuto o mas maikli pa nga kung may kasunod itong pulong ng kongregasyon. Bago mo tapusin ang pagtitipon, dapat alam na ng lahat kung sino ang kasama niya at kung saan sila gagawa. Dapat tapusin ang pagtitipon sa pamamagitan ng panalangin.
4. Ano ang tutulong sa lahat upang lubos na makinabang sa mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
4 Makatutulong Ka: Katulad din sa mga pulong ng kongregasyon, maipakikita natin ang paggalang kay Jehova at konsiderasyon sa iba kung darating tayo sa oras. Makibahagi sa talakayan. Hayaan mong atasan ka ng konduktor na gumawang kasama ng iba, o puwede ka rin namang gumawa ng sarili mong kaayusan bago ang pagtitipon. Kung gusto mong gumawa ng sariling kaayusan, sikaping ‘magpalawak’ sa pamamagitan ng pagsama sa iba’t ibang mamamahayag, sa halip na palaging sumama sa matatalik na kaibigan lamang. (2 Cor. 6:11-13) Kapag tapos na ang pagtitipon, iwasang baguhin ang mga kaayusan, at pumunta na agad sa teritoryo.
5. Ano ang layunin ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
5 Ang layunin ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay gaya rin ng sa mga pulong ng kongregasyon. Isinasaayos ang mga ito upang tayo ay “mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Heb. 10:24, 25) Kung sisikapin nating makinabang sa mga pagtitipong ito, matutulungan tayong magawa ang ating ministeryo—isa ngang ‘mainam na gawa’!