Tangkilikin ang mga Kaayusan sa Gitnang Sanlinggong Paglilingkuran
1 Sinabi ni Jesus: “At sa lahat ng mga bansa ay kinakailangan munang maipangaral ang mabuting balita.” (Mar. 13:10) Bilang pagsunod sa utos na ito, ang bayan ni Jehova ay aktibo sa ministeryo, hindi lamang sa dulong sanlinggo, kundi sa loob ng sanlinggo din naman. Kayo ba ay nakakabahagi sa paglilingkuran sa gitnang sanlinggo kasama ng iba pa sa inyong kongregasyon?
KAILANGAN ANG ORGANISADONG MGA KAAYUSAN
2 Dapat na manguna ang tagapangasiwa sa paglilingkod sa paggawa ng mga tiyak na kaayusan para sa gitnang sanlinggong paglilingkod. Ang mga dako at oras ay dapat na angkop sa nakararaming mamamahayag. Ang mga pulong bago maglingkod sa larangan ay karaniwan ng pinangangasiwaan ng mga matatanda, ministeryal na lingkod, o ng iba pang kuwalipikadong mga kapatid na lalake. Kung wala ang mga ito, ang mga kuwalipikadong kapatid na babae ay maaaring atasan. (Pansinin ang Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, pahina 77, parapo 3.) Ang aatasang kapatid na babae ay dapat na magsuot ng lambong at karaniwang nakaupo kapag nangangasiwa sa pulong bago maglingkod.
3 Ang mga pulong bago maglingkod sa larangan ay dapat na nakahandang mabuti. Ang pang-araw-araw na teksto ay maaaring talakayin, lalo na’t ito’y angkop para sa paglilingkod sa larangan. Ang mga punto sa Mga Pagtitipon Bago Maglingkod ay dapat na gamitin. Ang mga atas na teritoryo ay dapat na isaayos para sa grupo.
TANGKILIKIN ANG LOKAL NA MGA KAAYUSAN
4 Ang mga tumatangkilik sa mga kaayusan sa gitnang sanlinggo ay may pagkakataong makasumpong ng mga maybahay na wala sa tahanan sa dulong sanlinggo. Maaaring kayo ay magkaroon ng pagkakataong gumawa kasama ng mga kapatid na babae na may mga anak na nagsisipag-aral o ang mga asawang lalake ay wala sa katotohanan. Ang mga kabataan na walang pasok sa eskuwela ay maaaring tumangkilik sa mga kaayusan sa gitnang sanlinggo. Ang mga payunir ay kadalasang may panahon upang samahan ang mga bago at walang karanasan sa iba’t ibang larangan ng ministeryo sa loob ng sanlinggo.
5 Ang lahat ay pinasisiglang dumating ng nasa panahon para sa pulong bago maglingkod sa larangan at makibahagi sa pag-uusap at panalangin. Ang paggawa ninyo ng ganito ay tutulong sa inyo na buong sigasig na makibahagi sa ministeryo sa larangan at hanapin ang mga taong karapatdapat sa inyong iniatas na teritoryo.—Mat. 10:11.