ZADOK
[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “maging matuwid”].
1. Isang saserdote na kilala bilang kasamahan ni Haring David. Si Zadok ay isang inapo ni Aaron sa pamamagitan ng linya ni Eleazar ng mga mataas na saserdote. (1Cr 6:3-8, 50-53) Tinatawag din siyang isang tagakita. (2Sa 15:27) Si Zadok, bilang isang kabataang lalaki na makapangyarihan sa kagitingan, ay isa sa mga pinuno ng tribo na sumuporta sa paghahari ni David. (1Cr 12:27, 28) Mula nang panahong iyon ay naging matapat siya kay David.—2Sa 8:15, 17; 20:25; 1Cr 18:16.
Sina Zadok at Abiatar (kapag binabanggit ang dalawang ito, si Zadok ang nauuna, marahil ay dahil isa rin siyang propeta) ay kasama sa mga naghatid sa kaban ng tipan nang iutos ni David na iahon ito sa Jerusalem, pagkatapos ay patuloy na naglingkod si Zadok nang ilang panahon sa Gibeon, na kinaroroonan noon ng tabernakulo. (1Cr 15:11, 14; 16:39) Nang maghimagsik si Absalom, tinangkang dalhin ni Zadok at ng mga Levita ang Kaban habang sinasamahan nila si David sa pagtakas niya mula sa Jerusalem, ngunit pinabalik sila ni David sa lunsod, anupat inatasan niya si Zadok at ang iba pa bilang mga tagapangalap ng impormasyon. (2Sa 15:23-29, 35, 36; 17:15, 16; 18:19-27) Nang matapos ang paghihimagsik, malaki ang naitulong nina Zadok at Abiatar upang malugod na tanggapin si David sa Jerusalem. (2Sa 19:11-14) Noong huling bahagi ng paghahari ni David, nang organisahin niya ang Levitikong mga paglilingkod para sa templo, tinulungan siya kapuwa ni Zadok at ni Ahimelec na anak ni Abiatar.—1Cr 24:3, 6, 30, 31.
Kabaligtaran ni Abiatar, hindi sinuportahan ni Zadok si Adonias nang tangkain nitong agawin ang trono; dahil dito, inatasan ni David si Zadok na siya ang magpahid kay Solomon bilang hari. (1Ha 1:7, 8, 26, 32-46) Noong panahon ng mga paghahari nina Saul at David, si Zadok ay naglingkod lamang bilang kasamang saserdote, ngunit dahil sa kaniyang pagkamatapat na kabaligtaran ng urong-sulong na katapatan ng mataas na saserdoteng si Abiatar, pinaalis ni Solomon si Abiatar mula sa Jerusalem at ginawang mataas na saserdote si Zadok. Katuparan ito ng hula ni Jehova na sinalita laban sa sambahayan ni Eli. (1Ha 2:26, 27, 35) Malamang na ang pagkakatala ng “Zadok at Abiatar” sa 1 Hari 4:4 nang dakong huli ay pag-uulat lamang ng kasaysayan. Ayon kay Josephus, si Zadok ang unang mataas na saserdote sa templo ni Solomon. (Jewish Antiquities, X, 152 [viii, 6]) Sa 1 Cronica 27:16, 17, nakatala si Zadok bilang lider ng sambahayan ni Aaron. Inilalaan ng Bibliya ang saligan upang matalunton ang linya ni Zadok bilang humahawak ng katungkulan ng mataas na saserdote hanggang noong panahon ni Dario na Persiano (malamang na si Dario II). (1Ha 4:2; 1Cr 6:8-15; 2Cr 31:10; Ne 12:22) Ang mga saserdoteng nakita sa templo sa pangitain ni Ezekiel ay “mga anak ni Zadok.”—Eze 40:46; 43:19; 44:15; 48:11.
2. Lolo ni Haring Jotam ng Juda sa panig ng ina.—2Ha 15:32, 33; 2Cr 27:1.
3. Isang inapo ni Aaron sa pamamagitan ng Blg. 1 sa linya ng mga mataas na saserdote, at isang ninuno ng “dalubhasang tagakopya” na si Ezra.—1Cr 6:3, 8, 12, 13; 9:11; Ezr 7:1-6; Ne 11:11.
4. Isa sa mga muling nagtayo ng pader ng Jerusalem pagkaraan ng pagkatapon; anak ni Baana. (Ne 3:4) Siya o isang kinatawan ng isang pamilya na may gayunding pangalan ang lumagda sa pambansang tipan na ipinanukala di-nagtagal pagkatapos nito.—Ne 9:38; 10:1, 14, 21.
5. Isa pang indibiduwal na tumulong na muling itayo ang pader ng Jerusalem; anak o inapo ni Imer, na posibleng kabilang sa makasaserdoteng pamilya.—Ne 3:29.
6. Isang tagakopya na inatasan ni Nehemias na mangasiwa sa mga imbakan ng mga Levita kasama nina Selemias at Pedaias. (Ne 13:13) Marahil ay siya rin ang Blg. 5.
7. Isang ninuno ng ama-amahan ni Jesus na si Jose na nabuhay pagkaraan ng pagkatapon.—Mat 1:14.