AGUR
Ang anak ni Jakeh at manunulat ng ika-30 kabanata ng aklat ng Mga Kawikaan. (Kaw 30:1) Wala nang iba pang sinabi na pagkakakilanlan sa kaniya. Malamang na nabuhay siya sa loob ng yugtong mula sa paghahari ni Solomon (1037-998 B.C.E.) hanggang sa paghahari ni Hezekias (745-717 B.C.E.).
Ipinapalagay ng ilang rabinikong iskolar na ang pangalang Agur ay isang alegoriya na tumutukoy kay Solomon. Kaya ang talababa sa Kawikaan 30:1 sa Soncino Books of the Bible ay sumisipi sa sinabi ng Midrash: “Tinawag siyang Agur sapagkat siya ay nag-imbak (agar) ng kaalaman sa Torah, at ang anak ni Jakeh sapagkat kaniyang isinuka (hikki) iyon sa dahilang ipinagwalang-bahala niya ang babala laban sa pagpaparami ng asawa.” (Inedit ni A. Cohen, London, 1952) Gayunman, maging ang mga Judiong komentarista ay hindi nagkakaisa sa pangmalas na ito, yamang naniniwala ang marami na ang pagbabago sa istilo, pananalita, at nilalaman ay nagpapahiwatig na iba ang manunulat ng kabanata.