Apendise
Mensahe Para sa mga Kristiyanong Magulang:
Bilang magulang, mahal mo ang iyong mga anak at gusto mo silang tulungan na mahalin si Jehova at ialay ang kanilang sarili sa kaniya. Paano mo sila matutulungan na maging handa para sa bautismo? Kailan sila magiging handa para sa mahalagang hakbang na ito?
Iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Gumawa [kayo] ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila.” (Mat. 28:19) Ayon dito, ang pangunahing kahilingan para sa bautismo ay maging isang alagad—isa na hindi lang nakauunawa at naniniwala sa mga turo ni Kristo kundi maingat ding sumusunod sa mga ito. Magagawa ito kahit ng mga bata.
Maging magandang halimbawa sa iyong mga anak, at itanim sa puso nila ang mga turo ni Jehova. (Deut. 6:6-9) Puwede mong gamitin ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman para ituro sa kanila ang pangunahing mga turo sa Bibliya at ihanda sila kung paano mangangatuwiran at mamumuhay ayon sa mga prinsipyo sa Bibliya. Sanayin ang iyong mga anak na ipaliwanag ang kanilang paniniwala sa sarili nilang pananalita. (1 Ped. 3:15) Ang kaalaman at pampatibay na natatanggap nila mula sa iyo, sa kanilang personal na pag-aaral, sa pampamilyang pagsamba, sa mga pulong, at sa mabubuting kasama ay tutulong sa kanila na maging kuwalipikado sa bautismo at patuloy na sumulong. Tulungan sila na magkaroon ng espirituwal na mga tunguhin.
Sinasabi ng Kawikaan 20:11: “Kahit bata ay makikilala sa kilos niya, kung ang ugali niya ay malinis at matuwid.” Paano maipapakita ng isang bata na isa na siyang alagad ni Jesu-Kristo at handa na siyang magpabautismo?
Ang isang batang sumusulong tungo sa bautismo ay dapat na masunurin sa kaniyang (mga) magulang. (Gawa 5:29; Col. 3:20) Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus noong 12 anyos siya: “Patuloy siyang naging masunurin sa [mga magulang niya].” (Luc. 2:51) Siyempre, hindi mo dapat asahan na magiging perpekto ang anak mo. Pero ang sinumang gustong magpabautismo ay dapat magsikap na maging katulad ni Jesus na kilaláng masunurin sa mga magulang.
Dapat ding makita sa kaniya na gusto niyang matutuhan ang mga katotohanan sa Bibliya. (Luc. 2:46) Gusto ba ng anak mo na dumalo at makibahagi sa mga pulong? (Awit 122:1) Nasisiyahan ba siya sa regular na pagbabasa ng Bibliya at personal na pag-aaral?—Mat. 4:4.
Kung sumusulong tungo sa bautismo ang isang bata, inuuna niya sa kaniyang buhay ang Kaharian. (Mat. 6:33) Alam niya na pananagutan niyang sabihin sa iba ang kaniyang mga paniniwala. Nakikibahagi siya sa iba’t ibang aspekto ng ministeryo, at hindi siya nahihiyang sabihin sa kaniyang mga guro at kaeskuwela na isa siyang Saksi ni Jehova. Pinaghahandaan niyang mabuti ang mga bahagi niya sa Pulong Para sa Buhay at Ministeryo.
Sinisikap din niyang manatiling malinis sa moral sa pamamagitan ng pag-iwas sa masasamang kasama. (Kaw. 13:20; 1 Cor. 15:33) Makikita ito sa pinipili niyang musika, pelikula, palabas sa TV, at video game, pati na sa paggamit niya ng Internet.
Maraming kabataan ang nagpahalaga sa pagsisikap ng kanilang mga magulang; isinapuso nila ang katotohanan at naging kuwalipikado sa bautismo. Pagpalain ka nawa ni Jehova sa pagtulong mo sa iyong mga anak na magawa ang napakahalagang hakbang na ito para magkaroon sila ng malapít na kaugnayan kay Jehova.
Mensahe Para sa Di-bautisadong Mamamahayag:
Isang pribilehiyo na maglingkod kasama ng kongregasyon bilang isang di-bautisadong mamamahayag. Dapat kang komendahan dahil sa pagsulong mo sa espirituwal. Nakilala mo ang Diyos dahil sa pag-aaral ng kaniyang Salita at nanampalataya ka sa mga pangako niya.—Juan 17:3; Heb. 11:6.
Bago ka nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, baka may iba kang relihiyon o puwede ring wala ka talagang kinaaaniban. Baka nakikibahagi ka noon sa isang gawain na salungat sa mga prinsipyo sa Bibliya. Pero ngayon, ipinakita mo ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng pagsisisi, o pagkadama ng matinding kalungkutan dahil sa nagawa mong mga pagkakamali; at sa pamamagitan ng pagkakumberte, o pagtatakwil sa maling landasin at pagiging determinado na gawin ang tama sa paningin ng Diyos.—Gawa 3:19.
Puwede ring nalaman mo ang banal na mga kasulatan “mula pa noong sanggol ka.” Kaya naman naprotektahan ka mula sa di-makakristiyanong paggawi at malubhang pagkakasala. (2 Tim. 3:15) Natutuhan mong paglabanan ang panggigipit ng mga kasama at iba pang tukso na gawin ang masama sa paningin ni Jehova. Naipakita mo ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng pagtataguyod ng tunay na pagsamba at pagbabahagi sa iba ng iyong paniniwala. Sinanay ka rin sa ministeryong Kristiyano. At ngayon, personal ka nang nagpasiya na maglingkod kay Jehova bilang isang di-bautisadong mamamahayag.
Nakilala mo man si Jehova ngayong adulto ka na o nalaman mo ang daan ni Jehova mula pa noong sanggol ka, baka pinag-iisipan mo na ang dalawa pang hakbang para sa iyong espirituwal na pagsulong—ang pag-aalay at bautismo. Ang pag-aalay kay Jehova ay nangangahulugan ng paglapit sa kaniya sa panalangin para sabihin ang iyong pasiya na ibibigay mo sa kaniya ang iyong bukod-tanging debosyon magpakailanman. (Mat. 16:24) Pagkatapos, bilang sagisag ng pag-aalay na iyan, babautismuhan ka sa tubig. (Mat. 28:19, 20) Sa pag-aalay at bautismo, ikaw ay magiging isang ordenadong ministro ng Diyos na Jehova. Napakaganda ngang pribilehiyo!
Pero gaya ng natutuhan mo sa iyong pag-aaral sa Bibliya, puwede kang mapaharap sa iba’t ibang hamon. Tandaan na kababautismo pa lang ni Jesus nang ‘akayin siya ng espiritu papunta sa ilang, kung saan siya tinukso ng Diyablo.’ (Mat. 4:1) Pagkatapos ng iyong bautismo bilang alagad ni Kristo, asahan mong mapapaharap ka sa iba pang pagsubok. (Juan 15:20) May iba’t ibang uri ng pagsubok. Baka salansangin ka ng iyong pamilya. (Mat. 10:36) Baka tuyain ka ng iyong mga kaeskuwela, katrabaho, o ng dati mong mga kaibigan. Pero laging tandaan ang sinabi ni Jesus sa Marcos 10:29, 30: “Sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng umiwan sa kanilang bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, ina, ama, mga anak, o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita ay tatanggap ng 100 ulit sa panahong ito—ng mga bahay, mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina, mga anak, at mga bukid, kasama ng mga pag-uusig—at sa darating na sistema ay ng buhay na walang hanggan.” Kaya sikapin na manatiling malapít kay Jehova at patuloy na mamuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga pamantayan.
Kapag gusto mo nang magpabautismo, ipaalám ito sa inyong koordineytor ng lupon ng matatanda. Ang mga tanong na kasunod ng mensaheng ito ang gagamitin ng mga elder sa kanilang pakikipagtalakayan sa iyo para malaman kung kuwalipikado ka na sa bautismo. Sa iyong personal na pag-aaral, puwede mo nang simulang repasuhin ang mga tanong.
Para maging handa sa talakayan, maglaan ng panahon para basahin at bulay-bulayin ang siniping mga reperensiya mula sa Kasulatan. Puwede kang magnota sa aklat na ito o saanman. Puwede mong gamitin ang mga notang iyon at panatilihing nakabukas ang iyong aklat sa panahon ng talakayan kasama ng mga elder. Kung may tanong na hindi mo maintindihan, puwede kang magpatulong sa nagtuturo sa iyo ng Bibliya o sa mga elder.
Sa pakikipagtalakayan sa iyo ng mga elder, hindi kailangang mahaba o komplikado ang sagot mo. Ang simple at tuwirang sagot sa iyong sariling pananalita ang pinakamabuting sagot. Sa karamihan ng mga tanong, makakabuting gumamit ng isa o dalawang teksto para ipakita na galing sa Bibliya ang sagot mo.
Kung hindi pa sapat ang iyong kaalaman sa pangunahing mga turo ng Bibliya, isasaayos ng mga elder na may tumulong sa iyo para maipaliwanag mo nang tama ang Kasulatan sa sariling pananalita at maging kuwalipikado ka sa bautismo sa ibang pagkakataon.
[Paalaala sa mga elder: Ang mga tagubilin para sa pakikipagtalakayan sa mga kandidato sa bautismo ay nasa pahina 208-212.]