AHITUB
[Ang Aking Kapatid ay Kabutihan].
1. Isang inapo ng anak ni Aaron na si Itamar; anak ni Pinehas at apo ng mataas na saserdoteng si Eli. (1Sa 14:3; 1Cr 24:3) Pagkamatay ng kaniyang ama at lolo sa iisang araw, posibleng nanungkulan si Ahitub bilang mataas na saserdote. (1Sa 4:17, 18) Ang kaniyang anak, ang mataas na saserdoteng si Ahimelec, ay pinatay sa utos ni Saul.—1Sa 22:9-20.
2. Anak ni Amarias, isang inapo ng anak ni Aaron na si Eleazar. (1Cr 6:3-8) Walang mababasa sa Kasulatan na gumanap si Ahitub bilang mataas na saserdote yamang ang katungkulang ito ay nasa angkan ni Itamar noong panahong iyon. Ang anak ni Ahitub na si Zadok ay naglingkod bilang pangalawahing saserdote, hindi bilang mataas na saserdote, noong panahon ng paghahari ni David, at pagkatapos ay inatasan siyang humalili kay Abiatar bilang mataas na saserdote noong panahon ng paghahari ni Solomon.—2Sa 8:17; 1Cr 18:16; 1Ha 1:8; 2:27.
3. Isa pang saserdote na nagmula kay Ahitub Blg. 2. Isiningit sa mga talaan ng angkan ang pananalitang “isang lider sa bahay ng tunay na Diyos” bilang pagtukoy sa kaniya. (1Cr 9:11; Ne 11:11) Amarias din ang pangalan ng kaniyang ama, at lumilitaw sa 1 Cronica 9:11 at Nehemias 11:11 na ang kaniyang anak ay si Meraiot at ang kaniyang apo ay si Zadok.—1Cr 6:11, 12; Ezr 7:2.