MGA TANONG PARA SA GUSTONG MAGPABAUTISMO
Huling Pakikipagtalakayan sa Kandidato sa Bautismo
Ang mga bautismo ay karaniwan nang ginagawa sa mga asamblea at kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa huling bahagi ng pahayag sa bautismo, hihilingan ng tagapagsalita ang mga kandidato sa bautismo na tumayo at sagutin nang malakas ang dalawang tanong na ito:
1. Pinagsisihan mo na ba ang iyong mga kasalanan, inialay ang sarili mo kay Jehova, at tinanggap ang pagliligtas niya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?
2. Nauunawaan mo ba na ang iyong bautismo ay nagpapakitang isa ka nang Saksi ni Jehova at bahagi ka na ng organisasyon ni Jehova?
Sa positibong pagsagot ng mga kandidato sa bautismo sa mga tanong na ito, “ipinahahayag” nila na nananampalataya sila sa pantubos at na inialay na nila ang kanilang sarili kay Jehova. (Roma 10:9, 10) Makakabuti kung patiunang pag-iisipan at ipapanalangin ng mga kandidato sa bautismo ang mga tanong na ito para makasagot sila batay sa kanilang sariling pasiya.
Inialay mo na ba ang iyong sarili kay Jehova sa panalangin, na ipinapangako na siya lang ang sasambahin mo at na uunahin mo sa iyong buhay ang paggawa ng kalooban niya?
Talaga bang kumbinsido ka nang dapat kang magpabautismo sa lalong madaling panahon?
Ano ang angkop na isuot para sa bautismo? (1 Tim. 2:9, 10; Juan 15:19; Fil. 1:10)
Dapat na manamit nang may “kahinhinan at matinong pag-iisip” para maipakita ang ating “debosyon sa Diyos.” Kaya hindi angkop sa isang kandidato sa bautismo na magsuot ng mapang-akit na pambasâ o damit na may islogan, sulat, o larawan. Dapat na pumili ng damit na malinis, maayos, at angkop sa okasyon.
Paano dapat gumawi ang isa sa panahon ng kaniyang bautismo? (Luc. 3:21, 22)
Ang bautismo ni Jesus ay nagsisilbing halimbawa para sa bautismo ng mga Kristiyano sa ngayon. Itinuring niyang isang seryosong hakbang ang bautismo, at nakita ito sa kaniyang saloobin at pagkilos. Kaya ang lugar ng bautismo ay hindi lugar para sa pagbibiruan, paglangoy, o iba pang paggawi na makakabawas sa pagiging seryoso ng okasyon. Hindi rin dapat gumawi ang isang bagong bautisado na para bang may nakamit siyang napakalaking tagumpay. Masayang okasyon ang bautismo, pero dapat ipahayag ang kagalakan sa marangal na paraan.
Paano makatutulong ang regular na pagdalo sa mga pulong at pakikipagsamahan sa kongregasyon para matupad mo ang iyong pag-aalay kay Jehova?
Kahit bautisado ka na, bakit napakahalagang mapanatili mo ang isang mahusay na iskedyul ng personal na pag- aaral at regular na pakikibahagi sa ministeryo?
MGA TAGUBILIN PARA SA MGA ELDER
Kapag sinabi ng isang di-bautisadong mamamahayag na gusto na niyang magpabautismo, dapat siyang pasiglahin na repasuhing mabuti ang “Mga Tanong Para sa Gustong Magpabautismo,” na nasa pahina 185-207 ng aklat na ito. Dapat himukin siyang basahin ang “Mensahe Para sa Di-bautisadong Mamamahayag” sa pahina 182, na nagpapaliwanag kung paano siya makapaghahanda sa mga pakikipagtalakayan sa kaniya ng mga elder. Gaya ng binanggit doon, ang potensiyal na kandidato sa bautismo ay puwedeng gumamit ng sariling nota at puwede niyang buksan ang aklat na ito sa panahon ng talakayan. Pero hindi na kailangang patiunang repasuhin sa kaniya ng iba ang mga tanong na ito bago ang pakikipagtalakayan sa kaniya ng mga elder.
Kung gusto nang magpabautismo ng isa, dapat niya itong ipaalám sa koordineytor ng lupon ng matatanda. Matapos niyang basahin ang “Mga Tanong Para sa Gustong Magpabautismo,” tatanungin siya ng koordineytor ng lupon ng matatanda kung inialay na niya ang kaniyang sarili kay Jehova sa panalangin at ipinangakong gagawin ang Kaniyang kalooban. Kung nakapag-alay na siya, isasaayos ng koordineytor ng lupon ng matatanda na matalakay sa kaniya ng dalawang elder ang “Mga Tanong Para sa Gustong Magpabautismo.” Magkaibang elder ang aatasang tumalakay sa bawat bahagi. Hindi na kailangang hintayin ang patalastas na magkakaroon ng asamblea o kombensiyon bago gawin ang mga talakayang ito.
Karaniwan na, ang dalawang bahagi ay puwedeng talakayin sa dalawang sesyon na tig-isang oras, pero puwede namang gumugol ng higit na panahon kung kailangan. Dapat simulan at tapusin sa panalangin ang bawat sesyon. Hindi dapat madaliin ng kandidato o ng mga elder ang pagtalakay sa mga tanong. Makakabuti kung gagawing priyoridad ng mga inatasang elder ang mga pagtalakay na ito.
Karaniwan na, makakabuting repasuhin ang mga kandidato sa bautismo nang isa-isa, hindi bilang grupo. Kapag pinagkokomento ang kandidato sa bawat tanong, malinaw na makikita ng mga elder kung nauunawaan niyang mabuti ang mga katotohanan sa Bibliya at kung handa na siya sa bautismo o hindi pa. Isa pa, magiging mas madali para sa kandidato na sabihin ang kaniyang iniisip at nadarama kung wala siyang kasabay. Maaaring repasuhin nang sabay ang mag-asawa.
Kapag ang rerepasuhing kandidato ay isang sister, dapat itong gawin sa lugar na makikita sila pero hindi naman maririnig ng iba. Kung kailangang magsama ng isa pa, dapat na isa itong elder o ministeryal na lingkod, depende sa seksiyong rerepasuhin, gaya ng mababasa sa susunod na parapo.
Sa mga kongregasyon na iilan lang ang elder, maaaring atasan ang kuwalipikadong mga ministeryal na lingkod na may mahusay na pagpapasiya at kaunawaan para repasuhin sa mga kandidato sa bautismo ang mga tanong na nasa “Bahagi 1: Paniniwala ng mga Kristiyano.” Mga elder lang ang dapat tumalakay sa “Bahagi 2: Pamumuhay Bilang Kristiyano.” Kung walang sapat na kuwalipikadong brother sa kongregasyon, puwedeng kontakin ang tagapangasiwa ng sirkito para malaman kung may mga elder mula sa isang kalapít na kongregasyon na puwedeng magrepaso.
Kapag menor de edad ang kandidato sa bautismo, dapat na kasama niya ang kaniyang (mga) magulang habang nagrerepaso. Kung hindi ito posible, dapat na dalawang elder (o isang elder at isang ministeryal na lingkod, depende sa seksiyong rerepasuhin) ang magrerepaso sa kaniya.
Titiyakin ng mga elder na ang gustong magpabautismo ay mayroon nang makatuwirang antas ng kaunawaan sa pangunahing mga turo ng Bibliya. Makakabuti ring tiyakin kung talagang pinahahalagahan niya ang katotohanan at iginagalang ang organisasyon ni Jehova. Kung hindi nauunawaan ng kandidato ang pangunahing mga turo ng Bibliya, titiyakin ng mga elder na matutulungan siya para maging kuwalipikado sa bautismo sa ibang pagkakataon. Baka kailangan naman ng iba ang higit pang panahon para maipakita nila ang kanilang sigasig sa ministeryo o pagpapasakop sa mga kaayusan ng organisasyon. Ang mga elder ang magpapasiya kung paano hahatiin ang isang oras o higit pa na nakalaan sa bawat sesyon para matiyak kung handa na sa bautismo ang kandidato. Iba-iba ang haba ng panahong gugugulin sa bawat tanong, pero dapat marepaso ang lahat ng tanong.
Pagkatapos ng ikalawang sesyon, ang mga elder na inatasang magrepaso ay magpupulong para pagpasiyahan kung kuwalipikado sa bautismo ang indibidwal. Isasaalang-alang ng mga elder ang background, kakayahan, at iba pang kalagayan ng bawat kandidato. Ang mahalaga ay makita kung ang kandidato ay may malapít na kaugnayan kay Jehova at nauunawaan niya ang mahahalagang katotohanan sa Bibliya. Sa pamamagitan ng inyong maibiging tulong, magiging handa ang mga magpapabautismo na gampanan ang kanilang mahalagang atas bilang mga ministro ng mabuting balita.
Pagkatapos, dapat kausapin ng isa o ng dalawang elder na nagrepaso ang indibidwal para ipaalám kung kuwalipikado siya sa bautismo o hindi. Kung kuwalipikado siya, dapat repasuhin sa kaniya ng mga elder ang “Huling Pakikipagtalakayan sa Kandidato sa Bautismo,” na nasa pahina 206-207. Kung hindi pa tapós ang kandidato sa pag-aaral ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, dapat siyang pasiglahin ng mga elder na tapusin ang aklat na ito kahit bautisado na siya. Sabihin sa kandidato na ang petsa ng kaniyang bautismo ay isasama sa Congregation’s Publisher Record na nakapangalan sa kaniya. Ipapaalaala sa kaniya na inalam ng mga elder ang kaniyang personal na impormasyon bilang bahagi ng pagiging organisado ng mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo at para makabahagi siya sa espirituwal na mga gawain at makatanggap ng espirituwal na tulong. Ipapaalaala rin ng mga elder na ang mga personal na impormasyon niya ay gagamitin lang batay sa Global Data Protection Policy ng mga Saksi ni Jehova na makikita sa jw.org. Ang pakikipagtalakayang ito ay karaniwan nang hindi lalampas ng 10 minuto.
Makalipas ang isang taon mula nang mabautismuhan ang mamamahayag, dapat siyang kausapin ng dalawang elder para patibayin at bigyan ng mga mungkahi. Dapat na ang isa sa mga elder ay ang tagapangasiwa ng grupo ng mamamahayag. Kung menor de edad ang kakausapin, dapat na naroon din ang kaniyang (mga) magulang na Saksi. Dapat na maging maibigin at nakapagpapatibay ang pag-uusap. Babanggitin ng mga elder ang pagsulong ng mamamahayag at magbibigay ng praktikal na mga mungkahi kung paano niya maipagpapatuloy ang magandang rutin ng personal na pag-aaral at pagbabasa ng Bibliya araw-araw, lingguhang pampamilyang pagsamba, regular na pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong, at lingguhang paglilingkod sa larangan. (Efe. 5:15, 16) Kung hindi niya natapos ang aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, dapat isaayos ng mga elder na may tumulong sa kaniya. Dapat magbigay ang mga elder ng maibiging mga komendasyon. Kadalasan na, sapat na ang payo at mungkahi tungkol sa isa o dalawang punto.