Mga Pagtitipon Para sa Paglilingkod sa Larangan
1. Bakit nais nating maging organisado sa paglilingkod sa larangan?
1 Nagpakita si Jesus ng halimbawa ng organisado at mahusay na pangangasiwa sa pangangaral ng Kaharian. Sa ngayon, sinisikap tularan ng mga may pananagutan sa pambuong-daigdig na pangangaral ng Kaharian ang paraan ng pangangasiwa ni Jesus. Kaya naman nagsasaayos ang mga kongregasyon sa buong mundo ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan bilang isang paraan ng pag-oorganisa sa mga grupo ng mangangaral ng Kaharian.—Mat. 24:45-47; 25:21; Luc. 10:1-7.
2. Ano ang mga dapat tandaan kapag nagdaraos ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
2 Isang Mahusay na Kaayusan: Dinisenyo ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan upang patibayin at bigyan ng praktikal na mungkahi at tagubilin ang mga kapatid. Tinatalakay sa maikli ang teksto sa araw-araw kung ito ay kapit sa ministeryo sa larangan. Kung minsan, tinatalakay ang mga paalaala mula sa Ating Ministeryo sa Kaharian, aklat na Nangangatuwiran, o marahil ang aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo para ihanda sa gawain ang mga lalabas sa larangan. Maaari ding magkaroon ng maikling pagtatanghal tungkol sa alok na publikasyon. Bago manalangin, dapat na alam ng lahat kung sino ang makakasama nila at kung anong teritoryo ang gagawin nila. Ang pulong na ito ay hindi dapat lumampas nang 15 minuto. Pagkatapos nito, dapat nang magtungo ang lahat sa teritoryo.
3. Sino ang mga may pananagutan sa pag-oorganisa ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
3 Paano Ito Inoorganisa? Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ang pangunahing may pananagutan sa pag-oorganisa ng mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Kapag dulo ng sanlinggo, dapat samahan ng mga tagapangasiwa ng grupo, o ng kanilang mga assistant, ang kani-kanilang grupo sa paglilingkod sa larangan. Maaaring samahan ng ilang tagapangasiwa o ministeryal na lingkod ang mga grupo kapag simpleng araw. Dapat makipag-ugnayang mabuti ang mga tagapangasiwa ng grupo sa tagapangasiwa sa paglilingkod para mabigyan ng sapat na teritoryo ang kani-kanilang grupo kapag dulo ng sanlinggo. Titiyakin ng tagapangasiwa sa paglilingkod na may mga kapatid na mangunguna at sapat na teritoryo para sa mga grupo kapag simpleng araw.
4-6. (a) Bakit dapat na praktikal ang pipiliing lokasyon ng tagpuan? (b) Ano ang maaaring isaalang-alang may kinalaman sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?
4 Saan at Kailan Dapat Ganapin? Sa halip na magtipon ang buong kongregasyon sa iisang lugar, karaniwan nang makabubuting idaos ang mga pagtitipong ito sa kumbinyenteng mga lokasyon sa inyong teritoryo, kadalasan na sa pribadong mga tahanan. Ito ay para mas mahusay na makubrehan ang teritoryo ng kongregasyon. Maaari ding magtipon sa Kingdom Hall. Ginagawa ito ng ibang mga kongregasyon kung Linggo pagkatapos ng Pahayag Pangmadla at Pag-aaral sa Bantayan. Hangga’t maaari, dapat na malapit ang tagpuan sa gagawing teritoryo. Kaya maaaring repasuhin paminsan-minsan ang isinaayos na mga tagpuan, para matiyak na praktikal pa ang mga ito sa mahusay na pagkubre sa teritoryo.
5 Kung kailan pinakapraktikal na idaos ang ganitong mga pagtitipon at kung gaano kadalas ito dapat idaos sa loob ng isang linggo ay nakadepende sa teritoryo. Maaaring makatulong ang sumusunod na mga tanong.
6 Aling teritoryo ang mas kailangang bigyang-pansin? Anong oras kaya pinakamagandang magbahay-bahay? Kailangan bang mag-iskedyul ng pagbabahay-bahay o pagdalaw-muli sa gabi? Ang lahat ng kaayusan sa paglilingkod sa larangan ay dapat ipaskil sa information board ng kongregasyon. Gusto ng lahat ng mamamahayag ng Kaharian na lubusang makubrehan ang kanilang atas na teritoryo, para gaya ni Pablo ay masabi rin nila: “Wala na akong teritoryong hindi pa nagagawa.”—Roma 15:23.
7. Ano ang pananagutan ng inatasang manguna sa grupo sa paglilingkod sa larangan?
7 Pagdaraos ng Pagtitipon Para sa Paglilingkod sa Larangan: Kapag naghahandang mabuti ang inatasang manguna sa pagtitipong ito, nagpapakita siya ng paggalang sa teokratikong kaayusan. Dapat siyang magsimula sa oras. Gawin itong nakapagtuturo at maikli—mga 10 hanggang 15 minuto. Bago magsimula ang pagtitipon, dapat ay alam na ng mangunguna ang teritoryong gagawin. Pagkatapos ng pagtitipon, dapat nang pumunta agad ang lahat sa teritoryo. Hindi na kailangang maghintayan. Mag-iwan na lang ng mensahe para sa mga hindi umábot sa pagtitipon upang malaman nila kung saan ang teritoryo. Kapag organisado at nakapagtuturo ang mga pagtitipon para sa paglilingkod, siguradong mabibigyan ng kinakailangang tagubilin ang lahat tungkol sa ministeryo para sa araw na iyon.—Kaw. 11:14.
8. Paano maaaring makipagtulungan sa nangunguna ang mga lalabas sa larangan?
8 Pagdalo sa Pagtitipon Para sa Paglilingkod sa Larangan: Napakahalaga ng kooperasyon. (Heb. 13:17) Ang nangunguna ang siyang tutulong sa sinumang nangangailangan ng makakasama sa bahay-bahay. Pero malaki rin ang maitutulong ng makaranasang mga mamamahayag. Kaya mahalagang dumalo sila sa ganitong mga pagtitipon upang matulungan nila ang mga baguhan. Kung handa silang sumama sa iba’t ibang kapatid sa ministeryo, malaki ang magagawa nito. (Kaw. 27:17; Roma 15:1, 2) Dapat sikapin ng lahat na dumating nang maaga sa tagpuan. Ang pagpapahalaga natin sa teokratikong kaayusan at sa ating mga kapatid ay mag-uudyok sa atin na gumawa ng kinakailangang mga pagbabago.—2 Cor. 6:3, 4; Fil. 2:4.
9. Anong suporta ang maibibigay ng mga payunir sa kaayusang ito?
9 Suporta ng mga Payunir: Mahalaga at nakapagpapatibay ang suporta ng mga payunir sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan. Totoo naman na maraming pananagutan ang mga payunir. Bukod sa kanilang mga Bible study at mga dinadalaw-muli, maaaring may trabaho sila at pamilyang inaasikaso. Kaya hindi naman sila hinihilingang dumalo sa bawat pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, lalo na kung araw-araw itong ginaganap. Gayunman, baka posibleng suportahan ng mga payunir ang ilang pagtitipon sa bawat linggo. Nagsisilbi ring pagsasanay para sa mga miyembro ng kongregasyon ang ganitong mga pagtitipon, at malaki ang maitutulong sa iba ng sigasig at karanasan ng mga payunir. Dahil mas madalas sila sa larangan, mas marami silang karanasan sa ministeryo. Puwede nilang ikuwento ang mga ito sa mga kapatid. Ang kanilang masigasig na pakikibahagi sa ministeryo at mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay lubos na pinahahalagahan, at isang halimbawa na magandang tularan.
10. Bakit mahalagang gawin ng lahat ng mamamahayag ng Kaharian ang kanilang buong makakaya sa pagsuporta sa kaayusang ito?
10 Gaya ng ipinakita ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, malaki ang papel ng pagbabahay-bahay para makapagpatotoo tungkol sa Kaharian. Isinaayos ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan upang magpatibayan ang mga kapatid at maging mabisa sa pagbabahay-bahay. Hangga’t maaari, lahat ng mamamahayag ng mabuting balita ay dapat sumuporta sa ganitong teokratikong kaayusan. (Gawa 5:42; 20:20) Gawin nawa nating lahat ang ating buong makakaya sa pagsuporta sa kaayusang ito. Sa paggawa nito, makatitiyak tayong pagpapalain tayo ni Jehova at mapasasaya natin ang ating Lider, si Jesu-Kristo, habang ipinangangaral natin ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mat. 25:34-40; 28:19, 20.