Tanong
◼ Anong impormasyon ang dapat na iharap sa mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan?
Ang layunin ng isang pagtitipon bago maglingkod sa larangan ay upang tulungan tayong magtuon ng pansin sa susunod na gawain—ang ministeryo. Kaya, dapat na nakahandang mabuti ang konduktor upang ibahagi ang bagay na nakapagpapatibay, espesipiko, at praktikal. Kung ang teksto sa araw na iyon ay tumatalakay nang tuwiran sa gawaing pangangaral, ito ay maaaring basahin at talakayin nang maikli. Gayunman, ang pulong ay dapat na pangunahing nakatuon sa pagtulong sa lahat ng sasama sa gawaing pagpapatotoo na maging lalong handa sa pagganap sa ministeryo sa araw na iyon.—2 Tim. 4:5.
Ang angkop na mga punto mula sa Ating Ministeryo sa Kaharian ay maaaring talakayin upang mabatid ng lahat ang kasalukuyang alok at kung paano ihaharap iyon. Sa Araw ng Magasin ang isang presentasyon mula sa “Kung Ano ang Sasabihin Tungkol sa mga Magasin” ay maaaring itanghal. Para sa iba pang mga kampanya, ang isa o dalawang pambungad sa aklat na Nangangatuwiran na angkop sa lokal na teritoryo ay maaaring itampok. Ang isang aspekto ng ministeryo ay maaaring talakayin o itanghal, tulad ng kung paano gagamitin ang Bibliya sa pintuan, kung paano haharapin ang isang posibleng pagtutol, kung paano iaalok ang isang pag-aaral sa Bibliya, o kung paano susubaybayan ang interes.
Ang mga pagtitipon bago maglingkod ay hindi dapat lumampas ng 10 hanggang 15 minuto, kasama na ang pag-oorganisa ng mga grupo, pag-aatas ng teritoryo, at pananalangin. Kapag natapos na ito, dapat malaman ng lahat ng naroroon kung sino ang kasama nila at kung saan sila gagawa, at sila’y dapat na karaka-rakang magtungo sa teritoryo. Dahil sa kaiklian ng pagtitipon, mahalaga na ang lahat ay dumating nang nasa oras. Kapag ang isang pagtitipon bago maglingkod ay kasunod ng isang pulong ng kongregasyon, tulad ng Pag-aaral sa Bantayan, dapat na iyon ay mas maikli. Hindi na kailangang talakayin pa ang teksto sa araw na iyon, yamang nakapagtamasa na ng isang mainam na pagtalakay sa Kasulatan.
Ang kuwalipikado at bautisadong mga kapatid na lalaki ay dapat atasan nang patiuna upang mangasiwa sa bawat pagtitipon bago maglingkod. Kung walang makapangunguna sa isang partikular na araw, dapat mag-atas ang matatanda ng bautisadong mga kapatid na babae na makagagawa nito kapag bumangon ang pangangailangan. Bagaman mananatiling nakaupo, maaaring pangunahan ng kapatid na babae ang pagtalakay ng grupo sa teksto sa araw na iyon o ang iba pang mga punto may kaugnayan sa paglilingkod sa larangan, na pinananatiling maikli ang kaniyang mga komento. Dapat na maglagay siya ng isang pantakip sa ulo.
Ang mga pagtitipon bago maglingkod sa larangan ay napakainam na mga pagkakataon para tayo ay mapatibay at masangkapan upang makibahagi sa ministeryo. Mas handa ang konduktor, mas makikinabang ang lahat.