Tanong
◼ Bago aprobahan para sa bautismo ang isang di-bautisadong mamamahayag, ano ang inaasahan sa kaniya pagdating sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at pakikibahagi sa ministeryo?
Ang pagpapabautismo ang pinakamahalagang desisyong gagawin ng isang indibiduwal. Kaya bago aprobahan ang isa para sa bautismo, kailangang mayroon na siyang makatuwirang antas ng kaunawaan sa hinihiling ng Diyos sa kaniya. Bukod diyan, dapat na naipakikita na niya ang determinasyon niyang mamuhay ayon sa mga kahilingan ng Diyos.
Inuutusan ang mga Kristiyano na huwag pabayaan ang kanilang pagtitipon, kaya kailangang naipakikita na ng di-bautisadong mamamahayag ang kaniyang sigasig sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon. (Heb. 10:24, 25) Karaniwan na, dapat nakikibahagi na rin siya sa pagkokomento. Maaaring nakaenrol na siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, bagaman hindi ito isang kahilingan.
Ang mga Kristiyano ay inatasang mangaral ng mabuting balita at gumawa ng mga alagad, kaya ang isang di-bautisadong mamamahayag ay dapat na regular ding nakikibahagi sa ministeryo bago siya mabautismuhan. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Ilang buwan na siya dapat nakikibahagi sa pangangaral bago siya mabautismuhan? Siyempre pa, dapat siyang bigyan ng sapat na panahon para maipakita na talagang desidido siyang makibahagi nang puspusan at regular sa ministeryo buwan-buwan. (Awit 78:37) Pero hindi naman kailangang napakatagal muna niyang maging mamamahayag bago maging kuwalipikado sa bautismo, marahil ay sapat na ang ilang buwan. Ilang oras ang dapat na inirereport niya? Wala namang mahigpit na tuntunin dito. Dapat isaalang-alang ng mga elder ang kalagayan ng bawat mamamahayag at maging makatuwiran at timbang sa bagay na ito.—Luc. 21:1-4.
Dapat tandaan ng mga elder (o ministeryal na lingkod sa mga kongregasyon na kakaunti ang mga elder) na nagrerepaso sa mga kandidato sa bautismo na iba-iba ang kalagayan ng bawat indibiduwal, at dapat silang gumamit ng kaunawaan sa pagpapasiya kung ang isa ay kuwalipikado na sa bautismo. Aasahan ng mga elder na ang kandidato sa bautismo ay may taimtim na pagnanais na maging Saksi ni Jehova at naipakikita niya ang pagpapahalaga sa pribilehiyong mapabilang sa organisasyon ni Jehova at makibahagi sa ministeryo. Mauunawaan ng mga elder na hindi pa siya lubos na maygulang sa espirituwal o hindi pa niya taglay ang kakayahan ng isang makaranasan at bautisadong ebanghelisador. Kung nakita ng mga elder na hindi pa siya kuwalipikado sa bautismo, may-kabaitan nilang sasabihin sa kaniya ang maka-Kasulatang dahilan at gagawa sila ng kaayusan para matulungan siyang sumulong sa espirituwal.