Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Abiatar”
  • Abiatar

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Abiatar
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Zadok
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mga Study Note sa Marcos—Kabanata 2
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Ahimelec
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Tularan ang Katapangan ni Zadok
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Abiatar”

ABIATAR

[Ama ng Kagalingan; Ama ng Labis-labis Pa (Pag-apaw)].

Isang anak ng mataas na saserdoteng si Ahimelec, na mula sa tribo ni Levi at mula sa linya ni Eli. (1Sa 14:3; 22:11; 23:6) Nabuhay siya noong panahon ng mga paghahari nina Saul, David, at Solomon, at siya ay naging mataas na saserdote noong naghahari si David. Nagkaroon siya ng dalawang anak, si Jonatan at si Ahimelec (kapangalan ng ama ni Abiatar).​—2Sa 15:27, 36; 8:17.

Nakatira si Abiatar sa Nob, na “lunsod ng mga saserdote,” di-kalayuan sa Jerusalem, nang ipapatay ni Haring Saul kay Doeg na Edomita ang ama ni Abiatar, na mataas na saserdote, at ang iba pang mga saserdote (85 sa kabuuan), dahil sa diumano’y pagsuporta nila kay David. Pinatay rin ni Doeg sa pamamagitan ng tabak ang lahat ng iba pang naninirahan sa lunsod. Si Abiatar lamang ang nakatakas. Pumaroon siya kay David, na isa ring takas, maliwanag na sa Keila, mga ilang milya sa dakong TK. Palibhasa’y nadama ni David na siya mismo ay may pananagutan sa masamang pangyayaring iyon, sinabi niya kay Abiatar: “Nalalaman kong lubos nang araw na iyon, sapagkat si Doeg na Edomita ay naroon, na walang pagsalang sasabihin niya kay Saul. Nagawan ko mismo ng mali ang bawat kaluluwa sa sambahayan ng iyong ama. Mamalagi ka lamang na kasama ko. Huwag kang matakot, sapagkat ang sinumang naghahanap sa aking kaluluwa ay naghahanap sa iyong kaluluwa, sapagkat ikaw ang nangangailangan ng pagsasanggalang sa piling ko.”​—1Sa 22:12-23; 23:6.

Nang magkagayon ay sumama si Abiatar kay David sa nalalabing panahon ng pagtatagô nito at naglingkod bilang saserdote para sa mga hukbo nito. Ipinakikita ng 1 Samuel 23:6 na si Abiatar ay nagdala ng isang epod, at bagaman ang mga saserdote sa pangkalahatan ay nagsusuot ng epod na lino (1Sa 22:18), ipinahihiwatig ng talata 9-12 ng kabanata 23 na ito ang epod ng kaniyang ama na mataas na saserdote, na naglalaman ng Urim at Tumim.

Noong Panahon ng mga Paghahari Nina David at Solomon. Lumilitaw na nang matamo na ni David ang trono, si Abiatar ay ginawang mataas na saserdote. Iminumungkahi ng ilang iskolar na, pagkamatay ng mataas na saserdoteng si Ahimelec, iniutos ni Haring Saul na italaga si Zadok bilang mataas na saserdote upang humalili kay Ahimelec, anupat hindi kinilala si Abiatar na noo’y kasama ng magiging kahalili ni Saul na si David. Ipinapalagay nila na, matapos siyang iluklok sa trono, inatasan ni David si Abiatar bilang katulong na mataas na saserdote kasama ni Zadok. Maliwanag na ang gayong pangmalas ay tinatanggap dahil palaging magkasamang binabanggit sina Zadok at Abiatar na para bang magkahati sila sa isang mataas na posisyon sa pagkasaserdote. (2Sa 15:29, 35; 17:15; 19:11; 20:25; 1Ha 1:7, 8, 25, 26; 4:4; 1Cr 15:11) Gayunman, walang binabanggit sa kinasihang ulat na inatasan si Zadok bilang mataas na saserdote sa ilalim ni Haring Saul. Posible na ang pagiging prominente ni Zadok ay dahil sa kaniyang pagiging isang tagakita o propeta, kung paanong ang propetang si Samuel ay mas madalas banggitin sa banal na ulat kaysa sa mataas na saserdote noong panahon niya. (2Sa 15:27) Ipinakikita ng katibayan na si Abiatar ang nag-iisang mataas na saserdote noong naghahari si David at na mas mababa ang posisyon ni Zadok kaysa kay Abiatar.​—1Ha 2:27, 35; Mar 2:26.

Ang teksto sa 2 Samuel 8:17 ay nagbangon ng ilang tanong may kinalaman dito, yamang sinasabi roon na “si Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga saserdote” noon, ngunit hindi binabanggit doon na si Abiatar ang mataas na saserdote. Iminumungkahi ng ilan na nagkapalit ang mga pangalan nina Ahimelec at Abiatar dahil sa pagkakamali ng eskriba anupat ang teksto ay dapat kabasahan ng “si Abiatar na anak ni Ahimelec,” gaya ng mababasa sa Syriac na Peshitta. Gayunman, ipinakikita ng ulat sa 1 Cronica (18:16; 24:3, 6, 31) na tama ang pagkakasunud-sunod ng mga pangalan sa talatang iyon gaya ng masusumpungan sa tekstong Masoretiko. Samakatuwid, mas malamang na sina Zadok at Ahimelec ay binabanggit lamang sa talatang iyon bilang mga pangalawahing saserdote sa ilalim ng mataas na saserdoteng si Abiatar, at intindido na ang posisyon ni Abiatar sa kasong iyon.​—1Cr 16:37-40; ihambing ang Bil 3:32.

Si Abiatar, kasama ang iba pang mga saserdote, ay nagkapribilehiyong iahon ang kaban ni Jehova mula sa tahanan ni Obed-edom patungo sa Jerusalem. (2Sa 6:12; 1Cr 15:11, 12) Bukod pa sa pagiging mataas na saserdote, kasama siya sa pangkat ng mga tagapayo ni David.​—1Cr 27:33, 34.

Noong huling bahagi ng paghahari ng kaniyang amang si David, si Absalom ay bumuo ng isang sabuwatan laban dito. Muli, nanatili si Abiatar sa panig ni David nang ang hari ay mapilitang tumakas mula sa Jerusalem. Bilang bahagi ng planong biguin ang payo ng traidor na si Ahitopel na dating tagapayo ni David, ang matapat na mga saserdoteng sina Abiatar at Zadok ay pinabalik sa Jerusalem para magsilbing mga impormante upang malaman ni David ang mga plano ng kaniyang mapaghimagsik na anak. (2Sa 15:24-36; 17:15) Pagkamatay ni Absalom, sina Abiatar at Zadok ay nagsilbing mga tagapamagitan upang isaayos na makabalik si David sa kabisera.​—2Sa 19:11-14.

Dahil sa kaniyang tapat na rekord ng pagbabata ng maraming kahirapan kasama ni David noong panahong tinutugis ito ni Saul at gayundin noong panahon ng paghihimagsik ni Absalom, at kung iisipin na natamo niya ang pagtitiwala, pakikipagkaibigan, at paglingap ni David sa loob ng mga apat na dekada, nakapagtataka na nakisama si Abiatar sa isa pang anak ni David, si Adonias, sa isa pang sabuwatan upang agawin ang trono. Bagaman ang pakana ay may suporta rin ng ulo ng hukbo na si Joab, nabigo ito; at si Solomon ay hinirang bilang hari, anupat ang matapat na saserdoteng si Zadok ang nagpahid sa kaniya ayon sa tagubilin ni David. (1Ha 1:7, 32-40) Sa gayon, ang anak ni Abiatar na si Jonatan, na dating naglilingkod kay David bilang isang mananakbong tagapaghatid ng balita noong panahon ng insureksiyon ni Absalom, ay pumaroon kay Adonias upang sabihing nabigo ang pakana. Hindi agad kumilos si Haring Solomon laban kay Abiatar, ngunit nang ipakita ng katibayan na ang pakana ay nagpapatuloy pa rin, iniutos niyang patayin sina Adonias at Joab at pinalayas niya ang saserdoteng si Abiatar mula sa Jerusalem, na sinasabi: “Pumaroon ka sa Anatot sa iyong mga bukid! Sapagkat nararapat kang mamatay; ngunit hindi kita papatayin sa araw na ito, dahil dinala mo ang kaban ng Soberanong Panginoong Jehova sa harap ni David na aking ama, at dahil napighati ka sa buong panahon ng pagkapighati ng aking ama.” (1Ha 2:26) Si Zadok ang inatasang humalili kay Abiatar sa makasaserdoteng posisyon nito, at sa gayon ang katungkulan ng mataas na saserdote ay naibalik sa linya ng anak ni Aaron na si Eleazar; at ang makasaserdoteng linya ng sambahayan ni Eli ay lubusang nagwakas, bilang katuparan ng hula sa 1 Samuel 2:31.​—1Ha 2:27; 1Sa 3:12-14.

Bagaman ang mas huling ulat na nasa 1 Hari 4:4 ay muling tumutukoy kina ‘Zadok at Abiatar’ bilang mga saserdote noong paghahari ni Solomon, malamang na si Abiatar ay itinala dahil lamang sa kaniyang marangal na katungkulan o bilang pag-uulat ng kasaysayan. Iminumungkahi ng ilang iskolar na matapos ibaba ni Solomon sa tungkulin si Abiatar, inatasan niya ito na maglingkod bilang kinatawan ni Zadok, at na samantalang ang isa ay nanunungkulan sa Bundok Sion, kung saan iniingatan ang Kaban, ang isa naman ay naglilingkod sa tabernakulo, na nanatili sa Gibeon bago itayo ang templo. (Tingnan ang 1Cr 16:37-40.) Gayunman, ipinakikita ng 1 Hari 2:26 na pinapunta ni Solomon si Abiatar sa mga bukid nito sa Anatot, at bagaman ang Anatot ay di-kalayuan sa Gibeon, ipinahihiwatig ng utos ni Solomon na si Abiatar ay inalis mula sa anumang aktibong pakikibahagi sa pagkasaserdote.

Sa Marcos 2:26, ipinakikita ng karamihan sa mga salin na sinabi ni Jesus na pumasok si David sa bahay ng Diyos at kinain nito ang tinapay na pantanghal “noong si Abiatar ang mataas na saserdote.” Yamang ang ama ni Abiatar na si Ahimelec ang mataas na saserdote nang maganap ang pangyayaring iyon, ang gayong salin ay hindi kasuwato ng kasaysayan. Kapansin-pansin na ang nabanggit na parirala ay wala sa maraming sinaunang manuskrito, at hindi iyon masusumpungan sa katumbas na mga bahagi sa Mateo 12:4 at Lucas 6:4. Gayunman, isang kahawig na anyong Griego ang nasa Marcos 12:26 at Lucas 20:37, at dito ay ginagamit ng maraming salin ang pariralang “sa bahagi tungkol sa.” (RS; AT; JB) Kaya lumilitaw na tama ang pagkakasalin ng Bagong Sanlibutang Salin sa Marcos 2:26, na kababasahan: “Kung paanong pumasok siya sa bahay ng Diyos, sa ulat tungkol kay Abiatar na punong saserdote.” Yamang ang ulat ng unang mga ginawa ni Abiatar ay kasunod agad ng rekord hinggil sa pagpasok ni David sa bahay ng Diyos upang kainin ang tinapay na pantanghal, at yamang si Abiatar ay talagang naging mataas na saserdote ng Israel noong naghahari na si David, ang ganitong salin ay sumusuporta sa kawastuan ng rekord may kaugnayan sa kasaysayan.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share